Book of Common Prayer
Awit ni David.
25 Sa iyo, Panginoon, itinataas ko ang aking kaluluwa.
2 O Diyos ko, sa iyo ako nagtitiwala,
huwag nawa akong mapahiya;
ang aking mga kaaway, sa akin ay huwag nawang magkatuwa.
3 Oo, huwag nawang mapahiya ang lahat ng sa iyo'y naghihintay,
mapahiya nawa ang mga gumagawa ng kataksilan nang walang dahilan.
4 Ipaalam mo sa akin ang iyong mga daan, O Panginoon;
ituro mo sa akin ang iyong mga landas.
5 Akayin mo ako sa iyong katotohanan, ako'y iyong turuan,
sapagkat ikaw ang Diyos ng aking kaligtasan;
sa iyo'y naghihintay ako nang buong araw.
6 Alalahanin mo, O Panginoon, ang iyong kahabagan, at ang iyong tapat na pag-ibig,
sapagkat ang mga iyon ay mula pa nang unang kapanahunan.
7 Huwag mong alalahanin ang mga kasalanan ng aking kabataan, ni ang aking mga pagsuway;
ayon sa iyong wagas na pag-ibig ay alalahanin mo ako,
O Panginoon, alang-alang sa iyong kabutihan!
8 Ang Panginoon ay mabuti at makatarungan,
kaya't tinuturuan niya ang mga makasalanan tungkol sa daan.
9 Pinapatnubayan niya ang mapagpakumbaba tungkol sa katuwiran,
at itinuturo sa mapagpakumbaba ang kanyang daan.
10 Lahat ng landas ng Panginoon ay wagas na pag-ibig at katapatan,
para sa mga nag-iingat ng kanyang mga patotoo at kanyang tipan.
11 Alang-alang sa iyong pangalan, O Panginoon,
ipagpatawad mo ang aking kasalanan, sapagkat ito ay malaking tunay.
12 Sino ang taong natatakot sa Panginoon?
Siya ang tuturuan niya sa daan na dapat niyang piliin.
13 Siya mismo ay mananahan sa kasaganaan,
at aangkinin ng kanyang mga anak ang lupain.
14 Ang pakikipagkaibigan ng Panginoon ay para sa mga natatakot sa kanya,
at ang kanyang tipan ay ipinaaalam niya sa kanila.
15 Palaging nasa Panginoon ang aking mga mata,
sapagkat mula sa lambat ay hihilahin niya ang aking mga paa.
16 Manumbalik ka sa akin, at ako'y kahabagan,
sapagkat ako'y nalulungkot at nahihirapan.
17 Kabagabagan ng aking puso ay iyong pawiin,
at sa aking kapanglawan ako ay hanguin.
18 Isaalang-alang mo ang aking kapighatian at kaguluhan,
at patawarin mo ang lahat kong mga kasalanan.
19 Isaalang-alang mo kung gaano karami ang aking mga kaaway,
at kung anong marahas na poot, ako'y kanilang kinamumuhian.
20 O bantayan mo ang aking buhay, at iligtas mo ako;
huwag nawa akong ipahiya, sapagkat nanganganlong ako sa iyo.
21 Nawa'y maingatan ako ng katapatan at katuwiran,
sapagkat sa iyo ako'y naghihintay.
22 Tubusin mo ang Israel, O Diyos,
mula sa lahat ng kanyang kabalisahan.
Sa Punong Mang-aawit: ayon sa Muth-labben. Awit ni David.
9 Ako'y magpapasalamat sa Panginoon ng buong puso ko;
aking sasabihin sa lahat ang kahanga-hangang mga gawa mo.
2 Ako'y magagalak at magsasaya sa iyo.
O Kataas-taasan, ako'y aawit ng pagpuri sa pangalan mo.
3 Nang magsibalik ang mga kaaway ko,
sila'y natisod at nalipol sa harapan mo.
4 Sapagkat iyong pinanatili ang matuwid na usapin ko,
ikaw ay naggagawad ng matuwid na hatol habang nakaupo sa trono.
