Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 97

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

97 Si Yahweh ay naghahari, magalak ang buong mundo!
    Magsaya nama't magdiwang, lahat kayong mga pulo!
Ang paligid niya'y ulap na punô ng kadiliman,
    kaharian niya'y matuwid at salig sa katarungan.
Sa unahan niya'y apoy, patuloy na nag-aalab,
    sinusunog ang kaaway sa matindi nitong ningas.
Yaong mga kidlat niyang tumatanglaw sa daigdig,
    kapag iyon ay namasdan, ang lahat ay nanginginig.
Itong mga kabundukan ay madaling nalulusaw,
    sa presensya ni Yahweh, Diyos ng sandaigdigan.
Sa langit ay nahahayag nga ang kanyang katuwiran,
    sa lupa ay makikita ang kanyang kadakilaan.

Lahat silang sumasamba sa kanilang diyus-diyosan, mahihiya sa kanilang paghahambog na mainam.
    Mga diyos nilang ito ay yuyuko sa Maykapal.
Nagagalak itong Zion, mamamaya'y nagsasaya,
    nagagalak ang lahat ng mga lunsod nitong Juda,
    dahilan sa wastong hatol yaong gawad na parusa.
Ikaw, Yahweh, ay Dakila at hari ng buong lupa,
    dakila ka sa alinmang mga diyos na ginawa.

10 Mahal ni Yahweh ang lahat ng namumuhi sa masama,
    siya ang nag-iingat sa buhay ng mga lingkod niya;
    sa kamay ng mga buktot, tiyak na ililigtas niya.
11 Sa tapat ang pamumuhay ay sisinag ang liwayway,
    sa dalisay namang puso maghahari'y kagalakan.
12 Kayong mga matuwid, kay Yahweh ay magalak,
    sa banal niyang pangalan kayo'y magpasalamat.

Mga Awit 99-100

Si Yahweh ang Kataas-taasang Hari

99 Si(A) Yahweh ay naghahari kaya't sa takot ay,
    mga tao'y nanginginig,
trono'y sa ibabaw ng mga kerubin,
    kaya daigdig ay nayayanig.
Si Yahweh'y dakilang tunay, sa Zion o sa mga bansa,
    si Yahweh ang naghahari sa lahat ng mga nilikha.
Purihin natin ang banal at dakila niyang ngalan,
    si Yahweh ay banal!

Ikaw ay dakilang Hari, umiibig sa katuwiran,
    ang dulot mo sa Israel ay ganap na katarungan;
    ang dulot mo sa kanila ay pagtinging pantay-pantay.
Si Yahweh na ating Diyos ay lubos na parangalan;
    sa harap ng kanyang trono, tayo ay manambahan!
    Si Yahweh ay banal!

Si Moises at si Aaron, na mga pari niya;
    at si Samuel nama'y lingkod na sa kanya ay sumamba;
    nang si Yahweh'y dalanginan, dininig naman sila.
Si(B) Yahweh ay nagsalita sa isang haliging ulap;
    sila naman ay nakinig, utos niya ay tinupad.

O Yahweh na aming Diyos, sinagot mo sila agad,
    at ikaw ay nakilalang Diyos na mapagpatawad;
    ngunit pinagdurusa mo kung ang gawa'y hindi tumpak.
Ang Diyos natin na si Yahweh, dapat nating parangalan,
    sa banal na bundok niya sambahin ang kanyang ngalan!
Si Yahweh na ating Diyos ay banal!

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(C) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Mga Awit 94-95

Diyos ang Siyang Huhusga sa Lahat

94 Karapatang magparusa, O Yahweh, ay taglay mo,
    ipakita mo ngayon ang karapatang ganito.
Tumayo ka at sa lupa'y igawad ang iyong hatol,
    ang hambog ay hatulan mo ng parusang nauukol.
Hanggang kailan kaya, Yahweh, magagalak ang masama?
    Hanggang kailan ibabantog ang kanilang mga gawa?
Gaano bang katagal pa ang masama'y maghahambog,
    upang sila'y magmalaki sa kanilang gawang buktot?
Kanila ngang nililipol itong mga hinirang mo,
    Yahweh, inaapi nila mga taong tinubos mo.
Ang mga ulila, balo't mamamayan ng ibang bansa,
    pinapatay nila ito at kanilang pinupuksa.
Madalas na sinasabi, “Hindi kami pansin ni Yahweh,
    hindi kami nakikita ni pansin ng Diyos ni Jacob.”

Unawain ninyo, bayan, kayong kulang ang isipan;
    hanggang kailan pa durunong kayong mga taong mangmang?
Itong Diyos na lumikha nitong ating mata't tainga,
    akala ba ninyo'y bingi at ni hindi makakita?
10 Sa lahat ng mga bansa di ba siya ang hahatol?
    Di ba siya'ng guro nila pagkat siya ang marunong?
11 Batid(A) ni Yahweh mga plano nating baluktot,
    katulad lang ng hininga, madaling malagot.

