Book of Common Prayer
Sa Punong Mang-aawit. Salmo ni David. Isang Awit.
68 Bumangon nawa ang Diyos, mangalat nawa ang mga kaaway niya;
tumakas nawa sa harapan niya ang mga napopoot sa kanya!
2 Kung paanong itinataboy ang usok, ay gayon mo sila itaboy;
kung paanong natutunaw ang pagkit sa harap ng apoy,
gayon nawa mamatay ang masama sa harapan ng Diyos.
3 Ngunit matuwa nawa ang matuwid;
magalak nawa sila sa harapan ng Diyos;
oo, magalak nawa sila sa kasayahan!
4 Kayo'y magsiawit sa Diyos, umawit ng mga papuri sa kanyang pangalan;
magtaas ng isang awit sa kanya, siya na nangangabayo sa mga ilang;
Panginoon ang kanyang pangalan,
magalak kayo sa kanyang harapan.
5 Ama ng mga ulila, at tagapagtanggol ng mga babaing balo,
ang Diyos na sa kanyang banal na tirahan.
6 Ang nag-iisa ay binibigyan ng Diyos ng tahanan,
kanyang inaakay ang mga bilanggo sa kasaganaan,
ngunit ang mga mapaghimagsik sa tigang na lupa ay naninirahan.
7 O Diyos, nang humayo ka sa harapan ng iyong bayan,
nang lumakad ka sa ilang, (Selah)
8 ang(A) lupa ay nayanig,
ang kalangitan ay nagbuhos ng ulan sa harapan ng Diyos;
ang Sinai ay nayanig sa harapan ng Diyos, ang Diyos ng Israel.
9 Ikaw, O Diyos, ay nagbigay ng saganang ulan,
iyong pinalakas ang iyong mana, nang ito'y manghina.
10 Ang iyong kawan doon ay nakatagpo ng tirahan,
sa iyong kabutihan, O Diyos, ikaw ay nagkaloob para sa nangangailangan.
11 Ang Panginoon ang nagbibigay ng utos;
malaki ang hukbo ng mga babaing naghahayag ng balita:
12 “Ang mga hari ng mga hukbo, tumatakas sila, tumatakas sila!”
Pinaghatian ang samsam ng mga babaing nasa tahanan,
13 kapag kayo'y humiga sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan,
kayo ay parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak,
ang kanyang balahibo ay gintong kumikinang.
14 Nang ikalat ng Makapangyarihan ang mga hari roon,
ang niyebe ay bumagsak sa Zalmon.
15 Bundok ng Diyos ay bundok ng Basan;
bundok na maraming taluktok ay ang bundok ng Basan!
16 Bakit kayo'y nakatinging may pagkainggit, kayong mga bundok na maraming taluktok,
sa bundok na ninais ng Diyos para sa kanyang tahanan,
oo, doon titira ang Panginoon magpakailanman.
17 Ang mga karo ng Diyos ay dalawampung libo,
samakatuwid ay libu-libo.
Ang Panginoon ay dumating mula sa Sinai patungo sa banal na lugar.
18 Sumampa(B) ka sa mataas,
pinatnubayan mo ang iyong bihag sa pagkabihag;
tumanggap ka ng mga kaloob sa gitna ng mga tao,
oo, pati sa mga mapanghimagsik, upang makatahang kasama nila ang Panginoong Diyos.
19 Purihin ang Panginoon
na nagpapasan araw-araw ng aming pasan,
samakatuwid baga'y ang Diyos na siyang aming kaligtasan. (Selah)
20 Ang Diyos sa amin ay Diyos ng kaligtasan;
at sa Diyos, na Panginoon, sa kanya ang pagtakas mula sa kamatayan.
21 Ngunit babasagin ng Diyos ang mga ulo ng kanyang mga kaaway,
ang mabuhok na ulo ng lumalakad sa kanyang makasalanang mga daan.
22 Sinabi ng Panginoon,
“Ibabalik ko sila mula sa Basan,
ibabalik ko sila mula sa mga kalaliman ng karagatan,
23 upang sa dugo, ang mga paa mo'y iyong mapaliguan,
upang ang dila ng iyong mga aso ay magkaroon ng bahagi mula sa iyong mga kaaway.”
