Book of Common Prayer
Ang Dakilang Hari
Awit ni David.
24 Ang(A) buong daigdig at ang lahat ng naroon,
ang may-ari'y si Yahweh na ating Panginoon.
2 Itinayo niya ang daigdig sa ibabaw ng karagatan,
inilagay ang pundasyon sa mga tubig sa kalaliman.
3 Sa burol ni Yahweh, sinong nararapat umahon?
Sa banal niyang Templo, sinong dapat pumaroon?
4 Ang(B) taong malinis ang buhay pati ang isipan,
hindi sumasamba sa mga diyus-diyosan;
at hindi sumusumpa ng kasinungalingan.
5 Bibigyan siya ni Yahweh ng pagpapala't kaligtasan,
ipahahayag siya ng Diyos na walang kasalanan.
6 Ganoon ang mga taong lumalapit sa Diyos,
silang dumudulog sa Diyos ni Jacob. (Selah)[a]
7 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
8 Sino ba itong dakilang hari?
Siya si Yahweh na malakas at makapangyarihan,
si Yahweh, matagumpay sa labanan.
9 Buksan n'yong mabuti ang mga tarangkahan,
buksan ninyo pati mga lumang pintuan,
at ang dakilang hari'y papasok at daraan.
10 Sino ba itong dakilang hari?
Ang makapangyarihang si Yahweh, siya ang dakilang hari! (Selah)[b]
Ang Tinig ni Yahweh sa Gitna ng Unos
Awit ni David.
29 Purihin(A) ninyo si Yahweh, mga nilikha sa kalangitan,
kilalanin ang kanyang lakas at kanyang kaluwalhatian.
2 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan,
sambahin si Yahweh sa banal na kaayusan.
3 Tinig ni Yahweh'y naririnig sa ibabaw ng dagat,
ang dakilang Diyos ay nagpapakidlat,
umaalingawngaw at naririnig ng lahat.
4 Tinig ni Yahweh'y makapangyarihan,
at punung-puno ng kadakilaan.
5 Maging mga punong sedar ng Lebanon,
sa tinig ni Yahweh, mawawasak ang mga iyon.
6 Parang guyang pinalulundag niya ang mga bundok ng Lebanon,
parang torong pinalulukso niya ang Bundok Hermon.
7 Dahil sa tinig ni Yahweh, kidlat ay gumuguhit.
8 Kapag siya'y nagsalita, disyerto'y nayayanig;
inuuga niya pati ang ilang ng Kades.
9 Sa tinig ni Yahweh, mga usa'y napapaanak,
at nakakalbo pati ang mga gubat,
lahat ng nasa Templo'y sumisigaw, “Ang Diyos ay papurihan!”
10 Si Yahweh'y naghahari sa mga kalaliman,
nakaupo sa trono, bilang hari kailanman.
11 Si Yahweh ang nagbibigay-lakas sa kanyang bayan,
at pinagpapala sila ng mapayapang buhay.
Kaluwalhatian ng Diyos at Dignidad ng Tao
Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Gittith.[a]
8 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Iyong papuri'y abot sa langit!
2 Pinupuri(A) ka ng mga bata't bagong silang,
ikaw ay nagtayo ng isang tanggulan,
kaya't natahimik ang lahat ng iyong kaaway.
3 Pinagmasdan ko ang langit na gawa ng iyong kamay,
pati ang buwan at mga bituin na iyong inilagay.
4 Ano(B) ba ang tao upang iyong pahalagahan;
o ang anak ng tao upang iyong pangalagaan?
5 Nilikha(C) mo siyang mababa sa iyo[b] nang kaunti,
pinuspos mo siya ng dangal at ng luwalhati.
6 Ginawa(D) mo siyang pinuno ng lahat ng iyong nilikha,
sa lahat ng mga bagay, siya ang iyong pinamahala:
7 mga tupa at kawan pati na ang mababangis,
8 lahat ng ibong lumilipad, at mga isda sa karagatan,
at lahat ng nilikhang nasa karagatan.
9 O Yahweh, na aming Panginoon,
sa buong mundo'y tunay kang dakila!
Awit ng Pananabik sa Tahanan ng Diyos
Isang Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith.[a]
84 Mahal ko ang iyong templo, O Makapangyarihang Yahweh!
2 Nasasabik ang lingkod mo na sa templo ay pumasok.
Ang buo kong pagkatao'y umaawit na may lugod,
sa masayang pag-awit ko pinupuri'y buháy na Diyos.
