Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 118

Pasasalamat dahil sa Pagtatagumpay

118 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”

Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,
    at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.
Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot.
    Ano ang magagawa ng tao sa akin?
Kasama ko ang Panginoon, siya ang tumutulong sa akin.
    Makikita ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa tao.
Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa mga pinuno.

10 Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
11 Totoong pinaligiran nila ako,
    ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
12 Sinalakay nila ako na parang mga pukyutan,
    ngunit silaʼy napatigil agad na parang sinusunog na dayami na madali lang mapawi ng apoy.
    Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon, silaʼy tinalo ko.
13 Puspusan nila akong sinalakay,
    at halos magtagumpay na sila,
    ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ang aking kalakasan
    at siya ang aking awit.
    Siya ang nagligtas sa akin.

15-16 Naririnig ang masayang sigawan ng mga mamamayan ng Dios sa kanilang mga tolda dahil sa kanilang tagumpay.
    Ang Panginoon ang nagbigay sa kanila ng tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!
    Ang kapangyarihan ng Panginoon ang nagbibigay ng tagumpay!

17 Hindi ako mamamatay, sa halip ay mabubuhay,
    at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon.
18 Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin, hindi niya niloob na akoʼy mamatay.

19 Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.

21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon, dahil sinagot nʼyo ang aking dalangin.
    Kayo ang nagligtas sa akin.

22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito at tunay na kahanga-hanga sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
    Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat ng aming ginagawa.

26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
    Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.

27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
    Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.

28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
    nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.

29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
    ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.

Salmo 145

Awit ng Pagpupuri

145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
    Pupurihin ko kayo magpakailanman.
Pupurihin ko kayo araw-araw,
    at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
    Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
    at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
    at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
    hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
    nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
    pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.

    Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
    at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
    at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
    at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
    at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
    pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
    ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
    Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.

Exodus 3:16-4:12

16 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Lumakad ka at tipunin ang mga tagapamahala ng Israel at sabihin mo sa kanila, ‘Ang Panginoon, ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa akin, at nagsabi na: Binabantayan ko kayo, at nakita ko ang ginagawa ng mga Egipcio sa inyo. 17 Nangako ako na palalabasin ko kayo sa Egipto kung saan naghihirap kayo, at dadalhin sa maganda at masaganang lupain – ang lupain ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo.’

18 “Pakikinggan ka ng mga tagapamahala ng Israel. At pagkatapos, pumunta kayo ng mga tagapamahala ng Israel sa hari ng Egipto, at sabihin sa kanya, ‘Nagpakita sa amin ang Panginoon, ang Dios ng mga Hebreo. Kaya kung maaari, payagan nʼyo kaming umalis ng tatlong araw papunta sa disyerto para maghandog sa Panginoon naming Dios.’ 19 Pero alam kong hindi kayo papayagan ng hari ng Egipto maliban na lang kung mapipilitan siya. 20 Kaya parurusahan ko ang mga Egipcio sa pamamagitan ng mga himalang gagawin ko sa kanila. At pagkatapos noon, papayagan na niya kayong umalis.

21 “Magiging mabuti sa inyo ang mga Egipcio, at pababaunan pa nila kayo sa pag-alis ninyo. 22 Ang mga Israelitang babae ay manghihingi ng mga alahas na pilak at ginto at mga damit sa mga kapitbahay nila na Egipcio at sa mga babaeng bisita nito. At ipapasuot ninyo ang mga bagay na ito sa inyong mga anak. Sa pamamagitan nito, masasamsam ninyo ang mga ari-arian ng mga Egipcio.”

Ang mga Himalang Nagpapakita ng Kapangyarihan ng Dios

Nagtanong si Moises, “Paano po kung hindi maniwala sa akin ang mga Israelita o makinig sa sasabihin ko? Baka sabihin nila na hindi kayo nagpakita sa akin.”

Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Ano iyang hawak mo?”

Sumagot si Moises, “Baston[a] po.”

Sinabi ng Panginoon, “Ihagis mo sa lupa.”

