Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, para sa handog pang-alaala.
70 Malugod ka, O Diyos, na iligtas ako;
O Panginoon, magmadali kang ako'y tulungan mo!
2 Mapahiya at malito nawa sila
na tumutugis sa aking buhay!
Maitaboy nawa sila at mawalan ng karangalan,
silang nagnanais na ako'y masaktan!
3 Pangilabutan nawa sila dahil sa kanilang kahihiyan,
silang nagsasabi, “Aha, Aha!”
4 Lahat nawang nagsisihanap sa iyo
ay magalak at matuwa sa iyo!
Yaon nawang umiibig sa iyong pagliligtas
ay patuloy na magsabi, “Hayaang dakilain ang Diyos!”
5 Ngunit ako'y dukha at nangangailangan,
magmadali ka sa akin, O Diyos!
Ikaw ang aking saklolo at aking tagapagligtas;
O Panginoon, huwag kang magtagal!
71 Sa iyo, O Panginoon, nanganganlong ako;
huwag nawa akong mapahiya kailanman!
2 Iligtas at sagipin mo ako sa katuwiran mo,
ikiling mo ang iyong pandinig sa akin, at iligtas mo ako!
3 Ikaw sa akin ay maging bato ng tahanan
na lagi kong paroroonan;
sapagkat ikaw ay aking muog at malaking bato.
4 Sa kamay ng masama, O aking Diyos, sagipin mo ako,
mula sa sunggab ng di-matuwid at malupit na tao.
5 Sapagkat ikaw ang aking pag-asa, O Panginoong Diyos,
ikaw ay aking tiwala mula sa aking kabataan.
6 Sa iyo ako sumandal mula sa kapanganakan ko,
ikaw ang kumuha sa akin mula sa tiyan ng aking ina.
Ang pagpupuri ko'y magiging laging sa iyo.
7 Sa marami ako'y naging kagila-gilalas;
ngunit ikaw ang matibay kong kanlungan.
8 Ang bibig ko'y punô ng pagpupuri sa iyo,
at ng iyong kaluwalhatian buong araw.
9 Huwag mo akong itakuwil sa panahon ng katandaan;
huwag mo akong pabayaan kapag nauubos na ang aking kalakasan.
10 Sapagkat nagsasalita laban sa akin ang aking mga kaaway,
silang nagbabantay sa aking buhay ay nagsasanggunian,
11 at nagsasabi, “Pinabayaan na siya ng Diyos:
habulin at hulihin siya;
sapagkat walang magliligtas sa kanya.”
12 O Diyos, huwag kang maging malayo sa akin;
O Diyos ko, magmadali kang tulungan ako!
13 Ang mga kaaway ng aking kaluluwa nawa'y mapahiya at malipol;
matabunan nawa ng paghamak at kahihiyan
ang mga nagnanais na ako'y masaktan.
14 Ngunit ako'y laging aasa,
at pupurihin kita nang higit at higit pa.
15 Ang bibig ko'y magsasabi ng iyong katuwiran,
ng iyong mga kaligtasan buong araw;
sapagkat ang kanilang bilang ay di abot ng aking kaalaman.
16 Ako'y darating na may mga makapangyarihang gawa ng Panginoong Diyos,
aking pupurihin ang iyong katuwiran, ang iyo lamang.
17 O Diyos, iyong tinuruan ako mula sa aking pagkabata;
at ipinahahayag ko pa ang iyong kagila-gilalas na mga gawa.
18 Kaya't maging sa pagtanda at pagkakaroon ng mga uban,
O Diyos, huwag mo akong pabayaan;
hanggang sa aking maipahayag ang iyong kalakasan
sa lahat ng darating na salinlahi.
Ang iyong kapangyarihan sa bawat isa na darating,
19 at ang iyong katuwiran, O Diyos,
ay umabot sa mataas na kalangitan.
Ikaw na gumawa ng dakilang mga bagay,
O Diyos, sino ang gaya mo?
20 Ikaw na nagpakita sa akin ng maraming matitinding kabagabagan,
ang sa akin ay muling bubuhay;
mula sa mga kalaliman ng lupa,
ay muli mo akong ibabangon.
21 Kadakilaan ko nama'y iyong paramihin,
at muli akong aliwin.
