Book of Common Prayer
Isang Awit. Awit ni Asaf.
83 O Diyos, huwag kang tumahimik;
huwag kang manahimik o maging walang kibo, O Diyos!
2 Sapagkat ang mga kaaway mo'y nagkakagulo,
silang napopoot sa iyo ay nagtaas ng kanilang mga ulo.
3 Sila'y naghanda ng mga tusong panukala laban sa iyong bayan,
sila'y nagsanggunian laban sa iyong mga iniingatan.
4 Kanilang sinasabi, “Pumarito kayo, bilang isang bansa'y pawiin natin sila,
upang ang pangalan ng Israel ay huwag nang maalala pa!”
5 Oo, sila'y nagsabwatan na may pagkakaisa,
laban sa iyo ay nagtipanan sila—
6 ang mga tolda ng Edom at ng mga Ismaelita;
ang Moab at ang mga Hagrita,
7 ang Gebal, ang Ammon, at ang Amalek;
ang Filisteo at ang mga taga-Tiro;
8 ang Asiria ay kumampi rin sa kanila;
sila ay maging bisig sa mga anak ni Lot. (Selah)
9 Gawin(A) mo sa kanila ng gaya sa Midian;
gaya ng kay Sisera at kay Jabin sa ilog ng Kison,
10 na namatay sa Endor;
na naging dumi para sa lupa.
11 Gawin(B) ang kanilang mga maharlika na gaya nina Oreb at Zeeb;
lahat nilang mga pinuno na gaya nina Zeba at Zalmuna;
12 na nagsabi, “Angkinin natin para sa ating sarili
ang mga pastulan ng Diyos.”
13 O Diyos ko, gawin mo silang gaya ng alabok na paikut-ikot,
parang dayami sa harap ng hangin.
14 Gaya ng apoy na sumusunog ng gubat,
gaya ng liyab na tumutupok ng mga bundok;
15 kaya't habulin mo sila ng iyong bagyo,
at takutin mo sila ng iyong buhawi!
16 Punuin mo ang kanilang mga mukha ng kahihiyan,
O Panginoon, upang hanapin nila ang iyong pangalan.
17 Mapahiya at masiraan nawa sila ng loob magpakailanman;
malipol nawa sila at mapahiya.
18 Malaman nawa nila na ikaw lamang,
na Panginoon ang pangalan,
ang sa buong lupa ay Kataas-taasan.
146 Purihin ang Panginoon!
Purihin mo ang Panginoon, O kaluluwa ko!
2 Pupurihin ko ang Panginoon habang ako'y nabubuhay,
ako'y aawit ng mga papuri sa aking Diyos, habang ako'y may buhay.
3 Huwag kayong magtiwala sa mga pinuno,
o sa anak man ng tao na walang kaligtasan.
4 Ang kanyang espiritu ay humiwalay, siya'y bumabalik sa kanyang lupa;
sa araw ding iyon ay naglalaho ang kanyang mga panukala.
5 Maligaya siya na ang saklolo ay ang Diyos ni Jacob,
na ang pag-asa ay nasa Panginoon niyang Diyos,
6 na(A) gumawa ng langit at lupa,
ng dagat, at ng lahat ng naroroon;
na nag-iingat ng katotohanan magpakailanman;
7 na naglalapat ng katarungan sa naaapi;
na nagbibigay ng pagkain sa nagugutom.
Pinalalaya ng Panginoon ang mga bilanggo;
8 binubuksan ng Panginoon ang mga mata ng bulag.
Ibinabangon ng Panginoon ang mga nabubuwal.
Iniibig ng Panginoon ang matuwid.
9 Iniingatan ng Panginoon ang mga banyaga;
kanyang inaalalayan ang babaing balo at ang ulila,
ngunit ang lakad ng masama ay inililihis niya.
10 Magpakailanman ang Panginoon ay maghahari,
ang iyong Diyos, O Zion, sa lahat ng salinlahi.
Purihin ang Panginoon!
147 Purihin ang Panginoon!
Sapagkat mabuting umawit ng mga papuri sa ating Diyos;
sapagkat siya'y mapagpala at ang awit ng papuri ay naaangkop.