24 Nakita nila ang iyong mga lakad, O Diyos,
ang mga paglakad ng aking Diyos, ng Hari ko, patungo sa santuwaryo—
25 ang mga mang-aawit ay nasa unahan, ang mga manunugtog ay nasa hulihan,
sa pagitan nila ay ang tumutugtog ng mga pandereta na mga kadalagahan:
26 “Purihin ninyo ang Diyos sa malaking kapulungan,
ang Panginoon, kayong mga mula sa bukal ng Israel!”
27 Naroon si Benjamin, ang pinakamaliit sa kanila, na siyang nangunguna,
ang mga pinuno ng Juda at ang kanilang pangkat,
ang mga pinuno ng Zebulon, ang mga pinuno ng Neftali.
28 Utusan mo, O Diyos, ang iyong kalakasan,
ipakita mong malakas ang iyong sarili, O Diyos, tulad ng ginawa mo para sa amin.
29 Dahil sa iyong templo sa Jerusalem
ang mga hari ay nagdadala ng mga handog sa iyo.
30 Sawayin mo ang maiilap na hayop na sa mga tambo naninirahan,
ang kawan ng mga toro na kasama ng mga guya ng mga bayan.
Yapakan mo sa ilalim ng paa ang mga piraso ng pilak,
pangalatin mo ang mga taong sa digmaan ay natutuwa.
31 Mga sugo ay lalabas mula sa Ehipto;
magmamadali nawa ang Etiopia na iabot sa Diyos ang mga kamay nito.
32 Magsiawit kayo sa Diyos, mga kaharian sa lupa;
magsiawit kayo ng mga papuri sa Panginoon, (Selah)
33 sa kanya na sumasakay sa langit ng mga langit, na mula pa nang una,
narito, binibigkas niya ang kanyang tinig, ang kanyang makapangyarihang tinig.
34 Iukol ninyo sa Diyos ang kalakasan,
na nasa Israel ang kanyang kadakilaan,
at nasa mga langit ang kanyang kalakasan.
35 O Diyos, ikaw ay kakilakilabot mula sa iyong santuwaryo,
ang Diyos ng Israel,
nagbibigay siya ng kapangyarihan at lakas sa kanyang bayan.
Purihin ang Diyos!
Awit ni Solomon.
72 Ibigay mo, O Diyos, sa hari ang iyong mga katarungan,
at sa anak ng hari, ang iyong katuwiran.
2 Nawa'y hatulan niya na may katuwiran ang iyong bayan,
at ang iyong dukha ng may katarungan!
3 Ang mga bundok nawa'y magtaglay ng kasaganaan para sa bayan,
at ang mga burol, sa katuwiran!
4 Kanya nawang ipagtanggol ang dukha ng bayan,
magbigay ng kaligtasan sa mga nangangailangan,
at ang mapang-api ay kanyang durugin!
5 Sila nawa'y matakot sa iyo habang ang araw ay nananatili,
at kasintagal ng buwan, sa buong panahon ng mga salinlahi!
6 Siya nawa'y maging gaya ng ulan na bumabagsak sa damong tinabas,
gaya ng ambon na dumidilig sa lupa.
7 Sa kanyang mga araw nawa'y lumaganap ang matuwid,
at ang kapayapaan ay sumagana, hanggang sa mawala ang buwan.
8 Magkaroon(A) nawa siya ng kapangyarihan mula sa dagat hanggang sa kabilang dagat,
at mula sa Ilog hanggang sa mga dulo ng lupa!
9 Ang mga naninirahan sa ilang nawa sa kanya ay magsiyukod,
at himuran ng kanyang mga kaaway ang alabok!
10 Ang mga hari nawa ng Tarsis at ng mga pulo
ay magdala sa kanya ng mga kaloob;
ang mga hari nawa sa Sheba at Seba
ay magdala ng mga kaloob!
11 Lahat nawa ng mga hari ay magsiyukod sa harap niya,
lahat ng mga bansa ay maglingkod sa kanya!
12 Sapagkat kanyang inililigtas ang nangangailangan kapag ito'y nananawagan,
ang dukha at ang taong walang kadamay.
13 Siya'y maaawa sa mahina at nangangailangan,
at ililigtas ang buhay ng mga nangangailangan.
14 Sa panggigipit at karahasan, buhay nila'y kanyang tutubusin;
at magiging mahalaga ang kanilang dugo sa kanyang paningin.
15 Mabuhay nawa siya nang matagal,
at ang ginto ng Sheba sa kanya nawa'y ibigay!
