Book of Common Prayer
Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.
131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
2 Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.
3 O Israel, umasa ka sa Panginoon
mula ngayon at sa walang hanggang panahon.
Awit ng Pag-akyat.
132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
ang lahat ng kanyang kahirapan,
2 kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
3 “Hindi ako papasok sa aking bahay,
ni hihiga sa aking higaan,
4 Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
5 hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
6 Narinig(A) namin ito sa Efrata,
natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
7 “Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
sumamba tayo sa kanyang paanan!”
8 Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
9 Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.
11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”
13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”
Awit ng Pag-akyat.
133 Narito, napakabuti at napakaligaya
kapag ang magkakapatid ay sama-samang namumuhay na nagkakaisa!
2 Ito'y gaya ng mahalagang langis sa ulo,
na tumutulo sa balbas,
sa balbas ni Aaron,
tumutulo sa laylayan ng kanyang damit!
3 Ito ay gaya ng hamog sa Hermon,
na pumapatak sa mga bundok ng Zion!
Sapagkat doon iniutos ng Panginoon ang pagpapala,
ang buhay magpakailanman.
Awit ng Pag-akyat.
134 Halikayo, purihin ninyo ang Panginoon, kayong lahat na lingkod ng Panginoon,
na nakatayo sa gabi sa bahay ng Panginoon!
2 Itaas ninyo ang inyong mga kamay sa dakong banal,
at ang Panginoon ay papurihan!
3 Pagpalain ka nawa ng Panginoon mula sa Zion;
siyang gumawa ng langit at lupa!
135 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang pangalan ng Panginoon,
magpuri kayo, mga lingkod ng Panginoon,
2 kayong nagsisitayo sa bahay ng Panginoon,
sa mga bulwagan ng bahay ng ating Diyos!
3 Purihin ang Panginoon, sapagkat ang Panginoon ay mabuti;
umawit sa kanyang pangalan, sapagkat ito'y kaibig-ibig.
4 Sapagkat pinili ng Panginoon si Jacob para sa kanyang sarili,
ang Israel bilang kanyang sariling pag-aari.
5 Sapagkat nalalaman ko na ang Panginoon ay dakila,
at ang ating Panginoon ay higit sa lahat ng mga diyos.
6 Ginagawa ng Panginoon anumang kanyang kinalulugdan,
sa langit at sa lupa,
sa mga dagat, at sa lahat ng mga kalaliman.
7 Siya ang nagpapataas ng mga ulap sa mga dulo ng daigdig,
na gumagawa ng mga kidlat para sa ulan
at inilalabas ang hangin mula sa kanyang mga kamalig.
8 Siya ang pumatay sa mga panganay sa Ehipto,
sa hayop at sa tao;
9 siya, O Ehipto, sa iyong kalagitnaan,
ay nagsugo ng mga tanda at mga kababalaghan
laban kay Faraon, at sa lahat niyang mga lingkod;
10 na siyang sa maraming bansa ay gumapi,
at pumatay sa mga makapangyarihang hari,
11 kay Sihon na hari ng mga Amorita,
at kay Og na hari sa Basan,
at sa lahat ng mga kaharian ng Canaan,
12 at ibinigay bilang pamana ang kanilang lupain,
isang pamana sa kanyang bayang Israel.
13 Ang iyong pangalan, O Panginoon, ay magpakailanman,
ang iyong alaala, O Panginoon, ay sa lahat ng salinlahi.
14 Sapagkat hahatulan ng Panginoon ang kanyang bayan,
at mga lingkod niya'y kanyang kahahabagan.
15 Ang(D) mga diyus-diyosan ng mga bansa ay pilak at ginto,
na gawa ng mga kamay ng mga tao.
16 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi sila nagsasalita;
mayroon silang mga mata, ngunit hindi sila nakakakita;
17 sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
ni mayroon mang hininga sa kanilang mga bibig.
18 Maging kagaya sila
ng mga gumawa sa kanila—
oo, ang bawat nagtitiwala sa kanila!
19 O sambahayan ni Israel, purihin ninyo ang Panginoon!
O sambahayan ni Aaron, purihin ninyo ang Panginoon!
