Book of Common Prayer
33 Nagagawa ng Panginoon ang ilog na maging ilang,
at ang mga bukal na maging tuyong lupa.
34 Nagagawa rin ng Panginoon na walang maani sa matabang lupa,
dahil sa kasamaan ng mga naninirahan doon.
35 Nagagawa rin niya ang ilang na maging tubigan,
at sa mga tuyong lupain ay magkaroon ng mga bukal.
36 Pinapatira niya roon ang mga taong nagugutom,
at nagtatayo sila ng lungsod na kanilang tatahanan.
37 Nagsasabog sila ng binhi sa bukirin at nagtatanim ng ubas,
kaya sagana sila pagdating ng anihan.
38 Silaʼy pinagpapala ng Dios, at pinararami ang kanilang angkan.
Kahit ang kanilang mga alagang hayop ay nadadagdagan.
39 Ngunit dahil sa pang-aapi, kahirapan at pagkabagabag, silaʼy nabawasan at napahiya.
40 Isinusumpa ng Dios ang mga umaapi sa kanila,
at silaʼy ililigaw at gagala sa ilang na walang daan.
41 Ngunit tinulungan niya ang mga dukha sa kanilang kahirapan,
at pinarami ang kanilang sambahayan na parang kawan.
42 Nakita ito ng mga matuwid at silaʼy nagalak,
ngunit tumahimik ang masasama.
43 Ang mga bagay na itoʼy dapat ingatan sa puso ng mga taong marunong,
at dapat din nilang isipin ang dakilang pag-ibig ng Panginoon.
Panalangin para Tulungan ng Dios(A)
108 O Dios, lubusan akong nagtitiwala sa inyo.
Buong puso kitang aawitan ng mga papuri.
2 Gigising ako ng maaga
at ihahanda ko ang alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Panginoon, pupurihin kita sa gitna ng mga bansa.
Akoʼy aawit para sa inyo sa gitna ng inyong mga mamamayan.
4 Dahil napakadakila at walang kapantay ang pag-ibig nʼyo at katapatan.
5 O Dios, ipakita nʼyo ang inyong kapangyarihan sa kalangitan at sa buong mundo.
6 Iligtas nʼyo kami sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan.
Pakinggan nʼyo kami,
upang kaming mga iniibig nʼyo ay maligtas.
7 O Dios, sinabi nʼyo roon sa inyong templo,
“Magtatagumpay ako! Hahatiin ko ang Shekem at ang Lambak ng Sucot,
para ipamigay sa aking mga mamamayan.
8 Sa akin ang Gilead at Manase,
ang Efraim ay gagawin kong tanggulan[a]
at ang Juda ang aking tagapamahala.[b]
9 Ang Moab ang aking utusan[c] at ang Edom ay sa akin din.[d]
Sisigaw ako ng tagumpay laban sa mga Filisteo.”
10 Sinong magdadala sa akin sa Edom
at sa lungsod nito na napapalibutan ng pader?
11 Sino na ang makakatulong, O Dios, ngayong itinakwil nʼyo na kami?
Ni hindi na nga kayo sumasama sa aming mga kawal.
12 Tulungan nʼyo kami laban sa aming mga kaaway,
dahil ang tulong ng tao ay walang kabuluhan.
13 Sa tulong nʼyo, O Dios,
kami ay magtatagumpay
dahil tatalunin nʼyo ang aming mga kaaway.
Awit ng Papuri
33 Kayong mga matuwid,
sumigaw kayo sa galak,
dahil sa ginawa ng Panginoon!
Kayong namumuhay ng tama,
nararapat ninyo siyang purihin!
2 Pasalamatan ninyo ang Panginoon
sa pamamagitan ng mga alpa at mga instrumentong may mga kwerdas.
3 Awitan ninyo siya ng bagong awit.
Tugtugan ninyo siya ng buong husay,
at sumigaw kayo sa tuwa.
4 Ang salita ng Panginoon ay matuwid,
at maaasahan ang kanyang mga gawa.
