Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 80

Sa Punong Mang-aawit: ayon sa mga Liryo. Patotoo ni Asaf. Isang Awit.

80 O(A) Pastol ng Israel, iyong pakinggan,
    ikaw na pumapatnubay kay Jose na parang kawan;
ikaw na nakaluklok sa trono sa ibabaw ng mga kerubin, ikaw ay magliwanag
    sa harapan ng Efraim, ng Benjamin at ng Manases!
Pakilusin mo ang iyong kapangyarihan,
    at pumarito ka upang kami'y iligtas.
Panunumbalikin mo kami, O Diyos;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

O Panginoong Diyos ng mga hukbo,
    hanggang kailan ka magagalit sa dalangin ng bayan mo?
Iyong pinakain sila ng tinapay ng mga luha,
    at binigyan mo sila ng maiinom na mga luhang sagana.
Ginawa mo kaming kaalitan sa aming mga kalapit-bansa,
    at ang mga kaaway namin ay nagtatawanang sama-sama.

Panunumbalikin mo kami, O Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha upang kami ay maligtas!

Ikaw ay nagdala ng isang puno ng ubas mula sa Ehipto;
    iyong pinalayas ang mga bansa, at itinanim mo ito.
Inihanda mo ang lupa para doon,
    ito'y nag-ugat nang malalim at pinuno ang lupain.
10 Ang mga bundok ay natakpan ng lilim niyon,
    ang malalaking sedro at ang mga sanga nito,
11 ang kanyang mga sanga hanggang sa dagat ay umabot,
    at ang kanyang mga supling hanggang sa Ilog.
12 Bakit mo ibinagsak ang mga pader niya,
    anupa't lahat ng dumaraan ay pumipitas ng kanyang bunga?
13 Sinisira ito ng baboy-damo na mula sa kagubatan,
    at nanginginain doon ang lahat ng gumagalaw sa parang.

14 Bumalik kang muli, O Diyos ng mga hukbo, isinasamo namin sa iyo.
    Tumungo ka mula sa langit, at masdan mo;
pahalagahan mo ang puno ng ubas na ito,
15     ang punong itinanim ng kanang kamay mo,
    at sa anak na iyong pinalaki para sa iyong sarili.
16 Sinunog nila iyon sa apoy, iyon ay kanilang pinutol;
    sa saway ng iyong mukha sila'y nalipol!
17 Ipatong nawa ang iyong kamay sa tao ng kanang kamay mo,
    sa anak ng tao na iyong pinalakas para sa sarili mo.
18 Sa gayo'y hindi kami tatalikod sa iyo;
    bigyan mo kami ng buhay, at tatawag kami sa pangalan mo.
19 Panunumbalikin mo kami, O Panginoong Diyos ng mga hukbo;
    paliwanagin mo ang iyong mukha, upang kami ay maligtas!

1 Samuel 16:1-13

Si David ay Hinirang Bilang Hari

16 Sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Hanggang kailan mo iiyakan si Saul gayong itinakuwil ko na siya sa pagiging hari sa Israel? Punuin mo ng langis ang iyong sungay at humayo ka. Isusugo kita kay Jesse na taga-Bethlehem sapagkat ako'y naglaan para sa aking sarili ng isang hari mula sa kanyang mga anak na lalaki.”

Sinabi ni Samuel, “Paano ako makakapunta? Kapag iyon ay nabalitaan ni Saul, papatayin niya ako.” At sinabi ng Panginoon, “Magdala ka ng isang dumalagang baka at iyong sabihin, ‘Ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon.’

At anyayahan mo si Jesse sa paghahandog at aking ituturo sa iyo kung ano ang iyong gagawin. Bubuhusan mo ng langis para sa akin ang sa iyo'y aking sasabihin.”

Ginawa ni Samuel ang iniutos ng Panginoon at nagtungo sa Bethlehem. Ang matatanda sa bayan ay dumating upang salubungin siya na nagsisipanginig, at nagsabi, “Dumating ka bang may kapayapaan?”

At kanyang sinabi, “May kapayapaan; ako'y naparito upang maghandog sa Panginoon. Italaga ninyo ang inyong mga sarili at sumama kayo sa akin sa paghahandog.” At itinalaga niya si Jesse at ang kanyang mga anak at inanyayahan sila sa paghahandog.

Nang sila'y dumating, siya'y tumingin kay Eliab, at sinabi sa sarili, “Tunay na ang hinirang[a] ng Panginoon ay nasa harap niya.”

Ngunit sinabi ng Panginoon kay Samuel, “Huwag mong tingnan ang kanyang mukha, o ang taas ng kanyang tindig sapagkat itinakuwil ko siya. Sapagkat hindi tumitingin ang Panginoon na gaya ng pagtingin ng tao. Ang tao ay tumitingin sa panlabas na anyo, ngunit ang Panginoon ay tumitingin sa puso.”

