Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Magandang Balita Biblia (MBBTAG)
Version
Mga Awit 88

Panalangin ng Paghingi ng Tulong

Isang Awit na katha ng angkan ni Korah, upang awitin ng Punong Mang-aawit: sa saliw ng Mahalath Leanoth.[a] Isang Maskil[b] ni Heman, na mula sa angkan ni Ezra.

88 Yahweh, aking Diyos, tanging ikaw lamang, aking kaligtasan,
    pagsapit ng gabi, dumudulog ako sa iyong harapan.
Ako ay dinggin mo, sa pagdalangin ko ako ay pakinggan,
    sa aking pagdaing ako ay tulungan.

Ang kaluluwa ko ay nababahala't puspos ng problema.
    Dahilan sa hirap pakiwari'y buhay ko'y umiiksi na.
Ibinilang ako niyong malapit nang sa hukay ilagak,
    ang aking katulad ay mahina na't ubos na ang lakas.
Ang katulad ko pa ay ang iniwanan sa gitna ng patay,
    animo'y nasawi na nananahimik sa kanyang libingan.
Tulad na rin ako nitong mga tao na iyong nilimot,
    parang mga tao na sa iyong tulong ay hindi maabot.
Dinala mo ako sa may kadilimang hukay na malalim,
    na tulad ng libingan na ubod ng dilim.
Ikaw ay nagalit, at ang bigat nito'y sa akin nabunton,
    ang katulad ko'y tinabunan ng malaking alon. (Selah)[c]

Mga kasama ko'y hinayaan mo na ako ay iwan,
    hinayaan silang mamuhi sa aki't ako'y katakutan,
kaya hindi ako makatakas ngayo't pintua'y nasarhan.
    Dahilan sa lungkot, ang aking paningi'y waring lumalamlam,
kaya naman, Yahweh, tumatawag ako sa iyo araw-araw,
    sa pagdalangin ko ay taas ang kamay.

10 Makakagawa ba ikaw, Panginoon, ng kababalaghan,
    para purihin ka niyong mga patay? (Selah)[d]
11 Ang pag-ibig mo ba doon sa libinga'y ipinapahayag,
    o sa kaharian niyong mga patay ang iyong pagtatapat?
12 Doon ba sa dilim ang dakilang gawa mo ba'y makikita,
    o iyong kabutihan, sa mga lupaing tila nalimot na?

13 Sa iyo, O Yahweh, ako'y nananangis at nananawagan,
    sa tuwing umaga ako'y tumatawag sa iyong harapan.
14 Di mo ako pansin, Yahweh, aking Diyos, di ka kumikibo.
    Bakit ang mukha mo'y ikinukubli mo, ika'y nagtatago?
15 Mula pagkabata ako'y nagtiis na, halos ikamatay;
    ang iyong parusa'y siyang nagpahina sa aking katawan.
16 Sa aking sarili, tindi ng galit mo'y aking nadarama,
    ako'y mamamatay kundi ka hihinto ng pagpaparusa.
17 Parang baha sila kung sumasalakay sa aking paligid,
    sa buong maghapon kinukubkob ako sa lahat ng panig.
18 Iyong pinalayo mga kaibigan pati kapitbahay;
    ang tanging natira na aking kasama ay ang kadiliman.

Mga Awit 91-92

Ang Diyos ang Mag-iingat sa Atin

91 Siyang naghahangad ng pagkupkop ng Kataas-taasan,
    at nananatili sa pagkalinga ng Makapangyarihan,
ay makakapagsabi kay Yahweh:
    “Muog ka't kanlungan,
    ikaw ang aking Diyos, ang Diyos na tangi kong pinagtiwalaan.”
Sa panganib at bitag ika'y kanyang ililigtas,
    at kahit ano mang matinding salot ay di ka magdaranas.
Lulukuban ka niya sa lilim ng kanyang malapad na pakpak,
    at sa kalinga niya ay palagi ka ngang nakakatiyak;
    iingatan niya't ipagsasanggalang, pagkat siya'y matapat.
Pagsapit ng gabi, di ka matatakot sa anumang bagay,
    maging sa gagawing biglaang paglusob ng mga kaaway.
    Ni sa ano pa mang darating na salot pagkagat ng dilim,
    sa pagpuksa'y wala kang takot, sa araw man dumating.