5 Ninanais ng Panginoon ang katuwiran at katarungan.
Makikita sa buong mundo ang kanyang pagmamahal.
6 Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon,
ang langit ay nalikha;
sa kanyang hininga nagmula ang araw, buwan at mga bituin.
7 Inipon niya ang dagat[a] na parang inilagay sa isang sisidlan.
8 Ang lahat ng tao sa daigdig ay dapat matakot sa Panginoon,
9 dahil nang siyaʼy nagsalita, nalikha ang mundo;
siyaʼy nag-utos at lumitaw ang lahat.
10 Sinisira ng Panginoon ang mga plano ng mga bansang hindi kumikilala sa kanya.
Sinasalungat niya ang kanilang binabalak.
11 Ngunit ang mga plano ng Panginoon ay mananatili magpakailanman,
at ang kanyang mga balak, sa saliʼt saling lahi ay matutupad.
12 Mapalad ang bansa na ang Dios ay ang Panginoon.
At mapalad ang mga taong pinili niya na maging kanya.
13 Mula sa langit ay minamasdan ng Panginoon ang lahat ng tao.
14 Mula sa kanyang luklukan,
tinitingnan niya ang lahat ng narito sa mundo.
15 Siya ang nagbigay ng puso sa mga tao,
at nauunawaan niya ang lahat ng kanilang ginagawa.
16 Hindi nananalo ang isang hari dahil sa dami ng kanyang kawal,
at hindi naman naililigtas ang kawal gamit ang kanyang lakas.
17 Ang mga kabayo ay hindi maaasahan na maipanalo ang digmaan;
hindi sila makapagliligtas sa kabila ng kanilang kalakasan.
18 Ngunit binabantayan ng Panginoon ang mga may takot sa kanya,
sila na nagtitiwala sa kanyang pag-ibig.
19 Silaʼy inililigtas niya sa kamatayan,
at sa panahon ng taggutom, silaʼy kanyang inaalalayan.
20 Tayoʼy naghihintay nang may pagtitiwala sa Panginoon.
Siya ang tumutulong at sa atin ay nagtatanggol.
21 Nagagalak tayo,
dahil tayoʼy nagtitiwala sa kanyang banal na pangalan.
22 Panginoon, sumaamin nawa ang inyong matapat na pag-ibig.
Ang aming pag-asa ay nasa inyo.
23 Pagkalipas ng maraming taon, namatay ang hari ng Egipto. Pero patuloy pa rin ang paghihirap ng mga Israelita sa kanilang pagkaalipin. Humingi sila ng tulong at umabot sa Dios ang kanilang hinaing. 24 Narinig ng Dios ang kanilang hinaing, at inalala niya ang kanyang kasunduan kina Abraham, Isaac, at Jacob. 25 Nakita ng Dios ang kalagayan nila at naawa ang Dios sa kanila.
Ang Pagtawag kay Moises
3 Isang araw, binabantayan ni Moises ang mga hayop ng biyenan niyang si Jetro[a] na pari ng Midian. Dinala ni Moises ang mga hayop malapit sa ilang at nakarating siya sa Horeb,[b] ang bundok ng Dios. 2 Nagpakita sa kanya roon ang anghel ng Panginoon sa anyo ng naglalagablab na apoy sa isang mababang punongkahoy. Nakita ni Moises na naglalagablab ang punongkahoy pero hindi naman nasusunog. 3 Sinabi niya, “Nakapagtataka! Bakit kaya hindi iyon nasusunog? Malapitan nga at nang makita ko.”
4 Nang makita ng Panginoon na papalapit si Moises para tumingin, tinawag siya ng Dios mula sa gitna ng mababang punongkahoy, “Moises, Moises!”
Sumagot si Moises, “Narito po ako.”
5 Sinabi ng Dios, “Huwag ka nang lumapit pa. Tanggalin mo ang iyong sandalyas, dahil banal ang lugar na kinatatayuan mo. 6 Ako ang Dios ng iyong mga ninuno, ang Dios nina Abraham, Isaac, at Jacob.” Nang marinig ito ni Moises, tinakpan niya ang kanyang mukha, dahil natatakot siyang tumingin sa Dios.
