Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit: sa instrumentong may kuwerdas. Maskil ni David.
55 O Diyos, dalangin ko'y pakinggan mo,
at huwag kang magtago sa daing ko!
2 Pansinin mo ako, at sagutin mo ako;
ako'y natatalo ng aking pagdaramdam.
Ako'y walang katiwasayan sa aking pag-angal at ako'y dumadaing,
3 dahil sa tinig ng kaaway,
dahil sa pagmamalupit ng masama.
Sapagkat nagdadala sila sa akin ng kaguluhan,
at sa galit ay inuusig nila ako.
4 Ang aking puso ay nagdaramdam sa loob ko,
ang mga kilabot ng kamatayan ay bumagsak sa akin.
5 Takot at panginginig ay dumating sa akin,
at nadaig ako ng pagkatakot.
6 At aking sinabi, “O kung ako sana'y nagkaroon ng mga pakpak na gaya ng kalapati!
Lilipad ako at magpapahinga.
7 Narito, kung magkagayo'y gagala ako sa malayo,
sa ilang ay maninirahan ako. (Selah)
8 Ako'y magmamadaling hahanap ng silungan ko,
mula sa malakas na hangin at bagyo.”
9 O Panginoon, guluhin mo, ang kanilang wika ay lituhin mo,
sapagkat ang karahasan at pag-aaway sa lunsod ay nakikita ko.
10 Sa araw at gabi ay lumiligid sila
sa mga pader niyon;
ang kasamaan at kahirapan ay nasa loob niyon.
11 Ang pagkawasak ay nasa gitna niyon;
ang kalupitan at pandaraya
ay hindi humihiwalay sa kanyang mga lansangan.
12 Hindi isang kaaway ang tumutuya sa akin—
mapagtitiisan ko iyon,
hindi rin isang namumuhi sa akin ang nagmamalaki laban sa akin,
sa gayo'y maitatago ang aking sarili sa kanya.
13 Kundi ikaw, lalaki na kapantay ko,
kaibigang matalik at kasama ko.
14 Tayo ay dating magkasamang nag-uusap nang matamis;
tayo'y lumalakad na magkasama sa loob ng bahay ng Diyos.
15 Dumating nawang mapandaya ang kamatayan sa kanila,
ibaba nawa silang buháy sa Sheol;
sapagkat ang kasamaan ay nasa kanilang tahanan, sa gitna nila.
16 Tungkol sa akin ay tatawag ako sa Diyos;
at ililigtas ako ng Panginoon.
17 Sa hapon at umaga, at sa katanghaliang-tapat,
ako'y dadaing at tataghoy,
at diringgin niya ang aking tinig.
18 Kanyang tutubusin ang aking kaluluwa sa kapayapaan,
mula sa pakikibaka laban sa akin,
sapagkat marami ang nagtitipon upang ako ay labanan.
19 Papakinggan ng Diyos at sasagutin sila,
siya na nakaupo sa trono mula pa noong una. (Selah)
Sa kanya na walang pagbabago,
at hindi natatakot sa Diyos.
20 Kanyang iniunat ang kanyang mga kamay laban sa mga taong nasa kapayapaan sa kanya,
kanyang nilabag ang kanyang tipan.
21 Higit na pino kaysa mantekilya ang kanyang pananalita,
ngunit ang kanyang puso ay pakikidigma;
higit na malambot kaysa langis ang kanyang mga salita,
gayunman ang mga iyon ay nakaumang na mga tabak.
22 Iatang mo ang iyong pasan sa Panginoon,
at kanyang aalalayan ka;
hindi niya pinahihintulutang
makilos kailanman ang matuwid.
23 Ngunit ikaw, O Diyos, ihahagis mo sila
sa hukay ng kapahamakan;
ang mga taong mababagsik at mandaraya
ay hindi mabubuhay sa kalahati ng kanilang mga araw.
Ngunit magtitiwala ako sa iyo.
Awit ni David.
138 Ako'y nagpapasalamat sa iyo, O Panginoon, ng aking buong puso;
sa harapan ng mga diyos ay aawit ako ng mga papuri sa iyo.
2 Ako'y yuyukod paharap sa iyong banal na templo,
at magpapasalamat sa iyong pangalan dahil sa iyong tapat na pag-ibig at katapatan,
sapagkat iyong pinadakila ang iyong salita sa iyong buong pangalan.
3 Nang araw na ako'y tumawag ay sinagot mo ako,
iyong pinatapang ako ng kalakasan sa aking kaluluwa.
