Book of Common Prayer
Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.
87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
2 minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
3 Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
O lunsod ng Diyos. (Selah)
4 Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
5 At tungkol sa Zion ay sasabihin,
“Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
6 Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
“Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)
7 Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
“Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”
IKAAPAT NA AKLAT
Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.
90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
sa lahat ng salinlahi.
2 Bago nilikha ang mga bundok,
o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.
3 Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
4 Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
o gaya ng isang gabing pagbabantay.
5 Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
6 sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.
7 Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
8 Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.
9 Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.
11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.
13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.
136 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y mabuti;
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
2 O magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
3 Ang Panginoon ng mga panginoon ay inyong pasalamatan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
4 siya na tanging gumagawa ng mga dakilang kababalaghan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
5 siya(B) na sa pamamagitan ng unawa ay ginawa ang kalangitan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
6 siya(C) na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
7 siya(D) na gumawa ng mga dakilang tanglaw,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
8 ng araw upang ang araw ay pagharian,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
9 ng buwan at mga bituin upang ang gabi'y pamunuan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
10 siya(E) na sa mga panganay sa Ehipto ay pumaslang,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
11 at(F) mula sa kanila, ang Israel ay inilabas,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
12 sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
13 siya(G) na sa Dagat na Pula ay humawi,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
14 at sa gitna nito ang Israel ay pinaraan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
15 ngunit nilunod si Faraon at ang kanyang hukbo sa Pulang Dagat,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
16 siya na pumatnubay sa kanyang bayan sa ilang,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
17 siya na sa mga dakilang hari ay pumatay,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,
18 at sa mga bantog na hari ay pumaslang,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
19 kay(H) Sihon na hari ng mga Amorita,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
20 at(I) kay Og na hari ng Basan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
21 at ang kanilang lupain bilang pamana'y ibinigay,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
22 isang pamana sa Israel na kanyang tauhan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
23 Siya ang nakaalala sa atin sa ating mababang kalagayan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
24 at iniligtas tayo sa ating mga kaaway,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
25 siya na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
26 O magpasalamat kayo sa Diyos ng kalangitan,
sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
31 Ngunit sinabi ng mga lalaking umakyat na kasama niya, “Hindi tayo makakaakyat laban sa mga taong iyon, sapagkat sila'y malalakas kaysa atin.
32 Kaya't sila'y nagdala ng masamang balita tungkol sa lupaing kanilang siniyasat, sa mga anak ni Israel, na sinasabi, “Ang lupain na aming pinaroonan upang lihim na siyasatin ay isang lupain na nilalamon ang mga naninirahan doon; at lahat ng tao na aming nakita roon ay malalaking tao.
33 At(A) nakita namin doon ang mga Nefilim, ang mga anak ni Anak, na mula sa mga Nefilim; at kami sa aming sariling paningin ay naging parang mga tipaklong, at gayundin kami sa kanilang paningin.”
Tumutol ang Buong Kapulungan
14 Kaya't ang buong kapulungan ay sumigaw nang malakas; at ang taong-bayan ay umiyak nang gabing iyon.
2 At nagreklamo ang lahat ng mga anak ni Israel laban kina Moises at Aaron. Sinabi sa kanila ng buong sambayanan, “Namatay na sana tayo sa lupain ng Ehipto! O kaya'y namatay na sana tayo sa ilang na ito!
3 Bakit kaya tayo dinala ng Panginoon sa lupaing ito, upang tayo'y bumagsak sa tabak? Ang ating mga asawa at ang ating mga anak ay magiging biktima. Hindi ba mas mabuti para sa atin na tayo'y magbalik sa Ehipto?”
4 Kaya't sinabi nila sa isa't isa, “Maglagay tayo ng isang pinuno at tayo'y magbalik sa Ehipto.”
5 Nang magkagayon, sina Moises at Aaron ay nagpatirapa sa harap ng buong kapulungan ng bayan ng mga anak ni Israel.
6 Si Josue na anak ni Nun, at si Caleb na anak ni Jefone, na mga kasama ng mga nagsiyasat nang lihim sa lupain, ay pinunit ang kanilang mga damit.
7 At sinabi nila sa buong kapulungan ng mga anak ni Israel, “Ang lupain na aming pinuntahan upang lihim na siyasatin ay isang napakagandang lupain.