7 Pagkatapos, sinabi ng Panginoon, “Nakita ko ang paghihirap ng aking mga mamamayan sa Egipto. Narinig ko ang paghingi nila ng tulong dahil sa sobrang pagmamalupit ng mga namamahala sa kanila, at naaawa ako sa kanila dahil sa kanilang mga paghihirap. 8 Kaya bumaba ako para iligtas sila sa kamay ng mga Egipcio, at para dalhin sila sa mayaman, malawak at masaganang lupain[c] na tinitirhan ngayon ng mga Cananeo, Heteo, Amoreo, Perezeo, Hiveo at mga Jebuseo. 9 Narinig ko ang paghingi ng tulong ng mga Israelita, at nakita ko kung paano sila inalipin ng mga Egipcio. 10 Kaya ipapadala kita sa Faraon para palayain ang mga mamamayan kong Israelita sa Egipto.”
11 Pero sinabi ni Moises sa Dios,
“Sino po ba ako para pumunta sa Faraon at ilabas ang mga Israelita sa Egipto?”
12 Sinabi ng Dios, “Sasamahan kita, at ito ang tanda na ako ang nagpadala sa iyo: Kapag nailabas mo na ang mga Israelita sa Egipto, sasambahin ninyo ako sa bundok na ito.”
13 Sinabi ni Moises sa Dios, “Kung sakali pong pumunta ako ngayon sa mga Israelita at sabihin ko sa kanila na ang Dios ng kanilang mga ninuno ang nagpadala sa akin para iligtas sila, at magtanong sila sa akin, ‘Ano ang pangalan niya?’ Ano po ang isasagot ko sa kanila?”
14 Sumagot ang Dios kay Moises, “Ako nga ang Dios na ganoon pa rin.[d] Ito ang isagot mo sa kanila: ‘Ang Dios na ganoon pa rin ang nagpadala sa akin.’ ”
15 Sinabi pa ng Dios kay Moises, “Sabihin mo ito sa mga Israelita: ‘Ang Panginoon,[e] ang Dios ng inyong mga ninuno na sina Abraham, Isaac, at Jacob, ang nagpadala sa akin sa inyo.’ Kikilalanin ako sa pangalang Panginoon magpakailanman.”
Ang Pag-ibig
13 Kung makapagsalita man ako sa ibaʼt ibang wika ng mga tao at ng mga anghel, ngunit wala naman akong pag-ibig, para lang akong batingaw na umaalingawngaw o pompyang na tumatagingting. 2 Kung may kakayahan man akong maghayag ng mensahe ng Dios, at may pang-unawa sa lahat ng lihim na katotohanan at lahat ng kaalaman, at kung mailipat ko man ang mga bundok sa laki ng aking pananampalataya, ngunit wala naman akong pag-ibig, wala akong kabuluhan. 3 At kahit ipamigay ko man ang lahat ng aking ari-arian at ialay pati aking katawan upang sunugin, kung wala naman akong pag-ibig, wala pa rin akong mapapala.
4 Ang taong may pag-ibig ay mapagtiis, mabait, hindi marunong mainggit, hindi hambog o mapagmataas, 5 hindi bastos ang pag-uugali, hindi makasarili, hindi magagalitin, o mapagtanim ng sama ng loob sa kapwa, 6 hindi natutuwa sa kasamaan, kundi nagagalak sa katotohanan, 7 matiyaga, laging nagtitiwala, laging may pag-asa, at tinitiis ang lahat.
8 May katapusan ang pagpapahayag ng mensahe ng Dios at ang pagsasalita sa ibang wika na hindi natutunan, ganoon din ang pagpapahayag ng kaalaman tungkol sa Dios, ngunit ang pag-ibig ay walang hangganan. 9 Hindi pa ganap ang ating kaalaman, ganoon din ang pagpapahayag natin ng mensahe ng Dios. 10 Ngunit pagdating ng araw na magiging ganap ang lahat, mawawala na ang anumang hindi ganap.
