Book of Common Prayer
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon mula sa kalangitan,
purihin siya sa mga kaitaasan.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat niyang mga anghel,
purihin ninyo siya, kayong lahat niyang hukbo!
3 Purihin ninyo siya, araw at buwan;
purihin ninyo siya, kayong lahat na mga bituing maningning,
4 Purihin ninyo siya, kayong mga langit ng mga langit,
at ninyong mga tubig na nasa itaas ng mga langit.
5 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat siya'y nag-utos, at sila'y nalikha.
6 At kanyang itinatag sila magpakailanpaman,
siya'y gumawa ng pasiya na hindi mapapawi.
7 Mula sa lupa ang Panginoon ay purihin,
ninyong mga dambuhala sa dagat, at lahat ng mga malalim,
8 apoy at yelo, niyebe at hamog,
maunos na hangin na gumaganap ng kanyang salita!
9 Mga bundok at lahat ng mga burol,
mga punong nagbubunga at lahat ng mga sedro!
10 Mga hayop at lahat ng kawan.
mga bagay na gumagapang at mga ibong nagliliparan!
11 Mga hari sa lupa at lahat ng sambayanan,
mga pinuno at lahat ng mga hukom sa sanlibutan!
12 Mga binata at gayundin ang mga dalaga;
ang matatanda at mga bata!
13 Ang pangalan ng Panginoon ay purihin nila,
sapagkat tanging ang kanyang pangalan ang dakila;
nasa itaas ng lupa at mga langit ang kaluwalhatian niya.
14 Nagtaas siya ng sungay para sa kanyang bayan,
ng papuri para sa lahat ng kanyang mga banal,
para sa mga anak ni Israel na malapit sa kanya.
Purihin ang Panginoon!
149 Purihin ang Panginoon!
Awitan ninyo ang Panginoon ng isang bagong awit,
ng papuri sa kanya sa kapulungan ng mga tapat!
2 Magalak nawa ang Israel sa kanyang Lumikha,
ang mga anak ng Zion sa kanilang Hari nawa'y matuwa!
3 Purihin nila ng may pagsasayaw ang pangalan niya,
na umaawit sa kanya na may pandereta at lira!
4 Sapagkat ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang bayan;
kanyang pagagandahin ng kaligtasan ang mga nahihirapan.
5 Magsaya nawa ang mga tapat sa kaluwalhatian;
umawit nawa sila sa kagalakan sa kanilang mga higaan.
6 Malagay nawa ang mataas na papuri sa Diyos sa kanilang lalamunan,
at ang tabak na may dalawang talim sa kanilang kamay;
7 upang maggawad ng paghihiganti sa mga bansa,
at ng kaparusahan sa mga bayan,
8 upang gapusin sa mga tanikala ang kanilang mga hari,
at ang kanilang mga maharlika ng mga bakal na panali,
9 upang sa kanila'y ilapat ang hatol na nasusulat!
Ito ay kaluwalhatian para sa lahat niyang mga tapat!
Purihin ang Panginoon!
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Diyos sa kanyang santuwaryo;
purihin siya sa kanyang makapangyarihang kalawakan!
2 Purihin siya dahil sa kanyang mga makapangyarihang gawa;
purihin siya ayon sa kanyang kadakilaang pambihira!
3 Purihin siya sa tunog ng trumpeta;
purihin siya sa salterio at alpa!
4 Purihin siya sa mga tamburin at sayaw;
purihin siya sa mga panugtog na may kuwerdas!
5 Purihin siya ng mga matunog na pompiyang!
Purihin siya sa mga pompiyang na maiingay!
6 Lahat ng bagay na may hininga ay magpuri sa Panginoon!
Purihin ang Panginoon!
114 Nang(A) lumabas ang Israel at sa Ehipto ay nagmula,
ang sambahayan ni Jacob mula sa bayang may kakaibang wika,
2 ang Juda ay naging kanyang santuwaryo,
ang Israel ay kanyang sakop.
3 Ang(B) dagat ay tumingin at tumakas,
ang Jordan ay umatras.
4 Ang mga bundok ay nagsiluksong mga tupang lalaki ang kagaya,
ang mga burol na parang mga batang tupa.
5 Anong karamdaman mo, O dagat, upang tumakas ka?
O Jordan, upang umurong ka?
