Book of Common Prayer
Awit ni Solomon.
72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
2 Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
at ang iyong dukha ng may katarungan!
3 Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
at ang mga burol, sa katuwiran!
4 Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
at ang mapang-api ay kanyang durugin!
5 Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
6 Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7 Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.
8 Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
9 Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!
12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.
15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.
20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.
JOD.
73 Ako'y ginawa at inanyuan ng iyong mga kamay;
bigyan mo ako ng pang-unawa, upang ang iyong mga utos ay aking matutunan.
74 Silang natatakot sa iyo ay makikita ako at matutuwa;
sapagkat ako'y umasa sa iyong salita.
75 O Panginoon, nalalaman ko, na matuwid ang mga pasiya mo,
at sa katapatan ay pinangumbaba mo ako.
76 Ang iyo nawang tapat na pag-ibig ay maging kaaliwan sa akin,
ayon sa pangako mo sa iyong lingkod.
77 Dumating nawa sa akin ang iyong habag upang ako'y mabuhay,
sapagkat ang kautusan mo'y aking katuwaan.
78 Mahiya ang masama,
sapagkat pinabagsak nila ako na may katusuhan,
para sa akin, ako'y magbubulay-bulay sa iyong mga kautusan.
79 Bumalik nawa sa akin ang natatakot sa iyo,
at silang nakakakilala ng iyong mga patotoo.
80 Ang aking puso sa iyong mga tuntunin ay maging sakdal nawa,
upang huwag akong mapahiya.
CAPH.
81 Nanghihina ang aking kaluluwa para sa pagliligtas mo;
sa iyong salita ay umaasa ako.
82 Nanlalabo ang aking mga mata sa paghihintay sa iyong pangako;
aking itinatanong, “Kailan mo ako aaliwin?”
83 Sapagkat ako'y naging parang balat na lalagyan ng alak na nasa usok;
hindi ko kinalilimutan ang iyong mga tuntunin.
84 Gaano karami ang mga araw ng iyong lingkod?
Kailan mo hahatulan ang mga umuusig sa akin?
85 Ang mapagmataas ay gumawa ng hukay na patibong para sa akin,
mga taong hindi sang-ayon sa iyong tuntunin.
86 Tiyak ang lahat ng mga utos mo;
kanilang inuusig ako ng kasinungalingan, tulungan mo ako.
87 Halos sa ibabaw ng lupa ako ay kanilang winakasan,
ngunit ang mga tuntunin mo ay hindi ko tinalikuran.
88 Muli mo akong buhayin ayon sa iyong tapat na pag-ibig,
upang aking maingatan ang mga patotoo ng iyong bibig.
LAMED.
89 Magpakailanman, O Panginoon,
ang iyong salita ay natatag sa langit.
90 Nananatili sa lahat ng salinlahi ang iyong katapatan;
iyong itinatag ang lupa, at ito'y nananatiling matibay.
91 Sila'y nananatili sa araw na ito ayon sa itinakda mo,
sapagkat lahat ng bagay ay mga lingkod mo.
92 Kung ang kautusan mo'y hindi ko naging katuwaan,
namatay na sana ako sa aking kalungkutan.
93 Hindi ko kailanman kalilimutan ang mga tuntunin mo;
sapagkat sa pamamagitan ng mga iyon ay binigyan mo ako ng buhay.
94 Ako'y iyo, iligtas mo ako,
sapagkat aking hinanap ang mga tuntunin mo,
95 Ang masama'y nag-aabang upang patayin ako,
ngunit aking kinikilala ang iyong mga patotoo.
96 Aking nakita ang hangganan ng lahat ng kasakdalan;
ngunit ang utos mo'y totoong malawak.
Iniutos ng Diyos na Ihandog ni Abraham si Isaac
22 Pagkatapos(A) ng mga bagay na ito, sinubok ng Diyos si Abraham, at sinabi sa kanya, “Abraham,” at sinabi niya, “Narito ako.”
2 At(B) kanyang sinabi, “Kunin mo ngayon ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak na si Isaac, na iyong minamahal at pumunta ka sa lupain ng Moria. Ialay mo siya bilang handog na susunugin sa itaas ng isa sa mga bundok na aking sasabihin sa iyo.”
3 Si Abraham ay maagang bumangon at inihanda ang kanyang asno. Isinama niya ang dalawa sa kanyang mga batang tauhan at si Isaac na kanyang anak. Nagsibak siya ng kahoy para sa handog na susunugin; at siya'y naghanda at pumunta sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos.
4 Nang ikatlong araw ay tumingin si Abraham at kanyang natanaw ang lugar na iyon sa malayo.
5 Sinabi ni Abraham sa kanyang mga batang tauhan, “Maghintay kayo rito at ng asno, at ako at ang bata ay pupunta roon upang kami ay sumamba. Babalikan namin kayo.”
6 At kinuha ni Abraham ang kahoy ng handog na susunugin, at ipinasan kay Isaac na kanyang anak. Dinala niya sa kanyang kamay ang apoy at ang patalim at sila'y umalis na magkasama.
7 Nagsalita si Isaac kay Abraham na kanyang ama, “Ama ko.” At kanyang sinabi, “Narito ako, anak.” Sinabi niya, “Narito ang apoy at ang kahoy, ngunit nasaan ang korderong handog na susunugin?”
