Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 75-76

Diyos ang Siyang Huhusga

Isang Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit.

75 Salamat, O Diyos, maraming salamat,
    sa iyong pangalan kami'y tumatawag,
    upang gunitain sa lahat ng oras ang mga gawa mo na kahanga-hanga.

Wika ng Panginoon, “Sa takdang panahon,
    walang pagtatanging ako ay hahatol.
Itong mundong ito'y kahit na mayanig,
    maubos ang tao dito sa daigdig,
    ang saligan nito'y aking ititindig.” (Selah)[a]
“Sabi ko sa hambog sila ay mag-ingat, at ang masasama'y huwag magpasikat.
    Ang pagmamalaki'y dapat na iwasan, kung magsasalita'y gawing malumanay.”

Hindi sa silangan, hindi sa kanluran,
    hindi rin sa timog o sa hilaga man magmumula, hatol na inaasahan.
Tanging Diyos lamang ang siyang hahatol,
    sa mapapahamak o sa magtatagumpay.
Si Yahweh na Diyos ay may kopang hawak,
    sariwa't matapang yaong lamang alak;
ipauubaya niyang ito'y tunggain
    ng taong masama, hanggang sa ubusin.

Subalit ako ay laging magagalak;
    ang Diyos ni Jacob, aking itataas.
10 Lakas ng masama'y papatiding lahat,
    sa mga matuwid nama'y itataas!

Diyos ang Magtatagumpay

Awit na katha ni Asaf upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng mga instrumentong may kuwerdas.

76 Tunay na si Yahweh'y kilala sa Juda,
    sa buong Israel, dakilang talaga;
nasa Jerusalem ang tahanan niya,
    sa Bundok ng Zion, doon tumitira.
Lahat ng sandata ng mga kaaway,
    mga pana't sundang, baluting sanggalang, doon niya sinirang walang pakundangan. (Selah)[b]

O Diyos, dakila ka, ikaw ay maringal
    higit pa sa matatag na kabundukan.[c]
Walang magawâ, matatapang na kawal, binawi ng Diyos ang taglay na samsam;
    nahihimbing sila at nakahandusay,
    mga lakas nila, lahat ay pumanaw.
Nang ika'y magalit, O Diyos ni Jacob,
    sakay at kabayo'y pawang nangalugmok.

Ikaw, O Yahweh, kinatatakutan!
    Sino ang tatayo sa iyong harapan
    kapag nagalit ka sa mga kinapal?
Sa iyong paghatol na mula sa langit,
    ang lahat sa mundo'y takot at tahimik.
Nang ika'y tumayo't gawin ang paglitis,
    naligtas ang mga api sa daigdig. (Selah)[d]

10 Ang matinding galit sa iyo ng tao, hahantong na lahat sa pagpuri sa iyo.
    Silang nangaligtas sa mga labanan, laging magpupuri at mangagdiriwang.
11 Mga pangako mo kay Yahweh, iyong Diyos, ay iyong tuparin nang tapat sa loob;
    dapat na magdala ng mga kaloob ang lahat ng bansa sa iyong palibot.

12 Hambog na prinsipe ay ibinababâ,
    tinatakot niya hari mang dakila.

Mga Awit 23

Si Yahweh ang Ating Pastol

Awit ni David.

23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
    at inaakay niya sa tahimik na batisan.
Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
    upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
    wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.

Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
    na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
    sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
    at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.

Mga Awit 27

Panalangin ng Pagpupuri

Katha ni David.

27 Si Yahweh ang ilaw ko at kaligtasan;
    sino pa ba ang aking katatakutan?
Si Yahweh ang muog ng aking buhay,
    sino pa ba ang aking kasisindakan?

Kung buhay ko'y pagtangkaan ng taong masasama,
    sila'y mga kalaban ko at mga kaaway nga,
    mabubuwal lamang sila at mapapariwara.
Kahit isang hukbo ang sa aki'y pumalibot,
    hindi pa rin ako sa kanila matatakot;
salakayin man ako ng mga kaaway,
    magtitiwala pa rin ako sa Maykapal.

Kay Yahweh ay isang bagay lang ang aking hiniling,
    iisa lamang talaga ang aking hangarin:
ang tumira sa Templo niya habang buhay,
    upang kagandahan ni Yahweh'y aking mapagmasdan,
    at doo'y humingi sa kanya ng patnubay.
Itatago niya ako kapag may kaguluhan,
    sa loob ng kanyang Templo ako'y iingatan;
    sa ibabaw ng batong malaki ako'y ilalagay.
Matatalo ko ang mga nakapaligid kong kaaway.
    Sa Templo'y sisigaw nang may kagalakan, habang mga handog ko'y iniaalay;
    aawitan ko si Yahweh at papupurihan.

