Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 50

Ang Tunay na Pagsamba

Awit ni Asaf.

50 Ang Makapangyarihan, ang Diyos na Panginoon,
    ay nagsalita at tinatawag ang lupa
    mula sa pagsikat ng araw hanggang sa paglubog niyon.
Mula sa Zion na kasakdalan ng kagandahan,
    nagliliwanag ang Diyos.

Ang aming Diyos ay dumarating at hindi siya tatahimik;
    nasa harapan niya ang apoy na tumutupok,
    at malakas na bagyo sa kanyang palibot.
Siya'y tumatawag sa langit sa kaitaasan,
    at sa lupa upang hatulan niya ang kanyang bayan:
“Tipunin mo sa akin ang aking mga banal,
    yaong nakipagtipan sa akin sa pamamagitan ng alay!”
Ang langit ay nagpapahayag ng kanyang katuwiran;
    sapagkat ang Diyos ay siyang hukom! (Selah)

“Makinig, O aking bayan, at magsasalita ako,
    O Israel, ako'y magpapatotoo laban sa iyo.
    Ako'y Diyos, Diyos mo.
Hindi kita sinasaway dahil sa iyong mga handog;
    laging nasa harapan ko ang iyong mga handog na sinusunog.
Hindi ako tatanggap ng baka mula sa iyong bahay,
    ni ng kambing na lalaki sa iyong mga kawan.
10 Sapagkat bawat hayop sa gubat ay akin,
    ang hayop sa libong mga burol.
11 Nakikilala ko ang lahat ng mga ibon sa mga bundok;
    at ang lahat ng mga gumagala sa parang ay akin.

12 “Kung ako'y gutom, sa iyo ay hindi ko sasabihin,
    sapagkat ang sanlibutan at ang lahat ng narito ay akin.
13 Kumakain ba ako ng laman ng mga toro,
    o umiinom ng dugo ng mga kambing?
14 Mag-alay sa Diyos ng pasasalamat na alay,
    at tuparin mo ang iyong mga panata sa Kataas-taasan;
15 at tumawag ka sa akin sa araw ng kabagabagan;
    ililigtas kita, at luluwalhatiin mo ako.”

16 Ngunit sa masama ay sinabi ng Diyos:
    “Anong karapatan mo upang ipahayag ang aking mga tuntunin,
    o ilagay ang aking tipan sa iyong bibig?
17 Sapagkat ang disiplina ay kinapopootan mo,
    at iyong iwinawaksi ang aking mga salita sa likuran mo.
18 Kapag nakakakita ka ng magnanakaw, ikaw ay natutuwa sa kanya,
    at sumasama ka sa mga mangangalunya.

19 “Ibinibigay mo sa iyong bibig ang malayang paghahari ng kasamaan,
    at ang iyong dila ay kumakatha ng pandaraya.
20 Ikaw ay umuupo at nagsasalita laban sa iyong kapatid;
    iyong sinisiraan ang anak ng iyong sariling ina.
21 Ang mga bagay na ito ay iyong ginawa, at ako'y nanahimik;
    iniisip mong ako'y gaya mo.
Ngunit ngayo'y sinasaway kita, at ipinapataw ang paratang sa harapan mo.

22 “Kayong nakakalimot sa Diyos, tandaan ninyo ito,
    baka kayo'y aking pagluray-lurayin at walang magligtas sa inyo!
23 Ang naghahandog ng alay ng pasasalamat ay nagpaparangal sa akin;
    sa kanya na nag-aayos ng kanyang lakad
    ang pagliligtas ng Diyos ay ipapakita ko rin!”

Mga Awit 59-60

Panalangin(A) upang Ingatan

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Huwag Wasakin. Miktam ni David, nang magsugo si Saul, at kanilang bantayan ang bahay upang patayin siya.

