Book of Common Prayer
Awit sa Maharlikang Kasalan
Isang Maskil[a] ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit; isang awit ng pag-ibig.
45 Kay gagandang pangungusap ang naroon sa isipan,
habang aking hinahabi ang awit sa haring mahal;
ang katulad ng dila ko ay panulat ng maalam,
panulat ng dalubhasang sumulat ng kasaysayan.
2 Sa lahat nga ng nilikha, makisig kang hindi hamak,
kapag nagtatalumpati'y pambihira kung mangusap;
ikaw nga ay pinagpala ng Diyos sa tuwi-t’wina.
3 O ikaw na haring bantog, isakbat mo ang sandata;
sagisag mo'y maharlika, malakas nga't dakila ka!
4 Maglakbay kang mayro'ng dangal tinataglay ang tagumpay,
alang-alang sa matuwid, ipagtanggol ang katuwiran;
tagumpay ay matatamo sa lakas mong tinataglay.
5 Palaso mo'y matatalim, pumapatay ng kaaway;
susuko ang mga bansa at sa iyo'y magpupugay.
6 Iyang(A) tronong tinanggap mo na kaloob ng Diyos,[b]
isang tronong magtatagal at hindi na matatapos;
matuwid kang maghahari sa bansa mong nasasakop.
7 Katarunga'y iyong mahal, sa masama'y namumuhi;
kaya naman ang iyong Diyos, tanging ikaw ang pinili;
higit sa sinumang hari, kagalakang tanging-tangi.
8 Sa damit mo'y nalalanghap, tatlong uri ng pabango,
mira, aloe saka kasia na buhat sa ibang dako;
inaaliw ka ng tugtog sa garing na palasyo mo.
9 O kay gagandang prinsesa ang katulong na dalaga,
samantalang sa kanan mo, nakatayo yaong reyna,
palamuti'y gintong lantay sa damit na suot niya.
10 O kabiyak nitong hari, ang payo ko'y ulinigin;
ang lahat mong kamag-anak at ang madla ay limutin.
11 Sa taglay mong kagandahan ang hari ang paibigin;
siya'y iyong Panginoon, marapat na iyong sundin.
12 Yaong mga taga-Tiro, handog nila ay dadalhin,
pati mga mayayaman sa iyo ay susuyo rin.
13 Ang prinsesa sa palasyo'y pagmasdan mo't anong ganda;
sinulid na gintung-ginto ang hinabing damit niya.
14 Sa magara niyang damit, sa hari ay pinapunta,
mga abay ay kasama, haharap sa hari nila.
15 Sama-samang masasaya, ang lahat ay nagagalak
nagsipasok sa palasyo, kanyang hari ay hinanap.
16 Darami ang iyong supling, sa daigdig maghahari,
kapalit ng ninuno mo sa sinundang mga lahi.
17 Dahilan sa aking awit, ikaw nama'y dadakila,
kailanma'y pupurihin nitong lahat na nilikha!
Kataas-taasang Hari
Awit na katha ng angkan ni Korah upang awitin ng Punong Mang-aawit.
47 Magdiwang ang lahat ng mga nilikha!
Pumalakpak kayong may awit at tuwa, bilang pagpupuri sa Diyos na Dakila!
2 Ang Diyos na si Yahweh, Kataas-taasan, ay dakilang haring dapat na igalang;
siya'y naghahari sa sangkatauhan.
3 Tayo'y pinagwagi sa lahat ng tao,
sa lahat ng bansa'y namahala tayo.
4 Siya ang pumili ng ating tahanan,
ang lupang minana ng mga hinirang. (Selah)[a]
5 Lumuklok sa trono si Yahweh na ating Diyos,
sigawan at trumpeta ang siyang tumutunog.
6 Purihin ang Diyos, siya ay awitan,
awitan ang hari, siya'y papurihan!
7 Ang Diyos, siyang hari ng lahat ng bansa;
awita't purihin ng mga nilikha!
8 Maghahari siya sa lahat ng bansa,
magmula sa tronong banal at dakila.
9 Sa mga hinirang ng Diyos ni Abraham,
sasama ang mga pamunuan ng lahat ng bansa sa sandaigdigan.
Ang mga sandata ng lahat ng kawal,
lahat ay sa Diyos na kataas-taasan.