22 Pupurihin din kita sa pamamagitan ng salterio,
dahil sa iyong katapatan, O Diyos ko;
sa iyo'y aawit ako ng mga papuri sa pamamagitan ng alpa,
O Banal ng Israel.
23 Sisigaw sa kagalakan ang mga labi ko,
kapag ako'y umaawit ng mga papuri sa iyo;
gayundin ang kaluluwa ko na iniligtas mo.
24 At ang dila ko ay magsasalita ng iyong katuwiran sa buong maghapon,
sapagkat sila'y napahiya at napahamak,
sila na nagnanais na ako'y saktan.
Maskil ni Asaf.
74 O Diyos, bakit mo kami itinakuwil magpakailanman?
Bakit ang iyong galit ay umuusok laban sa mga tupa ng iyong pastulan?
2 Alalahanin mo ang iyong kapulungan na iyong binili noong una,
na iyong tinubos upang maging lipi ng iyong mana!
At ang bundok ng Zion na iyong tinahanan.
3 Itaas mo ang iyong mga hakbang sa mga walang hanggang guho;
winasak ng kaaway ang lahat ng bagay sa santuwaryo!
4 Ang mga kaaway mo'y nagsisisigaw sa gitna ng iyong dakong tagpuan,
itinaas nila ang kanilang mga watawat na palatandaan.
5 Sila'y tila mga tao na nagtaas ng mga palakol
sa kagubatan ng mga punungkahoy.
6 At lahat ng mga kahoy na nililok
ay kanilang binasag ng palakol at mga pamukpok.
7 Kanilang sinunog ang iyong santuwaryo;
hanggang sa lupa,
nilapastangan nila ang tahanang dako ng pangalan mo.
8 Sinabi nila sa kanilang sarili, “Ganap namin silang lulupigin,”
kanilang sinunog ang lahat ng dakong tagpuan ng Diyos sa lupain.
9 Hindi namin nakikita ang aming mga palatandaan;
wala nang propeta pa;
at walang sinuman sa amin na nakakaalam kung hanggang kailan.
10 O Diyos, hanggang kailan manlilibak ang kaaway?
Lalapastanganin ba ng kaaway ang iyong pangalan magpakailanman?
11 Bakit mo iniuurong ang iyong kamay?
Mula sa loob ng iyong dibdib, puksain mo sila!
12 Gayunman ang Diyos na aking Hari ay mula nang una,
na gumagawa ng pagliligtas sa gitna ng lupa.
13 Hinawi(A) mo ang dagat sa pamamagitan ng iyong kalakasan,
binasag mo ang mga ulo ng mga dambuhala sa mga tubigan.
14 Dinurog(B) mo ang mga ulo ng Leviatan,
ibinigay mo siya bilang pagkain para sa mga nilalang sa ilang.
15 Ang mga bukal at mga batis ay iyong binuksan,
iyong tinuyo ang mga batis na palagiang dinadaluyan.
16 Iyo ang araw at ang gabi man;
iyong inihanda ang mga tanglaw at ang araw.
17 Itinakda mo ang lahat ng mga hangganan ng daigdig;
iyong ginawa ang tag-init at ang taglamig.
18 Alalahanin mo ito, O Panginoon, kung paanong nanlilibak ang kaaway,
at isang masamang bayan ang lumalait sa iyong pangalan.
19 Sa mababangis na hayop, ang kaluluwa ng iyong kalapati ay huwag mong ibigay,
huwag mong kalimutan ang buhay ng iyong dukha magpakailanman.
20 Magkaroon ka ng pagpapahalaga sa iyong tipan;
sapagkat ang madidilim na dako ng lupa ay punô ng mga tahanan ng karahasan.
21 Ang naaapi nawa'y huwag bumalik na may kahihiyan;
purihin nawa ng dukha at nangangailangan ang iyong pangalan.
22 Bumangon ka, O Diyos, ang usapin mo'y ipaglaban;
alalahanin mo kung paanong nililibak ka ng masasama buong araw!
23 Huwag mong kalilimutan ang sigawan ng iyong mga kaaway,
ang ingay ng iyong mga kaaway na patuloy na pumapailanglang!
