Book of Common Prayer
Ang Tunay na Pagsamba
Awit ni Asaf.
50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
ay nagsalita at tinatawag ang lupa
mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
2 Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
nagliliwanag ang Diyos.
3 Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
4 Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
5 “Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
6 Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)
7 “Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
Ako'y Diyos, Diyos mo.
8 Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
9 Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.
12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”
16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
“Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
at sumasama ka sa mga mangangalunya.
19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.
22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”
Panalangin(A) upang Ingatan
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.
59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
2 Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
3 Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
4 sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
5 Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)
6 Tuwing hapon ay bumabalik sila,
tumatahol na parang aso,
at nagpapagala-gala sa lunsod.
7 Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”
8 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
9 Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13 Pugnawin mo sila sa poot,
pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)
14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
na tumatahol na parang aso
at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
at tumatahol kapag hindi sila nabusog.
16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.
Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.
60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
2 Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
3 Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.
4 Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)
5 Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.
6 Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
“Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
7 Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
ang Juda ay aking setro.
8 Ang Moab ay aking hugasan;
sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
9 Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.
8 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!
Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
2 mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.
3 Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
4 ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?
5 Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
6 Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
7 lahat ng tupa at baka,
gayundin ang mga hayop sa parang,
8 ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.
9 O Panginoon, aming Panginoon,
sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.
84 Napakaganda ng tahanan mo,
O Panginoon ng mga hukbo!
2 Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
sa buháy na Diyos.
3 Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
Hari ko, at Diyos ko.
4 Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)
5 Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
6 Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
7 Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.
8 O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
9 Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!
Kawalan ng Katarungan
16 At bukod dito'y aking nakita sa ilalim ng araw na sa dako ng katarungan ay mayroon ding kasamaan; at sa dako ng katuwiran ay mayroon ding kasamaan.
17 Sinabi ko sa aking puso, Hahatulan ng Diyos ang matuwid at ang masama; sapagkat nagtakda siya ng panahon sa bawat bagay at sa bawat gawa.
18 Sinabi ko sa aking puso tungkol sa mga tao, na sinusubok sila ng Diyos upang ipakita sa kanila na sila'y mga hayop lamang.
19 Sapagkat ang kapalaran ng mga anak ng mga tao at ang kapalaran ng mga hayop ay magkatulad; kung paanong namamatay ang hayop, namamatay din ang tao. Silang lahat ay may isang hininga. Ang tao ay walang kalamangan sa mga hayop; sapagkat lahat ay walang kabuluhan.
20 Lahat ay tumutungo sa isang dako; lahat ay buhat sa alabok, at lahat ay muling babalik sa alabok.
21 Sinong nakakaalam kung ang espiritu ng tao ay umaakyat sa itaas at ang espiritu ng hayop ay bumababa sa lupa?
22 Kaya't aking nakita, na walang bagay na mas mabuti, kundi ang tao ay magpakasaya sa kanyang mga gawa, sapagkat iyon ang kanyang kapalaran; sinong makapagpapakita sa kanya kung anong mangyayari pagkamatay niya?
Ang Kasamaan ng Tao at ang Pagkakatulad sa Hayop
4 Muli kong nakita ang lahat ng pang-aapi na ginagawa sa ilalim ng araw. Masdan ninyo, ang mga luha ng mga inaapi at walang umaaliw sa kanila! Sa panig ng kanilang maniniil ay may kapangyarihan, at walang umaaliw sa kanila.
2 Kaya't aking inisip na ang patay na namatay na, ay higit na mapalad kaysa mga buháy na nabubuhay pa;
3 ngunit higit na mabuti kaysa kanila ang hindi pa ipinapanganak, na hindi pa nakakita ng masasamang gawa na nagawa sa ilalim ng araw.
Kautusan o Pananampalataya
3 O hangal na mga taga-Galacia! Sino ang gumayuma sa inyo? Sa harapan ng inyong mga mata ay hayagang ipinakita si Jesu-Cristo na ipinako sa krus!
2 Ang tanging bagay na nais kong matutunan mula sa inyo ay ito: Tinanggap ba ninyo ang Espiritu sa pamamagitan ng mga gawa ng kautusan, o sa pamamagitan ng pakikinig sa pananampalataya?
