Book of Common Prayer
Papuri sa Templo ng Dios
132 Panginoon, huwag nʼyong kalilimutan si David at ang lahat ng paghihirap na kanyang tiniis.
2 Alalahanin nʼyo ang pangako niya sa inyo Panginoon, kayo na Makapangyarihang Dios ni Jacob.
Ipinangako niya,
3 “Hindi ako uuwi o mahihiga man sa aking higaan
4 o matulog
5 hanggaʼt hindi ako nakakakita ng lugar na matitirhan ng Panginoon, ang Makapangyarihang Dios ni Jacob.”
6 Nang kami ay nasa Efrata nabalitaan namin kung nasaan ang Kaban ng Kasunduan,
at natagpuan namin ito sa kapatagan ng Jaar.
7 Sinabi namin, “Pumunta tayo sa tirahan ng Panginoon, at sumamba tayo sa kanya sa harap ng kanyang trono.”
8 Sige na po Panginoon, pumunta na kayo sa inyong templo kasama ng Kaban ng Kasunduan na sagisag ng inyong kapangyarihan.
9 Sanaʼy palaging mamuhay ng matuwid ang inyong mga pari,
at umawit nang may kagalakan ang inyong mga tapat na mamamayan.
10 Alang-alang kay David na inyong lingkod,
huwag nʼyong itatakwil ang haring inyong hinirang.
11 Nangako kayo noon kay David,
at itoʼy tiyak na inyong tutuparin at hindi babawiin.
Sinabi nʼyo, “Isa sa iyong angkan ang papalit sa iyo bilang hari.
12 At kung ang mga hari na nagmula sa iyong angkan ay susunod sa aking kasunduan at mga turo sa kanila,
ang kanilang mga anak ay maghahari rin magpakailanman.”
13 Hinangad at pinili ng Panginoon ang Zion na maging tahanan niya.
Sinabi niya,
14 “Ito ang aking tirahan magpakailanman;
dito ako maninirahan dahil ito ang nais ko.
15 Bibigyan ko ang Zion ng lahat niyang pangangailangan,
at kahit ang mga mamamayan niyang dukha ay bubusugin ko ng pagkain.
16 Ililigtas ko ang kanyang mga pari,
at ang kanyang tapat na mamamayan ay aawit sa kagalakan.
17 “Paghahariin ko sa Zion, ang haring mula sa angkan ni David,
at gagawin ko siyang parang ilawang pumapatnubay sa mga tao.
18 Hihiyain ko ang kanyang mga kaaway, ngunit pauunlarin ko ang kaharian niya.”
Ang Kabutihan ng Panginoon
7 Ihahayag ko ang pag-ibig ng Panginoon. Pupurihin ko siya sa lahat ng kanyang ginawa sa atin. Napakarami ng ginawa niya sa atin na mga mamamayan ng Israel dahil sa laki ng kanyang awa at pag-ibig.
8 Sinabi ng Panginoon, “Totoo ngang sila ang aking mga mamamayan, silaʼy mga anak kong hindi magtataksil sa akin.” Kung kaya, iniligtas niya sila. 9 Sa lahat ng kanilang pagdadalamhati, nagdalamhati rin siya, at iniligtas niya sila sa pamamagitan ng anghel na nagpahayag ng kanyang presensya. Dahil sa pag-ibig niyaʼt awa, iniligtas niya sila. Noong una pa man, inalagaan niya sila sa lahat ng araw. 10 Pero nagrebelde sila at pinalungkot nila ang Banal niyang Espiritu. Kung kaya, kinalaban sila ng Panginoon, at silaʼy naging kaaway niya. 11 Pero sa huli naalala nila ang mga lumipas na panahon, noong pinalabas ni Moises ang mga mamamayan niya sa Egipto. Nagtanong sila, “Nasaan na ang Panginoon na nagpatawid sa atin[a] sa dagat kasama ng ating pinunong si Moises na parang isang pastol ng mga tupa? Nasaan na ang Panginoon na nagpadala sa atin ng kanyang Espiritu? 12 Nasaan na ang Panginoon na nagbigay ng kapangyarihan kay Moises, at naghati ng dagat sa ating harapan, para matanyag siya magpakailanman? 13 Nasaan na siya na gumabay sa atin nang tumawid tayo sa dagat? Ni hindi tayo natisod katulad ng mga kabayong dumadaan sa malinis na lugar. 14 Binigyan tayo ng Espiritu ng Panginoon ng kapahingahan, katulad ng mga bakang pumupunta sa pastulan sa kapatagan.”
Panginoon, pinatnubayan nʼyo po kami na inyong mga mamamayan para parangalan kayo. 15 Tingnan nʼyo po kami mula sa langit, na siyang iyong banal at dakilang tahanan. Nasaan na ang inyong pagmamalasakit sa amin, at ang inyong kapangyarihan na ipinakita noon sa amin? Nasaan na ang inyong pag-ibig at awa sa amin? 16 Sapagkat kayo ang aming Ama, kahit na hindi kami kilalanin ni Abraham at ni Jacob[b] na kanilang lahi. Totoo, Panginoon, kayo ang aming Ama, ang aming Tagapagligtas mula pa noon.
