Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 87

Awit ng mga Anak ni Kora. Isang Awit.

87 Ang kanyang saligan ay nasa mga banal na bundok,
    minamahal ng Panginoon ang sa Zion na mga pintuan,
    higit kaysa lahat ng kay Jacob na tahanan.
Maluluwalhating bagay ang ibinabalita tungkol sa iyo,
    O lunsod ng Diyos. (Selah)

Kabilang sa mga nakakakilala sa akin ay binabanggit ko si Rahab at ang Babilonia,
    narito, ang Filistia at Tiro, kasama ng Etiopia—
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.”
At tungkol sa Zion ay sasabihin,
    “Ang isang ito at ang isang iyon ay ipinanganak sa kanya;”
    sapagkat mismong ang Kataas-taasan ang magtatatag sa kanya.
Ang Panginoon ay magbibilang habang kanyang itinatala ang mga bayan,
    “Ang isang ito ay ipinanganak doon.” (Selah)

Ang mga mang-aawit at mananayaw ay kapwa nagsasabi,
    “Lahat ng aking mga bukal ay nasa iyo.”

Mga Awit 90

IKAAPAT NA AKLAT

Panalangin ni Moises, ang tao ng Diyos.

90 Panginoon, ikaw ay naging aming tahanang dako
    sa lahat ng salinlahi.
Bago nilikha ang mga bundok,
    o bago mo nilikha ang lupa at ang sanlibutan,
    ikaw ay Diyos, mula sa walang hanggan hanggang sa walang hanggan.

Iyong ibinabalik ang tao sa alabok,
    at iyong sinasabi, “Bumalik kayo, kayong mga anak ng mga tao!”
Sapagkat(A) ang isang libong taon sa iyong paningin,
    ay parang kahapon lamang kapag ito'y nakalipas,
    o gaya ng isang gabing pagbabantay.

Iyong dinadala sila na parang baha, sila'y nakatulog,
    kinaumagahan ay parang damo na tumutubo;
sa umaga ito'y nananariwa at lumalago,
    sa hapon ito'y nalalanta at natutuyo.

Sapagkat ang iyong galit ang sa amin ay tumupok,
    at sa pamamagitan ng iyong galit kami ay nabagabag.
Inilagay mo ang aming kasamaan sa iyong harapan,
    sa liwanag ng iyong mukha ang lihim naming kasalanan.

Sapagkat sa ilalim ng iyong poot, lahat ng aming araw ay lumilipas,
    na gaya ng buntong-hininga, ang aming mga taon ay nagwawakas.
10 Ang mga taon ng aming buhay ay pitumpung taon,
    o kung malakas kami ay walumpung taon,
ngunit ang mga ito ay hirap at kaguluhan lamang,
    ang mga ito'y madaling lumipas, at kami ay nawawala.

11 Sinong nakakaalam ng kapangyarihan ng galit mo,
    at ng iyong galit ayon sa pagkatakot na marapat sa iyo?
12 Kaya't turuan mo kami na bilangin ang aming mga araw,
    upang kami ay magkaroon ng pusong may karunungan.

13 Manumbalik ka, O Panginoon! Hanggang kailan pa?
    Sa iyong mga lingkod ay mahabag ka!
14 Busugin mo kami sa umaga ng iyong tapat na pagmamahal,
    upang kami ay magalak at matuwa sa lahat ng aming mga araw.
15 Kami ay iyong pasayahin ayon sa dami ng mga araw ng iyong pagpapahirap sa amin,
    at kasindami ng mga taon na ang kasamaan nakita namin.
16 Mahayag nawa ang gawa mo sa iyong mga lingkod,
    at ang kaluwalhatian mo sa kanilang mga anak.
17 Sumaamin nawa ang biyaya ng Panginoon naming Diyos,
    at iyong itatag sa amin ang gawa ng aming mga kamay;
    oo, itatag mo ang gawa ng aming mga kamay.

Mga Awit 136

136 O(A) magpasalamat kayo sa Panginoon; sapagkat siya'y mabuti;
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
O magpasalamat kayo sa Diyos ng mga diyos,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.
Ang Panginoon ng mga panginoon ay inyong pasalamatan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;

siya na tanging gumagawa ng mga dakilang kababalaghan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(B) na sa pamamagitan ng unawa ay ginawa ang kalangitan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(C) na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
siya(D) na gumawa ng mga dakilang tanglaw,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
ng araw upang ang araw ay pagharian,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
ng buwan at mga bituin upang ang gabi'y pamunuan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;