59 Iligtas mo ako sa aking mga kaaway, O Diyos ko,
    mula sa mga nag-aalsa laban sa akin, sa itaas ay ilagay mo ako.
Iligtas mo ako sa mga gumagawa ng kasamaan,
    at iligtas mo ako sa mga taong sa dugo ay uhaw.
Narito, sapagkat pinagtatangkaan ang aking buhay;
    ang mga taong mababagsik laban sa akin ay nagsasama-sama.
Hindi dahil sa aking pagsuway o sa aking kasalanan man, O Panginoon,
    sila'y tumatakbo at naghahanda sa di ko kasalanan.
Ikaw ay bumangon, tulungan mo ako, at iyong masdan!
Ikaw, O Panginoong Diyos ng mga hukbo, na Diyos ng Israel.
Gumising ka upang iyong parusahan ang lahat ng mga bansa;
    huwag mong patatawarin ang sinumang may kataksilang nagpakana ng masama. (Selah)

Tuwing hapon ay bumabalik sila,
    tumatahol na parang aso,
    at nagpapagala-gala sa lunsod.
Narito, sila'y nanunungayaw sa pamamagitan ng kanilang bibig;
    mga tabak ay nasa kanilang mga labi—
    sapagkat sinasabi nila, “Sinong makikinig sa amin?”

Ngunit ikaw, O Panginoon, ay pinagtatawanan mo sila,
    iyong tinutuya ang lahat ng mga bansa.
Dahil sa kanyang kalakasan, babantayan kita,
    sapagkat ikaw, O Diyos ay muog ko.
10 Ang aking Diyos sa kanyang tapat na pag-ibig ay sasalubong sa akin;
    ipinahihintulot ng aking Diyos na ako'y tumingin na may pagtatagumpay sa aking mga kaaway.
11 Huwag mo silang patayin, baka makalimot ang aking bayan;
pangalatin mo sila sa pamamagitan ng iyong kapangyarihan, at ibaba mo sila,
    O Panginoon na kalasag namin!
12 Dahil sa kasalanan ng kanilang bibig, at sa mga salita ng kanilang mga labi,
    masilo nawa sila sa kanilang kapalaluan,
dahil sa sumpa at sinalita nilang kasinungalingan.
13     Pugnawin mo sila sa poot,
    pugnawin mo sila hanggang sa sila'y wala na,
upang malaman ng tao na ang Diyos ang namumuno sa Jacob,
    hanggang sa mga wakas ng lupa. (Selah)

14 Bawat hapon ay bumabalik sila,
    na tumatahol na parang aso
    at pagala-gala sa lunsod.
15 Sila'y gumagala upang may makain,
    at tumatahol kapag hindi sila nabusog.

16 Ngunit aking aawitin ang iyong kalakasan;
    oo, aking aawiting malakas sa umaga ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ikaw ay naging aking muog,
    at kanlungan sa araw ng aking kapighatian.
17 O aking kalakasan, aawit ako ng mga papuri sa iyo,
    sapagkat ikaw, O Diyos, ay muog ko,
    ang Diyos na nagpapakita sa akin ng tapat na pagsuyo.

Sa(B) Punong Mang-aawit: ayon sa Shushan Eduth. Miktam ni David; para sa pagtuturo; nang siya ay makipaglaban kay Aramharain at Aram-zobah, at nang patayin ni Joab sa kanyang pagbabalik ang 12,000 Edomita sa Libis ng Asin.

60 O Diyos, kami ay iyong tinalikuran, winasak mo kami.
    Ikaw ay nagalit; O ibalik mo kami.
Iyong niyanig ang lupain, iyong ibinuka;
    kumpunihin mo ang mga sira niyon, sapagkat ito'y umuuga.
Pinaranas mo ng mahihirap na mga bagay ang iyong bayan;
    binigyan mo kami ng alak na inumin na nagpasuray sa amin.

Naglagay ka ng watawat para sa mga natatakot sa iyo,
    upang ito'y mailantad dahil sa katotohanan. (Selah)

Upang ang iyong minamahal ay mailigtas,
    bigyan ng tagumpay sa pamamagitan ng iyong kanang kamay at sagutin mo kami.