Pagkatapos ay tinawag ni Jesse si Abinadab, at pinaraan niya sa harapan ni Samuel. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

At pinaraan ni Jesse si Shammah. At kanyang sinabi, “Kahit ito ay hindi pinili ng Panginoon.”

10 Pinaraan ni Jesse ang pito sa kanyang mga anak sa harapan ni Samuel. At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Hindi pinili ng Panginoon ang mga ito.”

11 Sinabi ni Samuel kay Jesse, “Narito bang lahat ang iyong mga anak?” At kanyang sinabi, “Natitira pa ang bunso, ngunit siya'y nag-aalaga ng mga tupa.” At sinabi ni Samuel kay Jesse, “Ipasundo mo siya, sapagkat hindi tayo uupo hanggang sa siya'y dumating dito.”

12 Siya'y nagpasugo at sinundo siya roon. Siya ay may mapupulang pisngi, magagandang mata at makisig. At sinabi ng Panginoon, “Tumindig ka, buhusan mo siya ng langis sapagkat siya na nga.”

13 Kaya't kinuha ni Samuel ang sungay ng langis at binuhusan siya sa gitna ng kanyang mga kapatid. At ang Espiritu ng Panginoon ay dumating na may kapangyarihan kay David mula sa araw na iyon. At tumindig si Samuel at pumunta sa Rama.

1 Juan 2:18-25

Ang Anti-Cristo

18 Mga anak, huling oras na! Gaya ng inyong narinig na darating ang anti-Cristo, kahit ngayon ay lumitaw na ang maraming anti-Cristo. Kaya nalalaman nating huling oras na.

19 Sila'y lumabas sa atin, ngunit sila'y hindi sa atin; sapagkat kung sila'y kabilang sa atin ay magpapatuloy sana silang kasama natin. Ngunit sa paglabas nila ay ginawa nilang maliwanag na silang lahat ay hindi kabilang sa atin.

20 Ngunit kayo'y pinahiran[a] ng Banal, at nalalaman ninyo ang lahat ng mga bagay.

21 Sinusulatan ko kayo, hindi dahil sa hindi ninyo nalalaman ang katotohanan, kundi dahil nalalaman ninyo iyon, at nalalaman ninyo na walang kasinungalingan na nagmumula sa katotohanan.

22 Sino ang sinungaling kundi ang nagkakaila na si Jesus ay siyang Cristo? Ito ang anti-Cristo, ang nagkakaila sa Ama at sa Anak.

23 Ang sinumang nagkakaila sa Anak, ay hindi sumasakanya ang Ama. Ang nagpapahayag sa Anak ay sumasakanya rin ang Ama.

24 Manatili sa inyo ang inyong narinig buhat nang pasimula. Kung nananatili sa inyo ang narinig ninyo buhat nang pasimula, kayo naman ay mananatili sa Anak at sa Ama.

25 At ito ang pangako na kanyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan.

Mga Awit 33

Awit ng Papuri.

33 Magalak kayo sa Panginoon, O kayong matutuwid.
    Ang pagpupuri ay nababagay sa matuwid.
Purihin ninyo ang Panginoon sa pamamagitan ng lira,
    gumawa kayo ng himig sa kanya sa may sampung kuwerdas na alpa!
Awitan ninyo siya ng bagong awit;
    tumugtog na may kahusayan sa mga kuwerdas, na may sigaw na malalakas.

Sapagkat ang salita ng Panginoon ay makatuwiran,
    at lahat niyang mga gawa ay ginawa sa katapatan.
Ang katuwiran at katarungan ay kanyang iniibig,
    punô ng tapat na pag-ibig ng Panginoon ang daigdig.

Sa pamamagitan ng salita ng Panginoon ay ginawa ang mga langit;
    at lahat ng mga hukbo nila sa pamamagitan ng hinga ng kanyang bibig.
Kanyang tinipon ang mga tubig ng dagat na gaya sa isang bunton;
    inilagay niya ang mga kalaliman sa mga imbakan.

Matakot nawa sa Panginoon ang sandaigdigan,
    magsitayo nawang may paggalang sa kanya ang lahat ng naninirahan sa sanlibutan!
Sapagkat siya'y nagsalita at iyon ay naganap,
    siya'y nag-utos, at iyon ay tumayong matatag.

10 Dinadala ng Panginoon sa wala ang payo ng mga bansa;
    kanyang binibigo ang mga panukala ng mga bayan.
11 Ang payo ng Panginoon kailanman ay nananatili,
    ang mga iniisip ng kanyang puso sa lahat ng salinlahi.
12 Mapalad ang bansa na ang Diyos ay ang Panginoon;
    ang bayan na kanyang pinili bilang kanyang mana!