Namatay si Sara at Bumili si Abraham ng Paglilibingan
23 Ang buhay ni Sara ay tumagal ng isandaan at dalawampu't pitong taon. Ito ang naging mga taon ng buhay ni Sara.
2 At namatay si Sara sa Kiryat-arba (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan, at pumaroon si Abraham upang ipagluksa si Sara at umiyak para sa kanya.
3 Tumindig si Abraham sa harap ng kanyang patay at nagsalita sa mga anak ni Het,
4 “Ako'y(A) taga-ibang bayan at dayuhan sa gitna ninyo. Bigyan ninyo ako ng pag-aaring libingan sa gitna ninyo upang mapaglilibingan ng aking patay at mawala ito sa aking paningin.”
5 Ang mga anak ni Het ay sumagot kay Abraham,
6 “Pakinggan mo kami, panginoon ko. Ikaw ay isang makapangyarihang prinsipe sa gitna namin. Ilibing mo ang iyong patay sa pinakamabuti sa aming mga libingan. Walang sinuman sa amin ang magkakait sa iyo ng kanyang libingan upang paglibingan ng iyong patay.”
7 At tumindig si Abraham, at yumuko sa mga mamamayan ng lupain, sa mga anak ni Het.
Ang Pagbili ng Parang sa Macpela
8 At sinabi niya sa kanila, “Kung sang-ayon kayo na ilibing ko ang aking patay upang mawala ito sa aking paningin ay pakinggan ninyo ako, at mamagitan kayo para sa akin kay Efron na anak ni Zohar,
9 upang ibigay niya sa akin ang yungib ng Macpela, na kanyang pag-aari na nasa hangganan ng kanyang parang. Sa kabuuang halaga ay ibigay niya iyon sa akin sa harap ninyo bilang isang pag-aari na paglilibingan.”
10 Si Efron nga ay nakaupo sa gitna ng mga anak ni Het at sumagot si Efron na Heteo kay Abraham, sa harap ng mga anak ni Het, na naririnig ng lahat ng pumapasok sa pintuan ng bayan,
11 “Hindi, panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang parang ay ibinibigay ko sa iyo, at ang yungib na naroroon ay ibinibigay ko sa iyo. Sa harapan ng mga anak ng aking bayan ay ibinibigay ko sa iyo, ilibing mo ang iyong patay.”
12 Kaya't si Abraham ay yumukod sa harapan ng mga mamamayan ng lupain.
13 At sinabi niya kay Efron sa pandinig ng mga mamamayan ng lupain, “Kung nais mo ay pakinggan mo ako. Ibibigay ko sa iyo ang halaga ng parang; tanggapin mo iyon sa akin, at ililibing ko roon ang aking patay.”
14 Sumagot si Efron kay Abraham,
15 “Panginoon ko, pakinggan mo ako. Ang halaga ng isang pirasong lupa ay apatnaraang siklong pilak. Gaano na lamang iyon sa iyo at sa akin? Ilibing mo na nga ang iyong patay.”
16 At nakinig naman si Abraham kay Efron; at tinimbang ni Abraham para kay Efron ang salaping kanyang sinabi sa harapan ng mga anak ni Het, apatnaraang siklong pilak, sang-ayon sa timbang na karaniwan sa mga mangangalakal.
17 Kaya't ang parang ni Efron na nasa Macpela, na nasa tapat ng Mamre, ang parang at ang yungib na nandoon, at ang lahat ng mga punungkahoy na nasa parang at ang lahat ng hangganan sa palibot nito,
18 ay naging pag-aari ni Abraham sa harapan ng mga anak ni Het, sa harapan ng lahat ng pumasok sa pintuang-daan ng kanyang bayan.
19 Pagkatapos nito ay inilibing ni Abraham si Sara na kanyang asawa sa yungib ng parang sa Macpela sa tapat ng Mamre (na siyang Hebron) sa lupain ng Canaan.
20 Ang parang at ang yungib na naroroon ay naging pag-aari ni Abraham upang maging lugar ng libingan mula sa mga anak ni Het.