4 Lahat ng mga hari sa lupa ay magpupuri sa iyo, O Panginoon,
sapagkat kanilang narinig ang mga salita ng iyong bibig;
5 at sila'y magsisiawit tungkol sa mga pamamaraan ng Panginoon;
sapagkat dakila ang kaluwalhatian ng Panginoon.
6 Bagaman ang Panginoon ay mataas, kanyang pinapahalagahan ang mababa;
ngunit ang palalo ay nakikilala niya mula sa malayo.
7 Bagaman ako'y lumalakad sa gitna ng kaguluhan,
ako'y iyong muling bubuhayin,
iyong iniuunat ang iyong kamay laban sa poot ng aking mga kaaway,
at ililigtas ako ng iyong kanang kamay.
8 Tutuparin ng Panginoon ang kanyang layunin para sa akin;
ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay magpakailanman.
Huwag mong pabayaan ang mga gawa ng iyong mga kamay.
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.
139 O Panginoon, siniyasat mo ako at nakilala mo ako.
2 Iyong nalalaman kapag ako'y umuupo at kapag ako'y tumatayo;
nababatid mo ang aking pag-iisip mula sa malayo.
3 Iyong sinisiyasat ang aking landas at ang paghiga ko,
at ang lahat kong mga lakad ay nalalaman mo.
4 Bago pa man magkaroon ng salita sa dila ko,
O Panginoon, lahat ng iyon ay alam mo.
5 Iyong pinaligiran ako sa likuran at sa harapan,
at ipinatong mo sa akin ang iyong kamay.
6 Ang gayong kaalaman ay lubhang kahanga-hanga para sa akin;
ito ay matayog, hindi ko kayang abutin.
7 Saan ako pupunta mula sa iyong Espiritu?
O saan ako tatakas mula sa harapan mo?
8 Kung ako'y umakyat sa langit, ikaw ay naroon!
Kung gawin ko ang aking higaan sa Sheol, ikaw ay naroon!
9 Kung aking kunin ang mga pakpak ng umaga,
at sa mga pinakadulong bahagi ng dagat ako'y tumira,
10 doon ma'y papatnubayan ako ng iyong kamay,
at hahawakan ako ng iyong kanang kamay.
11 Kung aking sabihin, “Takpan nawa ako ng dilim,
at maging gabi ang liwanag na nakapalibot sa akin,”
12 kahit ang kadiliman ay hindi madilim sa iyo,
at ang gabi ay kasinliwanag ng araw;
ang kadiliman at kaliwanagan ay magkatulad sa iyo.
13 Sapagkat hinubog mo ang aking mga nasa loob na bahagi,
at sa bahay-bata ng aking ina ako'y iyong hinabi.
14 Ako'y magpapasalamat sa iyo sapagkat ang pagkagawa sa akin ay kakilakilabot at kamanghamangha.
Ang iyong mga gawa ay kahangahanga;
at iyon ay nalalamang mabuti ng aking kaluluwa.
15 Ang katawan ko'y hindi nakubli sa iyo,
nang ako'y lihim na ginagawa,
mahusay na binuo sa kalaliman ng lupa.
16 Nakita ng iyong mga mata ang aking wala pang anyong sangkap;
at sa iyong aklat bawat isa sa mga iyon ay nakasulat,
ang mga araw na sa akin ay itinakda,
nang wala pang anuman sa kanila.
17 Napakahalaga sa akin ng iyong mga pag-iisip, O Diyos!
Napakalawak ng kabuuan ng mga iyon!
18 Kung aking bibilangin, ang mga iyon ay marami pa kaysa buhangin.
Kapag ako'y nagigising, ako'y kasama mo pa rin.
19 Sana'y patayin mo, O Diyos, ang masama,
kaya't layuan ninyo ako, mga taong nagpapadanak ng dugo.
20 Sapagkat sila'y nagsasalita laban sa iyo ng kasamaan,
at ginagamit ng iyong mga kaaway ang iyong pangalan sa walang kabuluhan.
21 Hindi ba kinapopootan ko silang napopoot sa iyo, O Panginoon?
At hindi ba kinasusuklaman ko silang laban sa iyo'y bumabangon?
22 Kinapopootan ko sila ng lubos na pagkapoot;
itinuturing ko sila na aking mga kaaway.
23 Siyasatin mo ako, O Diyos, at alamin mo ang aking puso;
subukin mo ako, at alamin mo ang mga pag-iisip ko!
