Book of Common Prayer
Panalangin sa Panahong Nagkakagulo ang Bansa
Isang(A) Maskil[a] E ni Etan, na mula sa angkan ni Ezra.
89 Pag-ibig mo, Yahweh, na di nagmamaliw, ang sa tuwi-t'wina'y aking aawitin;
ang katapatan mo'y laging sasambitin.
2 Ang iyong pag-ibig walang katapusan,
sintatag ng langit ang iyong katapatan.
3 Sabi mo, O Yahweh, isang kasunduan ang iyong ginawa kay David mong hirang
at ito ang iyong pangakong iniwan:
4 “Isa(B) sa lahi mo'y laging maghahari,
ang kaharian mo ay mamamalagi.” (Selah)[b]
5 Nagpupuri silang nilikha sa langit, ang iyong ginawa'y siyang binabanggit
ang katapatan mo, Yahweh, ay inaawit.
6 O Yahweh, Makapangyarihan sa lahat, sino'ng kaparis mo doon sa itaas?
Mga nilalang doon sa kalangitan, kay Yahweh ba sila ay maipapantay?
7 Sa pagtitipon man ng lahat ng hinirang,
may banal na takot sa iyo at paggalang.
8 O Yahweh na Makapangyarihang Diyos, O Yahweh, mayroon pa kayang katulad kang lubos?
Sa kapangyarihan ay tunay na puspos, kadakilaan mo'y sadyang lubus-lubos.
9 Sumusunod sa iyo dagat mang mabangis,
alon mang malaki'y napapatahimik.
10 Iyang dambuhalang kung tawagi'y Rahab ay iyong dinurog sa taglay mong lakas,
lahat mong kaaway ay iyong winasak, kapangyarihan mo'y ubod nang lakas.
11 Sa iyo ang langit, sa iyo ang lupa,
ang buong daigdig ikaw ang maylikha, lahat nang naroo'y sa iyo nagmula.
12 Timog at hilaga, ikaw ang naglagay;
Bundok Hermo't Tabor ay nag-aawitan, nagpupuri sila sa iyong pangalan.
13 Ang taglay mong lakas at kapangyarihan,
ay walang kaparis, di matatawaran!
14 Ang kaharian mo ay makatarungan,
saligang matuwid ang pinagtayuan;
wagas na pag-ibig at ang katapatan,
ang pamamahala mong ginagampanan.
15 Mapalad ang taong sa iyo'y sumasamba, sa pagsamba nila'y inaawitan ka
at sa pag-ibig mo'y namumuhay sila.
16 Sa buong maghapon, ika'y pinupuri,
ang katarungan mo'y siyang sinasabi.
17 Ang tagumpay namin ay iyong kaloob,
dahilan sa iyong kagandahang-loob.
18 Sapagkat si Yahweh ang aming sanggalang,
ang aming hari ay siya ang humirang, Banal ng Israel, siya'y aming sandigan.
Ang Pangako ng Diyos kay David
19 Noon pa mang una, sa mga lingkod mo, ika'y nagsalita,
sa pangitaing ipinakita'y ito ang badya:
“Aking pinutungan ang isang dakila,
na aking pinili sa gitna ng madla.
20 Ang(C) piniling lingkod na ito'y si David,
aking binuhusan ng banal na langis.
21 Kaya't palagi ko siyang gagabayan,
at siya'y bibigyan ko ng kalakasan.
22 Di siya malulupig ng kanyang kaaway,
ang mga masama'y di magtatagumpay.
23 Aking dudurugin sa kanyang harapan,
silang namumuhi na mga kaaway.
24 Ang katapatan ko't pag-ibig na wagas, ay iuukol ko't aking igagawad,
at magtatagumpay siya oras-oras.
25 Mga kaharia'y kanyang masasakop,
dagat na malawak at malaking ilog.
26 Ako'y tatawaging Ama niya't Diyos,
tagapagsanggalang niya't manunubos.
27 Gagawin(D) ko siyang panganay at hari,
pinakamataas sa lahat ng hari!
28 Ang aking pangako sa kanya'y iiral
at mananatili sa aming kasunduan.
29 Laging maghahari ang isa niyang angkan,
sintatag ng langit yaong kaharian.
30 “Kung ang mga anak niya ay susuway,
at ang aking utos ay di igagalang,
31 kung ang aking aral ay di papakinggan
at ang kautusa'y hindi iingatan,
32 kung gayon, daranas sila ng parusa dahil kasamaan ang ginawa nila,
sila'y hahampasin sa ginawang sala.
33 Ngunit ang pangako't pag-ibig kay David,
ay di magbabago, hindi mapapatid.
34 Ang tipan sa kanya'y di ko sisirain,
ni isang pangako'y di ko babawiin.