Nagsalita ang Diyos sa kanyang santuwaryo,
    “Ako'y magsasaya, aking hahatiin ang Shekem,
    at aking susukatin ang Libis ng Sucot.
Ang Gilead ay akin, ang Manases ay akin;
    ang Efraim din ay helmet ng ulo ko,
    ang Juda ay aking setro.
Ang Moab ay aking hugasan;
    sa Edom ay ihahagis ko ang aking sandalyas;
    Filistia, dahil sa akin, sumigaw ka ng malakas.”
Sinong magdadala sa akin sa lunsod na may kuta?
    Sinong papatnubay sa akin hanggang sa Edom?
10 Hindi mo ba kami tinalikuran, O Diyos?
    At hindi ka ba hahayo, O Diyos, na kasama ng aming mga hukbo?
11 O pagkalooban mo kami ng tulong laban sa kaaway,
    sapagkat walang kabuluhan ang tulong ng tao!
12 Kasama ng Diyos ay gagawa kaming may katapangan;
    sapagkat siya ang tatapak sa aming mga kaaway.

Mga Awit 19

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

19 Nagpapahayag ng kaluwalhatian ng Diyos ang kalangitan,
    at ang mga gawa ng kanyang kamay ay inihahayag ng kalawakan.
Sa araw-araw ay nagsasalita,
    at gabi-gabi ay nagpapahayag ng kaalaman.
Walang pananalita o mga salita man;
    ang kanilang tinig ay hindi narinig.
Ngunit(A) lumalaganap sa buong lupa ang kanilang tinig,
    at ang kanilang mga salita ay hanggang sa dulo ng daigdig.

Sa kanila ay naglagay siya ng tolda para sa araw,
na dumarating na gaya ng kasintahang lalaki na papalabas sa kanyang silid,
    at nagagalak gaya ng malakas na tao na tumatakbo sa takbuhan.
Ang kanyang pagsikat ay mula sa dulo ng mga langit,
    at sa mga dulo niyon ay ang kanyang pagligid,
    at walang bagay na nakukubli sa kanyang init.

Ang Kautusan ng Diyos

Ang kautusan ng Panginoon ay sakdal,

    na nagpapanauli ng kaluluwa;
ang patotoo ng Panginoon ay tiyak,
    na nagpapatalino sa kulang sa kaalaman.
Ang mga tuntunin ng Panginoon ay matuwid,
    na nagpapagalak sa puso;
ang utos ng Panginoon ay dalisay,
    na nagpapaliwanag ng mga mata.
Ang pagkatakot sa Panginoon ay malinis,
    na nananatili magpakailanman:
ang mga kahatulan ng Panginoon ay totoo
    at lubos na makatuwiran.
10 Higit na dapat silang naisin kaysa ginto,
    lalong higit kaysa maraming dalisay na ginto;
higit ding matamis kaysa pulot
    at sa pulot-pukyutang tumutulo.

11 Bukod dito'y binalaan ang iyong lingkod sa pamamagitan nila;
sa pagsunod sa mga iyon ay may dakilang gantimpala.
12 Sinong makakaalam ng kanyang mga kamalian?
    Patawarin mo ako sa mga pagkakamaling di nalalaman.
13 Ilayo mo rin ang iyong lingkod sa mga mapangahas na pagkakasala.
    Huwag mong hayaang ang mga iyon ay magkaroon ng kapangyarihan sa akin!
Kung gayo'y magiging matuwid ako,
    at magiging walang sala sa malaking paglabag.
14 Nawa'y ang mga salita ng bibig ko, at ang pagbubulay-bulay ng aking puso
    ay maging katanggap-tanggap sa paningin mo,
    O Panginoon, ang aking malaking bato at manunubos ko.

Mga Awit 46

Ang Diyos ay Kasama Natin

Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora, ayon sa Alamot.