Zion, ang Bayan ng Diyos
Awit na katha ng angkan ni Korah.
48 Dakila si Yahweh, dapat papurihan, sa lunsod ng Diyos, bundok niyang banal.
2 Ang(A) Bundok ng Zion, tahanan ng Diyos ay dakong mataas na nakalulugod;
bundok sa hilaga na galak ang dulot, sa lahat ng bansa nitong sansinukob.
3 Sa piling ng Diyos ligtas ang sinuman,
sa loob ng muog ng banal na bayan.
4 Itong mga hari ay nagtipun-tipon,
upang sumalakay sa Bundok ng Zion.
5 Sila ay nagulat nang ito'y mamasdan,
pawang nagsitakas at nahintakutan.
6 Ang nakakatulad ng pangamba nila
ay pagluluwal ng butihing ina.
7 Tulad ng malaking barkong naglalayag, sa hanging silangan dagling nawawasak.
8 Sa banal na lunsod ay aming namasid
ang kanyang ginawa na aming narinig;
ang Diyos na si Yahweh, Makapangyarihan,
siyang mag-iingat sa lunsod na banal, iingatan niya magpakailanman. (Selah)[b]
9 Sa loob ng iyong templo, aming Diyos,
nagunita namin pag-ibig mong lubos.
10 Ika'y pinupuri ng lahat saanman,
sa buong daigdig ang dakila'y ikaw,
at kung mamahala ay makatarungan.
11 Kayong taga-Zion, dapat na magalak!
At ang buong Juda'y magdiwang na lahat,
dahilan kay Yahweh sa hatol niyang tumpak.
12 Ang buong palibot ng Zion, lakarin, ang lahat ng tore doon ay bilangin;
13 ang nakapaligid na pader pansinin, mga muog nito'y inyong siyasatin;
upang sa susunod na lahi'y isaysay,
14 na ang Diyos, ay Diyos natin kailanman,
sa buong panahon siya ang patnubay.
16 Pagkat kung paanong ang mangmang ay nalilimutan pagdating ng araw, gayon din ang lahat ay mamamatay, maging ang marunong man, o ang mangmang. 17 Kaya't kinamuhian ko ang buhay sapagkat pawang kahirapan lamang ang idinulot nito sa akin. Lahat nga ay walang kabuluhan,[a] at tulad lang ito ng paghahabol sa hangin.
18 Wala na ring halaga sa akin ang lahat ng pinagpaguran ko sa mundong ito sapagkat ito'y maiiwan lamang sa susunod sa akin. 19 At sino ang nakakatiyak kung siya'y marunong o mangmang? Gayunman, siya pa rin ang magmamana sa lahat ng mga pinagpaguran ko at ginamitan ng karunungan sa mundong ito. Ito ma'y walang kabuluhan.[b] 20 Kaya nga, nanghihinayang ako pagkat ako ay nagpakapagod nang husto sa mundong ito. 21 Lahat ng pinagpaguran ng tao'y pinamuhunan niya ng karunungan, kaalaman at kakayahan ngunit pagdating ng araw ay iba ang magpapakasaya sa mga pinagpaguran niya. Ito ay walang kabuluhan,[c] at ito'y hindi tama. 22 Nagpapakapagod at nagpapakahirap nang husto sa mundong ito ang isang tao, ngunit para saan ba ang pagpapagod na ito? 23 Anumang(A) gawin ng tao'y nagdudulot sa kanya ng balisa at hinanakit. May mga gabi pang hindi siya makatulog sa pag-iisip. Ito man ay walang kabuluhan.[d]
24 Ang(B) mabuti pa sa tao'y kumain at uminom, at pakinabangan ang bunga ng kanyang pinagpaguran. Alam kong ang lahat ng ito ay kaloob ng Diyos. 25 Kung wala ang Diyos, sino pa ba ang makakakain o makakaranas ng kasiyahan? 26 Ang(C) karunungan, kaalaman, at kaligayahan ay ipinagkakaloob ng Diyos sa lahat ng kinalulugdan niya. Ang makasalana'y pinagtatrabaho niya at pinag-iimpok upang ibigay lamang ito sa gusto niyang pagbigyan. Ito man ay walang kabuluhan,[e] tulad lang ng paghahabol sa hangin.
