Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 26

Awit ni David.

26 Pawalang-sala mo ako, O Panginoon,
    sapagkat ako'y lumakad sa aking katapatan,
    at ako'y nagtiwala sa Panginoon nang walang pag-aalinlangan.
Siyasatin mo ako, O Panginoon, at ako'y subukin,
    ang aking puso at isipan ay iyong suriin.
Sapagkat ang iyong tapat na pag-ibig ay nasa harapan ng aking mga mata,
    at ako'y lumalakad na may katapatan sa iyo.
Hindi ako umuupong kasama ng mga sinungaling na tao;
    ni sa mga mapagkunwari ay nakikisama ako.
Kinapopootan ko ang pangkat ng mga gumagawa ng kasamaan,
    at hindi ako uupong kasama ng tampalasan.

Hinuhugasan ko ang aking mga kamay sa kawalang-sala;
    at magtutungo ako, O Panginoon, sa iyong dambana,
na umaawit nang malakas ng awit ng pasasalamat,
    at ang iyong kahanga-hangang mga gawa ay ibinabalitang lahat.

O Panginoon, mahal ko ang bahay na iyong tinatahanan
    at ang dakong tinatahanan ng iyong kaluwalhatian.
Huwag mong kunin ang aking kaluluwa kasama ng mga makasalanan,
    ni ang aking buhay na kasama ng mga taong sa dugo ay uhaw,
10 mga taong masasamang gawa ang nasa kanilang mga kamay,
    na ang kanilang kanang kamay ay punô ng mga lagay.

11 Ngunit sa ganang akin ay lalakad ako sa aking katapatan;
    tubusin mo ako, at kahabagan.
12 Sa isang patag na lupa ang paa ko'y nakatuntong,
    sa malaking kapulungan ay pupurihin ko ang Panginoon.

Mga Awit 28

Awit ni David.

28 Sa iyo, O Panginoon, ako'y nananawagan,
    aking malaking bato, sa aki'y huwag magbingi-bingihan,
baka kung ikaw sa akin ay tumahimik lamang,
    ako'y maging gaya nila na bumababa sa Hukay.
Pakinggan mo ang tinig ng aking karaingan,
    habang ako'y dumaraing ng tulong sa iyo,
habang aking itinataas ang aking mga kamay
    sa dako ng kabanal-banalang santuwaryo.

Huwag mo akong agawing kasama ng masasama,
    na kasama ng mga taong kasamaan ang ginagawa,
na nagsasalita ng kapayapaan sa kanilang mga kapwa,
    gayong ang nasa kanilang mga puso ay masamang pakana.
Ayon(A) sa kanilang gawa, sila'y iyong pagbayarin,
    at ayon sa kasamaan ng kanilang mga gawain.
Gantihan mo sila ng ayon sa gawa ng kanilang mga kamay;
    ang karampatang ganti sa kanila'y ibigay.
Sapagkat ang mga gawa ng Panginoon, ay hindi nila pinapahalagahan,
    ni ang mga gawa ng kanyang mga kamay,
kanyang ibabagsak sila at hindi na sila itatayo kailanman.

Ang Panginoon ay purihin!
    Sapagkat narinig niya ang tinig ng aking mga daing.
Ang Panginoon ang aking lakas at aking kalasag;
    sa kanya ang aking puso ay nagtitiwala,
kaya't ako'y natutulungan, at ang aking puso ay nagagalak,
    at sa pamamagitan ng aking awit ako sa kanya'y nagpapasalamat.

Ang Panginoon ang lakas ng kanyang bayan,
    siya ang nagliligtas na kanlungan ng kanyang pinahiran.
Iligtas mo ang iyong bayan, at ang iyong pamana ay basbasan,
    maging pastol ka nila, at buhatin mo sila magpakailanman.

Mga Awit 36

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David, lingkod ng Panginoon.

36 Ang(A) pagsuway ay nagsasalita ng malalim
    sa puso ng masama;
walang pagkatakot sa Diyos
    sa kanyang mga mata.
Sapagkat pinupuri niya ang sarili sa sarili niyang mga mata,
    na hindi matatagpuan at kasusuklaman ang kasamaan niya.
Ang mga salita ng kanyang bibig ay kasamaan at pandaraya,
    sa pagkilos na may katalinuhan at sa paggawa ng mabuti ay huminto na siya.
Siya'y nagbabalak ng kasamaan habang nasa kanyang higaan;
    inilalagay niya ang sarili sa hindi mabuting daan;
    ang kasamaan ay hindi niya pinakaiiwasan.

Ang iyong tapat na pag-ibig, O Panginoon, ay abot hanggang sa kalangitan,
    hanggang sa mga ulap ang iyong katapatan.
Gaya ng mga bundok ng Diyos ang iyong katuwiran,
    ang iyong mga kahatulan ay gaya ng dakilang kalaliman;
    O Panginoon, inililigtas mo ang tao at hayop man.