46 Ang Diyos ay ating kanlungan at kalakasan,
    isang handang saklolo sa kabagabagan.
Kaya't hindi tayo matatakot bagaman mabago ang lupa,
    bagaman ang mga bundok ay madulas sa puso ng dagat.
bagaman ang tubig nito ay bumula at humugong,
    bagaman ang mga bundok ay mauga dahil sa unos niyon. (Selah)

May isang ilog na ang mga agos ay nagpapasaya sa lunsod ng Diyos,
    ang banal na tahanan ng Kataas-taasan.
Ang Diyos ay nasa gitna niya; siya'y hindi makikilos;
    tutulungan siyang maaga ng Diyos.
Ang mga bansa ay nagkagulo, ang mga kaharian ay nagpasuray-suray,
    binigkas niya ang kanyang tinig, ang lupa ay natunaw.
Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin,
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Pumarito kayo, inyong masdan ang sa Panginoong gawa,
    kung paanong gumawa siya ng pagwasak sa lupa.
Kanyang pinahinto ang mga digmaan hanggang sa mga dulo ng lupa;
    kanyang pinuputol ang sibat at binabali ang pana,
    kanyang sinusunog ng apoy ang mga karwahe![a]
10 “Kayo ay magsitigil at kilalanin ninyo na ako ang Diyos.
    Ako'y mamumuno sa mga bansa,
    ako'y mamumuno sa lupa.”
11 Ang Panginoon ng mga hukbo ay kasama natin;
    ang Diyos ni Jacob ay kanlungan natin. (Selah)

Genesis 39

Si Jose at ang Asawa ni Potifar

39 Noon ay dinala si Jose sa Ehipto, at binili siya ni Potifar sa mga Ismaelita na nagdala sa kanya roon. Si Potifar ay pinuno ni Faraon, na kapitan ng bantay at isang taga-Ehipto.

Ang(A) Panginoon ay naging kasama ni Jose, at siya'y naging lalaking maunlad. Siya'y nasa bahay ng kanyang among taga-Ehipto.

Nakita ng kanyang amo na ang Panginoon ay kasama niya, at ang lahat ng ginagawa ni Jose ay umuunlad sa kanyang kamay.

Kaya't nakatagpo si Jose ng biyaya sa paningin niya at ginawa niyang kanyang katulong.[a] Ipinamahala niya kay Jose ang bahay niya at ang lahat niyang pag-aari ay inilagay sa kanyang pangangasiwa.

Mula nang panahon na si Jose ay pamahalain sa kanyang bahay at sa lahat ng kanyang pag-aari, pinagpala ng Panginoon ang bahay ng taga-Ehipto. Ang pagpapala ng Panginoon ay dumating sa lahat ng kanyang pag-aari, sa bahay at sa parang.

Kaya't ipinamahala niya ang lahat niyang pag-aari sa kamay ni Jose, at hindi siya nakikialam sa anumang bagay maliban sa tinapay na kanyang kinakain. Si Jose ay matipuno at makisig na lalaki.

Pagkatapos ng mga bagay na ito, tinitigan si Jose ng asawa ng kanyang panginoon at sinabi, “Sipingan mo ako.”

Subalit siya'y tumanggi at sinabi niya sa asawa ng kanyang panginoon, “Tingnan mo, ang aking panginoon ay hindi nakikialam sa akin tungkol sa anumang bagay na nasa bahay, at lahat ng kanyang pag-aari ay ipinamahala sa aking kamay.

Walang sinumang dakila kaysa akin sa bahay na ito; walang anumang bagay ang ipinagkait sa akin, maliban sa iyo, sapagkat ikaw ay kanyang asawa. Paano ngang magagawa ko itong malaking kasamaan at kasalanan laban sa Diyos?”

10 Kahit nakikiusap siya kay Jose araw-araw, ay hindi siya pumayag na siya'y sumiping o makisama sa kanya.

11 Subalit isang araw, nang siya'y pumasok sa bahay upang gawin ang kanyang gawain at walang sinumang tao sa bahay,

12 siya'y pinigilan niya sa pamamagitan ng kanyang suot, na sinasabi, “Sipingan mo ako!” Subalit naiwan ni Jose[b] ang kanyang suot sa kamay niya, at siya'y tumakas papalabas ng bahay.