18 Pagkaraan(A) ng tatlong taon, pumunta ako sa Jerusalem upang makipag-usap kay Pedro, at labinlimang araw kaming nagkasama. 19 Wala akong nakitang iba pang apostol maliban kay Santiago na kapatid ng Panginoon.
20 Totoong lahat ang isinusulat ko sa inyo. Alam ng Diyos na hindi ako nagsisinungaling.
21 Pagkatapos, pumunta ako sa ilang lugar sa Siria at sa Cilicia. 22 Hindi pa ako kilala noon ng mga mananampalataya kay Cristo na nasa Judea. 23 Nakarating lamang sa kanila ang ganitong balita, “Ang dating umuusig sa atin ay nangangaral na ngayon ng pananampalatayang dati'y sinikap niyang wasakin.” 24 Kaya't nagpuri sila sa Diyos dahil sa akin.
Si Pablo at ang Ibang mga Apostol
2 Makalipas(B) ang labing-apat na taon, muli akong pumunta sa Jerusalem kasama si Bernabe. Isinama ko rin si Tito. 2 Bumalik ako sapagkat inihayag sa akin ng Diyos na dapat akong pumunta doon. Nakipagpulong ako nang sarilinan sa mga kinikilalang pinuno ng iglesya, at inilahad ko sa kanila ang Magandang Balitang ipinapangaral ko sa mga Hentil. Ginawa ko ito dahil ayaw kong mawalan ng kabuluhan ang aking ginawa at ginagawa pa. 3 Kahit na isang Griego ang kasama kong si Tito, hindi nila pinilit na magpatuli ito 4 kahit may ilang huwad na kapatid na nagtangka ng gayon. Nakihalubilo sila sa amin upang manmanan ang kalayaang taglay natin kay Cristo Jesus. Nais nila kaming maging mga alipin. 5 Hindi kami nagpailalim sa kanilang kagustuhan kahit isang saglit, upang maingatan namin para sa inyo ang tunay na kahulugan ng Magandang Balita.
6 Ngunit(C) walang idinagdag sa akin ang mga kinikilalang pinuno; hindi mahalaga sa akin kung sino man sila, sapagkat walang itinatangi ang Diyos. 7 Sa halip, kinilala nila na ipinagkatiwala sa akin ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Hentil, kung paanong ipinagkatiwala kay Pedro ang pangangaral ng Magandang Balita sa mga Judio. 8 Ang Diyos na nagbigay ng kapangyarihan kay Pedro na mangaral sa mga Judio ang siya ring nagbigay sa akin ng kapangyarihang mangaral sa mga Hentil. 9 Nakita nina Santiago, Pedro at Juan, na mga kinikilalang haligi ng iglesya, ang kagandahang-loob na ibinigay sa akin, kaya't kami ni Bernabe ay buong puso nilang tinanggap bilang mga kamanggagawa. Pinagkasunduan namin na kami'y sa mga Hentil mangangaral at sila nama'y sa mga Judio. 10 Ang hiling lamang nila ay huwag naming kakaligtaan ang mga dukha, na siya namang masikap kong ginagawa.
Si Jesus ay Hindi Tinanggap sa Nazaret(A)
53 Umalis si Jesus mula roon matapos niyang isalaysay ang mga talinghagang ito. 54 Umuwi siya sa kanyang bayan at nagturo sa kanilang sinagoga. Nagtaka ang mga nakarinig sa kanya, kaya't kanilang itinanong, “Saan kumuha ng ganyang karunungan ang taong iyan? Paano siya nakakagawa ng mga himala? 55 Hindi ba siya ay anak ng isang karpintero? Hindi ba si Maria ang kanyang ina at sina Santiago, Jose, Simon, at Judas ang kanyang mga kapatid? 56 At tagarito rin ang kanyang mga kapatid na babae, di ba? Saan kaya niya natutuhan ang lahat ng iyan?” 57 At(B) siya'y hindi nila pinaniwalaan.
Kaya't sinabi ni Jesus sa kanila, “Ang isang propeta'y iginagalang kahit saan maliban sa kanyang sariling bayan at sariling sambahayan.” 58 At dahil ayaw nilang maniwala kay Jesus, hindi siya gumawa roon ng maraming himala.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.