Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 121-123

Awit ng Pag-akyat.

121 Ang aking mga mata sa burol ay aking ititingin,
    ang akin bang saklolo ay saan manggagaling?
Ang saklolo sa akin ay buhat sa Panginoon,
    na siyang gumawa ng langit at lupa.

Hindi niya papahintulutang ang paa mo'y madulas;
    siyang nag-iingat sa iyo ay hindi matutulog.
Siyang nag-iingat ng Israel
    ay hindi iidlip ni matutulog man.

Ang Panginoon ay iyong tagapag-ingat;
    ang Panginoon ay lilim mo sa iyong kanan.
Hindi ka sasaktan ng araw kapag araw,
    ni ng buwan man kapag gabi.

Iingatan ka ng Panginoon sa lahat ng kasamaan;
    kanyang iingatan ang iyong kaluluwa.
Ang iyong paglabas at ang iyong pagpasok ay kanyang iingatan,
    mula sa panahong ito at magpakailanpaman.

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

122 Ako'y natuwa nang kanilang sabihin sa akin,
    “Tayo na sa bahay ng Panginoon!”
Ang mga paa natin ay nakatayo
    sa loob ng iyong mga pintuan, O Jerusalem;

Jerusalem, na natayo
    na parang lunsod na siksikan;
na inaahon ng mga lipi,
    ng mga lipi ng Panginoon,
gaya ng iniutos para sa Israel,
    upang magpasalamat sa pangalan ng Panginoon.
Doo'y inilagay ang mga trono para sa paghatol,
    ang mga trono ng sambahayan ni David.

Idalangin ninyo ang sa Jerusalem na kapayapaan!
    “Guminhawa nawa silang sa iyo ay nagmamahal!
Magkaroon nawa sa loob ng inyong mga pader ng kapayapaan,
    at sa loob ng iyong mga tore ay katiwasayan!”
Alang-alang sa aking mga kapatid at mga kaibigan,
    aking sasabihin, “Sumainyo ang kapayapaan.”
Alang-alang sa bahay ng Panginoon nating Diyos,
    hahanapin ko ang iyong ikabubuti.

Awit ng Pag-akyat.

123 Sa iyo'y aking itinitingin ang mga mata ko,
    O ikaw na sa kalangitan ay nakaupo sa trono!
Gaya ng mga mata ng mga alipin
    na nakatingin sa kamay ng kanilang panginoon,
gaya ng mga mata ng alilang babae
    na nakatingin sa kamay ng kanyang panginoong babae,
gayon tumitingin ang aming mga mata sa Panginoon naming Diyos,
    hanggang sa siya'y maawa sa amin.

Maawa ka sa amin, O Panginoon, maawa ka sa amin,
    sapagkat labis-labis na ang paghamak sa amin.
Ang aming kaluluwa'y lubos na napupuno
    ng paglibak ng mga nasa kaginhawahan,
    ng paghamak ng palalo.

Mga Awit 131-132

Awit ng Pag-akyat. Mula kay David.

131 Panginoon, hindi hambog ang aking puso,
    ni mayabang man ang mata ko;
ni nagpapaka-abala sa mga bagay na lubhang napakadakila,
    o sa mga bagay na para sa akin ay lubhang kamangha-mangha.
Tunay na aking pinayapa at pinatahimik ang aking kaluluwa;
    gaya ng batang inihiwalay sa dibdib ng kanyang ina,
    gaya ng batang inihiwalay ang aking kaluluwa sa loob ko.

O Israel, umasa ka sa Panginoon
    mula ngayon at sa walang hanggang panahon.

Awit ng Pag-akyat.

132 Panginoon, alalahanin mo para kay David
    ang lahat ng kanyang kahirapan,
kung paanong sumumpa siya sa Panginoon,
    at nangako sa Makapangyarihan ni Jacob,
“Hindi ako papasok sa aking bahay,
    ni hihiga sa aking higaan,
Mga mata ko'y hindi ko patutulugin,
    ni mga talukap ng mata ko'y paiidlipin,
hanggang sa ako'y makatagpo ng lugar para sa Panginoon,
    isang tirahang pook para sa Makapangyarihang Diyos ni Jacob.”
Narinig(A) namin ito sa Efrata,
    natagpuan namin ito sa mga parang ng Jaar.
“Tayo na sa kanyang lugar na tirahan;
    sumamba tayo sa kanyang paanan!”

