Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 106

Ang Kabutihan ng Diyos sa Kanyang Bayan

106 Purihin(A) ang Panginoon!
    O magpasalamat kayo sa Panginoon, sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay nananatili magpakailanman.
Sinong makapagsasabi ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon,
    o makapagpapakita ng lahat niyang kapurihan?
Mapalad silang sumusunod sa katarungan,
    na sa lahat ng panahon ay gumagawa ng katuwiran.

Alalahanin mo ako, O Panginoon, kapag ikaw ay nagpakita sa iyong bayan ng paglingap,
    dalawin mo ako ng iyong pagliligtas;
upang makita ko ang kasaganaan ng iyong hinirang,
    upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa,
    upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.

Kami at ang aming mga magulang ay nagkasala;
    kami ay nakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
Hindi(B) naunawaan ng aming mga magulang
    ang iyong mga kababalaghan sa Ehipto;
hindi nila naalala ang kasaganaan ng iyong mga kagandahang-loob,
    kundi naghimagsik sa dagat, sa Dagat na Pula.
Gayunma'y iniligtas niya sila alang-alang sa kanyang pangalan,
    upang kanyang maipakilala ang kanyang malakas na kapangyarihan.
Kanyang(C) sinaway ang Dagat na Pula, at ito'y natuyo,
    pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman na parang sa ilang.
10 Kaya't iniligtas niya sila sa kamay ng namumuhi,
    at iniligtas niya sila sa kapangyarihan ng kaaway.
11 At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway;
    walang nalabi sa kanila kahit isa man lamang.
12 Nang(D) magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kanyang mga salita;
    inawit nila ang kanyang kapurihan.

13 Ngunit agad nilang nalimutan ang kanyang mga gawa;
    hindi nila hinintay ang kanyang payo.
14 Kundi(E) sila'y nagkaroon ng walang pakundangang pananabik nang sila'y nasa ilang,
    at tinukso nila ang Diyos sa ilang.
15 Ibinigay niya sa kanila ang kanilang hiniling,
    ngunit nagpadala ng nakapanghihinang karamdaman sa gitna nila.

16 Nang(F) ang mga tao sa kampo ay nanibugho kina Moises
    at Aaron, na banal ng Panginoon,
17 ang lupa ay bumuka, at si Datan ay nilamon,
    at tinabunan ang kay Abiram na pulutong.
18 Nagkaroon din ng sunog sa kanilang pulutong;
    sinunog ng apoy ang masasama.

19 Sila'y(G) gumawa sa Horeb ng guya,
    at sumamba sa larawang hinulma.
20 Ganito nila ipinagpalit ang kaluwalhatian
    sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21 Nalimutan nila ang Diyos, ang kanilang Tagapagligtas,
    na gumawa ng mga dakilang bagay sa Ehipto,
22 kahanga-hangang mga gawa sa lupain ng Ham,
    at kakilakilabot na mga bagay sa Dagat na Pula.
23 Kaya't sinabi niya na kanyang lilipulin sila—
    kung si Moises na kanyang hirang
ay hindi humarap sa kanya sa bitak,
    upang pawiin ang kanyang poot na puksain sila.

24 Kanilang(H) hinamak ang lupaing maganda,
yamang wala silang pananampalataya sa pangako niya.
25 Sila'y nagmaktol sa mga tolda nila,
    at ang tinig ng Panginoon ay hindi nila sinunod.
26 Kaya't itinaas niya ang kanyang kamay,
    na sa ilang sila'y kanyang ibubuwal,
27 at(I) ang kanilang binhi sa mga bansa ay itatapon,
    at ikakalat sila sa mga lupain.

