Book of Common Prayer
Panalangin para sa Hari
Katha ni Solomon.
72 Turuan mo po ang haring humatol nang makat'wiran,
sa taglay mong katarungan, O Diyos, siya'y bahaginan;
2 nang matuwid na tuparin tungkulin sa iyong bayan,
at pati sa mahihirap maging tapat siyang tunay.
3 Ang lupain nawa niya'y umunlad at managana;
maghari ang katarungan sa lupain nitong bansa.
4 Maging tapat itong hari sa paghatol sa mahirap,
mga nangangailangan, pag-ukulan ng paglingap;
at ang nang-aapi ay lupigin at ibagsak.
5 Nawa sila ay maglingkod, silang lahat mong hinirang,
hangga't araw sumisikat, hangga't buwa'y sumisilang.
6 Ang hari sana'y matulad sa ulan ng kaparangan;
bumubuhos, dumidilig sa lahat ng nabubuhay.
7 At ang buhay na matuwid sa kanyang kapanahunan,
maghari sa bansa niya't umunlad kailanpaman.
8 Nawa(A) kanyang kaharian ay lubusan ngang lumawak,
mula sa Ilog Eufrates, sa daigdig ay kakalat.
9 Sa harap niya ay susuko mga taong nasa ilang;
isubsob nga sa lupa, lahat ng kanyang kaaway.
10 Mga haring nasa pulo at naroon sa Espanya, maghahandog ng kaloob upang parangalan siya.
Pati rin ang mga hari ng Arabia at Etiopia, may mga kaloob ding ibibigay sa kanya.
11 Ang lahat ng mga hari, gagalang sa harap niya,
mga bansa'y magpupuri't maglilingkod sa tuwina.
12 Kanyang inililigtas ang mga dukhang tumatawag,
lalo na ang nalimutan, mga taong mahihirap;
13 sa ganitong mga tao siya'y lubhang nahahabag;
sa kanila tumutulong, upang sila ay maligtas.
14 Inaagaw niya sila sa kamay ng mararahas,
sa kanya ang buhay nila'y mahalagang hindi hamak.
15 Pagpalain itong hari! Siya nawa ay mabuhay!
At magbuhat sa Arabia'y magtamo ng gintong-yaman;
sa tuwina siya nawa'y idalangin nitong bayan,
kalingain nawa ng Diyos, pagpalain habang buhay.
16 Sa lupai'y sumagana nawang lagi ang pagkain;
ang lahat ng kaburulan ay mapuno ng pananim
at matulad sa Lebanon na mauunlad ang lupain.
At ang kanyang mga lunsod, dumami ang mamamayan,
sindami ng mga damong tumubo sa kaparangan.
17 Nawa ang kanyang pangalan ay huwag nang malimutan,
manatiling bantog hangga't sumisikat itong araw.
Nawa siya ay purihin ng lahat ng mga bansa, at sa Diyos, silang lahat dumalanging: “Harinawa,
pagpalain kaming lahat, tulad niyang pinagpala.”
18 Si Yahweh, Diyos ng Israel, purihin ng taong madla;
ang kahanga-hangang bagay tanging siya ang may gawa.
19 Ang dakilang ngalan niya ay purihin kailanman,
at siya ay dakilain nitong buong sanlibutan!
Amen! Amen!
20 Ito ang wakas ng mga dalangin ni David, na anak ni Jesse.
Ang Katarungan ng Kautusan ni Yahweh
(Yod)
73 Nilikha mo ako, O Yahweh, ako'y iyong iningatan;
bigyan ako ng unawa upang batas mo'y malaman.
74 Ang sa iyo'y natatakot, kapag ako ay nakita,
matutuwa sa lingkod mong sa iyo ay umaasa.
75 Nababatid ko, O Yahweh, matuwid ang iyong batas,
kahit ako'y pagdusahin, nananatili kang tapat.
76 Aliwin mo sana ako niyang pag-ibig mong lubos,
katulad ng binitiwang pangako sa iyong lingkod.
77 Sa akin ay mahabag ka, at ako ay mabubuhay,
ang lubos kong kasiyaha'y nasa iyong kautusan.
78 Ang hambog na naninira sa lingkod mo ay hiyain,
sa aral mo ako nama'y magbubulay na taimtim.
79 Sa akin ay magsilapit ang sa iyo ay may takot,
maging yaong mga tao na alam ang iyong utos.
80 Sana'y lubos kong masunod ang buo mong kautusan,
upang hindi mapahiya't tamuhin ko ang tagumpay.