13 Nang makita niyang naiwan ang kanyang suot sa kamay niya at tumakas sa labas ng bahay,

14 siya'y tumawag ng mga tao sa kanyang bahay, at sinabi sa kanila, “Tingnan ninyo, ang aking asawa[c] ay nagdala sa atin ng isang Hebreo upang tayo'y tuyain. Pinasok niya ako upang ako'y sipingan, at ako'y nagsisigaw nang malakas.

15 Nang marinig niyang ako'y nagtaas ng tinig at nagsisigaw, naiwan niya ang kanyang suot sa aking tabi at tumakas, at lumabas ng bahay.”

16 Pagkatapos ay iningatan niya ang kasuotan ni Jose[d] hanggang sa pagdating ng kanyang amo sa kanyang bahay.

17 Sinabi niya sa kanya ang mga salita ring ito, na sinasabi, “Pinasok ako ng aliping Hebreo na iyong dinala sa atin, upang tuyain ako.

18 Nang nagtaas ako ng aking tinig at ako'y nagsisigaw, kanyang naiwan ang suot niya sa aking tabi at tumakas na papalabas.”

19 Nang marinig ng kanyang amo ang mga sinabi ng kanyang asawa, na sinasabi, “Ganito ang ginawa sa akin ng iyong alipin;” ay nag-alab ang kanyang galit.

Si Jose ay Ibinilanggo

20 Kinuha si Jose ng kanyang panginoon at inilagay sa bilangguan, sa lugar na pinagkukulungan ng mga bilanggo ng hari.

21 Subalit(B) kasama ni Jose ang Panginoon at nagpakita sa kanya ng tapat na pag-ibig, at pinagkalooban siya ng biyaya sa paningin ng bantay sa bilangguan.

22 Ipinamahala ng bantay sa bilangguan sa pangangalaga ni Jose ang lahat na mga bilanggo na nasa bilangguan; at anumang ginagawa nila roon ay siya ang gumagawa.

23 Hindi pinakialaman ng bantay sa bilangguan ang anumang bagay na nasa pamamahala ni Jose sapagkat ang Panginoon ay kasama niya. Anumang kanyang ginagawa ay pinagpapala ng Panginoon.

1 Corinto 2:14-3:15

14 Ngunit ang taong hindi ayon sa espiritu ay hindi tumatanggap ng mga bagay ng Espiritu ng Diyos, sapagkat ang mga iyon ay kahangalan sa kanya at hindi niya iyon nauunawaan, sapagkat ang mga iyon ay nauunawaan sa pamamagitan ng espiritu.

15 Ngunit nauunawaan ng taong espirituwal ang lahat ng mga bagay, subalit hindi siya nauunawaan ng sinuman.

16 “Sapagkat(A) sino ang nakakaalam ng pag-iisip ng Panginoon, upang siya'y turuan niya?” Subalit nasa amin[a] ang pag-iisip ni Cristo.

Tungkol sa Pagkakabaha-bahagi sa Iglesya

Subalit ako, mga kapatid, ay hindi makapagsalita sa inyo na tulad sa mga taong espirituwal, kundi tulad sa mga makalaman, tulad sa mga sanggol kay Cristo.

Pinainom(B) ko kayo ng gatas at hindi ng matigas na pagkain, sapagkat hindi pa ninyo kaya ito. Hanggang ngayon ay hindi pa ninyo kaya,

sapagkat kayo ay makalaman pa. Sapagkat habang sa inyo'y may mga paninibugho at mga pagtatalo, hindi ba kayo'y makalaman, at kayo'y lumalakad ayon sa pamantayan ng mga tao?

Sapagkat(C) kapag sinasabi ng isa, “Ako ay kay Pablo,” at ang iba, “Ako ay kay Apolos,” hindi ba kayo'y mga tao?

Ano nga ba si Apolos? At ano si Pablo? Mga lingkod na sa pamamagitan nila ay sumampalataya kayo, ayon sa itinakda ng Panginoon sa bawat isa.

