Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 89

Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa

Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.

89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
    ang katapatan mo'y laging sasambitin.
Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
    sintatag ng langit ang iyong katapatan.

Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
    at ito ang iyong pangakong iniwan:
“Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
    ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]

Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
    ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
    Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
    may banal na takot sa iyo at paggalang.

O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
    Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
    alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
    lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
    ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
    Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
    ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
    saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
    ang pamamahala mong ginagampanan.

15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
    at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
    ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
    dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
    ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.

Ang Pangako ng Diyos kay David

19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
    sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
    “Aking pinutungan ang isang dakila,
    na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(C) piniling lingkod na ito'y si David,
    aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
    at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
    ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
    silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
    at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
    dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
    tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(D) ko siyang panganay at hari,
    pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
    at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
    sintatag ng langit yaong kaharian.

30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
    at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
    at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
    sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
    ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
    ni isang pangako'y di ko babawiin.

35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
    kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
    hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
    matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[c]

Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari

38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
    ay itinakwil mo at kinagalitan;
39 binawi mo pati yaong iyong tipan,
    ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
    mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
    ang ari-arian niya'y kinukuha;
    bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
    tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
    binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
    inalis sa kanya't iyong ibinagsak.

45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
    sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)[d]

Panalangin Upang Iligtas ng Diyos

46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
    Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
    papanaw na lahat silang nilikha mo.
48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
    Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)[e]

49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
    Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
    ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51 Ganito tinuya ng iyong kaaway
    ang piniling haring saan ma'y inuyam.

52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!

    Amen! Amen!

Mga Bilang 16:1-19

Ang Paghihimagsik nina Korah, Datan at Abiram

16 Naghimagsik(A) (B) laban kay Moises si Korah na anak ni Izar at apo ni Kohat na anak ni Levi. Kasama niya sa paghihimagsik na ito sina Datan at Abiram na mga anak ni Eliab, at si On na anak ni Pelet na pawang buhat sa lipi ni Ruben. May kasama pa silang 250 katao na pawang kilala sa bayan at mga pinuno ng kapulungan. Hinarap nila sina Moises at Aaron at sinabi, “Sobra na 'yang ginagawa ninyo! Lahat ng nasa kapulungang ito ay nakalaan kay Yahweh at siya ay nasa kalagitnaan natin! Bakit itinataas ninyo ang inyong sarili higit pa sa kapulungang ito?”

Nang marinig ito ni Moises, nagpatirapa siya sa lupa. Sinabi niya kina Korah, “Bukas ng umaga, ipapakita sa inyo ni Yahweh kung sino ang tunay na nakalaan sa kanya at kung sino lamang ang maaaring lumapit sa kanya. Ang makakalapit lamang sa kanya ay ang kanyang pinili.” At sinabi niya kina Korah, “Ganito ang gawin ninyo: Kumuha kayo ng lalagyan ng insenso bukas, at lagyan ninyo ito ng baga sa harapan ni Yahweh, saka lagyan ng insenso. Kung sino ang tunay na nakalaan kay Yahweh ang siyang pipiliin niya. Kayong mga Levita ay sumosobra na.”

Sinabi rin ni Moises sa kanila, “Makinig kayong mga Levita! Hindi pa ba kayo nasisiyahan na kayo'y pinili ni Yahweh upang maglingkod sa kanya sa tabernakulo upang paglingkuran ang bayang Israel? 10 Kayong mga Levita'y ibinukod na ni Yahweh upang maglingkod sa harapan niya, bakit nais ninyong agawin pati ang pagiging pari? 11 Dahil sa hangad ninyong iyan ay naghihimagsik kayo laban kay Yahweh. Sino ba si Aaron upang inyong paghimagsikan?”

12 Ipinatawag ni Moises sina Datan at Abiram na anak ni Eliab ngunit sinabi nila, “Ayaw namin! 13 Hindi pa ba sapat sa iyo na inalis mo kami sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay upang patayin ng gutom dito sa ilang? Bakit gusto mo pang ikaw ay kilalanin naming pinuno? 14 Hanggang ngayo'y hindi mo pa kami nadadala sa lupaing mayaman at sagana sa lahat ng bagay, ni nabibigyan ng bukirin at ubasan na aming mana. Akala mo ba'y malilinlang mo pa kami? Hindi kami pupunta!”

15 Dahil dito, nagalit nang husto si Moises at sinabi kay Yahweh, “Huwag mo po sanang tanggapin ang handog ng mga taong ito. Wala akong kinuha sa kanila kahit isang asno man lang. Wala rin akong ginawang masama ni isa man sa kanila.”

16 Pagkatapos, sinabi ni Moises kay Korah, “Humarap kayo bukas kay Yahweh: ikaw, pati ang mga kasamahan mo. Pupunta rin doon si Aaron. 17 Kayo ng mga kasama mo ay magdala ng tig-iisang lalagyan ng insenso, at magsunog kayo ng insenso sa harapan ni Yahweh. Ganoon din ang gagawin ni Aaron.”