Bumangon ka, O Panginoon, at pumunta ka sa iyong dakong pahingahan,
    ikaw at ang kaban ng iyong kalakasan.
Ang iyong mga pari ay magsipagbihis ng katuwiran,
    at sumigaw sa kagalakan ang iyong mga banal.
10 Alang-alang kay David na iyong lingkod,
    mukha ng iyong binuhusan ng langis ay huwag mong italikod.

11 Ang(B) Panginoon ay sumumpa kay David ng isang katotohanan
    na hindi niya tatalikuran:
“Ang bunga ng iyong katawan
    ay aking ilalagay sa iyong luklukan.
12 Kung iingatan ng iyong mga anak ang aking tipan
    at ang aking patotoo na aking ituturo sa kanila,
    magsisiupo rin ang mga anak nila sa iyong trono magpakailanman.”

13 Sapagkat pinili ng Panginoon ang Zion;
    kanya itong ninasa para sa kanyang tirahan.
14 “Ito'y aking pahingahang dako magpakailanman;
    sapagkat ito'y aking ninasa, dito ako tatahan.
15 Ang kanyang pagkain ay pagpapalain ko ng sagana;
    aking bubusugin ng tinapay ang kanyang dukha.
16 Ang kanyang mga pari ay daramtan ko ng kaligtasan,
    at ang kanyang mga banal ay sisigaw ng malakas sa kagalakan.
17 Doo'y(C) magpapasibol ako ng sungay para kay David,
    aking ipinaghanda ng ilawan ang aking binuhusan ng langis.
18 Ang kanyang mga kaaway ay daramtan ko ng kahihiyan,
    ngunit ang kanyang korona ay magbibigay ng kaningningan.”

Isaias 45:14-19

Ang Panginoon Lamang ang Tagapagligtas

14 Ganito ang sabi ng Panginoon:

“Ang yari ng Ehipto at ang kalakal ng Etiopia,
    at ang mga Sabeo, mga taong matatangkad,
ay paparito sa iyo, at sila'y magiging iyo;
    sila'y susunod sa iyo.
    Sila'y darating na may tanikala at sila'y magpapatirapa sa iyo.
Sila'y makikiusap sa iyo, na nagsasabi,
    ‘Tunay na ang Diyos lamang ang nasa iyo, at walang iba,
    walang ibang Diyos.’”
15 Katotohanang ikaw ay Diyos na nagkukubli,
    O Diyos ng Israel, ang Tagapagligtas.
16 Silang lahat ay napahiya at nalito,
    ang mga manggagawa ng mga diyus-diyosan ay magkakasamang nalilito.
17 Ngunit ang Israel ay ililigtas ng Panginoon
    ng walang hanggang kaligtasan;
kayo'y hindi mapapahiya o malilito man
    hanggang sa walang hanggan.

18 Sapagkat ganito ang sabi ng Panginoon
na lumikha ng langit
    (siya ay Diyos!),
na nag-anyo ng lupa at gumawa niyon,
    (na kanyang itinatag;
hindi niya ito nilikha na sira,
    ito ay kanyang inanyuan upang tirhan!):
“Ako ang Panginoon, at wala nang iba.
19 Ako'y hindi nagsalita ng lihim,
    sa dako ng lupain ng kadiliman;
hindi ko sinabi sa lahi ni Jacob,
    ‘Hanapin ninyo ako nang walang kabuluhan.’
Akong Panginoon ay nagsasalita ng katuwiran,
    ako'y nagpapahayag ng mga bagay na matuwid.

Colosas 1:24-2:7

Pagmamalasakit ni Pablo sa Iglesya

24 Ngayo'y nagagalak ako sa aking mga pagtitiis alang-alang sa inyo, at sa aking laman ay pinupunan ko ang kakulangan sa mga paghihirap ni Cristo alang-alang sa kanyang katawan, na siyang iglesya.