20 O sambahayan ni Levi, purihin ninyo ang Panginoon!
Kayong natatakot sa Panginoon, purihin ninyo ang Panginoon!
21 Purihin ang Panginoon mula sa Zion,
siya na tumatahan sa Jerusalem.
Purihin ang Panginoon!
11 At sinabi ni Balak kay Balaam, “Anong ginawa mo sa akin? Isinama kita upang sumpain mo ang aking mga kaaway, ngunit narito, wala kang ginawa kundi pagpalain sila.”
12 Siya'y sumagot, “Hindi ba nararapat na aking maingat na sabihin ang inilagay ng Panginoon sa bibig ko?”
Ang Ikalawang Talinghaga ni Balaam
13 Sinabi sa kanya ni Balak, “Ipinapakiusap ko sa iyo na sumama ka sa akin sa ibang lugar, kung saan mo sila makikita. Ang makikita mo lamang ay ang pinakamalapit sa kanila, at hindi mo sila makikitang lahat at sumpain mo sila para sa akin mula roon.”
14 Kaya't kanyang dinala siya sa parang ng Sofim, sa tuktok ng Pisga, at nagtayo roon ng pitong dambana, at naghandog ng isang toro at ng isang lalaking tupa sa bawat dambana.
15 Kanyang sinabi kay Balak, “Tumayo ka rito sa tabi ng iyong handog na sinusunog, habang sinasalubong ko ang Panginoon doon.”
16 At sinalubong ng Panginoon si Balaam, at nilagyan ng salita ang kanyang bibig, at sinabi, “Bumalik ka kay Balak, at ganito ang iyong sasabihin.”
17 Nang siya'y dumating sa kanya, siya'y nakatayo sa tabi ng kanyang handog na sinusunog na kasama ang mga pinuno sa Moab. At sinabi sa kanya ni Balak, “Anong sinabi ng Panginoon?”
18 At binigkas ni Balaam ang kanyang talinghaga, na sinasabi,
“Tumindig ka, Balak, at iyong pakinggan,
makinig ka sa akin, ikaw na anak ni Zipor.
19 Ang Diyos ay hindi tao, na magsisinungaling,
ni anak ng tao na magsisisi.
Sinabi ba niya at hindi niya gagawin?
O sinalita ba niya at hindi niya tutuparin?
20 Ako'y tumanggap ng utos na magbigay ng pagpapala:
kanyang pinagpala, at hindi ko na mababago iyon.
21 Wala siyang nakitang kasamaan sa Jacob,
ni wala siyang nakitang kasamaan sa Israel.
Ang Panginoon nilang Diyos ay kasama nila,
at ang sigaw ng hari ay nasa gitna nila.
22 Ang Diyos ang naglalabas sa kanila sa Ehipto.
Siya'y may lakas na gaya ng mabangis na toro.
23 Tunay na walang engkanto laban sa Jacob,
ni panghuhula laban sa Israel.
Ngayo'y sasabihin tungkol sa Jacob at sa Israel,
‘Anong ginawa ng Diyos!’
24 Tingnan mo, ang bayan ay tumitindig na parang isang babaing leon,
at parang isang leon na itinataas ang sarili.
Siya'y hindi mahihiga hanggang sa makakain ng biktima
at makainom ng dugo ng napatay.”
25 Sinabi ni Balak kay Balaam, “Huwag mo silang sumpain ni pagpalain.”
26 Ngunit si Balaam ay sumagot at nagsabi kay Balak, “Di ba sinabi ko sa iyo, ‘Ang lahat na sinasalita ng Panginoon ay siya kong nararapat gawin?’”
Pamumuhay ayon sa Espiritu
8 Ngayon nga'y wala nang kahatulan sa mga na kay Cristo Jesus.
2 Sapagkat ang kautusan ng Espiritu ng buhay na na kay Cristo Jesus ay nagpalaya sa atin[a] mula sa kautusan ng kasalanan at ng kamatayan.