6 O mga bundok, na kayo'y nagsisiluksong mga tupang lalaki ang kagaya?
O mga burol, na parang mga batang tupa?
7 Mayanig ka, O lupa, sa harapan ng Panginoon,
sa harapan ng Diyos ni Jacob;
8 na(C) ginawang tipunan ng tubig ang malaking bato,
na bukal ng tubig ang hasaang bato.
Ang Isang Tunay na Diyos
115 Huwag sa amin, O Panginoon, huwag sa amin, kundi sa iyong pangalan ay ibigay ang karangalan,
dahil sa iyong tapat na pag-ibig, at dahil sa iyong katapatan!
2 Bakit sasabihin ng mga bansa,
“Nasaan ngayon ang kanilang Diyos?”
3 Ang aming Diyos ay nasa mga langit,
kanyang ginagawa ang anumang kanyang kagustuhan.
4 Ang(D) kanilang mga diyus-diyosan ay pilak at ginto,
gawa ng mga kamay ng mga tao.
5 Sila'y may mga bibig, ngunit hindi nagsasalita;
may mga mata, ngunit hindi sila nakakakita.
6 Sila'y may mga tainga, ngunit hindi sila nakakarinig;
may mga ilong, ngunit hindi sila nakakaamoy.
7 Mayroon silang mga kamay, ngunit hindi sila nakakadama,
may mga paa, ngunit hindi nakakalakad,
at hindi gumagawa ng tunog sa kanilang lalamunan.
8 Ang mga gumawa sa kanila ay kagaya nila;
gayundin ang lahat ng nagtitiwala sa kanila.
9 O Israel, sa Panginoon ay magtiwala ka!
Kanilang saklolo at kanilang kalasag siya.
10 O sambahayan ni Aaron, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
11 Kayong natatakot sa Panginoon, sa Panginoon ay magtiwala kayo!
Siya ang kanilang kalasag at saklolo.
12 Inalaala tayo ng Panginoon; tayo'y kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Israel ay kanyang pagpapalain;
ang sambahayan ni Aaron ay kanyang pagpapalain;
13 pagpapalain(E) niya ang mga natatakot sa Panginoon,
ang mababa kasama ang dakila.
14 Paramihin nawa kayo ng Panginoon,
kayo at ang inyong mga anak!
15 Pagpalain nawa kayo ng Panginoon,
siya na gumawa ng langit at lupa!
16 Ang mga langit ay mga langit ng Panginoon;
ngunit ang lupa ay kanyang ibinigay sa mga anak ng mga tao.
17 Ang patay ay hindi pumupuri sa Panginoon,
ni sinumang bumababa sa katahimikan.
18 Ngunit aming pupurihin ang Panginoon
mula sa panahong ito hanggang sa walang hanggan.
Purihin ang Panginoon!
Ang Dakilang Utos
6 “Ngayon, ito ang utos, mga tuntunin, at mga batas, na iniutos sa akin ng Panginoon ninyong Diyos na ituro sa inyo, upang inyong magawa ang mga ito sa lupaing inyong paroroonan upang angkinin,
2 upang ikaw ay matakot sa Panginoon mong Diyos, na iyong ingatan ang lahat niyang mga tuntunin at ang kanyang mga utos na aking iniutos sa iyo, at sa iyong anak, at sa anak ng iyong anak sa lahat ng araw ng iyong buhay; at upang ang iyong mga araw ay humaba.
3 Kaya't pakinggan mo, O Israel, at iyong gawin upang ang lahat ay maging mabuti sa iyo, at upang kayo'y lalo pang dumami, na gaya ng ipinangako sa iyo ng Panginoon, ng Diyos ng iyong mga ninuno, sa lupaing dinadaluyan ng gatas at pulot.
4 “Pakinggan(A) mo, O Israel: ang Panginoon nating Diyos ay iisang Panginoon;[a]
5 at(B) iibigin mo ang Panginoon mong Diyos ng iyong buong puso, at ng iyong buong kaluluwa, at ng iyong buong lakas.
6 Ang(C) mga salitang ito na aking iniuutos sa iyo sa araw na ito ay ilalagay mo sa iyong puso;
7 at iyong ituturo nang buong sikap sa iyong mga anak, at iyong sasabihin sa kanila kapag ikaw ay nakaupo sa iyong bahay, kapag ikaw ay lumalakad sa daan, at kapag ikaw ay nahihiga, at kapag ikaw ay bumabangon.