10 siya(E) na sa mga panganay sa Ehipto ay pumaslang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
11 at(F) mula sa kanila, ang Israel ay inilabas,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
12 sa pamamagitan ng malakas na kamay at ng unat na bisig,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
13 siya(G) na sa Dagat na Pula ay humawi,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
14 at sa gitna nito ang Israel ay pinaraan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
15 ngunit nilunod si Faraon at ang kanyang hukbo sa Pulang Dagat,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
16 siya na pumatnubay sa kanyang bayan sa ilang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
17 siya na sa mga dakilang hari ay pumatay,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman,
18 at sa mga bantog na hari ay pumaslang,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
19 kay(H) Sihon na hari ng mga Amorita,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
20 at(I) kay Og na hari ng Basan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
21 at ang kanilang lupain bilang pamana'y ibinigay,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
22 isang pamana sa Israel na kanyang tauhan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

23 Siya ang nakaalala sa atin sa ating mababang kalagayan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
24 at iniligtas tayo sa ating mga kaaway,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman;
25 siya na nagbibigay ng pagkain sa lahat ng laman,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

26 O magpasalamat kayo sa Diyos ng kalangitan,
    sapagkat ang kanyang tapat na pag-ibig ay magpakailanman.

Isaias 61:10-62:5

10 Ako'y(A) magagalak na mabuti sa Panginoon,
    ang aking buong pagkatao ay magagalak sa aking Diyos;
sapagkat binihisan niya ako ng mga damit ng kaligtasan,
    kanyang tinakpan ako ng balabal ng katuwiran,
gaya ng lalaking ikakasal na ginagayakan ang sarili ng palamuting bulaklak,
    at gaya ng babaing ikakasal na nagagayakan ng kanyang mga hiyas.
11 Sapagkat kung paanong ang lupa'y nagpapatubo ng kanyang pananim,
    at kung paanong ang halamanan ay nagpapasibol ng mga bagay na sa kanya'y itinanim,
gayon pasisibulin ng Panginoong Diyos ang katuwiran at kapurihan
    sa harapan ng lahat ng bansa.

62 Alang-alang sa Zion ay hindi ako tatahimik,
    at alang-alang sa Jerusalem ay hindi ako magpapahinga,
hanggang sa ang kanyang katuwiran ay lumitaw na parang ningning,
    at ang kanyang kaligtasan na gaya ng sulong nagniningas.
At makikita ng mga bansa ang iyong katuwiran,
    at ng lahat na hari ang iyong kaluwalhatian;
at ikaw ay tatawagin sa bagong pangalan
    na ipapangalan ng bibig ng Panginoon.
Ikaw naman ay magiging korona ng kagandahan sa kamay ng Panginoon,
    at koronang hari sa kamay ng iyong Diyos.
Hindi ka na tatawagin pang ‘Pinabayaan’;[a]
    hindi na rin tatawagin pa ang iyong lupain na ‘Giba’;[b]
kundi ikaw ay tatawaging ‘Ang Aking Katuwaan Ay Nasa Kanya’,[c]
    at ang iyong lupain ay tatawaging ‘May Asawa’,[d]
sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa iyo,
    at ang iyong lupain ay magiging may asawa.
Sapagkat kung paanong ang binata ay ikinakasal sa dalaga,
    gayon ikakasal ka sa iyong mga anak na lalaki,
at kung paanong ang lalaking ikakasal ay nagagalak sa babaing ikakasal,
    gayon magagalak ang Diyos sa iyo.

2 Timoteo 4:1-8

Sa harapan ng Diyos at ni Cristo Jesus, na siyang hahatol sa mga buháy at sa mga patay, at sa pamamagitan ng kanyang pagpapakita at sa kanyang kaharian, ay inaatasan kita:

ipangaral mo ang salita, magsikap ka sa kapanahunan at sa di-kapanahunan, magtuwid ka, manaway ka, mangaral ka na may buong pagtitiyaga at pagtuturo.

Sapagkat darating ang panahon na hindi nila matitiis ang wastong aral; kundi, sa pagkakaroon nila ng makakating tainga, ay mag-iipon sila para sa kanilang sarili ng mga gurong ayon sa kanilang sariling pagnanasa,

at tatalikod sa pakikinig sa katotohanan ang kanilang mga tainga, at babaling sa mga kathang-isip.

Ngunit ikaw ay maging matino sa lahat ng mga bagay, magtiis ka ng mga kahirapan, gampanan mo ang gawain ng isang ebanghelista, ganapin mong lubos ang iyong ministeryo.

Tungkol sa akin, ako'y ibinuhos na tulad sa inuming handog, at ang panahon ng aking pagpanaw ay dumating na.

Nakipaglaban ako ng mabuting pakikipaglaban, natapos ko na ang aking takbuhin, iningatan ko ang pananampalataya.

Kaya't mula ngayon ay nakalaan na sa akin ang putong ng katuwiran, na ibibigay sa akin ng Panginoon na tapat na hukom sa araw na iyon, at hindi lamang sa akin, kundi sa lahat din naman ng mga naghahangad sa kanyang pagpapakita.

Marcos 10:46-52

Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(A)

46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.

47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”

48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”

50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.

51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[a] ibig kong muling makakita.”

52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001