Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 118

Awit ng Pagtatagumpay

118 Purihin(A) si Yahweh sa kanyang kabutihan!
Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.
Ang taga-Israel,
bayaang sabihi't kanilang ihayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Kayong mga pari
ng Diyos na si Yahweh, bayaang magsaysay:
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”

Lahat ng may takot
kay Yahweh, dapat magpahayag,
“Pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.”
Nang ako'y magipit,
ang Diyos na si Yahweh ay aking tinawag;
sinagot niya ako't kanyang iniligtas.
Kung(B) itong si Yahweh
ang aking kasama at laging kapiling,
walang pagkatakot sa aking darating.
Si Yahweh ang siyang
sa aki'y tumutulong laban sa kaaway,
malulupig sila't aking mamamasdan.
Higit na mabuti
na doon kay Yahweh magtiwala ako,
kaysa panaligan yaong mga tao.
Higit ngang mabuting
ang pagtitiwala'y kay Yahweh ibigay,
kaysa pamunuan ang ating asahan.

10 Sa aking paligid
laging gumagala ang mga kaaway,
winasak ko sila
at lakas ni Yahweh ang naging patnubay.
11 Kahit saang dako
ako naroroon ay nakapaligid,
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ay nasa aking panig.
12 Ang katulad nila
ay mga bubuyog na sumasalakay,
dagliang nasunog, sa apoy nadarang;
winasak ko sila
sapagkat si Yahweh ang aking sanggalang.
13 Sinalakay ako't
halos magtagumpay ang mga kaaway,
subalit si Yahweh, ako'y tinutulungan.
14 Si(C) Yahweh ang lakas ko't kapangyarihan;
siya ang sa aki'y nagdulot ng kaligtasan.

15 Dinggin ang masayang
sigawan sa tolda ng mga hinirang:
“Si Yahweh ay siyang lakas na patnubay!
16 Ang lakas ni Yahweh
ang siyang nagdulot ng ating tagumpay,
sa pakikibaka sa ating kaaway.”

17 Aking sinasabing
hindi mamamatay, ako'y mabubuhay
ang gawa ni Yahweh,
taos sa aking puso na isasalaysay.
18 Pinagdusa ako
at pinarusahan nang labis at labis,
ngunit ang buhay ko'y di niya pinatid.

19 Ang mga pintuan
ng banal na templo'y inyo ngayong buksan,
ako ay papasok,
at itong si Yahweh ay papupurihan.

20 Pasukan ni Yahweh
ang pintuang ito;
tanging makakapasok
ay matuwid na tao!

21 Aking pinupuri
ikaw, O Yahweh, yamang pinakinggan,
dininig mo ako't pinapagtagumpay.

22 Ang(D) (E) batong itinakwil
ng mga tagapagtayo ng bahay,
ang siyang naging batong-panulukan.
23 Ginawa ito ni Yahweh at ito'y kahanga-hangang pagmasdan.
24 O kahanga-hanga
ang araw na itong si Yahweh ang nagbigay,
tayo ay magalak, ating ipagdiwang!
25 Kami(F) ay iligtas,
tubusin mo, Yahweh, kami ay iligtas!
At pagtagumpayin sa layuni't hangad.

26 Pinagpala(G) ang dumarating sa pangalan ni Yahweh;
magmula sa templo,
mga pagpapala'y kanyang tatanggapin!
27 Si Yahweh ang Diyos,
pagkabuti niya sa mga hinirang.
Tayo ay magdala
ng sanga ng kahoy, simulang magdiwang,
at tayo'y lumapit sa dambanang banal.

28 Ikaw ay aking Diyos,
kaya naman ako'y nagpapasalamat;
ang pagkadakila mo ay ihahayag.
29 O pasalamatan
ang Diyos na si Yahweh, pagkat siya'y mabuti;
pag-ibig niya'y tunay, laging tapat kailanman.

Mga Awit 145

Awit ng Pagpupuri

Katha ni David.