Pakinggan mo ako, Yahweh, sa aking panawagan,
    sagutin mo ako at iyong kahabagan.
Nang sabihin mo, Yahweh, “Lumapit ka sa akin,”
sagot ko'y, “Nariyan na ako at kita'y sasambahin.”
Huwag ka sanang magagalit sa akin;
    ang iyong lingkod, huwag mo sanang palayasin.
Tinulungan mo ako, Diyos ng aking kaligtasan,
    huwag mo po akong iwan, at huwag pabayaan!
10 Itakwil man ako ng aking ama at ina,
    si Yahweh ang sa akin ay mag-aaruga.

11 Ituro mo sa akin, Yahweh, ang iyong kagustuhan,
    sa ligtas na landas ako'y iyong samahan,
    pagkat naglipana ang aking mga kaaway.
12 Sa mga kaaway ay huwag akong ipaubaya,
    na kung lumulusob ay mga pagbabanta at kasinungalingan ang dalang sandata.

13 Naniniwala akong bago ako mamatay,
    kabutihan ni Yahweh'y aking masasaksihan.
14 Kay Yahweh tayo'y magtiwala!
    Manalig sa kanya at huwag manghinawa.
Kay Yahweh tayo magtiwala!

Isaias 57:3-13

Halikayo, mga makasalanan upang hatulan.
    Wala kayong pagkakaiba sa mga mangkukulam,
    nangangalunya at babaing masasama.
Sino ba ang inyong pinagtatawanan?
    Sino ba ang inyong hinahamak?
    Mga anak kayo ng sinungaling.
Sinasamba ninyo ang mga diyus-diyosan sa pamamagitan ng pakikipagtalik
    habang nasa ilalim ng mga punong ensina na ipinalalagay ninyong sagrado.
Sinusunog ninyo bilang handog ang inyong mga anak,
    sa mga altar sa may libis, sa loob ng mga yungib.
Makinis na bato'y sinasamba ninyo na tulad ng diyos,
kayo'y kumukuha ng pagkain at alak upang ihandog;
    sa gawa bang ito, ako'y malulugod?
Sa tuktok ng bundok,
    kayo'y umaahon upang maghandog,
    at makipagtalik.
Pagpasok ng pinto,
    nagtayo kayo roon ng diyus-diyosan,
    ako'y nilimot ninyo at inyong nilayasan.
Lubos kayong nag-alis ng suot ninyong damit;
    sa inyong higaa'y nakipagtalik sa mga lalaking inyong inupahan.
Kayo ay natulog na kasama nila para pagbigyan ang inyong pagnanasa.
Kayo ay nagtungo sa hari[a] na may dalang langis ng olibo,
    at dinagdagan ninyo ang inyong pabango;
kayo ay nagsugo sa malayong lugar
    at kayo mismo ang lumusong sa daigdig ng mga patay.
10 Lubha kayong nagpagod sa maraming lakbayin,
    at kailan ma'y hindi sinabi na wala na itong pag-asa.
Kayo ay nagpanibagong-lakas,
    at dahil dito ay hindi nanghina.

11 Ang tanong ni Yahweh, “Sino ba ang inyong kinatatakutan
    kaya nagsinungaling kayo sa akin
at lubusang tumalikod?
Matagal ba akong nanahimik
    kaya kayo tumigil ng pagpaparangal sa akin?
12 Akala ninyo'y tama ang inyong ginagawa.
Ibubunyag ko ang masama ninyong gawa;
    at tingnan ko lang kung tutulungan kayo ng mga diyus-diyosang iyan.
13 Ang diyus-diyosang tinatawag ninyo'y hindi makatutulong o makakapagligtas, kahit kayo'y managhoy;
    ang mga diyos ninyo'y lilipad kung hangin ay umihip,
    kaunting ihip lamang, sila'y itataboy.
Subalit ang taong sa aki'y may tiwala at laging umaasa,
    ang banal na bundok at ang lupaing ito'y mamanahin niya.”

Galacia 5:25-6:10

25 Kung binigyan tayo ng buhay ng Espiritu, mamuhay rin tayo ayon sa Espiritu. 26 Huwag tayong maging palalo, huwag nating galitin ang isa't isa, at huwag rin tayong mainggit sa isa't isa.

