Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 24

Awit ni David.

24 Ang(A) lupa ay sa Panginoon at ang lahat ng narito;
    ang sanlibutan, at silang naninirahan dito;
sapagkat itinatag niya ito sa ibabaw ng mga dagat,
    at itinayo sa ibabaw ng mga ilog.

Sinong aakyat sa bundok ng Panginoon?
    At sinong tatayo sa kanyang dakong banal?
Siyang(B) may malilinis na kamay at may pusong dalisay,
    na hindi nagtataas ng kanyang kaluluwa sa hindi totoo,
    at hindi sumusumpa na may panlilinlang.
Mula sa Panginoon, pagpapala'y kanyang kakamtan,
    at pagwawalang-sala mula sa Diyos ng kanyang kaligtasan.
Gayon ang salinlahi ng mga nagsisihanap sa kanya,
    na nagsisihanap ng mukha ng Diyos ni Jacob. (Selah)

Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at kayo'y mátaas, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
Sino ang Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon, malakas at makapangyarihan,
    ang Panginoon, makapangyarihan sa pakikipaglaban.
Itaas ninyo ang inyong mga ulo, O kayong mga tarangkahan!
    at itaas kayo, kayong matatandang pintuan!
    upang makapasok ang Hari ng kaluwalhatian.
10 Sino itong Hari ng kaluwalhatian?
    Ang Panginoon ng mga hukbo,
    siya ang Hari ng kaluwalhatian! (Selah)

Mga Awit 29

Awit ni David.

29 Mag-ukol(A) kayo sa Panginoon, O mga anak ng makapangyarihan,
    mag-ukol kayo sa Panginoon ng kaluwalhatian at kalakasan.
Iukol ninyo sa Panginoon ang kaluwalhatian na nararapat sa kanyang pangalan;
    sambahin ninyo ang Panginoon sa banal na kagayakan.

Ang tinig ng Panginoon ay nasa ibabaw ng mga tubig;
    ang Diyos ng kaluwalhatian ay kumukulog,
    ang Panginoon, sa ibabaw ng maraming tubig.
Ang tinig ng Panginoon ay makapangyarihan,
    ang tinig ng Panginoon ay puspos ng kadakilaan.

Ang tinig ng Panginoon ay bumabali ng mga sedro;
    binabali ng Panginoon ang mga sedro ng Lebanon.
Kanyang pinalulukso ang Lebanon na gaya ng guya,
    at ang Sirion na gaya ng mailap na guyang baka.

Ang tinig ng Panginoon ay nagpapasiklab ng mga ningas ng apoy.
Niyayanig ng tinig ng Panginoon ang ilang,
    niyayanig ng Panginoon ang ilang ng Kadesh.

Pinaaanak ng tinig ng Panginoon ang mga usa,
    at hinuhubaran ang mga gubat;
    at ang lahat sa kanyang templo ay nagsasabi, “Kaluwalhatian!”

10 Ang Panginoon ay nakaupo sa trono sa ibabaw ng baha;
    ang Panginoon ay nakaluklok bilang hari magpakailanman.
11 Ang Panginoon nawa ay magbigay ng lakas sa kanyang bayan!
    Basbasan nawa ng Panginoon ang kanyang bayan ng kapayapaan!

Mga Awit 8

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Gittith. Awit ni David.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ng iyong pangalan!

Sa itaas ng mga langit ay inaawit ang iyong kaluwalhatian
    mula(A) sa bibig ng mga sanggol at mga musmos,
ikaw ay nagtatag ng tanggulan dahil sa mga kalaban mo,
    upang patahimikin ang kaaway at ang maghihiganti sa iyo.

Kapag pinagmamasdan ko ang iyong kalangitan, ang gawa ng iyong mga daliri,
    ang buwan at ang mga bituin na iyong inilagay;
ano(B) ang tao upang siya'y iyong alalahanin,
    at ang anak ng tao upang siya'y iyong kalingain?

