Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 31

Panalangin ng Pagtitiwala sa Diyos

Katha ni David upang awitin ng Punong Mang-aawit.

31 Lumalapit ako sa iyo, Yahweh, upang ingatan;
    huwag mo sana akong ilagay sa kahihiyan.
Ikaw ay isang Diyos na makatuwiran,
    iligtas mo ako, ito'ng aking kahilingan.
Ako'y iyong dinggin, iligtas ngayon din!
Sana'y ikaw ang aking maging batong kublihan;
    matibay na kuta para sa aking kaligtasan.

Ikaw ang aking kanlungan at sanggalang;
    ayon sa pangako mo, akayin ako't patnubayan.
Iligtas mo ako sa nakaumang na patibong;
    laban sa panganib, sa iyo manganganlong.
Sa(A) iyong kamay, ipinagkakatiwala ko ang aking buhay.
At sa aki'y ibibigay ang iyong kaligtasan;
    ikaw ay Diyos na mapagkakatiwalaan.

Ikaw ay namumuhi sa mga sumasamba sa mga diyus-diyosang walang halaga,
    ngunit sa iyo, Yahweh, ako umaasa.
Matutuwa ako at magagalak,
    dahil sa pag-ibig mong wagas.
Paghihirap ko'y iyong nakikita,
    alam mo ang aking pagdurusa.
Di mo ako hinayaan sa kamay ng kaaway;
    binigyan pa ng laya sa aking paglalakbay.

O Yahweh, sana'y iyong kahabagan,
    sapagkat ako ay nasa kaguluhan;
namamaga na ang mata dahil sa pagluha,
    buong pagkatao ko'y mahinang mahina!
10 Pinagod ako ng aking kalungkutan,
    dahil sa pagluha'y umikli ang aking buhay.
Pinanghina ako ng mga suliranin,
    pati mga buto ko'y naaagnas na rin.

11 Nilalait ako ng aking mga kaaway,
    hinahamak ako ng mga kapitbahay;
mga dating kakilala ako'y iniiwasan,
    kapag ako'y nakasalubong ay nagtatakbuhan.
12 Para akong patay na kanilang nakalimutan,
    parang sirang gamit na hindi na kailangan.
13 Maraming mga banta akong naririnig,
    mula sa mga kaaway sa aking paligid;
may masama silang binabalak sa akin,
    plano nilang ako ay patayin.

14 Subalit sa iyo, Yahweh, ako'y nagtitiwala,
    ikaw ang aking Diyos na dakila!

15 Ikaw ang may hawak nitong aking buhay,
    iligtas mo ako sa taga-usig ko't mga kaaway.
16 Itong iyong lingkod, sana ay lingapin,
    sa wagas mong pag-ibig ako ay sagipin.
17 Sa iyo, Yahweh, ako'y nananawagan,
    huwag hayaang malagay ako sa kahihiyan.
Ang masasamang tao ang dapat na mapahiya,
    sa daigdig ng mga patay, tahimik silang bababâ.
18 Patahimikin mo ang mga sinungaling,
    ang mga palalong ang laging layunin,
    ang mga matuwid ay kanilang hamakin.

19 Kay sagana ng mabubuting bagay,
    na laan sa mga sa iyo'y gumagalang.
Nalalaman ng lahat ang iyong kabutihang-loob,
    matatag ang pag-iingat sa nagtitiwala sa iyong lubos.
20 Iniingatan mo sila at kinakalinga,
    laban sa balak ng taong masasama;
inilalagay mo sila sa ligtas na kublihan,
    upang hindi laitin ng mga kaaway.

21 Purihin si Yahweh!
Kahanga-hanga ang ipinakita niyang pag-ibig sa akin,
    nang ako'y nagigipit at parang lunsod na sasalakayin!
22 Ako ay natakot, labis na nangamba,
    sa pag-aakalang ako'y itinakwil na.
Ngunit dininig mo ang aking dalangin,
    nang ang iyong tulong ay aking hingin.

23 Mahalin ninyo si Yahweh, kayong kanyang bayan.
Mga tapat sa kanya, ay kanyang iniingatan,
    ngunit ang palalo'y pinaparusahan ng angkop sa kanilang kasalanan.
24 Magpakatatag kayo at lakasan ang loob,
    kayong kay Yahweh'y nagtitiwalang lubos.

Mga Awit 35

Panalangin Upang Tulungan ng Diyos

Katha ni David.