Napakahalaga, O Diyos, ng iyong pag-ibig na tapat!
    Ang mga anak ng mga tao ay nanganganlong sa lilim ng iyong mga pakpak.
Sila'y nagpapakabusog sa kasaganaan ng iyong bahay;
    at binibigyan mo sila ng inumin mula sa ilog ng iyong kasiyahan.
Sapagkat nasa iyo ang bukal ng buhay;
    sa iyong ilaw nakakakita kami ng liwanag.

10 O ipagpatuloy mo ang iyong tapat na pag-ibig sa mga nakakakilala sa iyo,
    at ang iyong pagliligtas sa may matuwid na puso!
11 Huwag nawang dumating sa akin ang paa ng kapalaluan,
    ni ng kamay ng masama ako'y ipagtabuyan.
12 Doon ang mga gumagawa ng kasamaan ay nakasubsob,
    sila'y nakalugmok, at hindi na kayang bumangon.

Mga Awit 39

Sa Punong Mang-aawit: kay Jedutun. Awit ni David.

39 Aking sinabi, “Ako'y mag-iingat sa aking mga lakad,
    upang huwag akong magkasala sa aking dila;
iingatan ko ang aking bibig na parang binusalan,
    hangga't ang masasama ay nasa aking harapan.”
Ako'y tumahimik at napipi,
    ako'y tumahimik pati sa mabuti;
lalong lumubha ang aking pighati,
    ang puso ko'y uminit sa aking kalooban.
Samantalang ako'y nagbubulay-bulay, ang apoy ay nagningas,
    pagkatapos sa aking dila ako ay bumigkas:

Panginoon, ipaalam mo sa akin ang aking katapusan,
    at kung ano ang sukat ng aking mga araw;
    ipaalam sa akin kung gaano kadaling lumipas ang aking buhay!
Narito, ang aking mga araw ay ginawa mong iilang mga dangkal,
    at sa paningin mo'y tulad sa wala ang aking buhay.
Tunay na bawat tao'y nakatayong gaya ng isang hininga lamang. (Selah)
    Tunay na ang tao ay lumalakad na gaya ng anino!
Tunay na sila'y nagkakagulo nang walang kabuluhan;
    ang tao ay nagbubunton, at hindi nalalaman kung sinong magtitipon!

“At ngayon, Panginoon, sa ano pa ako maghihintay?
    Ang aking pag-asa ay nasa iyo.
Iligtas mo ako sa lahat ng aking mga pagsuway.
    Huwag mo akong gawing katuyaan ng hangal.
Ako'y pipi, hindi ko ibinubuka ang bibig ko,
    sapagkat ikaw ang gumawa nito.
10 Paghampas sa akin ay iyo nang tigilan,
    ako'y bugbog na sa mga suntok ng iyong kamay.
11 Kapag pinarurusahan mo ang tao nang may pagsaway sa pagkakasala,
iyong tinutupok na gaya ng bukbok ang mahalaga sa kanya;
    tunay na ang bawat tao ay isa lamang hininga! (Selah)

12 “Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
    at iyong dinggin ang aking daing;
    huwag kang manahimik sa aking mga luha!
Sapagkat ako'y dayuhan na kasama mo,
    isang manlalakbay gaya ng lahat na aking mga ninuno.
13 Ilayo mo ang iyong tingin sa akin, upang muli akong makangiti,
    bago ako umalis at mapawi!”

Deuteronomio 6:16-25

16 “Huwag(A) ninyong susubukin ang Panginoon ninyong Diyos, gaya ng pagsubok ninyo sa kanya sa Massah.

17 Masikap ninyong ingatan ang mga utos ng Panginoon ninyong Diyos, at ang kanyang mga patotoo, at ang kanyang mga tuntunin na kanyang iniutos sa iyo.

18 At iyong gagawin ang matuwid at mabuti sa paningin ng Panginoon, para sa ikabubuti mo, at upang iyong mapasok at maangkin ang mabuting lupain na ipinangako ng Panginoon sa iyong mga ninuno,

19 upang palayasin ang lahat ng iyong mga kaaway sa harapan mo, gaya ng ipinangako ng Panginoon.

20 “Kapag tatanungin ka ng iyong anak sa panahong darating, ‘Ano ang kahulugan ng mga patotoo, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa inyo ng Panginoon nating Diyos?’

21 Iyo ngang sasabihin sa iyong anak, ‘Kami ay naging mga alipin ng Faraon sa Ehipto, at inilabas kami ng Panginoon sa Ehipto sa pamamagitan ng makapangyarihang kamay.

22 At ang Panginoon ay nagpakita ng mga tanda at ng mga kababalaghan, dakila at matindi, laban sa Ehipto, kay Faraon, at sa kanyang buong sambahayan, sa harapan ng aming paningin;

23 at kami ay inilabas niya mula roon upang kami ay maipasok, upang maibigay sa amin ang lupain na kanyang ipinangako sa ating mga ninuno.