28 At(J) iniugnay nila ang kanilang sarili sa Baal-peor,
    at kumain ng mga handog na inialay sa mga patay;
29 kanilang ginalit ang Panginoon sa pamamagitan ng mga gawa nila,
    at isang salot ang lumitaw sa gitna nila.
30 Nang magkagayo'y tumayo si Finehas at namagitan,
    at ang salot ay napigilan.
31 At iyon ay itinuring sa kanya bilang katuwiran,
    mula sa salinlahi hanggang sa salinlahi magpakailanman.
32 Kanilang(K) ginalit siya sa tubig ng Meriba,
    at ito'y naging masama kay Moises dahil sa kanila;
33 sapagkat sila'y mapanghimagsik laban sa kanyang diwa,
    at siya'y nagsalitang padalus-dalos sa kanyang mga labi.

34 Ang(L) mga bayan ay hindi nila nilipol,
    gaya ng iniutos sa kanila ng Panginoon;
35 kundi nakihalo sila sa mga bansa,
    at natuto ng kanilang mga gawa.
36 Sila'y naglingkod sa mga diyus-diyosan nila,
    na naging bitag sa kanila.
37 Kanilang(M) inialay ang kanilang mga anak na lalaki
    at ang mga anak na babae sa mga demonyo,
38 nagbuhos(N) sila ng walang salang dugo,
    ang dugo ng kanilang mga anak na lalaki at mga anak na babae,
na kanilang inialay sa diyus-diyosan ng Canaan;
    at ang lupain sa dugo ay nadumihan.
39 Gayon sila naging karumaldumal sa pamamagitan ng kanilang mga gawa,
    at naging upahang babae sa kanilang mga gawa.

40 Kaya't(O) nag-alab ang galit ng Panginoon laban sa kanyang bayan,
    at ang kanyang pamana ay kanyang kinasuklaman,
41 sa kamay ng mga bansa ay ibinigay niya sila,
    kaya't pinamunuan sila ng mga napopoot sa kanila.
42 Pinagmalupitan sila ng kanilang mga kalaban,
    at sila'y ipinaalipin sa ilalim ng kanilang kapangyarihan.
43 Iniligtas niya sila nang maraming ulit,
    ngunit sa kanilang mga payo sila'y mapanghimagsik,
    at sila'y ibinaba dahil sa kanilang kasamaan.
44 Gayunma'y pinahalagahan niya ang kanilang pagtitiis,
    nang kanyang marinig ang kanilang pagdaing.
45 Kanyang naalala alang-alang sa kanila ang kanyang tipan,
    at siya'y nagsisi ayon sa kasaganaan ng kanyang tapat na pagmamahal.
46 Ginawa niyang sila'y kaawaan
    sa harap ng lahat ng bumihag sa kanila.

47 O(P) Panginoon naming Diyos, kami ay iligtas mo,
    at mula sa mga bansa kami ay tipunin mo,
upang kami'y makapagpasalamat sa iyong banal na pangalan,
    at lumuwalhati sa iyong kapurihan.

48 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan!
At sabihin ng buong bayan, “Amen.”
    Purihin ang Panginoon!

Mga Bilang 22:1-21

Nagpasugo si Balak kay Balaam

22 Ang mga anak ni Israel ay naglakbay at nagkampo sa mga kapatagan ng Moab sa kabila ng Jordan sa Jerico.

Nakita ni Balak na anak ni Zipor ang lahat ng ginawa ng Israel sa mga Amoreo.

Ang Moab ay takot na takot sa taong-bayan, sapagkat sila'y marami. Ang Moab ay nanghina sa takot dahil sa mga anak ni Israel.

At sinabi ng Moab sa matatanda sa Midian, “Ngayon ay hihimurin ng karamihang ito ang lahat na nasa palibot natin, gaya ng baka na humihimod sa damo sa parang.” Kaya't si Balak na anak ni Zipor, na hari ng Moab ng panahong iyon

ay(A) nagpadala ng mga sugo kay Balaam na anak ni Beor, hanggang sa Petor na nasa tabi ng ilog, hanggang sa lupain ng mga anak ng kanyang bayan, upang tawagin siya, at sabihin, “May isang bayan na lumabas mula sa Ehipto, sila'y nakakalat sa ibabaw ng lupa, at sila'y naninirahan sa tapat ko.

