Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 30

Awit ni David. Awit sa Pagtatalaga ng Templo.

30 Dadakilain kita, O Panginoon, sapagkat ako'y iyong iniahon,
    at hindi hinayaang ako'y pagtawanan, ng aking mga kaaway.
O Panginoon kong Diyos, humingi ako sa iyo ng saklolo,
    at ako ay pinagaling mo.
O Panginoon, kaluluwa ko'y iniahon mula sa Sheol,
iyong iningatan akong buháy upang huwag akong bumaba sa Hukay.
Magsiawit kayo ng papuri sa Panginoon, kayong kanyang mga banal,
    at magpasalamat kayo sa kanyang banal na pangalan.
Sapagkat ang kanyang galit ay sandali lamang,
    at ang kanyang paglingap ay panghabang buhay.
Maaaring magtagal nang magdamag ang pag-iyak,
    ngunit sa kinaumagahan ay dumarating ang galak.

Tungkol sa akin, sinabi ko sa panahon ng aking kasaganaan,
    “Hindi ako matitinag kailanman.”
Sa pamamagitan ng iyong paglingap, O Panginoon,
    ginawa mong matibay ang aking bundok;
ikinubli mo ang iyong mukha, ako ay natakot.

Ako'y dumaing sa iyo, O Panginoon;
    at sa Panginoon ay nanawagan ako:
“Anong pakinabang mayroon sa aking dugo,
    kung ako'y bumaba sa Hukay?
Pupurihin ka ba ng alabok?
    Isasaysay ba nito ang iyong katapatan?
10 O Panginoon, sa aki'y maawa ka, pakinggan mo ako!
     Panginoon, nawa'y tulungan mo ako.”

11 Iyong ginawang sayaw para sa akin ang pagtangis ko;
    hinubad mo ang aking damit-sako,
    at binigkisan mo ako ng kagalakan,
12 upang luwalhatiin ka ng aking kaluluwa at huwag manahimik.
    O Panginoon kong Diyos, ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman.

Mga Awit 32

Awit ni David. Isang Maskil.

32 Mapalad(A) siya na pinatawad ang pagsuway,
    na ang kasalanan ay tinakpan.
Mapalad ang tao na hindi pinaparatangan ng kasamaan ng Panginoon,
    at sa kanyang espiritu ay walang pandaraya.

Nang hindi ko ipinahayag ang aking kasalanan, nanghina ang aking katawan
    sa pamamagitan ng aking pagdaing sa buong araw.
Sa araw at gabi ay mabigat sa akin ang iyong kamay,
    ang aking lakas ay natuyong gaya ng sa init ng tag-araw. (Selah)

Kinilala ko ang aking kasalanan sa iyo,
    at hindi ko ikinubli ang aking kasamaan;
aking sinabi, “Ipahahayag ko ang aking paglabag sa Panginoon;”
    at iyong ipinatawad ang bigat ng aking kasalanan. (Selah)

Kaya't ang bawat isang banal
    ay manalangin sa iyo;
sa panahong matatagpuan ka, tunay na sa pagragasa ng malaking tubig,
    siya'y hindi nila aabutan.
Ikaw ay aking dakong kublihan;
    iniingatan mo ako sa kaguluhan;
    pinalibutan mo ako ng mga awit ng kaligtasan. (Selah)

Aking ipapaalam at ituturo sa iyo ang daan na dapat mong lakaran.
    Papayuhan kita na ang aking mga mata ay nakatitig sa iyo.
Huwag kayong maging gaya ng kabayo o ng mola na walang unawa,
    na ang gayak ay may busal at pamingkaw upang sila'y pigilin
    na kung wala ito, sila'y hindi lalapit sa iyo.

10 Marami ang paghihirap ng masasama;
    ngunit tapat na pag-ibig ay nakapalibot sa kanya na sa Panginoon ay nagtitiwala.
11 Magsaya kayo sa Panginoon, at magalak kayong matutuwid,
    at sumigaw sa kagalakan, kayong lahat na matutuwid sa puso!