Ang Buhay ay Walang Kabuluhan
8 Kung iyong nakita sa isang lalawigan na ang dukha ay inapi, at ang katarungan at katuwiran ay inalis, huwag kang magtaka sa pangyayari, sapagkat ang mataas na pinuno ay minamasdan ng mas mataas, at may lalong mataas pa kaysa kanila.
9 Ngunit kapag isinasaalang-alang ang lahat ng bagay, ang hari ay pakinabang sa lupaing may binubungkal na lupa.
10 Siyang umiibig sa salapi ay hindi masisiyahan sa salapi; o siya mang umiibig sa kayamanan na may pakinabang: ito man ay walang kabuluhan.
11 Kapag ang mga ari-arian ay dumarami, dumarami silang kumakain ng mga iyon: at anong pakinabang mayroon ang may-ari niyon, kundi ang mamasdan iyon ng kanyang mga mata?
12 Masarap ang tulog ng manggagawa; kumakain man siya nang kaunti o marami; ngunit ang pagpapakasawa ng mayaman ay hindi magpapatulog sa kanya.
13 May malubhang kasamaan na aking nakita sa ilalim ng araw: ang mga yaman ay iniingatan ng may-ari niyon sa ikapapahamak niya,
14 at ang mga yamang iyon ay nawawala sa isang masamang pakikipagsapalaran; at kahit na sila'y magulang ng mga anak, walang naiwan sa kanilang mga kamay.
15 Kung(A) paanong siya'y lumabas sa sinapupunan ng kanyang ina, gayon siya muling aalis, hubad siyang dumating, wala siyang anumang madadala mula sa kanyang pagpapagod, na kanyang madadala sa kanyang kamay.
16 Ito man ay isang malubhang kasamaan: kung paano siya dumating ay gayon siya aalis; at anong pakinabang mayroon siya, na gumagawa siya para sa hangin,
17 na lahat naman ng mga araw niya ay ginugol niya sa kadiliman at kalungkutan, sa maraming pagkainis, pagkakasakit, at pagsisisi?
18 Ito ang aking nakita na mabuti: nararapat na kumain, uminom, at magalak sa lahat ng kanyang pinagpaguran na kanyang ginagawa sa ilalim ng araw sa lahat ng kakaunting araw ng kanyang buhay na ibinigay sa kanya ng Diyos, sapagkat ito ang kanyang kapalaran.
19 Gayundin sa bawat tao na binigyan ng Diyos ng kayamanan at mga ari-arian, at binigyan ng kapangyarihan na masiyahan sa mga ito, at tanggapin ang kanyang kapalaran, at magalak sa kanyang pagpapagod—ito'y kaloob ng Diyos.
20 Sapagkat hindi na niya gaanong maaalala ang mga araw ng kanyang buhay sapagkat ginagawa siyang abala ng Diyos sa kagalakan ng kanyang puso.
23 Ngunit bago dumating ang pananampalataya, nabibilanggo tayo at binabantayan sa ilalim ng kautusan, hanggang sa ang pananampalataya ay ipahayag.
24 Kaya't ang kautusan ay naging ating tagasupil hanggang sa dumating si Cristo, upang tayo'y ariing-ganap sa pamamagitan ng pananampalataya.
25 Subalit ngayong dumating na ang pananampalataya, tayo ay wala na sa ilalim ng tagasupil.
26 Sapagkat kay Cristo Jesus, kayong lahat ay mga anak ng Diyos sa pamamagitan ng pananampalataya.
27 Sapagkat ang lahat na sa inyo na binautismuhan kay Cristo ay ibinihis si Cristo.
28 Walang Judio o Griyego, walang alipin o malaya, walang lalaki o babae, sapagkat kayong lahat ay iisa kay Cristo Jesus.
29 At(A) kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y mga binhi ni Abraham, mga tagapagmana ayon sa pangako.
4 Ganito ang ibig kong sabihin: ang tagapagmana, habang bata pa ay hindi nakahihigit sa mga alipin bagama't siya ang may-ari ng lahat,
2 subalit siya ay nasa ilalim ng mga tagapangalaga at mga katiwala hanggang sa panahong itinakda ng ama.
3 Gayundin tayo, nang tayo'y mga bata pa, tayo'y naalipin sa mga panimulang aral ng sanlibutan.
4 Subalit nang dumating ang ganap na kapanahunan, isinugo ng Diyos ang kanyang Anak, na ipinanganak ng isang babae, at ipinanganak sa ilalim ng kautusan,
5 upang(B) tubusin ang mga nasa ilalim ng kautusan, upang matanggap natin ang pagkupkop bilang mga anak.