Gayunma'y ginawa mo siyang mababa lamang nang kaunti kaysa Diyos,
    at pinutungan mo siya ng kaluwalhatian at karangalan.
Binigyan(C) mo siya ng kapamahalaan sa mga gawa ng iyong mga kamay;
    sa ilalim ng kanyang mga paa ay inilagay mo ang lahat ng mga bagay,
lahat ng tupa at baka,
    gayundin ang mga hayop sa parang,
ang mga ibon sa himpapawid, at ang mga isda sa dagat,
    anumang nagdaraan sa mga daanan ng dagat.

O Panginoon, aming Panginoon,
    sa buong lupa ay napakadakila ang iyong pangalan!

Mga Awit 84

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Ang Gittith. Awit ng mga Anak ni Kora.

84 Napakaganda ng tahanan mo,
    O Panginoon ng mga hukbo!
Ang kaluluwa ko'y nananabik, oo, nanghihina
    para sa mga bulwagan ng Panginoon;
ang puso ko't laman ay umaawit sa kagalakan
    sa buháy na Diyos.

Maging ang maya ay nakakatagpo ng bahay,
    at ang layang-layang ay ng pugad para sa kanya,
    na mapaglalagyan niya ng kanyang inakay,
O Panginoon ng mga hukbo, sa mga dambana mo,
    Hari ko, at Diyos ko.
Mapalad silang naninirahan sa bahay mo,
    na laging umaawit ng pagpupuri sa iyo! (Selah)

Mapalad ang mga tao na ang mga kalakasan ay nasa iyo;
    na ang mga daan tungo sa Zion ay nasa kanilang puso.
Sa kanilang pagdaan sa libis ng Baca,
    ay ginawa nila itong dako ng mga bukal;
    kinakalatan din ito ng mga pagpapala ng maagang ulan.
Sila'y humahayo sa lakas at lakas,
    ang Diyos ng mga diyos ay makikita sa Zion.

O Panginoong Diyos ng mga hukbo, pakinggan mo ang aking panalangin,
    pakinggan mo, O Diyos ni Jacob. (Selah)
Masdan mo ang aming kalasag, O Diyos,
    tingnan mo ang mukha ng iyong pinahiran ng langis!
10 Sapagkat ang isang araw sa iyong mga bulwagan
    ay mabuti kaysa isang libo saanman.
Nanaisin ko pang maging tanod sa pintuan sa bahay ng aking Diyos,
    kaysa tumahan sa mga tolda ng kasamaan.
11 Sapagkat ang Panginoong Diyos ay araw at kalasag,
    siya'y nagbibigay ng biyaya at karangalan.
Walang mabuting bagay ang ipagkakait ng Panginoon
    sa mga nagsisilakad nang matuwid.
12 O Panginoon ng mga hukbo,
    mapalad ang taong nagtitiwala sa iyo!

Genesis 41:14-45

14 Kaya't nagpasugo ang Faraon at ipinatawag si Jose, at madali siyang inilabas sa bilangguan. At nang siya'y makapag-ahit at makapagpalit ng damit ay pumunta sa Faraon.

15 At sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako'y nanaginip at walang makapagpaliwanag nito. Nabalitaan ko na pagkarinig mo ng isang panaginip ay naipapaliwanag mo.”

16 Sumagot si Jose sa Faraon, na sinasabi, “Hindi ako, ang Diyos ang sasagot sa kapayapaan ng Faraon.”

17 Pagkatapos ay sinabi ng Faraon kay Jose, “Sa aking panaginip ay nakatayo ako sa pampang ng Nilo;

18 may umahon sa ilog na pitong bakang matataba at magaganda ang anyo, at kumain ng damo.

19 Pagkatapos nito, may ibang pitong baka na nagsiahon sa likuran nila, mga payat, at napakapangit ang anyo, at payat na kailanma'y hindi ako nakakita sa buong lupain ng Ehipto ng kagaya ng mga iyon sa kapangitan.

20 Kinain ng mga bakang payat at pangit ang pitong nauunang bakang matataba.

21 Nang makain na nila ang mga iyon ay walang makapagsasabi na kinain nila ang mga iyon sapagkat ang kanilang anyo ay pangit ding gaya ng una. At nagising ako.