35 Ang mga salungat at laban sa akin, O Yahweh, sila ay iyo ngang digmain!
Ang iyong kalasag at sandatang laan,
    kunin mo at ako po ay iyong tulungan.
Dalhin mo ang iyong palakol at sibat,
    at sila'y tugisin hanggang sa mautas.
Sabihin mong ikaw ang Tagapagligtas ng abang lingkod mo, O Diyos na marilag!

Silang nagnanasang ako ay patayin
    ay iyong igupo at iyong hiyain;
at ang nagtatangkang lumaban sa akin,
    hadlangan mo sila at iyong lituhin.
Gawing parang ipa na tangay ng hangin,
    habang tinutugis ng sinugong anghel.
Hayaang magdilim, dumulas ang landas,
    ang anghel ni Yahweh, sa kanila'y wawasak.
Ni walang dahilan, ang hangad sa akin
    ako ay ihulog sa balong malalim, na ginawa nila upang ako'y dakpin.
Hindi nila alam sila'y mawawasak,
    sila'y mahuhulog sa sariling bitag;
    sa hinukay nilang balon, sila'y lalagpak.

Dahilan kay Yahweh, ako'y magagalak;
    sa habag sa akin ako'y iniligtas.
10 Buhat sa puso ko'y aking ihahayag,
    “Tunay ikaw, Yahweh, ay walang katulad!
    Iniingatan mo laban sa malakas, ang mga mahihina't taong mahihirap,
    at sa nang-aapi, sila'y ililigtas.”

11 Ang mga masama'y nagpapatotoo,
    at nagpaparatang ng hindi totoo, sa pagkakasalang walang malay ako.
12 Sa gawang mabuti, ganti ay masama;
    nag-aabang sa akin at nagbabanta.
13 Kapag sila'y may sakit, ang ginagawa ko,
    nagdaramit-luksa at nag-aayuno;
at nananalangin na yuko ang ulo.
14     Para bang ang aking idinadalangin ay isang kapatid na mahal sa akin;
Lumalakad ako na ang pakiramdam,
    wari'y inulila ng ina kong mahal.

15 Nagagalak sila kapag ako'y may dusa;
    sa aking paligid nagtatawanan pa.
Binubugbog ako ng di kakilala,
    halos walang tigil na pagpaparusa.
16 Natutuwa silang ako'y maghinagpis;
    sa galit sa akin, ngipi'y nagngangalit.

17 Hanggang kailan pa kaya, O Yahweh, maghihintay ako sa mahal mong tulong?
    Iligtas mo ako sa ganid na leon;
    sa paglusob nila't mga pagdaluhong.
18 At sa gitna niyong mga kapulungan, ikaw, O Yahweh, pasasalamatan;
    pupurihin kita sa harap ng bayan.

19 Huwag(A) mong tutulutang ang mga kaaway,
    magtawanan sa aking mga kabiguan;
gayon din ang may poot nang walang dahilan,
    magalak sa aking mga kalumbayan.

20 Sila, kung magwika'y totoong mabagsik,
    kasinungalingan ang bigkas ng bibig,
    at ang ginigipit, taong matahimik.
21 Ang paratang nila na isinisigaw:
    “Ang iyong ginawa ay aming namasdan!”
22 Ngunit ikaw, Yahweh, ang nakababatid,
    kaya, Panginoon, huwag kang manahimik;
    ako'y huwag mong iiwan sa paghihinagpis!
23 Ikaw ay gumising, ako'y ipagtanggol,
    iyong ipaglaban ako, Panginoon.
24 O Yahweh, aking Diyos, sadyang matuwid ka, kaya ihayag mong ako'y walang sala;
    huwag mong ipahintulot sa mga kaaway, na sila'y magtawa kung ako'y mamasdan.
25 Huwag mong pabayaang mag-usap-usapan,
    at sabihing: “Aba! Gusto nami'y ganyan!”
Huwag mong itutulot na sabihin nilang:
    “Siya ay nagapi namin sa labanan!”

26 Silang nagagalak sa paghihirap ko,
    lubos mong gapii't bayaang malito;
silang nagpapanggap namang mas mabuti,
    hiyain mo sila't siraan ng puri.
27 Ang nangagsasaya, sa aking paglaya
    bayaang palaging sumigaw sa tuwa;
“Dakila si Yahweh, tunay na dakila;
    sa aking tagumpay, siya'y natutuwa.”

28 Aking ihahayag ang iyong katuwiran,
    sa buong maghapon ay papupurihan!

Mga Kawikaan 23:19-21

-15-

19 Anak, maging matalino ka at pag-isipan mong mabuti ang iyong buhay. 20 Huwag kang makikisama sa mga lasenggo at sa masiba sa pagkain. 21 Pagkat sila'y masasadlak sa kahirapan, at darating ang panahong magdadamit ng basahan.