Kahit na mabuwal sa iyong harapan ang sanlibong tao,
    sa iyong paligid ang bilang ng patay maging sampung libo;
    di ka matatakot, at natitiyak mong di ka maaano.
Ika'y magmamasid at sa panonood, mapapatunayan,
    iyong makikita, taong masasama'y pinaparusahan.

Sapagkat si Yahweh ang iyong ginawang tagapagsanggalang,
    at ang pinili mong mag-iingat sa iyo'y Kataas-taasan.
10 Di mo aabuting ika'y mapahamak; di mararanasan
    kahit anong uring mga paghihirap sa iyong tahanan.
11 Sa(A) kanyang mga anghel, ika'y itatagubilin,
    saan mang dako maparoon, tiyak kang iingatan.
12 Sa(B) kanilang mga kamay, ika'y aalalayan,
    nang sa mga bato, paa mo'y hindi masasaktan.
13 Iyong(C) tatapakan kahit mga ahas o leong mabagsik,
    di ka maaano sa mga serpiyente't leong mababangis.

14 Ang sabi ng Diyos, “Ililigtas ko ang mga tapat sa akin,
    at iingatan ko ang sinumang taong ako'y kikilanlin.
15 Kapag sila'y tumawag, laging handa ako na sila'y pakinggan,
    aking sasamahan at kung may problema ay sasaklolohan;
    aking ililigtas at ang bawat isa ay pararangalan.
16 Sila'y bibigyan ko't gagantimpalaan ng mahabang buhay,
    at nakakatiyak, tatamuhin nila aking kaligtasan!”

Awit ng Papuri sa Diyos

Isang Awit para sa Araw ng Pamamahinga.

92 Ang magpasalamat
    kay Yahweh ay mabuting bagay,
umawit na lagi
purihin ang ngalang Kataas-taasan.
Pag-ibig niyang wagas
ay dapat ihayag, kung bukang-liwayway,
pagsapit ng gabi
ang katapatan niya'y ihayag din naman.
Ito'y ipahayag
sa saliw ng alpa't tugtuging salteryo,
sa magandang himig
ng tugtuging lira'y ipahayag ito.
Ako'y nagagalak
sa iyong ginawa na kahanga-hanga,
sa lahat ng ito
ako'y umaawit dahilan sa tuwa.

O pagkadakila!
Kay dakila, Yahweh, ng iyong ginawa,
ang iyong isipan
ay sadyang mahirap naming maunawa.
Sa(D) kapos na isip,
ang bagay na ito ay di nalalaman,
hindi malilirip
ni mauunawa ng sinumang mangmang:
ang mga masama
kahit na dumami't sila ma'y umunlad,
kanilang hantungan
ay tiyak at lubos na kapahamakan;
sapagkat ikaw lang,
Yahweh, ang dakila't walang makatulad.

Nababatid naming
lilipuling lahat ang iyong kaaway,
at lahat ng taong
masama ang gawa ay mapipilan.
10 Ako'y ginawa mong
sinlakas ng torong mailap sa gubat,
ako'y pinagpala't
pawang kagalakan aking dinaranas.
11 Aking nasaksihan
yaong pagkalupig ng mga kaaway,
pati pananaghoy
ng mga masama'y aking napakinggan.

12 Tulad ng palmera,
ang taong matuwid tatatag ang buhay,
sedar ang kagaya,
kahoy sa Lebanon, lalagong malabay.
13 Mga punong natanim
sa tahanan ni Yahweh,
sa Templo ng ating Diyos
bunga nila'y darami.
14 Tuloy ang pagbunga
kahit na ang punong ito ay tumanda,
luntia't matatag,
at ang dahon nito ay laging sariwa.
15 Ito'y patotoo
na si Yahweh ay tunay na matuwid,
siya kong sanggalang,
matatag na batong walang karumihan.