Ipanalangin nawa siyang palagian,
at hingin ang mga pagpapala para sa kanya sa buong araw!
16 Magkaroon nawa ng saganang trigo sa lupa;
sa mga tuktok ng mga bundok ito nawa'y umalon;
ang bunga nawa niyon ay wawagayway gaya ng Lebanon;
at silang mga nasa lunsod nawa ay sumagana,
gaya ng damo sa lupa.
17 Ang kanyang pangalan nawa ay manatili kailanman;
ang kanyang pangalan nawa ay maging bantog hanggang ang araw ay sumikat!
Ang mga tao nawa ay pagpalain sa pamamagitan niya,
at tawagin siyang mapalad ng lahat ng mga bansa.
18 Purihin ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
na siya lamang ang gumagawa ng mga bagay na kahanga-hanga.
19 Purihin ang kanyang maluwalhating pangalan magpakailanman;
mapuno nawa ang buong lupa ng kanyang kaluwalhatian.
Amen at Amen.
20 Ang mga panalangin ni David, na anak ni Jesse ay dito natapos.
Ang Tinig ng Panginoon
9 Siya'y pumasok doon sa isang yungib, at nanirahan roon. Ang salita ng Panginoon ay dumating sa kanya, at sinabi niya sa kanya, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
10 Sinabi(A) niya, “Ako'y naging napakamapanibughuin para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang, ang naiwan; at kanilang tinutugis ang aking buhay, upang patayin ito.”
11 Kanyang sinabi, “Humayo ka, at tumayo ka sa ibabaw ng bundok sa harap ng Panginoon.” At ang Panginoon ay nagdaan at biniyak ang mga bundok ng isang malaki at malakas na hangin, at pinagputul-putol ang mga bato sa harap ng Panginoon, ngunit ang Panginoon ay wala sa hangin. At pagkatapos ng hangin ay isang lindol, ngunit ang Panginoon ay wala sa lindol:
12 Pagkatapos ng lindol ay apoy, ngunit ang Panginoon ay wala sa apoy: at pagkatapos ng apoy ay isang banayad at munting tinig.
13 Nang marinig iyon ni Elias, binalot niya ang kanyang mukha ng kanyang balabal, at lumabas, at tumayo sa pasukan ng yungib. Dumating ang isang tinig sa kanya, at nagsabi, “Anong ginagawa mo rito, Elias?”
14 At kanyang sinabi, “Ako'y tunay na nanibugho para sa Panginoon, sa Diyos ng mga hukbo; sapagkat pinabayaan ng mga anak ni Israel ang iyong tipan, ibinagsak ang iyong mga dambana, at pinatay ng tabak ang iyong mga propeta. At ako, ako lamang ang naiwan, at kanilang tinutugis ang buhay ko, upang patayin ito.”
15 Sinabi(B) ng Panginoon sa kanya, “Humayo ka, bumalik ka sa iyong dinaanan sa ilang ng Damasco. Pagdating mo, buhusan mo ng langis si Hazael upang maging hari sa Siria.
16 Si(C) Jehu na anak ni Nimsi ay iyong buhusan ng langis upang maging hari sa Israel; at si Eliseo na anak ni Shafat sa Abel-mehola ay iyong buhusan ng langis upang maging propeta na kapalit mo.
17 Ang makakatakas sa tabak ni Hazael ay papatayin ni Jehu, at ang makatakas sa tabak ni Jehu ay papatayin ni Eliseo.
18 Gayunma'y(D) mag-iiwan ako ng pitong libo sa Israel, lahat ng tuhod na hindi pa lumuhod kay Baal, at bawat bibig na hindi pa humalik sa kanya.”
Ang Bagong Buhay kay Cristo
17 Kaya't sinasabi ko ito at pinatototohanan sa Panginoon, na kayo'y hindi na dapat lumakad na gaya ng lakad ng mga Hentil, sa kawalang-saysay ng kanilang mga pag-iisip.
18 Nagdilim ang kanilang mga pang-unawa, palibhasa'y nahiwalay sa buhay ng Diyos, dahil sa kanilang kamangmangan, dahil sa katigasan ng kanilang mga puso;
19 sila'y naging manhid at ibinigay ang kanilang sarili sa kahalayan, sakim sa paggawa ng bawat uri ng karumihan.