12 Mapalad ang mga taong tumatanggap ng pangaral,
    silang sa iyo'y tumatanggap ng turo sa kautusan.
13 Pagkat sila'y magdaranas ng kapahingahan,
    hanggang yaong masasama'y mahulog sa kanilang hukay.
14 Mga lingkod ni Yahweh ay hindi niya iiwanan,
    itong mga hirang niya'y hindi niya tatalikdan;
15 mababalik sa matuwid ang ganap na katarungan,
    diwang ito ang susundin ng tapat ang pamumuhay.

16 Sino kaya'ng kakampi ko sa pagbaka sa masama?
    Sino ngayon ang babaka sa masama nilang gawa?
17 O Yahweh, kung ako nga ay hindi mo tinulungan,
    akin sanang kaluluwa'y naroon na sa libingan.
18 Kapag aking nagunitang, “Ang paa ko'y dumudulas,”
    dahilan sa pag-ibig mo, O Yahweh, ako'y tumatatag.
19 Kapag ako ay ginugulo ng maraming suliranin,
    ang wagas na pag-ibig mo ang umaaliw sa akin.

20 Sa iyo ba ay papanig mga hukom na masama,
    na ang laging kapasyaha'y ang hatol na hindi tama?
21 Sama-sama silang lagi't ang matuwid ang kalaban,
    ang hatol sa walang sala ay hatol na kamatayan.
22 Ngunit ikaw, O Yahweh, ang sa aki'y nagtatanggol.
    Ikaw na aking Diyos ang matibay na kanlungan.
23 Sa masamang gawa nila ay Diyos ang gaganti,
    lilipulin niyang lahat, pagkat sila'y di mabuti;
    ang wawasak sa kanila ay ang Diyos na si Yahweh.

Awit ng Pagpupuri kay Yahweh

95 Tayo na't lumapit
    kay Yahweh na Diyos, siya ay awitan,
ang batong kublihan,
atin ngang handugan, masayang awitan!
Tayo na't lumapit,
sa kanyang presensya na may pasalamat,
siya ay purihin,
ng mga awiting may tuwa at galak.
Sapagkat si Yahweh,
siya ay dakila't makapangyarihang Diyos,
ang dakilang Haring
higit pa sa sinuman na dinidiyos.
Nasa kanyang palad
ang buong daigdig, pati kalaliman;
ang lahat ay kanya
maging ang mataas nating kabundukan.
Kanya rin ang dagat
at pati ang lupa na kanyang nilalang.

Tayo na't lumapit,
sa kanya'y sumamba at magbigay-galang,
lumuhod sa harap
ni Yahweh na siyang sa ati'y may lalang.
Siya(B) (C) ang ating Diyos,
at tayo ang bayan sa kanyang pastulan,
mga tupang kanyang inaalagaan.

At ngayon kanyang salita'y ating pakinggan:
“Iyang(D) inyong puso'y
huwag patigasin, tulad ng ginawa
ng inyong magulang
nang nasa Meriba, sa ilang ng Masah.
Ako ay tinukso't
doon ay sinubok ng inyong magulang,
bagama't nakita
ang aking ginawang sila'ng nakinabang.
10 Apatnapung taon,
sa inyong ninuno ako ay nagdamdam,
ang aking sinabi,
‘Sila ay suwail, walang pakundangan
at ang mga utos ko'y ayaw nilang sundin!’
11 Kaya't(E) sa galit ko,
ako ay sumumpang hindi sila makakapasok
at makakapagpahinga sa aking piling.”

Isaias 63:7-14

Ang Kabutihan ni Yahweh sa Israel

Aking sasaysayin ang pag-ibig ni Yahweh na hindi nagmamaliw;
    pupurihin ko siya sa lahat ng bagay na kanyang ginawa para sa atin.
Tunay na kanyang pinagpala ang bayang Israel,
    dahil sa kahabagan niya at wagas na pag-ibig.
Sinabi ni Yahweh, “Sila ang bayan ko na aking hinirang,
    kaya hindi nila ako pagtataksilan.”
Iniligtas niya sila
    sa kapahamakan at kahirapan.
Hindi isang anghel,
    kung hindi si Yahweh mismo ang nagligtas sa kanila;
iniligtas sila dahil sa pag-ibig niya't habag,
    na sa simula pa ay kanya nang ipinakita.

10 Ngunit sa kabila nito, sila'y naghimagsik
    at pinighati nila ang kanyang banal na Espiritu;
dahil doon naging kaaway nila si Yahweh.
11 Pagkatapos, naalala nila ang panahon ni Moises,
    ang lingkod ni Yahweh.
Ang tanong nila, “Nasaan na si Yahweh, na nagligtas sa mga pinuno ng kanyang bayan nang sila'y tumawid sa Dagat ng mga Tambo?
Nasaan na si Yahweh, na nagbigay ng kanyang banal na Espiritu kay Moises?
12 Sa(A) pangalan ni Yahweh, hinawi ni Moises ang tubig ng dagat,
    kaya ang Israel doon ay naligtas.
At siya ay natanyag sa lahat para sa kanyang sarili.”
13 Natawid nila ang karagatan sa tulong ni Yahweh,
    parang kabayong matatag na hindi nabuwal.
14 Kung paanong ang kawan ay dinadala sa sariwang pastulan,
    ang Espiritu[a] ni Yahweh ang nagbigay ng kapahingahan sa kanyang bayan,
at sila'y ginabayan upang siya ay maparangalan.