11 Noong bata pa ako, ang aking pagsasalita, pag-iisip at pangangatwiran ay tulad ng sa bata. Ngunit ngayong akoʼy mayroon nang sapat na gulang, iniwan ko na ang mga ugaling bata. 12 Sa ngayon, para tayong nakatingin sa malabong salamin. Ngunit darating ang araw na magiging malinaw ang lahat sa atin. Bahagya lamang ang ating nalalaman sa ngayon; ngunit darating ang araw na malalaman natin ang lahat, tulad ng pagkakaalam ng Dios sa atin.
13 Tatlong bagay ang nananatili: ang pagtitiwala, pag-asa, at pag-ibig. Ngunit ang pinakadakila sa mga ito ay ang pag-ibig.
Pinagaling ni Jesus ang Batang Sinasaniban ng Masamang Espiritu(A)
14 Pagdating nina Jesus sa kinaroroonan ng iba pa niyang mga tagasunod na naiwan, nakita nila na maraming tao ang nagtitipon doon. Naroon din ang ilang tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa mga tagasunod ni Jesus. 15 Nabigla ang mga tao nang makita nila si Jesus, at patakbo silang lumapit at bumati sa kanya. 16 Tinanong ni Jesus ang mga tagasunod niya, “Ano ang pinagtatalunan ninyo?” 17 May isang lalaki roon na sumagot, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang anak kong lalaki dahil sinasaniban siya ng masamang espiritu at hindi na makapagsalita. 18 Kapag sinasaniban siya ng masamang espiritu, natutumba siya, bumubula ang bibig, nagngangalit ang mga ngipin, at pagkatapos ay naninigas ang katawan niya. Nakiusap ako sa mga tagasunod nʼyo na palayasin ang masamang espiritu, pero hindi po nila kaya.” 19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kayong henerasyon ng mga walang pananampalataya! Hanggang kailan ba ako magtitiis sa inyo? Dalhin nʼyo rito ang bata!” 20 Kaya dinala nila ang bata kay Jesus. Pero nang makita ng masamang espiritu si Jesus, pinangisay niya ang bata, itinumba, at pinagulong-gulong sa lupa na bumubula ang bibig. 21 Tinanong ni Jesus ang ama ng bata, “Kailan pa siya nagkaganyan?” Sumagot ang ama, “Mula pa po sa pagkabata. 22 Madalas siyang itinutumba ng masamang espiritu sa apoy o sa tubig para patayin. Kaya maawa po kayo sa amin; kung may magagawa kayo, tulungan nʼyo po kami!” 23 Sinagot siya ni Jesus, “Bakit mo sinabing kung may magagawa ako? Ang lahat ng bagay ay magagawa ko sa taong sumasampalataya sa akin!” 24 Sumagot agad ang ama ng bata, “Sumasampalataya po ako, pero kulang pa. Dagdagan nʼyo po ang pananampalataya ko!”
25 Nang makita ni Jesus na dumarami ang taong paparating sa kanya, sinaway niya ang masamang espiritu, at sinabi, “Ikaw na espiritung nagpapapipi at nagpapabingi sa batang ito, inuutusan kitang lumabas sa kanya! At huwag ka nang babalik sa kanya!” 26 Sumigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata, at saka lumabas. Naging parang patay ang bata, kaya sinabi ng karamihan, “Patay na siya!” 27 Pero hinawakan ni Jesus ang kamay ng bata at itinayo, at tumayo ang bata.
28 Nang pumasok na sina Jesus sa bahay na tinutuluyan nila, tinanong siya ng mga tagasunod niya nang sila-sila lang, “Bakit hindi po namin mapalayas ang masamang espiritu?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Ang ganoong uri ng masamang espiritu ay mapapalayas lang sa pamamagitan ng panalangin.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®