25 Ako'y naging ministro nito, ayon sa katungkulang ipinagkatiwala ng Diyos sa akin para sa inyo, upang lubos na maipahayag ang salita ng Diyos,

26 ang hiwaga na nakatago sa lahat ng mga panahon at mga salinlahi, ngunit ngayo'y ipinahayag sa kanyang mga banal.

27 Sa kanila'y ninais ng Diyos na ipaalam kung gaano kalaki ang mga kayamanan ng kaluwalhatian ng hiwagang ito sa gitna ng mga Hentil, na ito'y si Cristo na nasa inyo, na siyang pag-asa sa kaluwalhatian.

28 Siya ang aming ipinahahayag, na binabalaan ang bawat tao at tinuturuan ang bawat tao, sa buong karunungan, upang ang lahat ay maiharap naming sakdal kay Cristo.

29 Dahil dito'y nagpapagal din naman ako at nagsisikap ayon sa kanyang paggawa na gumagawa sa akin na may kapangyarihan.

Sapagkat ibig kong malaman ninyo kung gaano kalaki ang aking pagsisikap alang-alang sa inyo, at sa mga nasa Laodicea, at sa lahat na hindi pa nakakita sa akin nang mukhaan.

Upang maaliw sana ang kanilang mga puso, sa kanilang pagkakaisa sa pag-ibig, at magkaroon ang lahat ng mga kayamanan ng buong katiyakan ng pagkaunawa, at magkaroon ng kaalaman ng hiwaga ng Diyos, na si Cristo,

na sa kanya nakatago ang lahat ng mga kayamanan ng karunungan at kaalaman.

Ito'y sinasabi ko upang huwag kayong madaya ng sinuman sa mga pananalitang kaakit-akit.

Sapagkat bagaman ako'y wala sa katawan, gayunma'y nasa inyo ako sa espiritu, at nagagalak na makita ko ang inyong kaayusan, at ang katatagan ng inyong pananampalataya kay Cristo.

Kapuspusan ng Buhay kay Cristo

Kaya't kung paanong tinanggap ninyo si Cristo Jesus na Panginoon, ay lumakad kayong gayon sa kanya,

na nakaugat at nakatayo sa kanya, at matibay sa pananampalataya, gaya ng itinuro sa inyo, na sumasagana sa pasasalamat.

Juan 8:12-19

Si Jesus na Ilaw ng Sanlibutan

12 Muling(A) nagsalita sa kanila si Jesus, “Ako ang ilaw ng sanlibutan. Ang sumusunod sa akin ay hindi kailanman lalakad sa kadiliman, kundi magkakaroon ng ilaw ng buhay.”

13 Sinabi(B) sa kanya ng mga Fariseo, “Nagpapatotoo ka tungkol sa iyong sarili; ang patotoo mo ay hindi totoo.”

14 Sumagot si Jesus, “Kung ako ma'y nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, ang aking patotoo ay totoo; sapagkat nalalaman ko kung saan ako nanggaling, at kung saan ako pupunta. Subalit hindi ninyo nalalaman kung saan ako nanggaling, o kung saan ako pupunta.

15 Humahatol kayo ayon sa laman; ako'y hindi humahatol sa kaninuman.

16 At kung ako'y humatol man, ang hatol ko'y totoo, sapagkat hindi ako nag-iisa, kundi ako at ang Ama na nagsugo sa akin.

17 Maging(C) sa inyong kautusan ay nasusulat na ang patotoo ng dalawang tao ay totoo.

18 Ako ang nagpapatotoo tungkol sa aking sarili, at ang Amang nagsugo sa akin ay nagpapatotoo tungkol sa akin.”

19 Kaya't sinabi nila sa kanya, “Nasaan ang iyong Ama?” Sumagot si Jesus, “Hindi nga ninyo ako kilala o ang aking Ama. Kung ako'y inyong kilala ay kilala rin sana ninyo ang aking Ama.”

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001