2 Itinatayo ng Panginoon ang Jerusalem;
kanyang tinitipon ang mga itinapon mula sa Israel.
3 Kanyang pinagagaling ang mga may pusong wasak,
at tinatalian ang kanilang mga sugat.
4 Ang bilang ng mga bituin ay kanyang binibilang,
ibinibigay niya sa kanilang lahat ang mga pangalan nila.
5 Dakila ang ating Panginoon, at sa kapangyarihan ay sagana,
hindi masukat ang kanyang unawa.
6 Inaalalayan ng Panginoon ang nahihirapan,
kanyang inilulugmok sa lupa ang masama.
7 Umawit kayo ng may pagpapasalamat sa Panginoon;
umawit kayo sa lira ng mga papuri sa ating Diyos!
8 Tinatakpan niya ng mga ulap ang mga kalangitan,
naghahanda siya para sa lupa ng ulan,
nagpapatubo siya ng damo sa kabundukan.
9 Siya'y nagbibigay sa hayop ng kanilang pagkain,
at sa mga inakay na uwak na nagsisidaing.
10 Ang kanyang kaluguran ay wala sa lakas ng kabayo,
ni ang kanyang kasiyahan sa mga binti ng tao,
11 ngunit ang Panginoon ay nalulugod sa mga natatakot sa kanya,
sa kanyang tapat na pag-ibig ay umaasa.
12 Purihin mo, O Jerusalem, ang Panginoon!
Purihin mo ang iyong Diyos, O Zion!
13 Sapagkat kanyang pinapatibay ang mga rehas ng iyong mga tarangkahan,
pinagpapala niya ang mga anak mo sa loob mo.
14 Siya'y gumagawa ng kapayapaan sa iyong mga hangganan;
binubusog ka niya ng trigong pinakamainam.
15 Kanyang sinusugo ang kanyang utos sa lupa;
mabilis na tumatakbo ang kanyang salita.
16 Siya'y nagbibigay ng niyebe na parang balahibo ng tupa;
siya'y nagkakalat ng patak ng yelo na abo ang kagaya.
17 Inihahagis niya ang kanyang yelo na parang tinapay na putol-putol,
sinong makakatagal sa harap ng lamig niyon?
18 Kanyang sinusugo ang kanyang salita, at tinutunaw ang mga iyon;
kanyang pinahihihip ang kanyang hangin, at ang tubig ay dumadaloy.
19 Kanyang ipinahayag ang kanyang salita sa Jacob,
ang kanyang mga tuntunin at mga batas sa Israel.
20 Hindi niya ito ginawa sa alinmang bansa,
at tungkol sa kanyang mga batas hindi nila ito nalalaman.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Sa Punong Mang-aawit. Awit ng mga Anak ni Kora.
85 Panginoon, ikaw ay naging mabuti sa iyong lupain,
ibinalik mo ang kayamanan ng Jacob.
2 Pinatawad mo ang kasamaan ng iyong bayan,
pinatawad mo ang lahat nilang kasalanan. (Selah)
3 Inalis mo ang lahat ng poot mo,
tumalikod ka sa bangis ng galit mo.
4 O Diyos ng aming kaligtasan, muli mo kaming panumbalikin,
at alisin mo ang iyong galit sa amin.
5 Magagalit ka ba sa amin magpakailanman?
Ipagpapatuloy mo ba ang iyong galit sa lahat ng salinlahi?
6 Hindi ba kami ay muling bubuhayin mo,
upang ang iyong bayan ay magalak sa iyo?
7 O Panginoon, ipakita mo sa amin ang iyong tapat na pagsuyo,
at ipagkaloob mo sa amin ang pagliligtas mo.
8 Aking papakinggan kung ano ang sasabihin ng Diyos na Panginoon,
sapagkat siya'y magsasalita ng kapayapaan sa kanyang bayan
at sa kanyang mga banal, ngunit huwag silang muling manumbalik sa kahangalan.