Ako(D) ang nagtanim, si Apolos ang nagdilig, ngunit ang Diyos ang nagpalago.

Kaya't walang anuman ang nagtatanim, o ang nagdidilig, kundi ang Diyos na nagpapalago.

Ngayon, ang nagtatanim at ang nagdidilig ay iisa, at ang bawat isa ay tatanggap ng kanyang upa ayon sa kanyang paggawa.

Sapagkat kami ay mga kamanggagawa ng Diyos, kayo ang bukid ng Diyos, ang gusali ng Diyos.

10 Ayon sa biyaya ng Diyos na ibinigay sa akin, na tulad sa isang matalinong tagapagtayo, inilagay ko ang pinagsasaligan, at iba ang nagtatayo sa ibabaw nito. Dapat ingatan ng bawat tao ang pagtatayo niya sa ibabaw nito.

11 Sapagkat sinuman ay hindi makapaglalagay ng ibang saligan, maliban sa nakalagay na, na ito'y si Cristo Jesus.

12 Subalit kung ang sinuman ay magtatayo sa ibabaw ng saligang ito ng ginto, pilak, mahahalagang bato, kahoy, dayami, pinaggapasan,

13 ang gawa ng bawat isa ay mahahayag, sapagkat ang Araw ang magbubunyag nito. Sapagkat ito ay mahahayag sa pamamagitan ng apoy at ang apoy ang susubok kung anong uri ng gawain ang ginawa ng bawat isa.

14 Kung ang gawa ng sinumang tao na kanyang itinayo sa ibabaw ay manatili, siya ay tatanggap ng gantimpala.

15 Kung ang gawa ng sinumang tao ay matupok, siya ay malulugi, bagaman siya ay maliligtas, ngunit tanging sa pamamagitan ng apoy.

Marcos 2:1-12

Pinagaling ni Jesus ang Lalaking Lumpo(A)

Nang siya'y magbalik sa Capernaum pagkaraan ng ilang araw, kumalat ang balita na siya'y nasa bahay.

Maraming nagtipon, kaya't wala nang lugar kahit sa may pintuan. At kanyang ipinangaral sa kanila ang salita.

May mga taong[a] dumating na may dala sa kanya na isang lalaking lumpo na buhat ng apat.

Nang hindi nila ito mailapit sa kanya dahil sa karamihan ng tao, kanilang tinanggal ang bubungan sa tapat ng kanyang kinaroroonan. Nang kanilang mabutas iyon, ibinaba nila ang higaang kinahihigan ng lumpo.

Nang makita ni Jesus ang kanilang pananampalataya, sinabi niya sa lumpo, “Anak, pinatatawad na ang iyong mga kasalanan.”

May ilan sa mga eskriba na nakaupo roon na nagtatanong sa kanilang mga puso,

“Bakit nagsasalita ng ganito ang taong ito? Siya'y lumalapastangan! Sino ang makapagpapatawad ng mga kasalanan maliban sa Diyos?”

Pagkabatid ni Jesus sa kanyang espiritu na nagtatanong sila ng gayon sa kanilang mga sarili, agad niyang sinabi sa kanila, “Bakit nagtatanong kayo ng ganito sa inyong mga puso?

Alin ba ang mas madali, ang sabihin sa lumpo, ‘Pinatatawad na ang iyong mga kasalanan;’ o ang sabihin, ‘Tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at lumakad ka?’

10 Ngunit upang malaman ninyo na ang Anak ng Tao ay may awtoridad sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan”—sinabi niya sa lumpo—

11 “Sinasabi ko sa iyo, tumayo ka, damputin mo ang iyong higaan, at umuwi ka.”

12 Tumayo nga siya, agad na dinampot ang higaan at umalis sa harapan nilang lahat. Anupa't namangha silang lahat at niluwalhati nila ang Diyos, na nagsasabi, “Kailanma'y hindi pa tayo nakakita ng ganito!”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001