35 “Sa aking kabanalan, ipinangako ko,
kay David ay hindi magsisinungaling.
36 Lahi't trono niya'y hindi magwawakas,
hanggang mayro'ng araw tayong sumisikat;
37 katulad ng buwan na hindi lilipas,
matatag na tanda doon sa itaas.” (Selah)[c]
Hinagpis sa Pagkatalo ng Hari
38 Subalit ngayon, siyang iyong hirang,
ay itinakwil mo at kinagalitan;
39 binawi mo pati yaong iyong tipan,
ang kanyang korona ay iyong dinumhan.
40 Ang tanggulan niya ay iyong winasak,
mga muog niya'y iyong ibinagsak.
41 Lahat ng magdaa'y nagsasamantala,
ang ari-arian niya'y kinukuha;
bansa sa paligid, pawang nagtatawa.
42 Iyong itinaas ang kanyang kaaway,
tuwang-tuwa sila't pinapagtagumpay.
43 Ang sandata niya'y nawalan ng saysay,
binigo mo siya sa kanyang paglaban.
44 Yaong kanyang trono at ang setrong hawak,
inalis sa kanya't iyong ibinagsak.
45 Sa iyong ginawa'y nagmukhang matanda,
sa kanyang sinapit siya'y napahiya. (Selah)[d]
Panalangin Upang Iligtas ng Diyos
46 Hanggang kailan pa ba, mukha'y itatago?
Wala na bang wakas, tindi ng galit mo?
47 Alam mo, O Yahweh, ang buhay ng tao ay maikli lamang sa balat ng mundo;
papanaw na lahat silang nilikha mo.
48 Sino ba'ng may buhay na hindi papanaw?
Paano iiwas sa kanyang libingan tayong mga taong ngayo'y nabubuhay? (Selah)[e]
49 Nasaan ang alab ng dating pag-ibig at tapat na sumpang ginawa kay David?
Nasaan, O Diyos? Iyong ipabatid.
50 Iyong nalalaman ang mga pasakit ng abâ mong lingkod, na pawang tiniis;
ang mga pagkutya na kanyang sinapit sa kamay ng taong pawang malulupit.
51 Ganito tinuya ng iyong kaaway
ang piniling haring saan ma'y inuyam.
52 Si Yahweh ay ating purihin magpakailanman!
Amen! Amen!
Ang Tagumpay ni Yahweh Laban sa mga Bansa
63 “Sino(A) itong dumarating na buhat sa Edom,
buhat sa Bozra na ang maringal na kasuotan ay kulay pula?
Sino ang magiting na lalaking ito
na kung lumakad ay puno ng kasiglahan?
Ako ang nagbabadya ng tagumpay;
ang kalakasan ko'y sapat na upang kayo ay iligtas.”
2 “Bakit pula ang iyong suot?
Tulad ng damit ng nagpipisa ng ubas upang gawing alak?”
3 Ang(B) sagot ni Yahweh: “Pinisa ko ang mga bansa na parang ubas,
wala man lang tumulong sa akin;
tinapakan ko sila sa tindi ng aking galit,
kaya natigmak sa dugo ang aking damit.
4 Nagtakda na ako ng araw upang maghiganti,
sapagkat dumating na ang panahon ng aking pagliligtas.
5 Ako'y(C) naghanap ng makakatulong
ngunit walang nakita kahit isa;
ako'y pinalakas ng aking galit,
at mag-isa kong nakamit ang pagtatagumpay.
6 Sa tindi ng aking galit ay dinurog ko ang mga bansa,
aking ibinuhos ang kanilang mga dugo sa lupa.”
1 Mula kay Pablo na apostol ni Cristo Jesus ayon sa utos ng Diyos na ating Tagapagligtas at ni Cristo Jesus na ating pag-asa—
2 Kay(A) Timoteo na tunay kong anak sa pananampalataya.
Sumaiyo nawa ang kagandahang-loob, habag at kapayapaang buhat sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Babala tungkol sa Maling Katuruan
3 Gaya ng ipinakiusap ko sa iyo bago ako pumunta sa Macedonia, nais kong manatili ka sa Efeso upang utusan mo ang ilang tao diyan na huwag magturo ng maling aral, 4 at huwag nilang pag-aksayahan ng panahon ang mga alamat at mahahabang talaan ng mga angkan. Iyan ay pinagmumulan lamang ng mga pagtatalo at hindi nakakatulong sa tao upang matupad ang plano ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya. 5 Ang layunin ng tagubiling ito ay upang magkaroon kayo ng pag-ibig na nagmumula sa pusong dalisay, malinis na budhi at tapat na pananampalataya. 6 May ilang tumalikod sa mga bagay na ito at nalulong sa walang kabuluhang talakayan. 7 Nais nilang maging tagapagturo ng kautusan gayong hindi naman nila nauunawaan ang kanilang sinasabi at ang kanilang mga itinuturo nang may buong tiwala sa sarili.