9 Tunay na ang kanyang pagliligtas ay malapit sa kanila na natatakot sa kanya;
upang ang kaluwalhatian ay manahan sa aming lupain.
10 Magsasalubong ang tapat na pag-ibig at katapatan,
ang katuwiran at kapayapaan ay maghahalikan.
11 Bubukal sa lupa ang katotohanan,
at tumitingin mula sa langit ang katuwiran.
12 Oo, ibibigay ng Panginoon kung ano ang mabuti;
at ang ating lupain ay magbibigay ng kanyang ani.
13 Mangunguna sa kanya ang katuwiran,
at ang kanyang mga yapak ay gagawing daan.
Panalangin ni David.
86 Ikiling mo ang iyong pandinig, O Panginoon, at ako'y sagutin mo,
sapagkat dukha at nangangailangan ako.
2 Ingatan mo ang aking buhay, sapagkat ako'y banal na tao.
Ikaw na aking Diyos,
iligtas mo ang iyong lingkod na nagtitiwala sa iyo.
3 O Panginoon, maawa ka sa akin,
sapagkat sa buong araw sa iyo ako'y dumaraing.
4 Pasayahin mo ang kaluluwa ng lingkod mo,
sapagkat sa iyo, O Panginoon itinataas ko ang kaluluwa ko.
5 Sapagkat ikaw, Panginoon, ay mabuti at mapagpatawad,
sagana sa tapat na pag-ibig sa lahat ng sa iyo ay tumatawag.
6 Pakinggan mo, O Panginoon, ang aking panalangin,
pakinggan mo ang tinig ng aking daing.
7 Sa araw ng aking kaguluhan ay tumatawag ako sa iyo;
sapagkat sinasagot mo ako.
8 Walang gaya mo sa gitna ng mga diyos, O Panginoon;
ni mayroong anumang mga gawang gaya ng sa iyo.
9 Lahat(A) ng mga bansa na iyong nilalang ay darating
at sasamba sa harapan mo, O Panginoon;
at ang iyong pangalan ay kanilang luluwalhatiin.
10 Sapagkat ikaw ay dakila at gumagawa ng kahanga-hangang mga bagay,
ikaw lamang ang Diyos.
11 O Panginoon, ituro mo sa akin ang iyong daan,
upang makalakad ako sa iyong katotohanan;
ilakip mo ang aking puso upang matakot sa iyong pangalan.
12 Nagpapasalamat ako sa inyo ng buong puso, O Panginoon kong Diyos,
at luluwalhatiin ko ang iyong pangalan magpakailanman.
13 Sapagkat dakila ang iyong tapat na pagsinta sa akin;
sa kalaliman ng Sheol ay iniligtas mo ang aking kaluluwa.
14 O Diyos, ang mga taong mayabang ay nagbangon laban sa akin,
isang pangkat ng malulupit na tao ang nagtatangka sa aking buhay,
at hindi ka nila isinaalang-alang sa harapan nila.
15 Ngunit ikaw, O Panginoon, ay Diyos na mahabagin at mapagbiyaya,
banayad sa pagkagalit, sa tapat na pag-ibig at katapatan ay sagana.
16 Lingunin mo ako, maawa ka sa akin;
ibigay mo ang lakas mo sa iyong lingkod,
at iligtas mo ang anak ng iyong lingkod na babae.
17 Pagpakitaan mo ako ng tanda para sa kabutihan,
upang makita ng mga napopoot sa akin at mapahiya,
sapagkat ikaw, Panginoon, ay tumulong at umaliw sa akin.
Ang Magiging Kadakilaan ng Jerusalem
60 Ikaw ay bumangon, magliwanag ka, sapagkat ang iyong liwanag ay dumating,
at ang kaluwalhatian ng Panginoon ay sumikat sa iyo.
2 Sapagkat narito, tatakpan ang lupa ng kadiliman,
at ng makapal na dilim ang mga bayan.
Ngunit ang Panginoon ay sisikat sa iyo,
at ang kanyang kaluwalhatian ay makikita sa iyo.
3 At ang mga bansa ay paroroon sa iyong liwanag,
at ang mga hari sa ningning ng iyong pagsikat.