3 Panginoon, sa templo mo, mga maya'y nagpupugad,
maging ibong layang-layang sa templo mo'y nagagalak,
may inakay na kalinga sa tabi ng iyong altar;
O Yahweh, hari namin at Diyos na walang hanggan.
4 Mapalad na masasabi, silang doo'y tumatahan
at palaging umaawit, nagpupuring walang hanggan. (Selah)[b]
5 Ang sa iyo umaasa'y masasabing mapalad din,
silang mga naghahangad, sa Zion ay makarating.
6 Habang sila'y naglalakbay sa tigang na kapatagan,
tuyong lupa'y binabaha sa maagap na pag-ulan.
7 Habang sila'y lumalakad, lalo silang lumalakas,
batid nilang nasa Zion ang Diyos nilang hinahanap.
8 Dinggin mo ang dalangin ko, O Yahweh, Makapangyarihang Diyos,
O ikaw na Diyos ni Jacob, dinggin mo ang iyong lingkod. (Selah)[c]
9 Basbasan mo, aming Diyos, itong hari naming mahal,
pagpalain mo po siya pagkat ikaw ang humirang.
10 Kahit isang araw lamang, mas gusto ko sa templo mo,
kaysa isang libong araw na iba ang tahanan ko.
Gusto ko pang maging bantay sa pinto ng iyong templo,
kaysa ako'y tumira sa bahay ng mga palalo.
11 Pagkat ang Panginoong Yahweh, pag-asa at sanggalang,
kami'y pinagpapala mo sa pag-ibig mo at dangal.
Hindi siya nagkakait ng mabuting mga bagay
sa sinumang ang gawain ay matuwid at marangal.
12 O Yahweh, ang Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
ang magtiwala sa iyo'y masasabing mapalad!
Walang Kabuluhan ang Kayamanan
6 Narito ang isang kawalan ng katarungan na nagaganap sa mundo: 2 Isang tao na binigyan ng Diyos ng malaking kayamanan, maraming ari-arian, at karangalan. Sa kasawiang-palad, hindi niloob ng Diyos na tamasahin niya ang kasiyahang dulot ng mga bagay na ito; bagkus ay iba ang nakinabang. Ito man ay walang kabuluhan[a] at nagdudulot lamang ng sama ng loob. 3 Mabuti pang di hamak ang sanggol na ipinanganak na patay kaysa isang taong nagkaanak ng 100 at nabuhay nang matagal ngunit hindi naranasan ang maging masaya at hindi pinarangalan nang siya ay ilibing. 4 Wala ring kabuluhang[b] matatamo ang isang sanggol kahit siya ipanganak sapagkat mamamatay din siya at malilimutan. 5 Hindi nito nakita ang araw ni natikman ang mabuhay, ngunit mayroon naman siyang ganap na kapayapaan. 6 Kaya mabuti pa siya nang hindi hamak kaysa isang taong nabuhay nang 2,000 taon ngunit di nakaranas ng kasiyahan. Hindi ba't iisa lang ang uuwian ng lahat?
7 Nagpapakapagod ang tao para sa kanyang tiyan ngunit kailanma'y di siya nagkaroon ng kasiyahan. 8 Ano ang kahigtan ng matalino sa mangmang? Ano ang mapapala ng isang mahirap kahit malaman niya ang pasikut-sikot ng buhay? 9 Mabuti pa ay masiyahan sa anumang kalagayan kaysa mangarap nang di naman makakamtan. Ito man ay walang kabuluhan,[c] tulad ng paghahabol sa hangin.
10 Lahat ng nangyayari sa daigdig ay alam na noong una pa, at ang tao'y di makapananaig laban sa kapangyarihang higit sa kanya. 11 Habang humahaba ang pagtatalo, lalo lang nawawalan ng kabuluhan; kaya paano masasabing nakahihigit ang isang tao sa kapwa? 12 Sino ang nakaaalam kung ano ang mabuti sa taong nabubuhay sa maikling panahon at pagkatapos ay mawawalang tulad ng anino? Sino ang makakapagsabi kung ano ang mangyayari pagkamatay niya?