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
(Kap)
81 Kaluluwa ko'y naghihintay ng iyong pagliligtas;
lubos akong nagtiwala sa bigay mong pangungusap.
82 Dahilan sa paghihintay lumamlam na yaring tingin,
ito ngayon ang tanong ko: “Kailan mo aaliwin?”
83 Katulad ko'y nangulubot na sisidlang yaring katad,
gayon pa man, di ko pa rin nilimot ang iyong batas.
84 Gaano bang katagal pa, ang lingkod mo maghihintay,
sa parusang igagawad sa nang-usig kong kaaway?
85 Mga taong mayayabang, mga taong masuwayin,
nag-umang ng mga bitag upang ako ay hulihin.
86 Inuusig nila ako, kahit mali ang paratang,
sa batas mo'y may tiwala, kaya ako ay tulungan!
87 Halos sila'y magtagumpay na kitlin ang aking buhay,
ngunit ang iyong mga utos ay hindi ko nalimutan.
88 Dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako ay lingapin,
at ang iyong mga utos ay masikap kong susundin.
Pananampalataya sa Kautusan ni Yahweh
(Lamedh)
89 Ang salita mo, O Yahweh, di kukupas, walang hanggan,
matatag at di makilos sa rurok ng kalangitan.
90 Ang taglay mong katapatan ay hindi na magbabago;
ang nilikha mong daigdig, matatag sa kanyang dako.
91 Hanggang ngayon ay matatag, pagkat ikaw ang nag-utos,
alipin mo silang lahat at sa iyo'y naglilingkod.
92 Kung ang iyong kautusa'y di bukal ng aking galak,
namatay na sana ako sa dinanas na paghihirap.
93 Ang utos mo'y susundin ko, di ito tatalikuran,
pagkat dahil sa utos mo, ako ngayo'y nabubuhay.
94 Ang lingkod mo'y iyong-iyo, kaya ako ay iligtas,
ang pagsunod sa utos mo ay siya kong sinisikap.
95 Nag-aabang ang masama, upang ako ay mapatay,
ngunit ako'y magbubulay sa bigay mong kautusan.
96 Nabatid kong sa daigdig, walang ganap na anuman,
ngunit ang iyong mga utos walang hanggan yaong saklaw.
11 Ito pa ang isang bagay na napansin ko sa mundong ito: ang mabilis ay di siyang laging nananalo sa takbuhan ni ang malakas ay laging nagwawagi sa digmaan. Ang matatalino'y di laging nakakasumpong ng kanyang mga kailangan at di lahat ng marunong ay yumayaman. Napapansin ko rin na di lahat ng may kakayahan ay nagtatagumpay; lahat ay dinaratnan ng malas. 12 Hindi alam ng tao kung kailan ang kanyang takdang oras. Siya'y tulad ng isdang nasusukluban ng lambat, at ibong nahuhuli sa bitag. Ang tao'y parang nahuhulog sa patibong sa biglang pagdating ng masamang pagkakataon.
13 Narito pa ang isang halimbawa kung papaanong ang karunungan ay inuunawa sa mundong ito: 14 Mayroong isang maliit na bayan na kakaunti ang mamamayan. Kinubkob ito ng isang hari. Nagpahanda siya ng lahat ng kailangan sa pagsalakay. 15 Nagkataon na sa bayang yaon ay may isang mahirap ngunit matalinong tao na nakapag-isip ng paraan upang mailigtas ang nasabing bayan. Subalit pagkatapos, wala nang nakaalala sa kanya. 16 Ang sinasabi ko, makapangyarihan ang karunungan kaysa lakas. Ngunit ang karunungan ng taong mahirap ay hindi pinahahalagahan at ang mga salita nito ay hindi pinapansin.
17 Ang mahinang salita ng matalino ay mas may pakinabang kaysa sigaw ng hari sa gitna ng mga mangmang. 18 Ang karunungan ay makapangyarihan kaysa sandata ngunit ang isang pagkakamali ay nagbubunga ng malaking pinsala.