22 Nakakita rin ako sa aking panaginip ng pitong uhay na umuusbong sa isang tangkay, mabibintog at malulusog;

23 at pitong uhay na lanta, payat at tinuyo ng hanging silangan ang umuusbong na kasunod ng mga iyon.

24 Nilamon ng mga uhay na lanta ang pitong uhay na mabibintog. Isinalaysay ko ito sa mga salamangkero, subalit walang makapagpaliwanag ng kahulugan niyon sa akin.”

25 Kaya't sinabi ni Jose sa Faraon, “Ang panaginip ng Faraon ay iisa; ipinakita ng Diyos sa Faraon ang malapit na niyang gawin.

26 Ang pitong malulusog na baka ay pitong taon; at ang pitong mabibintog na uhay ay pitong taon. Ito ay iisang panaginip.

27 At ang pitong payat at pangit na baka na umahong kasunod ng mga iyon ay pitong taon, gayundin ang pitong uhay na tinuyo ng hanging silangan; ang mga iyon ay pitong taong taggutom.

28 Ito ang aking sinabi sa Faraon. Ang malapit nang gawin ng Diyos ay ipinaalam niya sa Faraon.

29 Magkakaroon ng pitong taong kasaganaan sa buong lupain ng Ehipto.

30 Pagkatapos ng mga iyon, magkakaroon ng pitong taong taggutom at ang lahat ng kasaganaan sa lupain ng Ehipto ay malilimutan at sasalantain ng taggutom ang lupain.

31 Ang kasaganaan sa lupain ay hindi maaalala dahil sa taggutom na susunod; sapagkat ito'y magiging napakatindi.

32 Tungkol sa pag-uulit ng panaginip sa Faraon na makalawa, ito ay nangangahulugan na ang bagay ay itinatag ng Diyos, at iyon ay madali nang gawin ng Diyos.

33 Ngayon nga'y pahanapin ang Faraon ng isang taong matalino at pantas at pamahalain siya sa lupain ng Ehipto.

34 Gawin ng Faraon na maglagay ng mga tagapamahala sa lupain, at kunin ang ikalimang bahagi ng bunga ng lupain ng Ehipto sa loob ng pitong taong kasaganaan.

35 Tipunin nilang lahat ang mga pagkain nitong dumarating na masasaganang taon, at ikamalig ang mga trigo sa ilalim ng kamay ng Faraon, bilang pagkain sa mga bayan, at itabi ang mga ito.

36 Ang pagkain ay maging laan para sa lupain sa pitong taong taggutom na mangyayari sa lupain ng Ehipto, upang huwag mapuksa ang lupain dahil sa taggutom.”

Ginawa si Jose na Tagapamahala ng Ehipto

37 Ang mungkahi ay ikinatuwa ng Faraon at ng kanyang mga lingkod.

38 Kaya't sinabi ng Faraon sa kanyang mga lingkod, “Makakakita kaya tayo ng isang taong kagaya nito, na kinakasihan ng espiritu ng Diyos?”

39 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Yamang itinuro sa iyo ng Diyos ang lahat ng ito, ay walang matalino o pantas na gaya mo.

40 Ikaw(A) ang magiging pinuno sa aking bahay, at ayon sa iyong salita ay susunod ang aking buong bayan; tanging tungkol lamang sa pagkahari magiging mataas ako kaysa iyo.”

41 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ikaw ay inatasan ko upang mamahala sa buong lupain ng Ehipto.”

42 Inalis(B) ng Faraon sa kamay niya ang kanyang singsing at inilagay sa kamay ni Jose, at siya'y sinuotan ng pinong lino at inilagay ang isang kuwintas na ginto sa kanyang leeg.

43 Siya'y pinasakay niya sa karwahe na para sa ikalawang pinakamataas na pinuno; at sila'y sumisigaw sa unahan niya, “Lumuhod kayo!” Sa gayo'y inilagay siya bilang puno sa buong lupain ng Ehipto.

44 Sinabi ng Faraon kay Jose, “Ako ang Faraon, at kung walang pagsang-ayon mula sa iyo ay hindi magtataas ang sinumang tao ng kanyang kamay o ng kanyang paa sa buong lupain ng Ehipto.”