18 Kinabukasan, nagdala nga sila ng insenso at lalagyan nito. Pumunta sila sa may pintuan ng Toldang Tipanan, kasama sina Moises at Aaron. 19 Si Korah at ang kanyang mga kasamahan ay tumayo sa harap ng Toldang Tipanan at tinipon nila doon ang buong bayan sa harap nina Moises at Aaron. Walang anu-ano'y nagningning ang kaluwalhatian ni Yahweh sa harap ng buong bayan.

Roma 3:21-31

Ang Pagpapawalang-sala ng Diyos sa Tao

21 Ngunit ngayo'y nahayag na kung paano ginagawang matuwid ng Diyos ang tao. Ito'y hindi sa pamamagitan ng Kautusan; bagaman ang Kautusan at ang mga Propeta ang nagpapatotoo tungkol dito. 22 Ginagawang matuwid ng Diyos ang lahat sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya kay Jesu-Cristo. Walang pagkakaiba ang mga tao, 23 sapagkat ang lahat ay nagkasala, at walang sinumang nakaabot sa kaluwalhatian ng Diyos. 24 Ngunit dahil sa kanyang kagandahang-loob na walang bayad niyang ibinigay, sila ay itinuring na matuwid sa pamamagitan ni Cristo Jesus na siyang nagpapalaya sa kanila. 25 Siya ang inialay ng Diyos bilang handog, upang sa pamamagitan ng kanyang dugo ay mapatawad ang kasalanan ng lahat ng sumasampalataya sa kanya. Ginawa ito ng Diyos upang patunayang siya'y matuwid, sapagkat noong unang panahon ay nagtimpi siya at pinagtiisan ang mga kasalanang nagawa ng mga tao. 26 Ngunit ngayon ay ipinapakita ng Diyos na siya'y matuwid at itinuturing niyang matuwid ang mga sumasampalataya kay Jesus.

27 Kaya't ano ngayon ang ating maipagmamalaki? Wala! At bakit naman tayo magmamalaki? Dahil ba sa ating pagsunod sa Kautusan? Hindi! Kundi dahil sa ating pananampalataya kay Cristo. 28 Kung gayon, maliwanag na sa pamamagitan ng pananampalataya itinuturing na matuwid ang tao, at hindi sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan. 29 Ang Diyos ba'y Diyos lamang ng mga Judio? Hindi ba't Diyos din siya ng mga Hentil? Oo, siya'y Diyos din ng mga Hentil, 30 sapagkat(A) iisa lamang ang Diyos. Kapwa niya ituturing na matuwid ang mga Judio at mga Hentil batay sa kanilang pananampalataya. 31 Pinapawalang-saysay ba namin ang Kautusan dahil sa pananampalatayang ito? Hinding-hindi! Sa halip, pinapagtibay pa nga namin ito.

Mateo 19:13-22

Ipinanalangin ni Jesus ang mga Bata(A)

13 May nagdala ng mga bata kay Jesus upang ipatong niya sa mga ito ang kanyang kamay at sila'y ipanalangin. Ngunit pinagalitan sila ng mga alagad. 14 Sinabi ni Jesus, “Hayaan ninyong lumapit sa akin ang mga bata. Huwag ninyo silang pagbawalan sapagkat ang mga katulad nila ang mapapabilang sa kaharian ng langit.” 15 Ipinatong nga niya sa mga bata ang kanyang kamay, at pagkatapos, siya'y umalis.

Ang Binatang Mayaman(B)

16 May isa namang lalaking lumapit kay Jesus at nagtanong, “Guro, anong mabuting bagay ang dapat kong gawin upang makamtan ko ang buhay na walang hanggan?”

17 Sumagot si Jesus, “Bakit mo ako tinatanong kung ano ang mabuti? Iisa lang ang mabuti. Ngunit kung nais mong magkamit ng buhay na walang hanggan, sundin mo ang mga utos ng Diyos.”

18 “Alin(C) sa mga iyon?” tanong niya.

Sumagot si Jesus, “Huwag kang papatay; huwag kang mangangalunya; huwag kang magnanakaw; huwag kang sasaksi nang walang katotohanan; 19 igalang(D) mo ang iyong ama at ina; at ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.”

20 Sinabi ng binata, “Sinunod ko na po ang lahat ng iyan. Ano pa po ang dapat kong gawin?”

21 Sumagot si Jesus, “Kung ibig mong maging ganap, ipagbili mo ang lahat ng iyong ari-arian at ipamahagi sa mga mahihirap. At magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. Pagkatapos, bumalik ka at sumunod ka sa akin.” 22 Pagkarinig nito, malungkot na umalis ang binata sapagkat siya'y napakayaman.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.