Manatili Kayong Malaya
5 Malaya na tayo dahil pinalaya tayo ni Cristo. Kaya magpakatatag kayo at huwag nang paalipin pang muli!
2 Akong si Pablo ang nagsasabi sa inyo, kapag nagpatuli kayo, binabaliwala ninyo si Cristo. 3 Binabalaan ko ang lahat ng taong nagpapatuli, tungkulin nilang sumunod sa buong Kautusan. 4 Kayong nagsisikap na maging matuwid sa pamamagitan ng pagtupad sa Kautusan, inihiwalay ninyo ang inyong sarili kay Cristo at napalayo kayo sa kagandahang-loob ng Diyos. 5 Kami'y umaasa na magiging matuwid sa pamamagitan ng pananampalataya, at ito'y sa kapangyarihan ng Espiritu. 6 Sa mga nakipag-isa na kay Cristo Jesus, hindi na mahalaga kung ang isang tao ay tuli o hindi. Ang mahalaga'y ang pananampalatayang gumagawa sa pamamagitan ng pag-ibig.
7 Maganda na sana ang inyong pagtakbo. Sino ang humarang sa inyong pagsunod sa katotohanan? 8 Hindi kayo hihikayatin ng ganyan ng Diyos na tumawag sa inyo. 9 Ang(A) sabi nga, “Napapaalsa ng kaunting pampaalsa ang buong masa ng harina.” 10 Naniniwala akong sasang-ayon kayo sa akin sa bagay na ito, dahil sa ating kaugnayan sa Panginoon. At natitiyak kong paparusahan ng Diyos ang sinumang nanggugulo sa inyo.
11 Mga kapatid, kung talagang nangangaral pa ako na kailangan ang pagtutuli, bakit pa ako inuusig hanggang ngayon? Kung iyo'y totoo, hindi na sana nila ikinagagalit ang aking pangangaral tungkol sa pagkamatay ni Cristo sa krus. 12 At ang mga nanggugulo sa inyo ay huwag lamang patuli kundi tuluyan na nilang putulan ang sarili nila.
13 Mga kapatid, tinawag kayo upang maging malaya. Ngunit huwag naman ninyong gamitin ang inyong kalayaan upang masunod ang hilig ng laman, kundi maglingkod kayo sa isa't isa sa diwa ng pag-ibig. 14 Sapagkat(B) ang buong Kautusan ay nauuwi sa isang pangungusap, “Ibigin mo ang iyong kapwa gaya ng pag-ibig mo sa iyong sarili.” 15 Ngunit kung kayo'y nagkakagatan at nagsasakmalang parang mga hayop, mag-ingat kayo at baka tuluyan ninyong sirain ang isa't isa.
Hiningan ng Tanda si Jesus(A)
16 Lumapit(B) kay Jesus ang ilang Pariseo at Saduseo. Upang siya'y subukin, humingi sila sa kanya ng isang himala mula sa langit. 2 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, [“Kapag dapit-hapon ay sinasabi ninyo, ‘Magiging maganda ang panahon dahil maaliwalas ang langit.’ 3 At kapag umaga nama'y sinasabi ninyo, ‘Uulan ngayon dahil madilim ang langit.’ Nakakabasa kayo ng palatandaan sa langit, ngunit hindi ninyo mabasa ang mga palatandaan ng kasalukuyang panahon.][a] 4 Lahing(C) masama at taksil sa Diyos! Humihingi kayo ng palatandaan, ngunit walang ibibigay sa inyo maliban sa himalang nangyari kay Jonas!”
Pagkatapos nito, umalis si Jesus.
Ang Pampaalsang Ginagamit ng mga Pariseo at mga Saduseo(D)
5 Nang tumawid sa ibayo ang mga alagad, nakalimutan nilang magdala ng tinapay. 6 Sinabi(E) ni Jesus sa kanila, “Mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo.”
7 Nag-usap-usap ang mga alagad, “Wala kasi tayong dalang tinapay, kaya sinabi niya iyon.”
8 Alam ni Jesus ang pinag-uusapan nila kaya't sila'y tinanong, “Bakit ninyo pinag-uusapang wala kayong dalang tinapay? Napakaliit ng inyong pananampalataya! 9 Hindi(F) pa ba ninyo nauunawaan hanggang ngayon? Nakalimutan na ba ninyo ang limang tinapay na pinaghati-hati para sa limanlibong tao? Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 10 Gayundin(G) ang pitong tinapay para sa apat na libo. Ilang kaing na tinapay ang lumabis? 11 Hindi tungkol sa tinapay ang sinasabi ko nang sabihin ko sa inyong mag-ingat kayo sa pampaalsang kinakalat ng mga Pariseo at mga Saduseo! Hindi ba ninyo maunawaan ito?” 12 At naunawaan nila na sila'y pinag-iingat niya sa mga katuruan ng mga Pariseo at mga Saduseo, at hindi sa pampaalsang ginagamit sa tinapay.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.