Mga Awit 42-43

IKALAWANG AKLAT

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

42 Kung paanong ang usa ay nananabik sa batis na umaagos,
    gayon nananabik ang aking kaluluwa sa iyo, O Diyos.
Ang aking kaluluwa ay nauuhaw sa Diyos,
    sa buháy na Diyos,
kailan ako makakarating at makikita
    ang mukha ng Diyos?
Ang aking mga luha ay naging aking pagkain araw at gabi,
habang ang mga tao sa akin ay nagsasabi,
    “Nasaan ang iyong Diyos?”
Ang mga bagay na ito ay aking naaalala,
    habang sa loob ko ay ibinubuhos ko ang aking kaluluwa:
kung paanong ako'y sumama sa karamihan,
    at sa paglakad sa bahay ng Diyos, sila'y aking pinatnubayan,
na may awit ng pagpupuri at sigaw ng kagalakan,
    napakaraming tao na nagdiriwang ng kapistahan.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    Bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    dahil sa kaligtasan mula sa kanyang harapan.

O Diyos ko, ang aking kaluluwa ay nanlulumo sa loob ko;
    kaya't aking naaalala ka
mula sa lupain ng Jordan at ng Hermon,
    mula sa Bundok ng Mizhar.
Ang kalaliman ay tumatawag sa kalaliman
    sa hugong ng iyong matataas na talon.
Lahat ng iyong alon at iyong malalaking alon
    sa akin ay tumabon.
Kapag araw ay inuutusan ng Panginoon ang kanyang tapat na pag-ibig,
    at sa gabi ay kasama ko ang kanyang awit,
    isang panalangin sa Diyos ng aking buhay.

Sinasabi ko sa Diyos na aking malaking bato:
    “Bakit kinalimutan mo ako?
Bakit ako'y tumatangis sa paghayo
    dahil sa kalupitan ng kaaway ko?”
10 Tulad ng pagkadurog ng aking mga buto,
    ang aking mga kaaway, tinutuya ako,
habang patuloy nilang sinasabi sa akin,
    “Nasaan ang Diyos mo?”

11 Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat siya'y muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

43 O Diyos, pawalang-sala mo ako, at ang aking usapin ay ipagtanggol mo
    laban sa isang bayang masama;
iligtas mo ako sa mga taong hindi makatarungan at mandaraya.
Sapagkat ikaw ang Diyos na aking kalakasan,
    bakit mo ako itinakuwil?
Bakit ako lalakad na tumatangis
    dahil sa kaaway kong malupit?

O suguin mo ang iyong liwanag at iyong katotohanan;
    patnubayan nawa ako ng mga iyon,
dalhin nawa nila ako sa iyong banal na bundok,
    at sa iyong tirahan!
Kung magkagayo'y pupunta ako sa dambana ng Diyos,
    sa Diyos na aking malabis na kagalakan;
at pupurihin kita ng alpa,
    O Diyos, aking Diyos.
Bakit ka nanlulumo, O kaluluwa ko?
    At bakit ka nababagabag sa loob ko?
Umasa ka sa Diyos; sapagkat ikaw ay muling pupurihin ko,
    ang tulong sa aking harapan, at Diyos ko.

Ezekiel 39:21-29

Ibinalik sa Dati ang Israel

21 “Ipapakita ko ang aking kaluwalhatian sa mga bansa; at makikita ng lahat ng bansa ang aking kahatulan na aking inilapat, at ang aking kamay na ipinatong ko sa kanila.

22 Malalaman ng sambahayan ni Israel na ako ang Panginoon na kanilang Diyos, mula sa araw na iyon hanggang sa haharapin.

23 At malalaman ng mga bansa na ang sambahayan ni Israel ay pumasok sa pagkabihag dahil sa kanilang kasamaan, sapagkat sila'y nagtaksil laban sa akin at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila. Sa gayo'y ibinigay ko sila sa kamay ng kanilang mga kaaway, at silang lahat ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak.

24 Hinarap ko sila ayon sa kanilang karumihan at mga pagsuway; at ikinubli ko ang aking mukha sa kanila.

Ang Israel ay Muling Itatayo

25 “Kaya't ganito ang sabi ng Panginoong Diyos: Ngayo'y aking ibabalik ang kapalaran ng Jacob at maaawa ako sa buong sambahayan ni Israel; at ako'y magiging mapanibughuin dahil sa aking banal na pangalan.