3 Sapagkat ang hindi magawa ng kautusan, yamang ito ay pinahina ng laman, ay ginawa ng Diyos sa pagsusugo sa kanyang sariling Anak sa anyo ng makasalanang laman, at tungkol sa kasalanan ay hinatulan niya ang kasalanan sa laman,
4 upang ang makatuwirang itinatakda ng kautusan ay matupad sa atin, na hindi lumalakad ayon sa laman, kundi ayon sa Espiritu.
5 Sapagkat ang mga ayon sa laman ay nagtutuon ng kanilang isipan sa mga bagay ng laman; subalit ang mga ayon sa Espiritu ay sa mga bagay ng Espiritu.
6 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay kamatayan; subalit ang kaisipan ng Espiritu ay buhay at kapayapaan.
7 Sapagkat ang kaisipan ng laman ay pagkapoot laban sa Diyos; sapagkat hindi ito napapasakop sa kautusan ng Diyos, ni hindi nga maaari;
8 at ang mga nasa laman ay hindi makapagbibigay-lugod sa Diyos.
9 Ngunit kayo'y wala sa laman, kundi nasa Espiritu, yamang nananatili sa inyo ang Espiritu ng Diyos. Subalit kung ang sinuma'y walang Espiritu ni Cristo, siya'y hindi sa kanya.
10 At kung si Cristo ay nasa sa inyo, ang katawan ay patay dahil sa kasalanan; ngunit ang espiritu ay buháy dahil sa katuwiran.
11 Ngunit(A) kung ang Espiritu niyaong bumuhay na muli kay Jesus ay nananatili sa inyo, siya na bumuhay na muli kay Cristo[b] mula sa mga patay ay magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan, sa pamamagitan ng kanyang Espiritu na naninirahan sa inyo.
Ang Talinghaga tungkol sa Kasalan(A)
22 Si Jesus ay muling nagsalita sa kanila sa mga talinghaga, na sinasabi,
2 “Ang kaharian ng langit ay tulad sa isang hari na nagdaos ng isang handaan para sa kasal ng kanyang anak na lalaki.
3 Sinugo niya ang kanyang mga alipin upang tawagin ang mga inanyayahan sa handaan ng kasalan; ngunit ayaw nilang dumalo.
4 Muli siyang nagsugo ng ibang mga alipin, na sinasabi, ‘Sabihin ninyo sa mga inanyayahan: Narito, naihanda ko na ang aking handaan; pinatay na ang aking mga baka at matatabang hayop at handa na ang lahat. Halina kayo sa handaan ng kasalan.’
5 Ngunit hindi nila ito pinansin, at sila'y humayo, ang isa'y sa kanyang sariling bukid, ang isa'y sa kanyang pangangalakal.
6 Hinuli naman ng iba ang kanyang mga alipin at ginawan ng masama at pinagpapatay.
7 Kaya't nagalit ang hari. Sinugo niya ang kanyang mga hukbo, pinuksa ang mga mamamatay-taong iyon, at sinunog ang kanilang lunsod.
8 Pagkatapos, sinabi niya sa kanyang mga alipin, ‘Handa na ang kasalan, ngunit hindi karapat-dapat ang mga inanyayahan.
9 Kaya pumunta kayo sa mga pangunahing lansangan at anyayahan ninyo sa handaan ng kasalan ang sinumang makita ninyo.’
10 Lumabas ang mga aliping iyon sa mga lansangan, at tinipon nila ang bawat matagpuan nila, masama man o mabuti; kaya't napuno ng mga panauhin ang kasalan.
11 “Ngunit nang pumasok ang hari upang tingnan ang mga panauhin, may nakita siya roong isang tao na hindi nakadamit pangkasal.
12 Sinabi niya sa kanya, ‘Kaibigan, paano ka nakapasok dito na hindi nakadamit pangkasal?’ Ngunit hindi siya nakapagsalita.
13 Kaya't(B) sinabi ng hari sa mga lingkod, ‘Gapusin ninyo ang mga paa at mga kamay niya, at itapon ninyo siya sa kadiliman sa labas. Doon ay ang pagtangis at ang pagngangalit ng mga ngipin.’
14 Sapagkat marami ang tinawag, ngunit kakaunti ang pinili.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001