Pumarito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, at sumpain mo ang bayang ito para sa akin; sapagkat sila'y totoong makapangyarihan para sa akin. Baka sakaling ako'y manalo at aming matalo sila, at mapalayas ko sila sa lupain, sapagkat alam ko na ang iyong pinagpala ay nagiging pinagpala at ang iyong sinusumpa ay isusumpa.”

Ang matatanda ng Moab at Midian ay pumaroon na dala sa kanilang kamay ang mga upa para sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinabi nila sa kanya ang mga sinabi ni Balak.

Kanyang sinabi sa kanila, “Dito na kayo tumuloy ngayong gabi at ibibigay ko sa inyo ang kasagutan, kung ano ang sasabihin ng Panginoon sa akin.” Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.

At ang Diyos ay pumunta kay Balaam at nagtanong, “Sino ang mga taong ito na kasama mo?”

10 Sinabi ni Balaam sa Diyos, “Si Balak na anak ni Zipor, hari ng Moab ay nagpasugo sa akin na sinasabi,

11 “Tingnan mo! Ang bayan na lumabas sa Ehipto ay nangalat sa ibabaw ng lupa. Ngayo'y pumarito ka, sumpain mo sila para sa akin. Baka sakaling malalabanan ko sila at sila'y aking mapalayas.”

12 Sinabi ng Diyos kay Balaam, “Huwag kang paroroon na kasama nila. Huwag mong susumpain ang bayan, sapagkat sila'y pinagpala.”

13 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at sinabi sa mga pinuno ni Balak, “Umuwi na kayo sa inyong lupain, sapagkat ang Panginoon ay tumanggi na ako'y sumama sa inyo.”

14 Kaya't ang mga pinuno ng Moab ay tumindig at sila'y pumunta kay Balak at nagsabi, “Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.”

15 Si Balak ay muling nagsugo ng marami pang pinuno at lalong higit na marangal kaysa kanila.

16 Sila'y pumunta kay Balaam at nagsabi sa kanya, “Ganito ang sabi ni Balak na anak ni Zipor, ‘Ipinapakiusap ko sa iyo na huwag mong hayaang may makahadlang sa iyong pagparito sa akin.

17 Sapagkat ikaw ay aking bibigyan ng malaking karangalan, at anumang sabihin mo sa akin ay gagawin ko. Ipinapakiusap ko na pumarito ka at sumpain mo para sa akin ang bayang ito.’”

18 Ngunit si Balaam ay sumagot sa mga lingkod ni Balak, “Kahit ibigay sa akin ni Balak ang kanyang bahay na punô ng pilak at ginto, hindi ako maaaring lumampas sa utos ng Panginoon kong Diyos na ako'y gumawa ng kulang o higit.

19 Manatili kayo rito, gaya ng iba, upang aking malaman kung ano pa ang sasabihin sa akin ng Panginoon.”

20 Nang gabing iyon, ang Diyos ay dumating kay Balaam at sinabi sa kanya, “Kung ang mga taong iyan ay pumarito upang tawagin ka ay bumangon ka, sumama ka sa kanila. Ngunit ang salita lamang na sasabihin ko sa iyo ang siya mong gagawin.”

Si Balaam at ang Asno ay Sinalubong ng Anghel ng Panginoon

21 Kinaumagahan, si Balaam ay bumangon at inihanda ang kanyang asno, at sumama sa mga pinuno ng Moab.

Roma 6:12-23

12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.

14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

Mga Alipin ng Katuwiran

15 Ano nga? Magkakasala ba tayo, dahil tayo'y wala sa ilalim ng kautusan, kundi nasa ilalim ng biyaya? Huwag nawang mangyari.

16 Hindi ba ninyo nalalaman na kung kanino ninyo inihahandog ang inyong mga sarili bilang alipin sa pagsunod, kayo'y mga alipin niya na inyong sinusunod; maging ng kasalanan tungo sa kamatayan, o ng pagsunod tungo sa pagiging matuwid?