Ang Pagkapanganak kay Jesu-Cristo(A)
18 Ganito ang pangyayari sa pagkapanganak kay Jesu-Cristo: Si Maria na kanyang ina ay nakatakdang ikasal kay Jose. Pero bago pa sila ikasal, nalaman ni Maria na buntis siya sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 19 Si Jose na magiging asawa niya ay isang matuwid na tao at ayaw nitong malagay sa kahihiyan si Maria, kaya ipinasya niyang hiwalayan na lang si Maria nang palihim. 20 Habang pinag-iisipan ito ni Jose, nagpakita sa kanya sa panaginip ang isang anghel ng Panginoon at nagsabi, “Jose, na mula sa angkan ni David, huwag kang matakot na pakasalan si Maria dahil ang pagbubuntis niyaʼy sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. 21 Manganganak siya ng isang lalaki at papangalanan mo siyang Jesus,[a] dahil ililigtas niya ang kanyang bayan sa kanilang mga kasalanan.” 22 Nangyari ang lahat ng ito upang matupad ang sinabi ng Panginoon sa pamamagitan ng propeta, 23 “Magbubuntis ang isang birhen[b] at manganganak ng isang lalaki. Tatawagin siyang Emmanuel”[c] (na ang ibig sabihin, “Kasama natin ang Dios”). 24 Nang magising si Jose, sinunod niya ang sinabi ng anghel at pinakasalan niya si Maria. 25 Pero hindi siya sumiping kay Maria hanggang sa maipanganak nito ang sanggol. Nang manganak na si Maria, pinangalanan ni Jose ang sanggol ng Jesus.
Ang Kabutihan ng Dios
34 Pupurihin ko ang Panginoon sa lahat ng oras.
Ang aking bibig ay hindi titigil sa pagpupuri sa kanya.
2 Ipagmamalaki ko ang gawa ng Panginoon;
maririnig ito ng mga api at silaʼy magagalak.
3 Halikayo! Ipahayag natin ang kadakilaan ng Panginoon,
at itaas natin ang kanyang pangalan.
4 Akoʼy nanalangin sa Panginoon at akoʼy kanyang sinagot.
Pinalaya niya ako sa lahat ng aking takot.
5 Ang mga umaasa sa kanya ay nagniningning ang mata sa kaligayahan,
at walang bahid ng hiya sa kanilang mukha.
6 Noong wala na akong pag-asa, tumawag ako sa Panginoon.
Akoʼy kanyang pinakinggan at iniligtas sa lahat ng mga dinaranas kong kahirapan.
7 Ang anghel ng Panginoon ay nagbabantay sa mga may takot sa Dios,
at ipinagtatanggol niya sila.
8 Subukan ninyo at inyong makikita,
kung gaano kabuti ang Panginoon.
Napakapalad ng taong naghahanap ng kaligtasan[a] sa kanya!
9 Kayong mga hinirang ng Panginoon,
matakot kayo sa kanya,
dahil ang may takot sa kanya ay hindi kukulangin sa lahat ng pangangailangan.
10 Kahit mga leon ay kukulangin sa pagkain at magugutom,
ngunit hindi kukulangin ng mabubuting bagay ang mga nagtitiwala sa Panginoon.
11 Lumapit kayo, kayong gustong matuto sa akin.
Pakinggan ninyo ako at tuturuan ko kayo ng pagkatakot sa Panginoon.
12 Kung nais ninyo ng masaya at mahabang buhay,
13 iwasan ninyo ang masamang pananalita at pagsisinungaling.
14 Lumayo kayo sa masama at gawin ninyo ang mabuti.
Pagsikapan ninyong kamtin ang kapayapaan.
15 Iniingatan ng Panginoon ang mga matuwid,
at pinakikinggan niya ang kanilang mga karaingan.
16 Ngunit kinakalaban ng Panginoon ang mga gumagawa ng masama.
Silaʼy kanyang nililipol hanggang sa hindi na sila maalala ng mga tao sa mundo.
17 Tinutugon ng Panginoon ang panalangin ng mga matuwid,
at inililigtas sila sa lahat ng mga suliranin.
18 Malapit ang Panginoon sa mga may bagbag na puso,
at tinutulungan niya ang mga nawawalan ng pag-asa.
19 Marami ang paghihirap ng mga matuwid,
ngunit inililigtas sila ng Panginoon sa lahat ng ito.
20 Silaʼy iniingatan ng Panginoon,
at kahit isang buto nilaʼy hindi mababali.
21 Ang masamang tao ay papatayin ng kanyang kasamaan.
At silang nagagalit sa taong matuwid ay parurusahan ng Dios.
22 Ngunit ililigtas ng Panginoon ang kanyang mga lingkod,
at hindi parurusahan ang isa man sa mga naghahanap ng kaligtasan sa kanya.
Ang Pag-ibig ni Cristo
14 Tuwing naaalala ko ang plano ng Dios, lumuluhod ako sa pagsamba sa kanya. 15 Siya ang Ama ng mga nasa langit at nasa lupa na itinuturing niya na kanyang buong pamilya. 16 Ipinapanalangin ko na sa kadakilaan ng kapangyarihan niya ay palakasin niya ang espiritwal nʼyong pamumuhay sa pamamagitan ng kanyang Espiritu 17 para manahan si Cristo sa mga puso nʼyo dahil sa inyong pananampalataya. Ipinapanalangin ko rin na maging matibay kayo at matatag sa pag-ibig ng Dios, 18-19 para maunawaan nʼyo at ng iba pang mga pinabanal[a] kung gaano kalawak, at kahaba, at kataas, at kalalim ang pag-ibig ni Cristo sa atin. Maranasan nʼyo sana ito, kahit hindi ito lubusang maunawaan, para maging ganap sa inyo ang katangian ng Dios. 20 Purihin natin ang Dios na makakagawa ng higit pa sa hinihingi o inaasahan natin sa pamamagitan ng kapangyarihan niyang kumikilos sa atin. 21 Purihin natin siya magpakailanman dahil sa mga ginawa niya para sa iglesya na nakay Cristo Jesus. Amen.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®