1 Timoteo 1:18-2:8

18 Timoteo, anak ko, ang mga bagay na ito'y itinatagubilin ko sa iyo ayon sa mga pahayag na sinabi tungkol sa iyo upang sa pamamagitan ng mga ito ay makipaglaban kang mabuti, 19 taglay ang matibay na pananampalataya at malinis na budhi. May mga taong hindi sumunod sa kanilang budhi, at dahil dito, ang pananampalataya nila ay natulad sa isang barkong nawasak. 20 Kabilang sa mga iyon sina Himeneo at Alejandro, na ipinaubaya ko na sa kapangyarihan ni Satanas upang turuan silang huwag lumapastangan sa Diyos.

Mga Tagubilin tungkol sa Panalangin

Una sa lahat, ipinapakiusap kong idulog ninyo sa Diyos ang inyong mga kahilingan, panalangin, pagsamo, at pasasalamat para sa lahat ng tao. Idalangin rin ninyo ang mga hari at maykapangyarihan, upang tayo'y makapamuhay nang matahimik, mapayapa, maka-Diyos at marangal. Ito ang mabuti at nakalulugod sa Diyos na ating Tagapagligtas. Ibig niyang ang lahat ng tao ay maligtas at makaalam ng katotohanang ito. Sapagkat iisa ang Diyos at iisa ang tagapamagitan sa Diyos at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus. Inihandog niya ang kanyang buhay upang tubusin ang lahat mula sa kasalanan. Ang katotohanang ito ay pinatunayan sa takdang panahon. Dahil(A) dito, ako'y pinili upang maging mangangaral, apostol at tagapagturo ng pananampalataya at katotohanan para sa mga Hentil. Totoo ang sinasabi ko, at hindi ako nagsisinungaling!

Sa lahat ng dako, nais kong ang mga lalaki ay manalangin nang may malinis na puso, walang sama ng loob at galit sa kapwa.

Marcos 11:12-26

Sinumpa ang Puno ng Igos(A)

12 Kinabukasan, nang pabalik na sila mula sa Bethania, si Jesus ay nakaramdam ng gutom. 13 Nakita niya sa di-kalayuan ang isang malagong puno ng igos. Nilapitan niya ito upang tingnan kung may bunga. Dahil hindi pa panahon ng igos noon, wala siyang nakita kundi mga dahon lamang. 14 Kaya't sinabi niya sa puno ng igos, “Wala nang makakakain pa ng iyong bunga.” Ang sinabi niyang iyon ay narinig ng kanyang mga alagad.

Pinalayas ang mga Nangangalakal sa Templo(B)

15 Pagdating nila sa Jerusalem, si Jesus ay pumasok sa Templo. Ipinagtabuyan niya ang mga nagbebenta at namimili roon, at ipinagtataob niya ang mga mesa ng mga namamalit ng salapi at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng kalapati. 16 Pinagbawalan din niyang tumawid sa patyo ng Templo ang mga may dalang paninda 17 at(C) tinuruan niya ang mga tao nang ganito, “Nasusulat, ‘Ang aking tahanan ay tatawaging bahay-dalanginan ng lahat ng bansa.’ Ngunit ginawa ninyo itong lungga ng mga magnanakaw!”

18 Narinig ito ng mga punong pari at ng mga tagapagturo ng Kautusan. Buhat noo'y humanap na sila ng paraan upang patayin si Jesus. Subalit natatakot sila sa kanya dahil humahanga ang lahat sa kanyang mga turo.

19 Pagsapit ng gabi, si Jesus at ang kanyang mga alagad ay muling lumabas ng lungsod.

Ang Aral Mula sa Puno ng Igos(D)

20 Kinaumagahan, pagdaan nila'y nakita nilang natuyo ang puno ng igos hanggang sa mga ugat nito. 21 Naalala ni Pedro ang nangyari dito kaya't kanyang sinabi kay Jesus, “Guro, tingnan ninyo! Patay na ang puno ng igos na isinumpa ninyo.”

22 Sumagot si Jesus, “Manalig kayo sa Diyos. 23 Tandaan(E) ninyo ito: kung kayo'y nananampalataya sa Diyos at hindi kayo nag-aalinlangan, maaari ninyong sabihin sa bundok na ito, ‘Umalis ka riyan at tumalon ka sa dagat,’ at ito nga ay mangyayari. 24 Kaya't sinasabi ko sa inyo, anuman ang hingin ninyo sa inyong panalangin, maniwala kayong natanggap na ninyo iyon, at matatanggap nga ninyo iyon. 25 Kapag(F) kayo'y tumayo upang manalangin, patawarin muna ninyo ang nagkasala sa inyo upang ang inyong mga kasalanan ay patawarin din ng inyong Ama na nasa langit. [26 Ngunit kung hindi kayo magpapatawad, hindi rin naman kayo patatawarin ng inyong Ama na nasa langit.][a]

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.