24 At iniutos ng Panginoon sa amin na gawin ang lahat ng mga tuntuning ito, na matakot sa Panginoon nating Diyos, sa ikabubuti natin magpakailanman, upang ingatan niya tayong buháy, gaya sa araw na ito.

25 At magiging katuwiran sa atin kapag maingat nating isinagawa ang lahat ng utos na ito sa harapan ng Panginoon nating Diyos, gaya ng iniutos niya sa atin.’

Mga Hebreo 2:1-10

Ang Dakilang Kaligtasan

Kaya't dapat nating pag-ukulan ng higit pang pansin ang mga bagay na ating narinig, baka tayo'y matangay na papalayo.

Sapagkat kung ang salita na ipinahayag sa pamamagitan ng mga anghel ay may bisa, at ang bawat paglabag at pagsuway ay tumanggap ng kaukulang parusa,

paano nga tayo makakatakas, kung ating pababayaan ang ganito kadakilang kaligtasan? Ito ay ipinahayag noong una sa pamamagitan ng Panginoon, at pinatunayan sa atin ng mga nakarinig sa kanya,

na pawang pinatotohanan din ng Diyos sa pamamagitan ng mga tanda at ng mga kababalaghan at iba't ibang himala at ng mga kaloob ng Espiritu Santo, na ipinamahagi ayon sa kanyang kalooban.

Naging Dakila sa Pagiging Hamak

Sapagkat hindi ipinasakop ng Diyos[a] sa mga anghel ang sanlibutang darating, na siya naming sinasabi,

Ngunit(A) may nagpatunay sa isang dako, na sinasabi,

“Ano ang tao upang siya'y iyong alalahanin?
    O ang anak ng tao upang siya'y iyong pagmalasakitan?
Siya'y ginawa mong mababa kaysa mga anghel nang sandaling panahon;
    siya'y pinutungan mo ng kaluwalhatian at ng karangalan,
    at siya'y inilagay mo sa ibabaw ng mga gawa ng iyong mga kamay.[b]
Ipinasakop mo ang lahat ng bagay sa ilalim ng kanyang mga paa.”

Nang masakop niya ang bawat bagay, wala siyang iniwan na hindi niya nasasakop. Ngunit ngayon ay hindi pa natin nakikitang nasasakop niya ang lahat ng mga bagay,

kundi nakikita natin si Jesus, na sa sandaling panahon ay ginawang mababa kaysa mga anghel, na dahil sa pagdurusa ng kamatayan ay pinutungan ng kaluwalhatian at karangalan, upang sa pamamagitan ng biyaya ng Diyos ay maranasan niya ang kamatayan alang-alang sa lahat.

10 Sapagkat nararapat na ang Diyos,[c] na para sa kanya at sa pamamagitan niya ay nagkaroon ng lahat ng mga bagay, sa pagdadala ng maraming anak tungo sa kaluwalhatian, ay gawing sakdal ang tagapagtatag ng kanilang kaligtasan sa pamamagitan ng mga pagdurusa.

Juan 1:19-28

Ang Patotoo ni Juan na Tagapagbautismo(A)

19 Ito ang patotoo ni Juan nang suguin ng mga Judio ang mga pari at mga Levita mula sa Jerusalem upang siya'y tanungin, “Sino ka ba?”

20 Siya'y nagpahayag at hindi ikinaila kundi sinabing, “Hindi ako ang Cristo.”

21 Siya'y(B) kanilang tinanong, “Kung gayo'y, ikaw ba si Elias?” At sinabi niya, “Hindi ako.” “Ikaw ba ang propeta?” At siya'y sumagot, “Hindi.”

22 Sinabi nila sa kanya, “Sino ka ba? Bigyan mo kami ng isasagot sa mga nagsugo sa amin. Ano ang masasabi mo tungkol sa iyong sarili?”

23 Sinabi(C) niya, “Ako ang tinig ng isang sumisigaw sa ilang na lugar, ‘Tuwirin ninyo ang daan ng Panginoon, gaya ng sinabi ng propeta Isaias.’”

24 Sila'y mga sugo buhat sa mga Fariseo.

25 Siya'y tinanong nila, “Kung gayo'y bakit ka nagbabautismo, kung hindi ikaw ang Cristo, o si Elias, o ang propeta?”

26 Sila'y sinagot ni Juan, “Ako'y nagbabautismo sa tubig; sa gitna ninyo'y may isang nakatayo na hindi ninyo kilala,

27 na pumaparitong kasunod ko at hindi ako karapat-dapat magkalag ng panali ng kanyang sandalyas.”

28 Ang mga bagay na ito'y nangyari sa Betania, sa kabilang ibayo ng Jordan, na pinagbabautismuhan ni Juan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001