3 Napakahangal ba ninyo? Nagpasimula kayo sa Espiritu, ngayon ba'y nagtatapos kayo sa laman?
4 Inyo bang naranasan ang maraming bagay ng walang kabuluhan?—kung tunay nga na ito ay walang kabuluhan.
5 Ang Diyos[a] ba ay nagbibigay sa inyo ng Espiritu at gumagawa ng mga himala sa gitna ninyo sa pamamagitan ng inyong pagtupad sa mga gawa ng kautusan, o sa pakikinig sa pananampalataya?
6 Kung(A) paanong si Abraham ay sumampalataya sa Diyos, at ito'y ibinilang sa kanya na katuwiran.
7 Kaya't(B) inyong nakikita na ang mga sumasampalataya ay mga anak ni Abraham.
8 At(C) ang kasulatan, na nakakaalam nang una pa man na aariing-ganap ng Diyos ang mga Hentil sa pamamagitan ng pananampalataya, ay ipinahayag ang ebanghelyo nang una pa man kay Abraham, na sinasabi, “Sa iyo ay pagpapalain ang lahat ng mga bansa.”
9 Kaya't ang mga sumasampalataya ay pinagpapalang kasama ng mananampalatayang si Abraham.
10 Sapagkat(D) ang lahat na umaasa sa mga gawa ng kautusan ay nasa ilalim ng sumpa; sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat isang hindi sumusunod sa lahat ng bagay na nasusulat sa aklat ng kautusan.”
11 Ngayon(E) ay maliwanag na walang sinumang inaaring-ganap sa harapan ng Diyos sa pamamagitan ng kautusan, sapagkat “Ang matuwid ay mabubuhay sa pamamagitan ng pananampalataya.”[b]
12 Subalit(F) ang kautusan ay hindi nakasalig sa pananampalataya; sa halip, “Ang gumagawa ng mga iyon ay mabubuhay sa mga iyon.”
13 Tinubos(G) tayo ni Cristo mula sa sumpa ng kautusan nang siya'y naging sumpa para sa atin—sapagkat nasusulat, “Sumpain ang bawat binibitay sa punungkahoy”—
14 upang kay Cristo Jesus ang pagpapala ni Abraham ay dumating sa mga Hentil, upang ating tanggapin ang pangako ng Espiritu sa pamamagitan ng pananampalataya.
Ang Pagpapakain sa Limang Libo(A)
13 Nang marinig ito ni Jesus, umalis siya roon na sakay ng isang bangka tungo sa isang ilang na lugar na wala siyang kasama. Nang mabalitaan ito ng maraming tao, naglakad silang sumunod sa kanya mula sa mga bayan.
14 Pagdating niya sa pampang, nakita niya ang napakaraming tao. Nahabag siya sa kanila at pinagaling niya ang mga maysakit sa kanila.
15 Nang nagtatakipsilim na, lumapit sa kanya ang mga alagad niya, na nagsasabi, “Ilang na lugar ito, at lumipas na ang maghapon. Papuntahin mo na ang mga tao sa mga nayon upang makabili sila ng kanilang makakain.”
16 Ngunit sinabi ni Jesus sa kanila, “Hindi na kailangang umalis pa sila; bigyan ninyo sila ng makakain.”
17 At sinabi nila sa kanya, “Mayroon lamang tayong limang tinapay at dalawang isda.”
18 Sinabi niya, “Dalhin ninyo rito sa akin.”
19 Ipinag-utos niya sa maraming tao na umupo sa damuhan. Pagkakuha niya sa limang tinapay at dalawang isda, tumingala siya sa langit, binasbasan niya ang mga ito, pinagputul-putol at ibinigay ang mga tinapay sa mga alagad, at ibinigay naman ng mga alagad sa maraming tao.
20 Kumain silang lahat at nabusog. Kinuha nila ang mga lumabis na pinagputul-putol na tinapay, at napuno ang labindalawang kaing.
21 At ang mga kumain ay may limang libong lalaki, bukod pa sa mga babae at sa mga bata.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001