145 Ang kadakilaan ng Diyos ko at Hari, aking ihahayag,
    di ko titigilan magpakailanman ang magpasalamat,
aking pupurihi't pasasalamatan siya araw-araw,
    di ako titigil ng pasasalamat magpakailanman.
Dakila ka, Yahweh, at karapat-dapat na ika'y purihin;
    kadakilaan mo'y tunay na mahirap naming unawain.

Sa alinmang lahi, ang iyong ginawa ay papupurihan,
    ihahayag nila ang mga gawa mong makapangyarihan.
Ang karangalan mo at pagkadakila'y ipamamalita,
    at isasaysay ko ang mga gawa mo na kahanga-hanga.
Ang mga gawa mong makapangyariha'y ipamamalita;
    sa lahat ng tao'y aking sasabihing ikaw ay dakila.
Ihahayag nila ang lahat ng iyong mga kabutihan,
    aawitin nila nang may kagalakan ang iyong katuwiran.
Si Yahweh'y mapagmahal at punô ng habag,
    hindi madaling magalit, ang pag-ibig ay wagas.
Siya ay mabuti at kahit kanino'y hindi nagtatangi;
    sa kanyang nilikha, pagkalinga niya ay mamamalagi.

10 Magpupuring lahat sa iyo, O Yahweh, ang iyong nilalang;
    lahat mong nilikha ay pupurihin ka't pasasalamatan.
11 Babanggitin nilang tunay na dakila ang iyong kaharian,
    at ibabalitang tunay kang dakila't makapangyarihan.
12 Dakila mong gawa'y upang matalastas ng lahat ng tao,
    mababatid nila ang kadakilaan ng paghahari mo.
13 Ang paghahari mo'y sadyang walang hanggan,
    hindi magbabago.

Di ka bibiguin sa bawat pangako pagkat ang Diyos ay tapat,
    ang kanyang ginawa kahit ano ito ay mabuting lahat.
14 Siya'y tumutulong sa lahat ng tao na may suliranin;
    at sa pagkalugmok, sa panghihina ay kanyang hahanguin.

15 Lahat ng mga buháy ay tanging si Yahweh ang inaasahan,
    siyang nagdudulot ng pagkain nilang kinakailangan.
16 Binibigyan sila nang sapat na sapat, hindi nagkukulang;
    anupa't ang lahat ay may tinatanggap na ikabubuhay.
17 Matuwid si Yahweh sa lahat ng bagay niyang ginagawa;
    kahit anong gawin ay kalakip ang masagana niyang awa.
18 Siya'y nakikinig at handang tumulong sa lahat ng tao,
    sa sinumang taong pagtawag sa kanya'y tapat at totoo.
19 Bawat kailangan ng taong tapat at may takot sa kanya,
    kanyang tinutugon, at kung nagigipit hinahango sila.
20 Yaong umiibig sa kanya ng lubos ay iniingatan;
    ngunit ang masama'y wawasakin niya't walang mabubuhay.

21 Aking pupurihin ang Diyos na si Yahweh, habang nabubuhay,
    sa ngalan niyang banal, lahat ay magpuri magpakailanman!

Isaias 66:7-14

“Ang(A) aking banal na lunsod ay parang babaing biglang nanganak;
kahit hindi pa sumasakit ang kanyang tiyan,
    isang lalaki ang kanyang inianak.
May nabalitaan na ba kayo o nakitang ganyan?
Isang bansang biglang isinilang?
Ang Zion ay hindi maghihirap nang matagal
    upang ang isang bansa ay kanyang isilang.”
Ang sabi ni Yahweh:
“Huwag ninyong isipin na ang bayan ko'y
    hahayaang umabot sa panahong dapat nang iluwal,
    at pagkatapos ay pipigilin sa pagsilang.”