Ang Pag-aasawa ni Jose

45 Pinangalanan ng Faraon si Jose na Zafenat-panea, at ibinigay bilang asawa niya si Asenat, na anak ni Potifera, na pari sa On. Sa gayo'y nagkaroon si Jose ng kapangyarihan sa lupain ng Ehipto.

Roma 6:3-14

O hindi ba ninyo nalalaman na tayong lahat na mga nabautismuhan kay Cristo Jesus ay mga nabautismuhan tungo sa kanyang kamatayan?

Kaya't(A) tayo ay inilibing na kasama niya sa pamamagitan ng bautismo tungo sa kamatayan; na kung paanong si Cristo ay muling nabuhay mula sa mga patay sa pamamagitan ng kaluwalhatian ng Ama, gayundin naman tayo'y makakalakad sa panibagong buhay.

Sapagkat kung tayo'y naging kasama niya na katulad ng kanyang kamatayan, ay magkakagayon din naman tayo sa kanyang muling pagkabuhay.

Nalalaman natin na ang ating dating pagkatao ay kasama niyang ipinako sa krus, upang ang katawang makasalanan ay mawalan ng bisa, at upang tayo'y hindi na magpaalipin pa sa kasalanan;

sapagkat ang namatay ay pinalaya na mula sa kasalanan.

Subalit kung tayo'y namatay na kasama ni Cristo, sumasampalataya tayo na mabubuhay ding kasama niya.

Nalalaman nating si Cristo na nabuhay mula sa mga patay ay hindi na mamamatay; ang kamatayan ay wala nang paghahari sa kanya.

10 Sapagkat ang kamatayan na ikinamatay niya ay kanyang ikinamatay sa kasalanan nang minsanan; ngunit ang buhay na kanyang ikinabubuhay ay kanyang ikinabubuhay sa Diyos.

11 Gayundin naman kayo, ituring ninyong kayo'y tunay na mga patay na sa kasalanan, ngunit mga nabubuhay sa Diyos kay Cristo Jesus.

12 Kaya't huwag ninyong paghariin ang kasalanan sa inyong katawang may kamatayan, upang masunod ang mga pagnanasa nito.

13 At huwag din ninyong ihandog ang mga bahagi ng inyong katawan sa kasalanan bilang kasangkapan ng kasamaan tungo sa kasalanan, kundi ihandog ninyo ang inyong sarili sa Diyos, na tulad sa mga buháy mula sa mga patay, at ang mga bahagi ng inyong katawan bilang kasangkapan ng pagiging matuwid tungo sa Diyos.

14 Sapagkat ang kasalanan ay hindi makapaghahari sa inyo, sapagkat wala kayo sa ilalim ng kautusan kundi nasa ilalim ng biyaya.

Juan 5:19-24

Ang Kapangyarihan ng Anak

19 Kaya't sumagot si Jesus at sinabi sa kanila, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, hindi makakagawa ng anuman ang Anak sa kanyang sarili kundi ang nakikita niyang ginagawa ng Ama. Sapagkat ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa ay siya ring ginagawa ng Anak.

20 Sapagkat minamahal ng Ama ang Anak, at sa kanya'y ipinapakita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginagawa, at lalong dakilang mga gawa kaysa mga ito ang ipapakita niya sa kanya upang kayo'y mamangha.

21 Sapagkat kung paanong ibinabangon ng Ama ang mga patay at sila'y binubuhay, gayundin naman binubuhay ng Anak ang sinumang nais niya.

22 Ang Ama'y hindi humahatol sa kanino mang tao, kundi ipinagkaloob niya sa Anak ang buong paghatol;

23 upang parangalan ng lahat ang Anak, na gaya rin ng kanilang pagpaparangal sa Ama. Ang hindi nagpaparangal sa Anak ay hindi nagpaparangal sa Ama na sa kanya'y nagsugo.

24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ang nakikinig ng aking salita at sumasampalataya sa kanya na nagsugo sa akin ay may buhay na walang hanggan, at hindi darating sa kahatulan kundi lumipat na sa buhay mula sa kamatayan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001