Kaya inihagis ni Moises ang baston at naging ahas ito. Natakot si Moises, kaya napatakbo siya. Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Hulihin mo ito sa buntot.” Kaya hinuli ito ni Moises at muling naging baston. Sinabi ng Panginoon, “Gawin mo ang himalang ito para maniwala sila na ako ang Panginoon, ang Dios ng mga ninuno nilang sina Abraham, Isaac, at Jacob ay nagpakita sa iyo.”

Sinabi pa ng Panginoon, “Ilagay mo ang kamay mo sa loob ng damit mo.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ang kanyang kamay, namuti ito dahil tinubuan ng isang malubhang sakit sa balat.[b]

Sinabi ng Panginoon, “Muli mong ilagay ang kamay mo sa loob ng iyong damit.” Sinunod ito ni Moises, at nang ilabas niya ito, maayos na muli ito katulad ng ibang bahagi ng kanyang katawan.

Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Kung hindi sila maniwala sa unang himala, sa ikalawaʼy maniniwala na sila. Pero kung hindi pa rin sila maniwala sa iyo pagkatapos ng dalawang himala, kumuha ka ng tubig sa Ilog ng Nilo at ibuhos mo ito sa tuyong lupa, at magiging dugo ito.”

10 Sinabi ni Moises, “Panginoon, hindi po ako magaling magsalita. Mula pa man noon, hirap na ako sa pagsasalita, kahit na ngayong nakikipag-usap kayo sa akin. Pautal-utal ako kapag nagsasalita.”

11 Sinabi sa kanya ng Panginoon, “Sino ba ang gumawa ng bibig ng tao? Sino ba ang may kakayahang gawing bingi o pipi? Sino ba ang nagdedesisyon na makakita o mabulag siya? Hindi ba ako, ang Panginoon? 12 Kaya lumakad ka, dahil tutulungan kita sa pagsasalita at ituturo ko sa iyo ang mga sasabihin mo.”

Roma 12

Pamumuhay Bilang Cristiano

12 Kaya nga mga kapatid, nakikiusap ako sa inyo alang-alang sa maraming pagkakataong kinaawaan tayo ng Dios, ibigay ninyo sa kanya ang inyong mga sarili bilang mga handog na buhay, banal at kalugod-lugod sa kanya. Ito ang tunay na pagsamba sa kanya. Huwag ninyong tularan ang mga pag-uugali ng mga tao sa mundong ito. Hayaan ninyong baguhin kayo ng Dios sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong mga isip, para malaman ninyo ang kalooban ng Dios – kung ano ang mabuti, ganap, at kalugod-lugod sa kanyang paningin.

Sa biyayang ipinagkaloob ng Dios sa akin, sinasabi ko sa inyo na huwag ninyong pahalagahan ang inyong sarili ng higit sa nararapat. Sa halip, suriin ninyong mabuti ang inyong kakayahan ayon sa pananampalatayang ibinigay ng Dios sa inyo. Kung paanong ang katawan ay binubuo ng maraming bahagi at ang bawat bahagi ay may kanya-kanyang gawain, ganoon din tayong mga mananampalataya. Kahit na marami tayo, iisang katawan lang tayo kay Cristo, at magkakaugnay tayo sa isaʼt isa. Ibaʼt iba ang kakayahang ibinigay sa atin ng Dios ayon sa kanyang biyaya, kaya gamitin natin ang mga kaloob na iyan. Kung ang kaloob ng isang tao ay pagpapahayag ng salita ng Dios, kailangang ipahayag niya ito ayon sa kanyang pananampalataya. Kung ang kaloob niya ay paglilingkod sa kapwa, maglingkod siya. Kung pagtuturo, magturo siya; kung pagpapayo, magpayo siya nang mabuti; kung pagbibigay, magbigay siya nang maluwag; kung pamumuno, mamuno siya nang buong sikap; at kung pagtulong sa nangangailangan, tumulong siya nang may kagalakan.