8 Kaya't sinabi ni Abraham, “Anak ko, ang Diyos ang magkakaloob ng korderong handog na susunugin.” At sila'y umalis na magkasama.
9 At(C) sila'y dumating sa lugar na sinabi sa kanya ng Diyos. Nagtayo roon si Abraham ng isang dambana, inayos ang kahoy, at tinalian si Isaac na kanyang anak at inilagay sa ibabaw ng kahoy na nasa ibabaw ng dambana.
10 Iniunat ni Abraham ang kanyang kamay at hinawakan ang patalim upang patayin ang kanyang anak.
11 Ngunit tinawag siya ng anghel ng Panginoon mula sa langit, at sinabi, “Abraham, Abraham.” At kanyang sinabi, “Narito ako.”
12 At sa kanya'y sinabi, “Huwag mong sasaktan ang bata, o gawan man siya ng anuman, sapagkat ngayon ay nalalaman ko na ikaw ay may takot sa Diyos, at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak.”
13 Kaya't tumingin si Abraham, at nakita niya ang isang tupang lalaki sa likuran niya na ang mga sungay ay sumabit sa mga tinik. Lumapit si Abraham at kinuha ang tupa, at siyang inialay na handog na susunugin kapalit ng kanyang anak.
14 Kaya't tinawag ni Abraham ang lugar na iyon Yahweh-yireh.[a] Kaya't sinasabi hanggang sa araw na ito: “Sa bundok ng Panginoon ito ay ipagkakaloob.”
15 Mula sa langit ay muling tinawag ng anghel ng Panginoon si Abraham.
16 At(D) sinabi niya, “Sumumpa ako sa aking sarili,” wika ng Panginoon, “sapagkat ginawa mo ito at hindi mo ipinagkait sa akin ang iyong anak, ang iyong kaisa-isang anak;
17 tunay(E) na pagpapalain kita, at pararamihin ko ang iyong binhi, na gaya ng mga bituin sa langit at mga buhangin sa baybayin ng dagat; at makakamit ng iyong binhi ang pintuang-bayan ng kanyang mga kaaway.
18 At(F) sa pamamagitan ng iyong binhi ay pagpapalain ang lahat ng bansa sa lupa, sapagkat sinunod mo ang aking tinig.”
Ang Pananampalataya ni Moises
23 Sa(A) pananampalataya, nang ipanganak si Moises ay itinago siya ng tatlong buwan ng kanyang mga magulang, sapagkat kanilang nakitang maganda ang bata, at hindi sila natakot sa utos ng hari.
24 Sa(B) pananampalataya, nang nasa hustong gulang na si Moises ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon,
25 na pinili pa ang mapasama sa kaapihan ng bayan ng Diyos, kaysa magkaroon ng pansamantalang kasiyahan ng kasalanan.
26 Kanyang itinuring na malaking kayamanan ang magdusa alang-alang kay Cristo, kaysa sa mga kayamanan ng Ehipto, sapagkat kanyang pinagtutuunan ng pansin ang gantimpala.
27 Sa pananampalataya ay iniwan niya ang Ehipto, at hindi natakot sa poot ng hari, sapagkat siya ay matiyagang nagpatuloy na tulad sa nakakakita sa kanya na hindi nakikita.
28 Sa(C) pananampalataya'y itinatag niya ang paskuwa at ang pagwiwisik ng dugo, upang huwag silang galawin ng Mamumuksa ng mga panganay.
Ang Pananampalataya ng Iba Pang Israelita
29 Sa(D) pananampalataya'y tinahak nila ang Dagat na Pula na tulad sa tuyong lupa, ngunit nang tangkaing gawin ito ng mga Ehipcio ay nalunod sila.
30 Sa(E) pananampalataya'y gumuho ang pader ng Jerico, pagkatapos na malibot sa loob ng pitong araw.
31 Sa(F) pananampalataya si Rahab, na nagbibili ng aliw, ay hindi napahamak na kasama ng mga sumuway, sapagkat payapa niyang tinanggap ang mga espiya.
52 Kaya't ang mga Judio'y nagtalu-talo, na sinasabi, “Paanong maipakakain sa atin ng taong ito ang kanyang laman?”
53 Sinabi nga sa kanila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, malibang inyong kainin ang laman ng Anak ng Tao at inumin ang kanyang dugo, wala kayong buhay sa inyong sarili.
54 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay may buhay na walang hanggan, at siya'y muli kong bubuhayin sa huling araw.
55 Sapagkat ang aking laman ay tunay na pagkain, at ang aking dugo ay tunay na inumin.
56 Ang kumakain ng aking laman at umiinom ng aking dugo ay nananatili sa akin, at ako'y sa kanya.
57 Kung paanong ang buháy na Ama ay nagsugo sa akin at ako'y nabubuhay dahil sa Ama, gayundin ang kumakain sa akin ay mabubuhay dahil sa akin.
58 Ito ang tinapay na bumabang galing sa langit, hindi gaya ng tinapay na kinain ng inyong mga ninuno at sila'y namatay. Ang kumakain ng tinapay na ito ay mabubuhay magpakailanman.”
59 Sinabi niya ang mga bagay na ito sa sinagoga, samantalang siya'y nagtuturo sa Capernaum.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001