8 Kung kalulugdan tayo ng Panginoon ay dadalhin nga niya tayo sa lupaing iyon, at ibibigay niya sa atin; isang lupain na dinadaluyan ng gatas at pulot.
9 Huwag(B) lamang kayong maghimagsik laban sa Panginoon ni matakot sa mga tao ng lupaing iyon, sapagkat sila'y para lamang tinapay sa atin; ang kanyang kalinga ay inalis sa kanila, at ang Panginoon ay kasama natin; huwag kayong matakot sa kanila.”
10 Subalit pinagbantaan sila ng buong sambayanan na babatuhin sila ng mga bato. At ang kaluwalhatian ng Panginoon ay lumitaw sa toldang tipanan sa lahat ng mga anak ni Israel.
Ang Babala ng Panginoon at ang Pagsamo ni Moises
11 At sinabi ng Panginoon kay Moises, “Hanggang kailan ako hahamakin ng bayang ito? At hanggang kailan sila hindi maniniwala sa akin, sa kabila ng mga tanda na aking ginawa sa kanila?
12 Hahampasin ko sila ng salot, at tatanggalan ko sila ng mana at gagawin kitang isang bansang mas malaki at mas matibay kaysa kanila.”
13 Ngunit(C) sinabi ni Moises sa Panginoon, “Kung gayo'y mababalitaan ito ng mga taga-Ehipto, sapagkat dinala mo ang bayang ito ng iyong kapangyarihan mula sa kanila;
14 at kanilang sasabihin sa mga naninirahan sa lupaing ito. Kanilang nabalitaan na ikaw Panginoon ay nasa gitna ng bayang ito, sapagkat ikaw Panginoon ay nagpakita nang mukhaan, at ang iyong ulap ay nakatindig sa ibabaw ng mga iyon, at ikaw ay nangunguna sa kanila, sa isang haliging ulap sa araw, at sa isang haliging apoy sa gabi.
15 Kung papatayin mo ang bayang ito na parang isang tao, magsasalita nga ang mga bansang nakarinig ng iyong katanyagan at kanilang sasabihin,
16 ‘Sapagkat hindi kayang dalhin ng Panginoon ang bayang ito sa lupain na kanyang ipinangakong ibibigay sa kanila, kaya't kanyang pinaslang sila sa ilang.’
17 At ngayon, idinadalangin ko sa iyo, hayaan mong ang kapangyarihan ng Panginoon ay maging dakila, ayon sa iyong ipinangako,
18 ‘Ang(D) Panginoon ay mabagal sa pagkagalit at sagana sa tapat na pag-ibig, na nagpapatawad ng kasamaan at ng pagsuway, ngunit kailanman ay hindi pinapawalang-sala ang may sala, na dinadalaw ang kasamaan ng mga magulang sa mga anak sa ikatlo at sa ikaapat na salinlahi.
19 Hinihiling ko sa iyo, patawarin mo ang kasamaan ng bayang ito ayon sa kadakilaan ng iyong tapat na pag-ibig, at ayon sa iyong pagpapatawad sa bayang ito, mula sa Ehipto hanggang ngayon.”
20 At sinabi ng Panginoon, “Ako'y nagpatawad ayon sa iyong salita;
21 gayunman,(E) na kung paanong ako'y buháy at kung paanong mapupuno ng kaluwalhatian ng Panginoon ang buong lupa,
22 wala sa mga taong iyon na nakakita ng aking kaluwalhatian at ng aking mga tanda na aking ginawa sa Ehipto at sa ilang, ngunit tinukso pa rin ako nitong makasampung ulit, at hindi dininig ang aking tinig,
23 ang makakakita sa lupain na aking ipinangako sa kanilang mga ninuno, at walang sinuman sa kanila na humamak sa akin ang makakakita nito.
24 Ngunit(F) ang aking lingkod na si Caleb, sapagkat siya'y nagtaglay ng ibang espiritu at sumunod nang lubos sa akin, ay dadalhin ko sa lupain na kanyang pinaroonan; at aariin ng kanyang mga binhi.
25 Ngayon, sapagkat ang mga Amalekita at ang mga Cananeo ay naninirahan sa libis, bumalik kayo bukas at kayo'y maglakbay sa daang patungo sa Dagat na Pula.”