8 Alam naman nating ang Kautusan ay mabuti kung ginagamit sa tamang paraan. 9 Alalahanin nating ang Kautusan ay hindi ginawa para sa mabubuting tao, kundi para sa mga walang kinikilalang batas at mga kriminal, para sa mga hindi kumikilala sa Diyos at sa mga makasalanan, para sa mga lapastangan sa Diyos at walang hilig sa kabanalan, para sa mga mamamatay-tao at pumapatay ng sariling ama o ina. 10 Ibinigay rin ang Kautusan para sa mga mahihilig sa kahalayan at nakikipagtalik sa kapwa lalaki, para sa mga kidnaper, para sa mga sinungaling at sa mga bulaang saksi. Ang Kautusan ay ibinigay para sa lahat ng mga sumasalungat sa mabuting aral. 11 Ang aral na ito'y ayon sa Magandang Balita na ipinagkatiwala sa akin ng maluwalhati
at mapagpalang Diyos.
Pagkilala sa Habag ng Diyos
12 Nagpapasalamat ako sa ating Panginoong Jesu-Cristo na nagbibigay sa akin ng lakas, dahil itinuring niya akong karapat-dapat na maglingkod sa kanya, 13 kahit(B) na noong una'y nilapastangan, inusig at nilait ko siya. Sa kabila nito'y nahabag sa akin ang Diyos sapagkat hindi ko nalalaman ang aking ginagawa noong ako'y hindi pa sumasampalataya. 14 Pinasagana sa akin ang kagandahang-loob ng ating Panginoon at ipinagkaloob niya sa akin ang pananampalataya at pag-ibig na natatagpuan sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus. 15 Totoo ang pahayag na ito at dapat paniwalaan ng lahat: Si Cristo Jesus ay dumating sa sanlibutan upang iligtas ang mga makasalanan. At ako ang pinakamasama sa kanila. 16 Ngunit akong pinakamasama ay kinahabagan, upang ipakita ni Cristo Jesus sa pamamagitan ko, ang kanyang lubos na pagtitiyaga, at upang ito'y maging halimbawa sa mga sasampalataya at bibigyan ng buhay na walang hanggan.
17 Purihin natin at luwalhatiin magpakailanman ang iisang Diyos, Haring walang hanggan, walang kamatayan at di-nakikita! Amen.
Ang Matagumpay na Pagpasok sa Jerusalem(A)
11 Narating nina Jesus ang mga bayan ng Bethfage at Bethania, malapit sa may Bundok ng mga Olibo. Nang papalapit na sila sa Jerusalem, pinauna ni Jesus ang dalawa sa mga alagad 2 at sinabi sa kanila, “Pumunta kayo sa susunod na nayon. Pagpasok na pagpasok, makikita ninyo ang isang batang asno na hindi pa nasasakyan ninuman. Kalagan ninyo iyon at dalhin dito. 3 Kapag may nagtanong kung bakit ninyo kinakalagan iyon, sabihin ninyong iyon ay kailangan ng Panginoon[a] at ibabalik din niya agad.”
4 Kaya't lumakad ang dalawang alagad at nakita nga nila ang batang asno sa tabi ng daan, nakatali ito sa may pinto ng isang bahay. Nang kinakalagan na nila ang hayop, 5 tinanong sila ng ilang nakatayo roon, “Bakit ninyo kinakalagan iyan?”
6 Sumagot sila gaya ng bilin ni Jesus, at hinayaan na silang umalis. 7 Dinala nila kay Jesus ang batang asno. Matapos isapin sa likod nito ang kanilang mga balabal ay sumakay si Jesus. 8 Marami ang naglatag ng kanilang mga balabal sa daan, samantalang ang iba nama'y pumutol ng madahong sanga ng kahoy at iyon ang kanilang inilatag sa daan. 9 Ang(B) mga tao sa unahan at sa hulihan ni Jesus ay sumisigaw ng ganito, “Purihin ang Diyos![b] Pinagpala ang dumarating sa pangalan ng Panginoon! 10 Pagpalain ang malapit nang itatatag na kaharian ng ating amang si David! Purihin ang Panginoon sa Kataas-taasan!”
11 Pumunta si Jesus sa Jerusalem at pumasok sa Templo at tiningnan niya ang lahat ng bagay doon. At dahil gumagabi na, lumabas siya at nagbalik sa Bethania na kasama ang Labindalawa.
Magandang Balita Biblia, Copyright © Philippine Bible Society 2012.