Isaias 61:1-9

Magandang Balita ng Kaligtasan

61 Ang Espiritu[a] (A) (B) ng Panginoong Yahweh ay sumasaakin sapagkat ako'y kanyang hinirang;
sinugo niya ako upang dalhin ang Magandang Balita sa mga inaapi,
upang pagalingin ang mga sugatang-puso,
upang ipahayag sa mga bihag at sa mga bilanggo na sila'y lalaya.
Sinugo(C) niya ako upang ipahayag
na darating na ang panahon ng pagliligtas ni Yahweh;
at ang paghihiganti ng Diyos laban sa kanyang mga kaaway;
sinugo niya ako upang aliwin ang mga nagluluksa;
upang pasayahin ang mga tumatangis sa Zion,
kaligayahan sa halip na bigyan ng kapighatian,
awit ng kagalakan sa halip na kalungkutan;
matutulad sila sa mga punong itinanim ni Yahweh,
na ginagawa kung ano ang makatuwiran,
at maluluwalhati ang Diyos dahil sa kanilang ginawa.
Muli nilang itatayo ang mga sirang lunsod, na napakatagal nang wasak at tupok.

Paglilingkuran kayo ng mga dayuhan,
at sila ang magpapastol ng inyong mga kawan;
mga dayuhan din ang magsasaka ng inyong lupain at mag-aalaga ng inyong ubasan.
Ngunit kayo nama'y tatawaging mga pari ni Yahweh,
at makikilalang mga lingkod ng ating Diyos.
Pagpipistahan ninyo ang kayamanan ng mga bansa.
Ipagmamalaking inyo na ang karangyaang dati'y sa kanila.
Sa halip na kahihiyan, ang bayan ko'y tatanggap ng kasaganaan.
Sa halip na paghamak, sila'y magsasaya sa kanilang minana,
magiging doble ang inyong kayamanan;
at ang inyong kagalaka'y magpasawalang hanggan.

Ang sabi ni Yahweh:
“Ako'y namumuhi sa kasalanan at pang-aalipin; ang nais ko'y katarungan.
Gagantimpalaan ko ang mga taong tapat sa akin,
walang hanggang tipan ang aking gagawin para sa kanila.
Ang lahi nila ay makikilala sa lahat ng bansa,
ang mga anak nila'y sisikat sa gitna ng madla;
sinumang makakita sa kanila ay makikilalang
sila ang aking bayang pinagpala.”

2 Timoteo 3

Ang mga Huling Araw

Dapat mong malaman na sa mga huling araw ay darating ang mga panahon ng kaguluhan. Sapagkat ang mga tao'y magiging maibigin sa sarili, maibigin sa salapi, palalo, mapagmataas, mapagsamantala, suwail sa magulang, walang utang na loob at lapastangan sa Diyos. Sila'y magiging walang pagmamahal sa kapwa, walang habag, mapanirang-puri, walang pagpipigil sa sarili, marahas, at walang pagpapahalaga sa mabuti. Sila'y magiging mga taksil, padalus-dalos, mayayabang, maibigin sa kalayawan sa halip na maibigin sa Diyos. Sila'y may anyo ng pagiging maka-Diyos, ngunit hindi naman nakikita ang kapangyarihan nito sa kanilang pamumuhay. Iwasan mo ang ganyang uri ng mga tao. May ilan sa kanila na gagamit ng panlilinlang upang makapasok sa mga bahay ng mga babaing madaling malinlang. Ang mga babaing ito'y inuusig ng bigat ng kanilang mga pagkakasala at itinutulak sa sari-saring pagnanasa. Lahat na'y gustong matutunan ng mga babaing ito ngunit kailanma'y hindi nila nauunawaan ang katotohanan. At(A) tulad nina Janes at Jambres na sumalungat kay Moises, sila ay sumasalungat din sa katotohanan. Wala silang iniisip na kabutihan at hindi tunay ang kanilang pananampalataya. Ngunit hindi magpapatuloy ang kanilang kasamaan, sapagkat makikita ng lahat ang kanilang kahangalan, gaya ng nangyari kina Janes at Jambres.