17 Ngunit salamat sa Diyos, na bagama't kayo'y dating mga alipin ng kasalanan, kayo'y taos-pusong sumunod sa anyo ng aral na doon ay ipinagkatiwala kayo.

18 At pagkatapos na mapalaya kayo sa kasalanan ay naging mga alipin kayo sa paggawa ng matuwid.

19 Nagsasalita ako ayon sa pamamaraan ng tao dahil sa kahinaan ng inyong laman. Sapagkat kung paanong inihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin ng karumihan tungo sa higit at higit pang kasamaan, ngayon naman ay ihandog ninyo ang mga bahagi ng inyong katawan bilang alipin sa paggawa ng matuwid tungo sa kabanalan.

20 Sapagkat nang kayo ay mga alipin pa ng kasalanan, kayo'y malalaya tungkol sa pagiging matuwid.

21 Kaya't ano ngang bunga mayroon kayo sa mga bagay na ngayo'y ikinahihiya ninyo? Sapagkat ang kahihinatnan ng mga bagay na iyon ay kamatayan.

22 Subalit ngayong pinalaya na kayo sa kasalanan at naging mga alipin ng Diyos, na nagbubunga naman ng kabanalan, ang kahihinatnan ay buhay na walang hanggan.

23 Sapagkat ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; ngunit ang kaloob ng Diyos na walang bayad ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.

Mateo 21:12-22

Nilinis ni Jesus ang Templo(A)

12 Pumasok si Jesus sa templo,[a] at itinaboy niya ang lahat ng nagtitinda at namimili sa templo, at ibinaligtad niya ang mga mesa ng mga mamamalit ng salapi, at ang mga upuan ng mga nagtitinda ng mga kalapati.

13 Sinabi(B) niya sa kanila, “Nasusulat, ‘Ang aking bahay ay tatawaging bahay-panalanginan,’ ngunit ginagawa ninyo itong yungib ng mga magnanakaw.”

14 Ang mga bulag at mga pilay ay lumapit sa kanya sa templo at sila'y kanyang pinagaling.

15 Ngunit nang makita ng mga punong pari at mga eskriba ang mga kahanga-hangang bagay na kanyang ginawa, at ang mga batang sumisigaw sa templo at nagsasabi, “Hosana sa Anak ni David,” ay nagalit sila.

16 Kaya't(C) sinabi nila sa kanya, “Naririnig mo ba ang sinasabi ng mga ito?” At sinabi sa kanila ni Jesus, “Oo. Hindi ba ninyo kailanman nabasa,

    ‘Mula sa bibig ng mga sanggol at ng mga sumususo
    ay naghanda ka ng papuri para sa iyong sarili?”

Sinumpa ang Puno ng Igos(D)

17 Sila'y kanyang iniwan, at lumabas sa lunsod patungong Betania, at doon siya nagpalipas ng gabi.

18 Kinaumagahan, nang bumalik na siya sa lunsod ay nagutom siya.

19 Nang makakita siya ng isang puno ng igos sa tabi ng daan, ito ay kanyang nilapitan at walang natagpuang anuman doon, maliban sa mga dahon lamang. Sinabi niya rito, “Kailanma'y hindi ka na muling magkakaroon ng bunga!” At natuyo kaagad ang puno ng igos.

20 Nang makita ito ng mga alagad ay nagtaka sila, na nagsasabi, “Paanong natuyo kaagad ang puno ng igos?”

21 Sumagot(E) si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, kung kayo'y may pananampalataya at hindi nag-aalinlangan, hindi lamang ninyo magagawa ang nagawa sa puno ng igos, kundi kahit sabihin ninyo sa bundok na ito, ‘Maalis ka at mapatapon sa dagat,’ ito ay mangyayari.

22 At anumang bagay na inyong hingin sa panalangin na may pananampalataya ay inyong tatanggapin.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001