4 Imulat mo ang iyong mata sa palibot, at ikaw ay tumingin.
Silang lahat ay nagtitipon, sila'y pumaroon sa iyo,
ang iyong mga anak na lalaki ay magmumula sa malayo,
at ang iyong mga anak na babae ay kakalungin.
5 Kung magkagayon ikaw ay makakakita at maliliwanagan,
at ang iyong puso ay manginginig sa tuwa at magagalak,[a]
sapagkat ang kasaganaan ng dagat ay dadalhin sa iyo,
ang kayamanan ng mga bansa ay darating sa iyo.
6 Tatakpan ka ng napakaraming kamelyo,
ng mga batang kamelyo ng Midian at Efa;
lahat ng mula sa Seba ay darating.
Sila'y magdadala ng ginto at kamanyang,
at maghahayag ng kapurihan ng Panginoon.
7 Lahat ng kawan sa Kedar ay matitipon sa iyo,
ang mga lalaking tupa sa Nebayot ay maglilingkod sa iyo;
sila'y aahon na may pagtanggap sa aking dambana,
at aking luluwalhatiin ang aking maluwalhating bahay.
8 Sino ang mga ito na lumilipad na parang ulap,
at parang mga kalapati sa kanilang mga bintana?
9 Tunay na ang mga pulo ay maghihintay sa akin,
at ang mga sasakyang-dagat ng Tarsis ay siyang mangunguna,
upang dalhin ang iyong mga anak mula sa malayo,
ang kanilang pilak at kanilang ginto na kasama nila,
dahil sa pangalan ng Panginoon mong Diyos,
at dahil sa Banal ng Israel,
sapagkat kanyang niluwalhati ka.
10 Itatayo ng mga dayuhan ang mga kuta mo,
at ang kanilang mga hari ay maglilingkod sa iyo;
sapagkat sa aking poot ay sinaktan kita,
ngunit sa aking biyaya ako sa iyo ay naawa.
11 Magiging(A) laging bukas ang iyong mga pintuan,
hindi isasara sa araw o sa gabi man;
upang ang mga tao ay magdala sa iyo ng kayamanan ng mga bansa,
at ang kanilang mga hari ang nangunguna sa hanay.
12 Sapagkat ang bansa at kaharian
na hindi maglilingkod sa iyo ay mamamatay;
ang mga bansang iyon ay malilipol nang lubusan.
13 Ang kaluwalhatian ng Lebanon ay darating sa iyo,
ang puno ng sipres, ng abeto at ng pino na magkakasama,
upang pagandahin ang dako ng aking santuwaryo;
at aking gagawing maluwalhati ang lugar ng mga paa ko.
14 At(B) ang mga anak nila na umapi sa iyo
ay paroroong nakayuko sa iyo;
at silang lahat na humamak sa iyo
ay yuyukod sa talampakan ng mga paa mo;
at tatawagin ka nilang “Ang Lunsod ng Panginoon,
ang Zion ng Banal ng Israel.”
Ang Maluwalhating Zion
15 Yamang ikaw ay napabayaan at kinamuhian,
na anupa't walang tao na sa iyo ay dumaraan,
gagawin kitang walang hanggang karilagan,
na sa maraming salinlahi ay kagalakan.
16 Ikaw ay iinom ng gatas ng mga bansa,
at sususo sa mga suso ng mga hari;
at iyong malalaman na akong Panginoon ay Tagapagligtas mo
at Manunubos, Makapangyarihan ng Jacob.
17 Sa halip na tanso ay magdadala ako ng ginto,
at sa halip na bakal ay magdadala ako ng pilak,
sa halip na kahoy ay tanso,
sa halip na mga bato ay bakal.
Ang Kapayapaan ay gagawin kong mga tagapangasiwa mo,
at ang Katuwiran bilang iyong tagapamahala.
14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan mo sa harapan ng Diyos[a] na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salita na hindi mapapakinabangan kundi sa ikapapahamak lamang ng mga nakikinig.
Ang Manggagawa ng Diyos
15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan.