Mga Huling Tagubilin

10 Ngunit sinunod mo ang aking itinuro sa iyo, ang aking ugali at layunin sa buhay. Tinularan mo ang aking pananampalataya, pagtitiyaga, pag-ibig at katapatan. 11 Nasaksihan(B) mo ang mga pag-uusig at paghihirap na dinanas ko sa Antioquia, Iconio at Listra. Napagtiisan ko ang mga ito! At sa lahat ng ito ay iniligtas ako ng Panginoon. 12 Gayundin naman, ang lahat ng nagnanais mamuhay nang matuwid bilang tagasunod ni Cristo Jesus ay daranas ng mga pag-uusig, 13 samantalang ang masasama ay lalo namang magpapakasama, at ang manlilinlang ay patuloy na manlilinlang at sila man ay malilinlang din.

14 Ngunit ikaw, magpatuloy ka sa mga aral na natutunan mo at matibay mong pinaniwalaan, sapagkat kilala mo ang mga nagturo nito sa iyo. 15 Mula pa sa pagkabata alam mo na ang Banal na Kasulatan, na may kapangyarihang magbigay sa iyo ng karunungan tungo sa kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. 16 Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at kapaki-pakinabang sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagsaway sa kamalian, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, 17 upang ang lingkod ng Diyos ay maging ganap at handa sa lahat ng mabubuting gawain.

Marcos 10:32-45

Ang Ikatlong Pagbanggit tungkol sa Kamatayan at Muling Pagkabuhay ni Jesus(A)

32 Nasa daan sila papuntang Jerusalem. Nauuna sa kanila si Jesus; nangangamba ang mga alagad at natatakot naman ang ibang mga taong sumusunod sa kanya. Muling ibinukod ni Jesus ang Labindalawa at sinabi sa kanila ang mangyayari sa kanya. 33 Sabi niya, “Papunta tayo ngayon sa Jerusalem kung saan ang Anak ng Tao'y ipagkakanulo sa mga punong pari at sa mga tagapagturo ng Kautusan. Siya'y hahatulan nila ng kamatayan at ibibigay sa mga Hentil. 34 Siya ay kanilang hahamakin, duduraan, hahagupitin, at papatayin. Ngunit pagkaraan ng tatlong araw, siya'y muling mabubuhay.”

Ang Pagiging Dakila(B)

35 Lumapit kay Jesus ang mga anak ni Zebedeo na sina Santiago at Juan. Sinabi nila, “Guro, may hihilingin po sana kami sa inyo.”

36 “Ano ang nais ninyo?” tanong ni Jesus.

37 Sumagot sila, “Sana po ay makasama kami sa inyong karangalan at maupo ang isa sa kanan at isa sa kaliwa.”

38 Ngunit(C) sabi ni Jesus sa kanila, “Hindi ninyo nalalaman ang inyong hinihingi. Makakaya ba ninyong tiisin ang hirap na aking daranasin? Makakaya ba ninyo ang bautismong ibabautismo sa akin?”

39 “Opo,” tugon nila.

Sinabi ni Jesus, “Ang kopang aking iinuman ay iinuman nga ninyo, at babautismuhan nga kayo sa bautismong tatanggapin ko. 40 Ngunit hindi ako ang magpapasya kung sino ang mauupo sa aking kanan at sa aking kaliwa. Ang mga karangalang iyan ay para sa mga pinaglaanan.”

41 Nang malaman ito ng sampung alagad, nagalit sila sa magkapatid. 42 Kaya't(D) pinalapit sila ni Jesus at sinabi, “Alam ninyo na ang mga itinuturing na pinuno ng mga Hentil ay namumuno bilang mga panginoon sa kanila, at ang kagustuhan ng mga nasa kapangyarihan ang siyang nasusunod. 43 Ngunit(E) hindi ganyan ang dapat umiral sa inyo. Sa halip, ang sinuman sa inyo na nais maging dakila ay dapat maging lingkod ninyo, 44 at ang sinumang nais maging pinuno ay dapat maging alipin ng lahat. 45 Sapagkat ang Anak ng Tao ay naparito hindi upang paglingkuran kundi upang maglingkod at upang mag-alay ng kanyang buhay para sa ikatutubos ng marami.”

Magandang Balita Biblia (MBBTAG)

Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.