13 Mula sa langit ang Panginoon ay nakatanaw,
    lahat ng anak ng mga tao ay kanyang minamasdan.
14 Mula sa kanyang dakong tahanan ay nakatingin siya
    sa lahat ng naninirahan sa lupa,
15 siya na sa mga puso nilang lahat ay humuhugis,
    at sa lahat nilang mga gawa ay nagmamasid.
16 Ang isang hari ay hindi inililigtas ng kanyang napakaraming kawal;
    ang isang mandirigma ay hindi inililigtas ng kanyang makapangyarihang lakas.
17 Ang kabayong pandigma ay walang kabuluhang pag-asa para sa tagumpay,
    at hindi ito makapagliligtas sa pamamagitan ng kanyang makapangyarihang lakas.

18 Tunay na ang mata ng Panginoon ay nasa kanila na natatakot sa kanya,
    sa kanila na umaasa sa tapat na pag-ibig niya,
19 upang kanyang mailigtas ang kaluluwa nila mula sa kamatayan,
    at sa taggutom ay panatilihin silang buháy.

20 Naghihintay sa Panginoon ang aming kaluluwa;
    siya ang aming saklolo at panangga.
21 Oo, ang aming puso ay nagagalak sa kanya,
    sapagkat kami ay nagtitiwala sa banal na pangalan niya.
22 Sumaamin nawa ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon,
    kung paanong kami ay umaasa sa iyo.

Mga Gawa 20:17-35

Nagpaalam si Pablo sa Matatanda sa Efeso

17 Mula sa Mileto ay nagpasugo siya sa Efeso at ipinatawag ang matatanda ng iglesya.

18 Nang sila'y makarating sa kanya, ay sinabi niya sa kanila,

“Nalalaman ninyo kung paanong namuhay akong kasama ninyo sa buong panahon mula sa unang araw na ako'y tumuntong sa Asia,

19 na naglilingkod sa Panginoon ng buong kapakumbabaan at may luha, at may mga pagsubok na dumating sa akin dahil sa mga pagtatangka ng mga Judio.

20 Hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang anumang bagay na kapaki-pakinabang, at hayag na nagtuturo sa inyo, at sa mga bahay-bahay,

21 na nagpapatotoo sa mga Judio at gayundin sa mga Griyego tungkol sa pagsisisi tungo sa Diyos at pananampalataya sa ating Panginoong Jesu-Cristo.

22 At ngayon, bilang bihag sa Espiritu[a] ay patungo ako sa Jerusalem, na hindi nalalaman ang mga bagay na mangyayari sa akin doon;

23 maliban na ang Espiritu Santo ay nagpapatotoo sa akin sa bawat lunsod, na sinasabing ang mga tanikala at ang kapighatian ay naghihintay sa akin.

24 Ngunit(A) hindi ko itinuturing ang aking buhay na mahalaga sa aking sarili, upang maganap ko lamang ang aking katungkulan at ang ministeryong tinanggap ko sa Panginoong Jesus, na magpatotoo sa magandang balita ng biyaya ng Diyos.

25 “At ngayon, nalalaman ko na kayong lahat na aking nilibot na pinapangaralan ng kaharian, ay hindi na muling makikita pa ang aking mukha.

26 Kaya nga pinatototohanan ko sa inyo sa araw na ito, na ako'y walang pananagutan sa dugo ng sinuman sa inyo,[b]

27 sapagkat hindi ko ipinagkait na ipahayag sa inyo ang buong kapasiyahan ng Diyos.

28 Ingatan ninyo ang inyong sarili at ang buong kawan. Sa kanila'y inilagay kayo ng Espiritu Santo na mga tagapangasiwa[c] upang pangalagaan ninyo ang iglesya ng Diyos[d] na binili niya ng kanyang sariling dugo.

29 Alam ko na pag-alis ko ay papasok sa kalagitnaan ninyo ang mababangis na asong-gubat na walang patawad sa kawan;

30 at lilitaw mula sa inyo na ring kasamahan ang mga taong magsasalita ng mga bagay na lihis, upang akitin ang mga alagad na sumunod sa kanila.

31 Kaya't kayo'y maging handa at alalahanin ninyo na sa loob ng tatlong taon ay hindi ako tumigil sa gabi at araw ng pagbibigay-babala na may pagluha sa bawat isa.

32 Ngayo'y ipinagkakatiwala ko kayo sa Diyos, at sa salita ng kanyang biyaya, na makapagpapatibay sa inyo at makapagbibigay sa inyo ng mana na kasama ng lahat na mga ginawang banal.

33 Hindi ko pinag-imbutan ang pilak, o ang ginto, o ang damit ninuman.

34 Kayo mismo ang nakakaalam na ang mga kamay na ito ay naglingkod sa aking mga pangangailangan at sa mga kasama ko.

35 Sa lahat ng bagay ay ipinakita ko sa inyo na sa ganitong paggawa ay dapat tulungan ang mahihina, at alalahanin ang mga salita ng Panginoong Jesus, na siya mismo ang nagsabi, ‘Higit na mapalad ang magbigay kaysa tumanggap.’”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001