8 At iyong itatali ang mga ito bilang tanda sa iyong kamay at bilang panali sa iyong noo.
9 At iyong isusulat ang mga ito sa pintuan ng iyong bahay at sa mga pasukan ng inyong mga bayan.
18 Sapagkat(A) hindi pa kayo lumapit sa bundok na nahihipo, sa apoy na nagliliyab, sa kadiliman, sa kapanglawan, at sa unos,
19 sa tunog ng trumpeta, at sa tunog ng mga salita na ang nakarinig ay nakiusap na huwag nang magsalita pa sa kanila ng anuman.
20 Sapagkat(B) hindi nila matiis ang iniuutos na, “Maging isang hayop man ang tumuntong sa bundok ay pagbababatuhin.”
21 At(C) kakilakilabot ang nakikita kaya't sinabi ni Moises, “Ako'y natatakot at nanginginig.”
22 Subalit kayo'y lumapit sa Bundok ng Zion, at sa lunsod ng Diyos na buháy, sa makalangit na Jerusalem, at sa mga di-mabilang na mga anghel, sa isang masayang pagtitipon,
23 at sa kapulungan ng mga panganay na nakatala sa langit, at sa Diyos na Hukom ng lahat, at sa mga espiritu ng mga matuwid na pinasakdal,
24 at(D) kay Jesus na tagapamagitan ng bagong tipan, at sa dugong iwinisik na nagsasalita ng lalong mabuti kaysa dugo ni Abel.
25 Pag-ingatan(E) ninyong huwag itakuwil ang nagsasalita; sapagkat kung hindi nakatakas ang mga nagtakuwil sa nagbabala sa kanila sa lupa, lalo pa tayo kung tatalikuran natin ang nagbabala buhat sa langit!
26 Sa(F) pagkakataong iyon niyanig ng kanyang tinig ang lupa. Subalit ngayo'y nangako siya na sinasabi, “Minsan pang yayanigin ko, hindi lamang ang lupa, kundi pati ang langit.”
27 Ngayon ang salitang, “Minsan pa,” ay nagpapahiwatig ng pag-aalis ng mga bagay na niyanig, gaya ng mga bagay na ginawa, upang manatili ang mga bagay na hindi nayayanig.
28 Kaya't yamang tinanggap natin ang isang kahariang hindi mayayanig, magkaroon tayo ng biyaya na sa pamamagitan nito ay makapaghahandog tayo sa Diyos ng kalugud-lugod na paglilingkod, na may paggalang at takot,
29 sapagkat(G) ang Diyos natin ay isang apoy na tumutupok.
24 Katotohanang sinasabi ko sa inyo, maliban na ang butil ng trigo ay mahulog sa lupa at mamatay, ito ay mananatiling nag-iisa. Ngunit kung ito'y mamatay, ay nagbubunga ng marami.
25 Ang(A) umiibig sa kanyang buhay ay mawawalan nito, at ang napopoot sa kanyang buhay sa sanlibutang ito ay maiingatan ito para sa buhay na walang hanggan.
26 Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin ay dapat sumunod sa akin, at kung saan ako naroroon, ay naroroon din ang lingkod ko. Kung ang sinuman ay maglilingkod sa akin, siya'y pararangalan ng Ama.
Nagsalita si Jesus tungkol sa Kanyang Kamatayan
27 “Ngayon ay nababagabag ang aking kaluluwa. At ano ang aking sasabihin? ‘Ama, iligtas mo ako sa oras na ito?’ Ngunit dahil dito ay dumating ako sa oras na ito.
28 Ama, luwalhatiin mo ang iyong pangalan.” At dumating ang isang tinig mula sa langit, “Niluwalhati ko na, at muli kong luluwalhatiin.”
29 Narinig ito ng maraming taong nakatayo roon at sinabi nilang kumulog. Sinabi naman ng iba na, “Isang anghel ang nakipag-usap sa kanya.”
30 Sumagot si Jesus, “Ang tinig na ito'y dumating para sa inyo, hindi para sa akin.
31 Ngayon ang paghatol sa sanlibutang ito. Ngayon ang pinuno ng sanlibutang ito ay palalayasin.
32 At ako, kapag ako'y itinaas na mula sa lupa, ang lahat ng mga tao ay papalapitin ko sa aking sarili.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001