5 Iyong sinaway ang mga bansa, nilipol mo ang masama,
pinawi mo ang kanilang pangalan magpakailanman.
6 Ang kaaway ay naglaho sa walang hanggang pagkawasak;
ang kanilang mga lunsod ay binunot mo,
ang tanging alaala nila ay naglaho.
7 Ngunit nakaupong hari magpakailanman ang Panginoon,
itinatag niya ang kanyang trono para sa paghatol;
8 at hinahatulan niyang may katarungan ang sanlibutan,
at ang mga tao'y pantay-pantay niyang hinahatulan.
9 Ang muog para sa naaapi ay ang Panginoon,
isang muog sa magugulong panahon.
10 At silang nakakakilala ng iyong pangalan ay magtitiwala sa iyo;
sapagkat ikaw, O Panginoon, ay hindi nagpabaya sa mga naghahanap sa iyo.
11 Magsiawit kayo ng mga pagpuri sa Panginoon, sa mga nagsisitahan sa Zion!
Ipahayag ninyo sa mga bansa ang kanyang mga gawa!
12 Sapagkat siya na naghihiganti ng dugo ay inaalala sila;
hindi niya kinalilimutan ang daing ng nagdurusa.
13 O Panginoon! Kahabagan mo ako,
mula sa kanila na napopoot sa akin, ang tinitiis ko'y masdan mo.
Yamang mula sa mga pintuan ng kamatayan, ako ay itinaas mo,
14 upang aking maisaysay ang lahat ng kapurihan mo,
upang sa mga pintuan ng anak na babae ng Zion,
ay ikagalak ko ang pagliligtas mo.
15 Nahulog ang mga bansa, sa hukay na kanilang ginawa;
sa lambat na kanilang ikinubli, sarili nilang mga paa ang nahuli.
16 Ipinakilala ng Panginoon ang sarili niya,
siya'y naglapat ng pasiya;
ang masama ay nasilo sa mga gawa
ng kanilang sariling mga kamay. (Higgaion. Selah)
17 Babalik sa Sheol ang masama
ang lumilimot sa Diyos sa lahat ng mga bansa.
18 Sapagkat ang nangangailangan ay hindi laging malilimutan,
at ang pag-asa ng dukha ay hindi mapapawi magpakailanman.
19 Bumangon ka, O Panginoon; huwag papanaigin ang tao;
hatulan mo ang mga bansa sa harapan mo!
20 Ilagay mo sila sa pagkatakot, O Panginoon!
Ipaalam mo sa mga bansa na sila'y mga tao lamang! (Selah)
Awit ni David.
15 O Panginoon, sinong sa iyong tolda ay manunuluyan?
Sinong sa iyong banal na burol ay maninirahan?
2 Siyang lumalakad na matuwid, at gumagawa ng katuwiran,
at mula sa kanyang puso ay nagsasalita ng katotohanan;
3 siyang hindi naninirang-puri ng kanyang dila,
ni sa kanyang kaibigan ay gumagawa ng masama,
ni umaalipusta man sa kanyang kapwa;
4 na sa mga mata niya ay nahahamak ang isang napakasama,
kundi pinararangalan ang mga natatakot sa Panginoon;
at hindi nagbabago kapag sumumpa kahit na ito'y ikasasakit;
5 siyang hindi naglalagay ng patubo sa kanyang salapi,
ni kumukuha man ng suhol laban sa walang sala.
Siyang gumagawa ng mga bagay na ito ay hindi matitinag kailanman.
Ang Uwak at ang Kalapati
6 Sa katapusan ng apatnapung araw, binuksan ni Noe ang bintana ng daong na kanyang ginawa.
7 Siya'y nagpalipad ng isang uwak, at ito'y nagparoo't parito hanggang sa natuyo ang tubig sa lupa.
8 Nagpalipad din siya ng isang kalapati upang tingnan kung humupa na ang tubig sa ibabaw ng lupa.
9 Ngunit ang kalapati ay hindi nakakita ng madadapuan ng kanyang paa, kaya't ito'y nagbalik sa kanya sa daong sapagkat ang tubig ay nasa ibabaw pa ng buong lupa. Kaya't inilabas niya ang kanyang kamay, kinuha niya ito at ipinasok sa daong.