6 At sapagkat kayo'y mga anak, isinugo ng Diyos ang Espiritu ng kanyang Anak sa ating[a] mga puso, na sumisigaw, “Abba,[b] Ama!”
7 Kaya't hindi ka na alipin kundi anak; at kung anak, ay tagapagmana.
Pinagsabihan ni Pablo ang mga Taga-Galacia
8 Subalit noong una, nang hindi pa ninyo kilala ang Diyos, kayo'y naging mga alipin ng mga hindi likas na diyos.
9 Subalit ngayong nakikilala na ninyo ang Diyos, o sa halip ay kinikilala na kayo ng Diyos, bakit muli kayong nagbabalik sa mahihina at hamak na mga panimulang aral, na sa mga iyon ay nais ninyong muling maging mga alipin?
10 Nangingilin kayo ng mga araw, mga buwan, mga panahon, at mga taon.
11 Ako'y natatakot na nagpagal ako sa inyo nang walang kabuluhan.
Mga Minanang Turo(A)
15 Pagkatapos ay lumapit kay Jesus ang mga Fariseo at ang mga eskriba na nanggaling sa Jerusalem, at sinabi nila,
2 “Bakit lumalabag ang iyong mga alagad sa tradisyon ng matatanda? Hindi sila naghuhugas ng kanilang mga kamay bago sila kumain ng tinapay.”
3 Sumagot siya sa kanila at sinabi, “Bakit lumalabag naman kayo sa utos ng Diyos dahil sa inyong tradisyon?
4 Sapagkat(B) sinabi ng Diyos, ‘Igalang mo ang iyong ama at ang iyong ina;’ at ‘Ang magsalita ng masama sa ama o sa ina, ay dapat mamatay.’
5 Ngunit sinasabi ninyo na sinumang magsabi sa kanyang ama o sa kanyang ina, ‘Anumang pakikinabangin mo mula sa akin ay ipinagkaloob ko na sa Diyos.’ Ang taong iyon ay hindi na kailangang gumalang pa sa kanyang ama.
6 Kaya, pinawalang-saysay ninyo ang salita[a] ng Diyos dahil sa inyong tradisyon.
7 Kayong mga mapagkunwari, tama ang ipinahayag ni Isaias tungkol sa inyo nang sabihin niya,
8 ‘Iginagalang(C) ako ng bayang ito sa kanilang mga labi,
ngunit ang kanilang puso ay malayo sa akin.
9 At walang kabuluhan ang pagsamba nila sa akin,
na itinuturo nila bilang mga aral ang mga alituntunin ng mga tao.’”
Ang Nagpaparumi sa Tao(D)
10 Pinalapit ni Jesus[b] sa kanya ang mga tao at sinabi sa kanila, “Pakinggan ninyo ito at unawain.
11 Hindi ang pumapasok sa bibig ang nagpaparumi sa tao, kundi ang lumalabas sa bibig ang nagpaparumi.”
12 Pagkatapos ay dumating ang mga alagad at sinabi sa kanya, “Alam mo bang nasaktan ang mga Fariseo nang marinig nila ang pananalitang ito?”
13 Ngunit sumagot siya at sinabi, “Ang bawat halamang hindi itinanim ng aking Ama na nasa langit ay bubunutin.
14 Hayaan(E) ninyo sila; sila'y mga bulag na taga-akay.[c] At kung ang bulag ay umakay sa bulag, kapwa sila mahuhulog sa hukay.”
15 Sumagot naman si Pedro at sinabi sa kanya, “Ipaliwanag mo sa amin ang talinghaga.”
16 At sinabi niya, “Pati ba naman kayo'y wala pa ring pang-unawa?
17 Hindi pa ba ninyo nalalaman na ang anumang pumapasok sa bibig ay tumutuloy sa tiyan, at inilalabas sa daanan ng dumi?
18 Ngunit(F) ang mga bagay na lumalabas sa bibig ay nagmumula sa puso at siyang nagpaparumi sa tao.
19 Sapagkat nagmumula sa puso ang masasamang pag-iisip, pagpatay, pangangalunya, pakikiapid, pagnanakaw, pagsaksi sa kasinungalingan, at paglapastangan.
20 Ito ang mga bagay na nagpaparumi sa tao; ngunit ang kumain nang hindi naghuhugas ng mga kamay ay hindi nagpaparumi sa tao.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001