16 Subalit iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat ito'y magtutulak sa mga tao sa higit pang kasamaan,
17 at ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena. Kasama sa mga ito si Himeneo at si Fileto,
18 na lumihis sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Kanilang ginugulo ang pananampalataya ng iba.
19 Ngunit(A) ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na may tatak na ganito: “Kilala ng Panginoon ang mga kanya,” at, “Lumayo sa kalikuan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”
20 Sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba'y sa natatanging paggagamitan at ang iba'y para sa karaniwan.
21 Kung nililinis ng sinuman ang kanyang sarili mula sa mga bagay na ito ay magiging tanging kagamitan, itinalaga at mahalaga sa may-ari ng bahay, handa sa lahat ng mabuting gawa.
22 Ngunit layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan at sundin mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.
23 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ang mga ito ng mga away.
24 Ang alipin ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, kundi maamo sa lahat, mahusay magturo, matiyaga,
25 tinuturuan nang may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan,
26 at sila'y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[b]
Ang Lalaking Mayaman(A)
17 Nang siya'y naghahanda na sa kanyang paglalakbay, may isang lalaking patakbong lumapit sa kanya, at pagluhod sa kanyang harapan, siya'y tinanong, “Mabuting Guro, ano ang dapat kong gawin upang magmana ng buhay na walang hanggan?”
18 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Bakit tinatawag mo akong mabuti? Walang mabuti kundi ang Diyos lamang.
19 Nalalaman(B) mo ang mga utos: ‘Huwag kang pumatay; Huwag kang mangalunya; Huwag kang magnakaw; Huwag kang sumaksi sa kasinungalingan; Huwag kang mandaya; Igalang mo ang iyong ama at ina.’”
20 At sinabi niya sa kanya, “Guro, ang lahat ng mga bagay na ito'y aking tinupad mula pa sa aking kabataan.”
21 Si Jesus, pagtingin sa kanya ay minahal siya at sinabi, “Isang bagay ang kulang sa iyo. Humayo ka, ipagbili mo ang lahat at ibigay mo ang salapi[a] sa dukha, at magkakaroon ka ng kayamanan sa langit. At pumarito ka, sumunod ka sa akin.”
22 Subalit siya'y nanlumo sa sinabing ito, at siya'y umalis na nalulungkot sapagkat siya'y maraming ari-arian.
23 At sa pagtingin ni Jesus sa palibot ay sinabi niya sa kanyang mga alagad, “Napakahirap para sa mga may kayamanan na pumasok sa kaharian ng Diyos.”
24 At namangha ang mga alagad sa kanyang mga salita. Ngunit muling sumagot sa kanila si Jesus, “Mga anak, napakahirap pumasok sa kaharian ng Diyos.
25 Mas madali pa para sa isang kamelyo ang dumaan sa butas ng isang karayom kaysa isang mayaman ang pumasok sa kaharian ng Diyos.”
26 Sila'y lalong nagtaka at sinabi sa kanya, “Sino nga kaya ang maliligtas?”
27 Tiningnan sila ni Jesus at sinabi, “Sa mga tao, ito'y hindi maaaring mangyari ngunit hindi sa Diyos; sapagkat sa Diyos ang lahat ng mga bagay ay maaaring mangyari.”
28 Si Pedro ay nagsimulang magsabi sa kanya, “Tingnan mo, iniwan namin ang lahat at sumunod kami sa iyo.”
29 Sinabi ni Jesus, “Katotohanan ang sinasabi ko sa inyo, walang taong nag-iwan ng bahay, o mga kapatid na lalaki, o mga kapatid na babae, o ina, o ama, o mga anak, o mga bukid, dahil sa akin, at dahil sa magandang balita,
30 ang hindi makakatanggap ng isandaang ulit, ngayon sa panahong ito, ng mga bahay, at mga kapatid na lalaki, mga kapatid na babae, mga ina at mga anak, at mga bukid, na may mga pag-uusig; at sa darating na panahon ay walang hanggang buhay.
31 Ngunit(C) ang maraming nauuna ay mahuhuli, at ang huli ay mauuna.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001