26 Malilimutan nila ang kanilang kahihiyan, at ang lahat ng kataksilan na kanilang ginawa laban sa akin, kapag sila'y naninirahang tiwasay sa kanilang lupain, at walang tatakot sa kanila;

27 kapag sila'y aking ibinalik mula sa mga bayan, at tipunin sila mula sa mga lupain ng kanilang mga kaaway, at sa pamamagitan nila ay ipakita ang aking kabanalan sa paningin ng maraming bansa.

28 At kanilang malalaman na ako ang Panginoon nilang Diyos sapagkat dinala ko sila sa pagkabihag sa gitna ng mga bansa, at saka tinipon sila sa kanilang sariling lupain. Hindi ako mag-iiwan ng sinuman sa kanila sa gitna ng mga bansa;

29 at hindi ko na ikukubli pa ang aking mukha sa kanila kapag ibinuhos ko ang aking Espiritu sa sambahayan ni Israel, sabi ng Panginoong Diyos.”

Filipos 4:10-20

Pasasalamat sa Kaloob ng mga Taga-Filipos

10 Ako'y totoong nagagalak sa Panginoon, na ngayon sa wakas ay inyong muling binuhay ang inyong pagmamalasakit sa akin; na dito'y katotohanang nagkaroon kayo ng malasakit, ngunit wala kayong pagkakataon.

11 Hindi sa nagsasalita ako dala ng pangangailangan, sapagkat aking natutunan ang masiyahan sa anumang kalagayang aking kinaroroonan.

12 Marunong akong magpakababa, at marunong din akong magpakasagana; sa bawat bagay at sa lahat ng bagay ay natutunan ko ang lihim sa kabusugan, at maging sa kagutuman, at maging sa kasaganaan at maging sa kasalatan.

13 Lahat ng mga bagay ay aking magagawa sa pamamagitan niyang nagpapalakas sa akin.

14 Gayunman ay mabuti ang inyong ginawa na kayo'y nakiramay sa aking kapighatian.

15 At kayong mga taga-Filipos, nalalaman naman ninyo, na nang pasimula ng ebanghelyo, nang ako'y umalis sa Macedonia, wala ni isang iglesya na nakipagkaisa sa akin sa pagbibigay at pagtanggap kundi kayo lamang;

16 sapagkat(A) (B) kahit ako'y nasa Tesalonica ay nagpapadala kayong minsan at muli para sa aking kailangan.

17 Hindi sa ako'y naghahanap ng kaloob; kundi hinahanap ko ang bunga na dumarami para sa inyo.

18 Ngunit(C) mayroon ako ng lahat ng bagay at sumasagana; ako'y busog, palibhasa'y tumanggap kay Epafrodito ng mga bagay na galing sa inyo na mabangong samyo, isang handog na kaaya-aya at kalugud-lugod sa Diyos.

19 At pupunuan ng aking Diyos ang bawat kailangan ninyo ayon sa kanyang mga kayamanan sa kaluwalhatian kay Cristo Jesus.

20 Ngayon, nawa'y sumaating Diyos at Ama ang kaluwalhatian magpakailanman. Amen.

Juan 17:20-26

20 Gayunma'y hindi lamang sila ang idinadalangin ko, kundi sila rin naman na mga sumasampalataya sa akin sa pamamagitan ng kanilang salita,

21 upang silang lahat ay maging isa. Gaya mo, Ama, na nasa akin at ako'y sa iyo, sana sila'y manatili sa atin, upang ang sanlibutan ay sumampalataya na ako'y sinugo mo.

22 At ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin ay ibinigay ko sa kanila, upang sila'y maging isa, na gaya naman natin na iisa.

23 Ako'y nasa kanila at ikaw ay nasa akin, upang sila'y maging ganap na isa upang malaman ng sanlibutan na ikaw ang nagsugo sa akin at sila'y iyong minahal kung paanong ako'y iyong minahal.

24 Ama, nais kong ang mga ibinigay mo sa akin ay makasama ko kung saan ako naroroon, upang makita nila ang kaluwalhatiang ibinigay mo sa akin, sapagkat ako'y iyong minahal bago pa natatag ang sanlibutan.

25 O Makatarungang Ama, hindi ka nakikilala ng sanlibutan, ngunit nakikilala kita, at nakikilala ng mga ito na ikaw ang nagsugo sa akin.

26 Ipinakilala ko sa kanila ang pangalan mo, at aking ipapakilala, upang ang pag-ibig mo sa akin ay mapasakanila, at ako'y sa kanila.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001