Walang Matuwid
9 Ano ngayon? Tayo bang mga Judio ay nakakalamang? Hindi, kahit na sa anong paraan; sapagkat amin nang napatunayan na ang lahat ng tao, maging mga Judio at mga Griyego, ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng kasalanan,
10 gaya(A) ng nasusulat,
“Walang matuwid, wala, wala kahit isa;
11 wala ni isang nakakaunawa,
wala ni isang humahanap sa Diyos.
12 Lahat ay lumihis, sama-sama silang nawalan ng kabuluhan;
walang gumagawa ng mabuti,
wala, wala kahit isa.”
13 “Ang(B) kanilang lalamunan ay isang libingang bukas;
sa pamamagitan ng kanilang mga dila ay gumagawa sila ng pandaraya.”
“Ang kamandag ng mga ulupong ay nasa ilalim ng kanilang mga labi.”
14 “Ang(C) kanilang bibig ay punô ng panunumpa at kapaitan.”
15 “Ang(D) kanilang mga paa ay matutulin sa pagpapadanak ng dugo;
16 pagkawasak at kalungkutan ang nasa kanilang mga landas,
17 at ang daan ng kapayapaan ay hindi nila nakilala.”
18 “Walang(E) takot sa Diyos sa kanilang mga mata.”
19 Ngayon ay nalalaman natin na anumang sinasabi ng kautusan, iyon ay sinasabi sa mga nasa ilalim ng kautusan; upang matahimik ang bawat bibig, at ang buong sanlibutan ay mapasailalim ng hatol ng Diyos.
20 Sapagkat(F) sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan ay “walang tao[a] na ituturing na ganap sa paningin niya,” sapagkat sa pamamagitan ng kautusan ay ang pagkakilala ng kasalanan.
Ang Turo ni Jesus tungkol sa Diborsyo(A)
19 Nang matapos ni Jesus ang mga pananalitang ito, umalis siya sa Galilea at nagtungo sa mga nasasakupan ng Judea sa dakong ibayo ng Jordan.
2 Sumunod sa kanya ang napakaraming tao at sila'y pinagaling niya roon.
3 Lumapit sa kanya ang mga Fariseo at upang siya'y masubok ay kanilang itinanong, “Sang-ayon ba sa batas na hiwalayan ng isang tao ang kanyang asawa sa anumang kadahilanan?”
4 Ngunit(B) siya'y sumagot at sinabi, “Hindi ba ninyo nabasa na ang lumikha sa kanila buhat sa pasimula ay nilikha silang lalaki at babae,
5 at(C) kanyang sinabi, ‘Dahil dito, iiwan ng lalaki ang kanyang ama at ina at makikisama sa kanyang asawa, at ang dalawa ay magiging isang laman?’
6 Kaya, hindi na sila dalawa, kundi isang laman. Ang pinagsama nga ng Diyos, ay huwag papaghiwalayin ng tao.”
7 Sinabi(D) nila sa kanya, ‘Kung gayon, bakit ipinag-utos ni Moises sa amin na magbigay ng kasulatan ng paghihiwalay at hiwalayan ang babae?’
8 Sinabi niya sa kanila, “Dahil sa katigasan ng inyong puso ay ipinahintulot sa inyo ni Moises na inyong hiwalayan ang inyong mga asawang babae; ngunit buhat sa pasimula ay hindi gayon.
9 At(E) sinasabi ko sa inyo: sinumang ihiwalay ang kanyang asawang babae, maliban sa pakikiapid ang dahilan, at mag-asawa ng iba, ay nagkakasala ng pangangalunya.[a] At ang mag-asawa sa babaing inihiwalay ay nagkakasala ng pangangalunya.”
10 Sinabi ng mga alagad sa kanya, “Kung gayon ang kalagayan ng lalaki sa kanyang asawa, mas mabuti pang huwag mag-asawa.”
11 Ngunit sinabi niya sa kanila, “Hindi matatanggap ng lahat ang pananalitang ito, kundi iyon lamang pinagkalooban nito.
12 Sapagkat may mga eunuko,[b] na ipinanganak na gayon mula sa sinapupunan ng kanilang mga ina; at may mga eunuko na ginawang eunuko ng mga tao; at may mga eunuko na ginawang eunuko ang kanilang mga sarili alang-alang sa kaharian ng langit. Ang makakatanggap nito, ay hayaang tumanggap.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001