Magmahalan kayo nang tapat. Iwasan ninyo ang masama at laging gawin ang mabuti. 10 Magmahalan kayo bilang magkakapatid kay Cristo at maging magalang sa isaʼt isa. 11 Huwag kayong maging tamad kundi magpakasipag at buong pusong maglingkod sa Panginoon. 12 At dahil may pag-asa kayo sa buhay, magalak kayo. Magtiis kayo sa mga paghihirap at laging manalangin. 13 Tulungan ninyo ang mga pinabanal[a] ng Dios na nangangailangan, at patuluyin ninyo sa inyong mga tahanan ang walang matutuluyan. 14 Idalangin ninyo sa Dios na pagpalain ang mga taong umuusig sa inyo. Pagpalain ninyo sila sa halip na sumpain. 15 Makigalak kayo sa mga nagagalak, at makiramay kayo sa mga naghihinagpis. 16 Mamuhay kayo nang mapayapa sa isaʼt isa.[b] Huwag kayong magmataas, sa halip ay makipagkaibigan kayo sa mga taong mababa ang kalagayan. Huwag kayong magmarunong.

17 Huwag ninyong gantihan ng masama ang mga gumagawa sa inyo ng masama. Gawin ninyo ang mabuti sa paningin ng lahat. 18 Hanggaʼt maaari, mamuhay kayo nang mapayapa sa lahat ng tao. 19 Mga minamahal, huwag kayong maghihiganti. Ipaubaya ninyo iyan sa Dios. Sapagkat sinabi ng Panginoon sa Kasulatan, “Ako ang maghihiganti; ako ang magpaparusa.”[c] 20 Kaya, “Kung nagugutom ang iyong kaaway, pakainin mo. Kung siyaʼy nauuhaw, painumin mo. Dahil kapag ginawa mo ang mga ito, mapapahiya siya sa kanyang sarili.”[d] 21 Huwag kayong patatalo sa masama kundi talunin ninyo ang masama sa pamamagitan ng paggawa ng mabuti.

Juan 8:46-59

46 Sino sa inyo ang makakapagsabi na nakagawa ako ng kasalanan? Wala! Bakit ayaw nʼyo akong paniwalaan kung katotohanan ang sinasabi ko? 47 Ang mga anak ng Dios ay nakikinig sa salita ng Dios. Ngunit hindi kayo mga anak ng Dios kaya hindi kayo nakikinig.”

Si Jesus at si Abraham

48 Sinabi ng mga Judio kay Jesus, “Tama nga ang sinabi naming isa kang Samaritano at sinasaniban ng masamang espiritu.” 49 Sumagot si Jesus, “Hindi ako sinasaniban ng masamang espiritu. Pinararangalan ko lang ang aking Ama, ngunit ipinapahiya ninyo ako. 50 Hindi ko hinahangad ang sarili kong karangalan. Ang Ama ang naghahangad na parangalan ako ng mga tao, at siya ang makapagpapasya na tama ang mga sinasabi ko. 51 Sinasabi ko sa inyo ang totoo, ang sinumang sumusunod sa mga aral ko ay hindi mamamatay.” 52 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio, “Sigurado na kami na sinasaniban ka nga ng demonyo. Si Abraham ay namatay at ganoon din ang mga propeta, pero sinasabi mong hindi mamamatay ang sinumang sumusunod sa aral mo. 53 Mas dakila ka pa ba sa ama naming si Abraham? Kahit siya at ang mga propeta ay namatay! Sino ka ba sa akala mo?” 54 Sumagot si Jesus, “Kung ako lang ang magpaparangal sa sarili ko, wala itong saysay. Ngunit ang Ama, na sinasabi nʼyong Dios ninyo, ang siyang magpaparangal sa akin. 55 Hindi nʼyo siya kilala. Ngunit ako, kilala ko siya. Kung sasabihin kong hindi ko siya kilala, magiging sinungaling akong tulad ninyo. Ngunit kilala ko talaga siya at tinutupad ko ang kanyang salita. 56 Natuwa ang ama ninyong si Abraham nang malaman niyang makikita niya ang aking kapanahunan. Nakita nga niya ito, at natuwa siya.” 57 Sinabi ng mga pinuno ng mga Judio sa kanya, “Wala ka pang 50 taon, paano mo nasabing nakita mo na si Abraham?” 58 Sumagot si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo ang totoo, bago pa ipanganak si Abraham, nariyan na ako.” 59 Dahil dito, pumulot ng mga bato ang mga tao upang batuhin siya. Pero nakapagtago[a] si Jesus at umalis sa templo.

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®