9 Kinabukasan,(A) samantalang naglalakbay at malapit na sa Joppa ang mga inutusan ni Cornelio, si Pedro nama'y umakyat sa bubungan[a] upang manalangin. Bandang tanghali na noon. 10 Siya'y nagutom at gusto na niyang kumain. Ngunit habang naghihintay siyang maihanda ang pagkain, nagkaroon siya ng isang pangitain. 11 Nabuksan ang langit at nakita niyang ibinababâ sa lupa ang isang parang malaking kumot na nakabitin sa apat na sulok. 12 Naroon sa kumot ang lahat ng uri ng hayop, mga lumalakad, gumagapang, at lumilipad. 13 Narinig niya ang isang tinig, “Pedro! Tumindig ka, magkatay ka at kumain.”
14 Ngunit sumagot si Pedro, “Hindi ko po magagawa iyan, Panginoon! Kailanma'y hindi ako kumain ng anumang marumi o di karapat-dapat kainin.”
15 Muli niyang narinig ang tinig, “Huwag mong ituring na marumi ang nilinis na ng Diyos.” 16 Tatlong ulit na nangyari ito, at pagkatapos ay kaagad na iniakyat sa langit ang kumot na iyon.
17 Habang pinag-iisipan ni Pedro kung ano ang kahulugan ng pangitaing iyon, dumating naman ang mga isinugo ni Cornelio. Ipinagtanong nila ang bahay ni Simon at noon ay nasa may pintuan na sila.
Ang Kahulugan ng Pangitain
18 Itinanong nila kung doon nga nanunuluyan si Simon na tinatawag ding Pedro. 19 Pinag-iisipan pa ni Pedro ang kahulugan ng pangitain nang sabihin sa kanya ng Espiritu, “Tingnan mo, may tatlong[b] lalaking naghahanap sa iyo sa ibaba. 20 Bumabâ ka't huwag mag-atubiling sumama sa kanila dahil ako ang nagsugo sa kanila.”
21 Nanaog nga si Pedro at sinabi sa mga tao, “Ako ang hinahanap ninyo. Ano ba ang sadya ninyo?”
22 Sumagot ang mga lalaki, “Pinapunta po kami dito ni Cornelio, isang kapitan ng hukbo. Siya'y isang mabuting tao, may takot sa Diyos, at iginagalang ng mga Judio. Sinabi sa kanya ng isang anghel na ipasundo kayo upang marinig niya ang sasabihin ninyo.” 23 Pinatuloy sila ni Pedro at doon pinatulog nang gabing iyon.
Kinabukasan, siya'y sumama sa kanila, gayundin ang ilang kapatid na taga-Joppa.
Ang Kayamanang Hindi Mawawala(A)
32 “Huwag kayong matakot, munting kawan, sapagkat ikinalulugod ng inyong Ama na ibigay sa inyo ang kaharian. 33 Ipagbili ninyo ang inyong ari-arian, at ipamahagi sa mga dukha ang pinagbilhan! Gumawa kayo ng mga sisidlang hindi naluluma at mag-ipon kayo sa langit ng kayamanang hindi nauubos. Doo'y walang magnanakaw na pumapasok at insektong sumisira. 34 Sapagkat kung nasaan ang inyong kayamanan ay naroon din ang inyong puso.”
Mga Aliping Laging Handa
35 “Maging(B) handa kayong lagi at panatilihing maliwanag ang inyong mga ilawan. 36 Tumulad(C) kayo sa mga aliping naghihintay sa pag-uwi ng kanilang panginoon buhat sa kasalan, upang kung ito'y dumating at kumatok ay mabuksan nila agad ang pinto. 37 Pinagpala ang mga aliping aabutang nagbabantay pagdating ng kanilang panginoon. Tandaan ninyo: magbibihis siya at pauupuin sila, ipaghahanda sila ng pagkain at pagsisilbihan. 38 Pinagpala sila kung maratnan silang handa pagdating ng Panginoon, maging sa hatinggabi o sa madaling-araw man. 39 Sinasabi(D) ko sa inyo, kung alam lamang ng may-ari ng bahay kung anong oras darating ang magnanakaw, hindi niya pababayaang makapasok ito. 40 Kayo man ay dapat na humanda, sapagkat darating ang Anak ng Tao sa oras na hindi ninyo inaasahan.”
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.