20 Ngunit hindi sa gayong paraan ninyo natutunan si Cristo!
21 Kung tunay na siya'y inyong narinig at tinuruan sa kanya, kung paanong ang katotohanan ay na kay Jesus,
22 alisin(A) ninyo ang dating paraan ng inyong pamumuhay, ang dating pagkatao na pinasama sa pamamagitan ng mapandayang pagnanasa,
23 at magbago sa espiritu ng inyong pag-iisip,
24 at(B) kayo'y magbihis ng bagong pagkatao, na nilalang ayon sa wangis ng Diyos, sa katuwiran at kabanalan ng katotohanan.
25 Kaya't(C) pagkatapos itakuwil ang kasinungalingan, ang bawat isa ay magsalita ng katotohanan sa kanyang kapwa, sapagkat tayo'y mga bahagi ng isa't isa.
26 Magalit(D) kayo ngunit huwag magkasala; huwag hayaang lubugan ng araw ang inyong galit,
27 at huwag bigyan ng pagkakataon ang diyablo.
28 Ang nagnanakaw ay huwag nang magnakaw pa, kundi magtrabaho at gumawa siya sa pamamagitan ng kanyang sariling mga kamay ng mabuting bagay, upang siya'y may maibahagi sa nangangailangan.
29 Anumang masamang salita ay hindi dapat lumabas sa inyong bibig, kundi ang mabuti lamang para sa ikatitibay,[a] ayon sa pangangailangan, upang ito ay makapagbigay ng biyaya sa mga nakikinig.
30 At huwag ninyong pighatiin ang Espiritu Santo ng Diyos, na sa pamamagitan niya kayo'y tinatakan para sa araw ng pagtubos.
31 Lahat ng pait, galit, poot, pag-aaway, at paninirang-puri ay inyong alisin, pati lahat ng kasamaan,
32 at(E) maging mabait kayo sa isa't isa, mga mahabagin, nagpapatawad sa isa't isa, gaya ng pagpapatawad sa inyo ng Diyos kay Cristo.
15 Nang mahalata ni Jesus na sila'y lalapit at pipilitin siyang gawing hari, siya'y muling umalis na nag-iisa patungo sa bundok.
Lumakad si Jesus sa Ibabaw ng Tubig(A)
16 Pagsapit ng gabi, lumusong ang kanyang mga alagad sa dagat.
17 Sumakay sila sa isang bangka at pinasimulan nilang tawirin ang dagat hanggang sa Capernaum. Madilim na noon at hindi pa dumarating sa kanila si Jesus.
18 Lumalaki ang mga alon sa dagat dahil sa malakas na hanging humihihip.
19 Nang sila'y makasagwan na ng may lima hanggang anim na kilometro[a] ay kanilang nakita si Jesus na lumalakad sa ibabaw ng dagat at papalapit sa bangka. Sila'y natakot,
20 subalit sinabi niya sa kanila, “Ako ito; huwag kayong matakot.”
21 Kaya't malugod siyang tinanggap nila sa bangka at kaagad na dumating ang bangka sa lupang kanilang patutunguhan.
Hinanap ng mga Tao si Jesus
22 Kinabukasan ay nakita ng mga taong nakatayo sa kabilang pampang ng dagat na doo'y walang ibang bangka maliban sa isa. Nakita rin nila na hindi sumakay sa bangka si Jesus na kasama ng kanyang mga alagad, kundi ang kanyang mga alagad lamang ang umalis.
23 Gayunman, may mga bangkang dumating mula sa Tiberias malapit sa pook na kanilang kinainan ng tinapay, pagkatapos na makapagpasalamat ang Panginoon.
24 Nang makita ng mga tao na wala roon si Jesus, o ang kanyang mga alagad man, sumakay sila sa mga bangka at dumating sa Capernaum na hinahanap si Jesus.
Si Jesus ang Tinapay ng Buhay
25 Nang siya'y kanilang makita sa kabilang pampang ng dagat, kanilang sinabi sa kanya, “Rabi, kailan ka dumating dito?”
26 Sinagot sila ni Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa inyo, ako'y inyong hinahanap hindi dahil sa nakakita kayo ng mga tanda, kundi dahil sa kayo'y kumain ng tinapay, at kayo'y nabusog.
27 Huwag kayong magsumikap nang dahil sa pagkaing nasisira, kundi dahil sa pagkaing tumatagal para sa buhay na walang hanggan na ibibigay sa inyo ng Anak ng Tao, sapagkat sa kanya inilagay ng Diyos Ama ang kanyang tatak.”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001