Magtulungan sa mga Pasanin

Mga kapatid, kung may isa sa inyo na mahulog sa pagkakasala, kayong pinapatnubayan ng Espiritu ang magtuwid sa kanya. Subalit gawin ninyo iyon nang mahinahon, at mag-ingat kayo, baka kayo naman ang matukso. Magtulungan kayo sa pagbuhat ng pasanin ng bawat isa. Sa gayong paraan ay matutupad[a] ninyo ang kautusan ni Cristo. Kung inaakala ninyong kayo'y nakakahigit sa iba, subalit hindi naman, dinadaya ninyo ang inyong sarili. Suriin ng bawat isa ang kanyang gawa. Sa gayon, ang kanyang kagalakan ay nakabatay sa kanyang gawa. Huwag na niyang ihambing pa iyon sa gawa ng iba, sapagkat ang bawat isa ay dapat magdala ng kanyang sariling dalahin.

Ang mga tinuturuan ng salita ng Diyos ay dapat magbahagi ng lahat ng magagandang bagay sa mga nagtuturo.

Huwag ninyong linlangin ang inyong sarili; hindi maaaring tuyain ang Diyos. Kung ano ang itinanim ng tao, iyon din ang kanyang aanihin. Ang nagtatanim para sa sarili niyang laman ay aani ng pagkabulok mula sa laman. Ngunit ang nagtatanim para sa Espiritu ay aani ng buhay na walang hanggan. Kaya't huwag tayong mapagod sa paggawa ng mabuti sapagkat pagdating ng takdang panahon tayo ay aani kung hindi tayo susuko. 10 Kaya nga, basta may pagkakataon ay gumawa tayo ng mabuti sa lahat ng tao, lalo na sa mga kapatid natin sa pananampalataya.

Marcos 9:14-29

Pinagaling ang Batang Sinasapian ng Masamang Espiritu(A)

14 Nang magbalik sila, naratnan nila ang ibang mga alagad na napapaligiran ng napakaraming tao gayundin ng mga tagapagturo ng Kautusan na nakikipagtalo sa kanila. 15 Nang makita si Jesus ng mga tao, nagulat sila at patakbo nilang sinalubong at binati siya. 16 Tinanong ni Jesus ang kanyang mga alagad, “Ano ang inyong pinagtatalunan?”

17 Sumagot ang isa mula sa karamihan, “Guro, dinala ko po rito sa inyo ang aking anak na lalaki dahil siya'y sinasapian ng masamang espiritu at hindi makapagsalita. 18 Tuwing siya'y sinasapian nito, siya'y ibinubuwal; bumubula ang kanyang bibig, nagngangalit ang kanyang mga ngipin, at siya'y naninigas. Hiniling ko po sa inyong mga alagad na palayasin nila ang masamang espiritu ngunit hindi nila ito mapalayas.”

19 Sinabi ni Jesus sa kanila, “Lahing walang pananampalataya! Hanggang kailan pa ba ako mananatiling kasama ninyo? Hanggang kailan ko kayo pagtitiisan? Dalhin ninyo rito ang bata!”

20 Dinala nga nila ang bata sa kanya. Nang si Jesus ay makita ng espiritu, biglang pinapangisay nito ang bata. Ang bata'y natumba sa lupa at gumulung-gulong na bumubula ang bibig. 21 “Kailan pa siya nagkaganyan?” tanong ni Jesus sa ama.

“Simula pa po noong maliit siya!” tugon niya. 22 “Gusto po siyang patayin ng masamang espiritu. Madalas inihahagis po siya nito sa apoy at itinatapon siya sa tubig. Subalit kung may magagawa kayo, kami po ay kaawaan at tulungan ninyo.”

23 “Kung may magagawa ako?” tanong ni Jesus. “Mangyayari ang lahat sa sinumang may pananampalataya.”

24 Agad namang sumagot ang ama ng bata, “Naniniwala po ako! Tulungan po ninyo akong madagdagan pa ang aking pananampalataya.”

25 Nang makita ni Jesus na dumadami ang mga tao, sinabi niya sa masamang espiritu, “Inuutusan kita, espiritu ng pagkapipi at pagkabingi, lumabas ka sa bata at huwag ka nang babalik sa kanya!”

26 Nagsisigaw ang masamang espiritu, pinangisay ang bata at saka lumabas. Nagmistulang bangkay ang bata kaya't sinabi ng marami, “Patay na siya!” 27 Ngunit ang bata'y hinawakan ni Jesus sa kamay, ibinangon, at ito'y tumayo.

28 Nang pumasok si Jesus sa bahay, palihim siyang tinanong ng kanyang mga alagad, “Bakit po hindi namin napalayas ang masamang espiritung iyon?”

29 Sumagot si Jesus, “Mapapalayas lamang ang ganitong uri ng espiritu sa pamamagitan ng panalangin.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.