10 Muli siyang naghintay ng pitong araw at muling pinalipad ang kalapati sa labas ng daong,
11 at nang malapit nang gumabi, ang kalapati ay nagbalik sa kanya. Sa kanyang tuka ay may isang bagong pitas na dahon ng olibo. Kaya't nalaman ni Noe na humupa na ang tubig sa lupa.
12 Muli siyang naghintay ng pitong araw, at pinalipad ang kalapati at ito ay hindi na muling nagbalik sa kanya.
13 At nang taong ikaanimnaraan at isa, nang unang araw ng unang buwan, ay natuyo ang tubig sa ibabaw ng lupa. Inalis ni Noe ang takip ng daong at tumingin siya, at nakita niyang ang ibabaw ng lupa ay natuyo na.
14 At nang ikadalawampu't pitong araw ng ikalawang buwan ay natuyo ang lupa.
15 At nagsalita ang Diyos kay Noe,
16 “Lumabas ka sa daong, ikaw at ang iyong asawa, ang iyong mga anak, ang mga asawa ng iyong mga anak na kasama mo.
17 Ilabas mong kasama mo ang bawat isa na may buhay: ang mga ibon, at ang mga hayop, ang bawat gumagapang sa ibabaw ng lupa upang sila'y dumami sa ibabaw ng lupa, at magkaroon ng mga anak at dumami sa ibabaw ng lupa.”
18 Kaya't lumabas si Noe, ang kanyang mga anak, ang kanyang asawa, at ang mga asawa ng kanyang mga anak na kasama niya;
19 bawat hayop, bawat gumagapang, at bawat ibon, anumang gumagalaw sa ibabaw ng lupa ayon sa kanyang angkan ay lumabas sa daong.
Naghandog si Noe
20 Ipinagtayo ni Noe ng isang dambana ang Panginoon. Kumuha siya sa lahat ng malinis na hayop, at sa lahat na malinis na ibon, at nag-alay ng mga handog na susunugin sa dambana.
21 At sinamyo ng Panginoon ang masarap na amoy, at sinabi ng Panginoon sa kanyang puso, “Hindi ko na muling susumpain ang lupa dahil sa tao, sapagkat ang haka ng puso ng tao ay masama mula sa kanyang pagkabata. Hindi ko na rin muling lilipulin ang lahat ng nabubuhay na gaya ng aking ginawa.
22 Habang ang lupa ay nananatili, ang paghahasik at pag-aani, ang tag-init at taglamig, ang araw at gabi ay hindi hihinto.”
Si Jesus ang Pinakapunong Pari
14 Yamang tayo'y mayroong isang marangal at Pinakapunong Pari na pumasok sa kalangitan, si Jesus na Anak ng Diyos, ay hawakan nating matatag ang ating ipinahahayag.
15 Sapagkat tayo'y mayroong isang Pinakapunong Pari na marunong makiramay sa ating mga kahinaan, isa na tinukso sa lahat ng mga paraan gaya rin naman natin, gayunma'y walang kasalanan.
16 Kaya't lumapit tayong may katapangan sa trono ng biyaya, upang tayo'y tumanggap ng awa, at makatagpo ng biyaya na makakatulong sa panahon ng pangangailangan.
5 Bawat pinakapunong pari na pinili mula sa mga tao ay pinangasiwa sa mga bagay na may kaugnayan sa Diyos, para sa kanilang kapakanan, upang siya'y makapaghandog ng mga kaloob at ng mga alay para sa mga kasalanan.