10 Makigalak kayo sa Jerusalem, magalak kayo dahil sa kanya;
    kayong lahat na nagmamahal sa lunsod na ito!
Kayo'y makigalak at makipagsaya,
    lahat kayong tumangis para sa kanya.
11 Tatamasahin ninyo ang kasaganaan niya,
    tulad ng sanggol sa dibdib ng kanyang ina.

12 Sabi ni Yahweh:
“Padadalhan kita ng walang katapusang kasaganaan.
    Ang kayamanan ng ibang bansa ay aagos patungo sa iyo tulad ng umaapaw na ilog.
Ang makakatulad mo'y sanggol na buong pagmamahal na inaaruga ng kanyang ina.
13 Aaliwin kita sa Jerusalem,
    tulad ng pag-aliw ng ina sa kanyang anak.
14 Ikaw ay magagalak kapag nakita mo ang lahat ng ito;
    ikaw ay lalakas at lulusog.
Sa gayon, malalaman mong akong si Yahweh ang tumutulong sa mga sumusunod sa akin;
    at siya ring nagpaparusa sa mga kaaway.”

1 Juan 3:4-10

Ang bawat nagkakasala ay lumalabag sa kautusan ng Diyos, sapagkat ang kasalanan ay paglabag sa kautusan. Nalalaman(A) ninyong naparito si Cristo upang pawiin ang ating mga kasalanan, at siya'y walang kasalanan. Ang nananatili sa kanya ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala. Ang sinumang nagpapatuloy sa pagkakasala ay hindi nakakita ni nakakilala man sa kanya.

Mga anak, huwag kayong palinlang kaninuman! Ang sinumang gumagawa ng matuwid ay matuwid tulad ni Cristo. Ang nagpapatuloy sa pagkakasala ay kampon ng diyablo, sapagkat sa simula pa'y nagkakasala na ang diyablo. Kaya't naparito ang Anak ng Diyos upang wasakin ang mga gawa ng diyablo.

Ang mga anak ng Diyos ay hindi nagpapatuloy sa pagkakasala, sapagkat nananatili sa kanila ang binhing mula sa Diyos. At dahil ang Diyos ang ama nila, hindi sila maaaring magpatuloy sa pagkakasala. 10 Dito natin makikilala kung sino ang mga anak ng Diyos at kung sino ang mga anak ng diyablo: ang sinumang hindi gumagawa ng ayon sa kalooban ng Diyos at hindi umiibig sa kanyang kapatid ay hindi anak ng Diyos.

Juan 10:7-16

Si Jesus ang Mabuting Pastol

Kaya't muling sinabi ni Jesus, “Pakatandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga nauna sa akin ay mga magnanakaw at mga tulisan, ngunit hindi sila pinakinggan ng mga tupa. Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko'y maliligtas. Papasok siya't lalabas, at makakatagpo ng pastulan. 10 Dumarating ang magnanakaw para lamang magnakaw, pumatay, at manira. Naparito ako upang ang mga tupa ay magkaroon ng buhay, buhay na masaganang lubos.

11 “Ako(A) ang mabuting pastol. Iniaalay ng mabuting pastol ang kanyang buhay para sa mga tupa. 12 Ang upahan ay tumatakas kapag may dumarating na asong-gubat. Iniiwan niya ang mga tupa, palibhasa'y hindi siya pastol at hindi kanya ang mga ito. Kaya't sinusunggaban ng asong-gubat ang mga ito at binubulabog. 13 Tumatakas siya, palibhasa'y upahan lamang at walang malasakit sa mga tupa. 14-15 Ako(B) nga ang mabuting pastol. Kung paanong kilala ako ng Ama at siya'y kilala ko, gayundin naman, kilala ko ang aking mga tupa at ako nama'y kilala nila. At iniaalay ko ang aking buhay para sa aking mga tupa. 16 Mayroon akong iba pang mga tupa na wala pa sa kulungang ito. Kinakailangang sila'y ipasok ko rin, at papakinggan nila ang aking tinig. Sa gayon, magkakaroon ng isang kawan na may isang pastol.

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.