Mga Kawikaan 23:29-24:2

-18-

29 Sino ang may kalungkutan at may malaking panghihinayang? Sino ang may kaaway at kabalisahan? Sino ang nasusugatan nang di nalalaman? At sino ang may matang pinamumulahan? 30 Sino pa kundi ang sugapa sa alak, at ang nagpapakalango sa masarap na inumin. 31 Huwag mong tutunggain ang matapang na alak kahit ito'y katakam-takam, 32 sapagkat kinaumagahan ay daig mo pa ang tinuklaw ng ahas na makamandag. 33 Kung anu-ano ang iyong sasabihin, at hindi ka makapag-isip nang mabuti. 34 Ang makakatulad mo'y nasa gitna ng dagat at hinahampas ng malalaking alon. Pasuray-suray kang maglalakad 35 at sasabihin mo, “Ano sa akin kung ako'y mahandusay? Mabulagta man ako, ayos lang iyan! Pagbangon ko, iinom muli ako.”

-19-

24 Huwag mong kainggitan ang mga makasalanan ni sa kanila'y makipagkaibigan. Ang nasa isip nila'y laging kaguluhan, at ang dila nila'y puno ng kasinungalingan.

1 Timoteo 5:17-25

17 Ang mga matatandang pinuno ng iglesya na mahusay mamahala ay karapat-dapat tumanggap ng paggalang at kabayaran, lalo na ang mga masigasig sa pangangaral at pagtuturo ng salita ng Diyos. 18 Sapagkat(A) sinasabi ng kasulatan, “Huwag mong bubusalan ang bibig ng baka habang ito'y gumigiik.” Nasusulat din, “Karapat-dapat lamang na bayaran ang manggagawa.”

19 Huwag(B) mong tatanggapin ang anumang paratang laban sa isang matandang pinuno ng iglesya kung walang patotoo ng dalawa o tatlong saksi.

20 Pagsabihan mo sa harap ng lahat ang sinumang ayaw tumigil sa paggawa ng masama para matakot ang iba.

21 Sa harap ng Diyos at ni Cristo Jesus at ng kanyang banal na mga anghel, iniuutos kong sundin mo ang mga bagay na ito nang walang kinikilingan o itinatangi. 22 Huwag mong ipapatong agad ang iyong kamay sa sinuman upang bigyan ito ng kapangyarihang mamahala. Ingatan mong huwag kang masangkot sa kasalanan ng iba; manatili kang walang dungis.

23 Huwag tubig lamang ang iyong inumin; uminom ka rin ng kaunting alak para sa madalas na pagsakit ng iyong sikmura.

24 May mga taong lantad na ang kasalanan bago pa dumating ang paghuhukom. At mayroon din namang ang kasalanan ay mahahayag sa bandang huli. 25 Gayundin naman, may mabubuting gawa na kapansin-pansin; at kung hindi man mapansin, ang mga ito'y hindi maililihim habang panahon.

Mateo 13:31-35

Talinghaga tungkol sa Buto ng Mustasa(A)

31 Sa pagpapatuloy, isa pang talinghaga ang isinalaysay ni Jesus sa kanila. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng isang buto ng mustasa na itinanim ng isang tao sa kanyang bukid. 32 Ang buto ng mustasa ang pinakamaliit sa lahat ng binhi. Ngunit pagtubo nito, ito'y nagiging mas malaki kaysa alin mang halaman at nagiging punongkahoy, kaya't nakakapagpugad ang mga ibon sa mga sanga nito.”

Talinghaga tungkol sa Pampaalsa(B)

33 Nagsalaysay pa si Jesus ng ibang talinghaga. “Ang kaharian ng langit ay katulad ng pampaalsa na inihalo ng isang babae sa tatlong takal na harina, hanggang umalsa ang buong masa ng harina.”

Ang Paggamit ni Jesus ng mga Talinghaga(C)

34 Ang lahat ng ito ay sinabi ni Jesus sa mga tao sa pamamagitan ng mga talinghaga, at wala siyang itinuro sa kanila nang hindi sa pamamagitan ng talinghaga. 35 Sa(D) gayon, natupad ang sinabi ng propeta:[a]

“Magsasalita ako sa pamamagitan ng mga talinghaga,
    ihahayag ko ang mga bagay na inilihim mula pa nang likhain [ang daigdig].”[b]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.