2 Siya ay marunong makitungo na may kaamuan sa mga mangmang at naliligaw, yamang siya man ay napapaligiran ng kahinaan.
3 Dahil(A) dito, kailangang siya'y maghandog para sa kanyang sariling mga kasalanan, at gayundin para sa taong-bayan.
4 At(B) sinuman ay hindi kumukuha ng karangalang ito para sa kanyang sarili, kundi siya ay tinatawag ng Diyos, na gaya ni Aaron.
5 Maging(C) si Cristo man ay hindi lumuwalhati sa kanyang sarili upang maging pinakapunong pari, kundi itinalaga ng nagsabi sa kanya,
“Ikaw ay aking Anak,
ako ngayon ay naging Ama mo.”
6 Gaya(D) rin naman ng sinasabi niya sa ibang dako,
“Ikaw ay pari magpakailanman,
ayon sa pagkapari ni Melquizedek.”
Alam ni Jesus ang Likas ng Tao
23 Nang siya ay nasa Jerusalem nang kapistahan ng Paskuwa, marami ang sumampalataya sa kanyang pangalan, nang kanilang makita ang mga ginawa niyang tanda.
24 Subalit hindi ipinagkatiwala ni Jesus ang kanyang sarili sa kanila sapagkat kilala niya ang lahat ng mga tao,
25 at hindi niya kailangan ang sinuman upang magpatotoo tungkol sa tao, sapagkat alam niya ang isinasaloob ng tao.
Si Jesus at si Nicodemo
3 May isang lalaking kabilang sa mga Fariseo na ang pangalan ay Nicodemo, isang pinuno ng mga Judio.
2 Siya ay pumunta kay Jesus[a] nang gabi na, at sinabi sa kanya, “Rabi, nalalaman naming ikaw ay isang guro na mula sa Diyos; sapagkat walang makakagawa ng mga tanda na iyong ginagawa, malibang kasama niya ang Diyos.”
3 Sumagot sa kanya si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, ‘Malibang ang isang tao'y ipanganak na muli[b] ay hindi niya makikita ang kaharian ng Diyos.’”
4 Sinabi sa kanya ni Nicodemo, “Paanong maipapanganak ang isang tao kung siya'y matanda na? Makakapasok ba siyang muli sa tiyan ng kanyang ina, at ipanganak?”
5 Sumagot si Jesus, “Katotohanang sinasabi ko sa iyo, malibang ang isang tao'y ipanganak ng tubig at ng Espiritu, hindi siya makakapasok sa kaharian ng Diyos.
6 Ang ipinanganak ng laman ay laman at ang ipinanganak ng Espiritu ay espiritu.
7 Huwag kang magtaka na aking sinabi sa iyo, ‘Kailangang kayo'y ipanganak na muli.’
8 Humihihip ang hangin kung saan nito ibig at naririnig mo ang ugong nito, ngunit hindi mo nalalaman kung saan ito nanggagaling at kung saan tutungo. Ganoon ang bawat isang ipinapanganak ng Espiritu.
9 Sumagot si Nicodemo sa kanya, “Paanong mangyayari ang mga bagay na ito?”
10 Sumagot si Jesus sa kanya, “Ikaw ay isang guro sa Israel at hindi mo nauunawaan ang mga bagay na ito?
11 Katotohanang sinasabi ko sa iyo, kami ay nagsasalita tungkol sa nalalaman namin, at nagpapatotoo sa nakita namin, subalit hindi ninyo tinanggap ang aming patotoo.
12 Kung sinabi ko sa inyo ang mga bagay na makalupa at hindi ninyo pinaniniwalaan, paano ninyong paniniwalaan kung sabihin ko sa inyo ang mga bagay na makalangit?
13 Wala pang umakyat sa langit, maliban sa kanya na bumabang galing sa langit, ang Anak ng Tao.[c]
14 Kung(A) paanong itinaas ni Moises sa ilang ang ahas, kailangan din namang itaas ang Anak ng Tao;
15 upang ang sinumang sumampalataya sa kanya ay magkaroon ng buhay na walang hanggan.
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001