32 At(A) ano pa ang dapat kong sabihin? Sapagkat kukulangin ako ng panahon kung isasalaysay ko pa ang tungkol kina Gideon, Barak, Samson, Jefta, David, Samuel, at sa mga propeta;
33 na(B) ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y lumupig ng mga kaharian, naglapat ng katarungan, nagtamo ng mga pangako, nagpatikom ng mga bibig ng mga leon,
34 pumatay(C) ng bisa ng apoy, tumakas sa mga talim ng tabak, lumakas mula sa kahinaan, naging makapangyarihan sa digmaan, nagpaurong ng mga hukbong dayuhan.
35 Tinanggap(D) ng mga babae ang kanilang mga patay sa pamamagitan ng pagkabuhay na muli. Ang iba'y pinahirapan at tumangging tumanggap ng paglaya upang makamit nila ang higit na mabuting pagkabuhay na muli.
36 Ang(E) iba'y nagtiis ng pagkalibak at paghagupit, at maging ng mga tanikala at pagkabilanggo.
37 Sila'y(F) pinagbabato hanggang mamatay, nilagari, pinagpapatay sa tabak, sila'y naglibot na may suot na balat ng mga tupa at kambing, mga naghihirap, pinag-uusig, inaapi
38 (na sa mga iyon ay hindi karapat-dapat ang sanlibutan). Sila'y nagpalabuy-laboy sa mga ilang, sa mga kabundukan, sa mga yungib, at sa mga lungga sa lupa.
39 At ang lahat ng mga ito, bagaman pinuri dahil sa kanilang pananampalataya, ay hindi nila tinanggap ang ipinangako,
40 yamang naghanda ang Diyos ng lalong mabuting bagay para sa atin, upang huwag silang gawing sakdal na hiwalay sa atin.
Ang Halimbawa ni Jesus
12 Kaya't yamang napapalibutan tayo ng gayong kakapal na bilang ng mga saksi, itabi natin ang bawat pabigat at ang pagkakasalang madaling bumibitag sa atin, at tumakbo tayong may pagtitiis sa takbuhing inilagay sa harapan natin.
2 Pagmasdan natin si Jesus na siyang nagtatag at nagpasakdal ng ating pananampalataya, na dahil sa kagalakang inilagay sa kanyang harapan ay tiniis niya ang krus, hindi inalintana ang kahihiyan, at siya'y umupo sa kanan ng trono ng Diyos.
Mga Salita ng Buhay na Walang Hanggan
60 Nang ito ay marinig ng marami sa kanyang mga alagad, sila ay nagsabi, “Mahirap ang pananalitang ito. Sino ang may kayang makinig nito?”
61 Subalit si Jesus, palibhasa'y nalalaman niya na ang kanyang mga alagad ay nagbubulungan tungkol dito, ay nagsalita sa kanila, “Ito ba ay nakakatisod sa inyo?
62 Ano nga kung makita ninyong umaakyat ang Anak ng Tao sa kinaroroonan niya nang una?
63 Ang Espiritu ang nagbibigay-buhay, ang laman ay walang anumang pakinabang. Ang mga salitang sinabi ko sa inyo ay espiritu at buhay.
64 Subalit may ilan sa inyo na hindi sumasampalataya.” Sapagkat nalalaman na ni Jesus buhat pa nang una kung sinu-sino ang hindi sumasampalataya at kung sino ang magkakanulo sa kanya.
65 Sinabi niya, “Dahil dito'y sinabi ko sa inyo, walang taong makakalapit sa akin, malibang ipagkaloob sa kanya ng Ama.”
66 Dahil dito, marami sa kanyang mga alagad ay tumalikod at hindi na sumama sa kanya.
67 Kaya't sinabi ni Jesus sa labindalawa, “Ibig din ba ninyong umalis?”
68 Sumagot(A) sa kanya si Simon Pedro, “Panginoon, kanino kami pupunta? Ikaw ang may mga salita ng buhay na walang hanggan.
69 Kami'y sumasampalataya at nalalaman namin na ikaw ang Banal ng Diyos.”
70 Sumagot sa kanila si Jesus, “Hindi ba pinili ko kayo, ang labindalawa, at ang isa sa inyo ay diyablo?”
71 Siya nga ay nagsasalita tungkol kay Judas na anak ni Simon Iscariote,[a] sapagkat siya na isa sa labindalawa ang magkakanulo sa kanya.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001