Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 41

Sa Punong Mang-aawit. Awit ni David.

41 Mapalad siya na nagbibigay-pansin sa dukha!
    Ililigtas siya ng Panginoon sa araw na masama.
Iniingatan siya ng Panginoon at pinananatiling buháy
    siya'y tatawaging pinagpala sa lupain;
    hindi mo siya ibinigay sa kagustuhan ng kanyang mga kaaway.
Aalalayan siya ng Panginoon sa kanyang higaan ng karamdaman,
    sa kanyang pagkakasakit ay iyong inaayos ang buo niyang higaan.

Tungkol sa akin, aking sinabi, “O Panginoon, sa akin ay maawa ka,
    pagalingin mo ako, sapagkat laban sa iyo, ako'y nagkasala!”
Ang mga kaaway ko ay nagsalita ng kasamaan laban sa akin,
    “Kailan siya mamamatay, at ang kanyang pangalan ay mapapawi rin?”
At nang siya'y pumarito upang tingnan ako, siya'y nagsasalita ng mga salitang walang laman,
    habang ang kanyang puso ay nagtitipon ng kasamaan,
    kapag siya'y lumabas, ipinamamalita niya ito.
Lahat ng napopoot sa akin ay nagbubulung-bulungan laban sa akin;
    kanilang iniisip ang pinakamasama para sa akin.

Kanilang sinasabi, “Isang masamang bagay ang ibinuhos sa kanya,
    hindi na siya muling babangon sa kanyang pagkahiga.”
Maging(A) ang matalik kong kaibigan na aking pinagtitiwalaan,
    na kumain ng aking tinapay, ay nagtaas ng kanyang sakong sapagkat sa akin ay laban.
10 Ngunit ikaw, O Panginoon ko, maawa ka sa akin,
    at ibangon mo ako, upang sa kanila'y makaganti ako!

11 Sa pamamagitan nito ay nalalaman ko na nalulugod ka sa akin,
    dahil sa ang aking kaaway ay hindi sisigaw sa pagtatagumpay laban sa akin.
12 At tungkol sa akin, inaalalayan mo ako sa aking katapatan,
    at inilalagay mo ako sa iyong harapan magpakailanman.

13 Purihin(B) ang Panginoon, ang Diyos ng Israel,
    mula sa walang pasimula at hanggang sa walang hanggan.
Amen at Amen.

Mga Awit 52

Ang Paghuhukom at Biyaya ng Diyos

Sa Punong Mang-aawit. Maskil ni David, nang dumating at magsaysay kay Saul si Doeg na Edomita at magsabi sa kanya, “Si David ay naparoon sa bahay ni Ahimelec.”

52 Bakit ka naghahambog, O makapangyarihang tao?
    Ang kagandahang-loob ng Diyos ay sa buong araw.
    Sa buong araw
    ang dila mo'y nagbabalak ng pagkawasak.
Ang dila mo'y gaya ng matalas na labaha,
    ikaw na gumagawa ng kataksilan.
Iniibig mo ang kasamaan ng higit kaysa kabutihan;
    at ang pagsisinungaling kaysa pagsasalita ng katotohanan. (Selah)
Iniibig mo ang lahat ng mga nananakmal na salita,
    O ikaw na mandarayang dila.

Ngunit ilulugmok ka ng Diyos magpakailanman,
    aagawin at hahatakin ka niya mula sa iyong tolda,
    at bubunutin ka niya sa lupain ng mga buháy. (Selah)
Makikita ng matuwid, at matatakot,
    at pagtatawanan siya, na nagsasabi,
“Pagmasdan ninyo ang tao na hindi niya ginawang kanlungan ang Diyos;
kundi nagtiwala sa kasaganaan ng kanyang mga kayamanan,
    at nagpakalakas sa kanyang nasa.”

Ngunit ako'y gaya ng sariwang punungkahoy ng olibo
    sa bahay ng Diyos.
Nagtitiwala ako sa tapat na pag-ibig ng Diyos
    magpakailanpaman.
Ako'y magpapasalamat sa iyo magpakailanman,
    sapagkat iyon ay iyong ginawa.
At ako'y maghihintay sa iyong pangalan sapagkat ito'y mabuti,
    sa harapan ng mga banal.

Mga Awit 44

Panalangin para sa Pag-iingat

Sa Punong Mang-aawit. Isang Maskil ng mga Anak ni Kora.

44 Narinig ng aming mga tainga, O Diyos,
    isinaysay sa amin ng aming mga ninuno,
kung anong mga gawa ang iyong ginawa nang panahon nila,
    nang mga unang araw:
sa pamamagitan ng iyong kamay itinaboy mo ang mga bansa,
    ngunit itinanim mo sila;
iyong pinarusahan ang mga bayan,
    at iyong ikinalat sila.
Sapagkat hindi nila pinagwagian ang lupain sa pamamagitan ng kanilang sariling tabak,
    ni ang sarili nilang kamay ay nagbigay sa kanila ng tagumpay;
kundi ng iyong kanang kamay, at ng iyong bisig,
    at ng liwanag ng iyong mukha,
    sapagkat ikaw ay nalulugod sa kanila.

Ikaw ang aking Hari at aking Diyos,
    na nag-utos ng kaligtasan para kay Jacob.
Sa pamamagitan mo'y itutulak namin ang aming mga kaaway:
    sa pamamagitan ng iyong pangalan ay tatapakan namin ang mga sumasalakay sa amin.
Sapagkat hindi ako magtitiwala sa aking pana,
    ni ililigtas man ako ng aking tabak.
Ngunit iniligtas mo kami sa aming mga kaaway,
    at ang mga napopoot sa amin ay inilagay mo sa kahihiyan.
Sa pamamagitan ng Diyos ay patuloy kaming nagmamalaki,
at sa iyong pangalan magpakailanman ay magpapasalamat kami. (Selah)

Gayunma'y itinakuwil at kasiraang-puri sa amin ay ibinigay mo,
    at hindi ka lumalabas na kasama ng aming mga hukbo.
10 Pinatalikod mo kami sa kaaway;
    at silang mga galit sa amin ay kumuha ng samsam para sa kanilang sarili.
11 Ibinigay mo kami upang kainin na parang tupa,
    at ikinalat mo kami sa mga bansa.
12 Ipinagbili mo ang iyong bayan sa napakaliit na halaga,
    at hindi humingi ng malaking halaga para sa kanila.

13 Ginawa mo kaming katatawanan ng aming mga kapwa,
    ang tudyuhan at paglibak ng mga nasa palibot namin.
14 Sa gitna ng mga bansa'y ginawa mo kaming kawikaan,
    isang bagay na pinagtatawanan ng mga bayan.
15 Buong araw ay nasa harapan ko ang aking kasiraang-puri,
    at ang kahihiyan ay tumakip sa aking mukha,
16 dahil sa tinig niya na nang-uuyam at nanlalait,
    dahil sa paningin ng kaaway at naghihiganti.

17 Lahat ng ito'y dumating sa amin;
    bagaman hindi ka namin kinalimutan,
    at hindi kami gumagawa ng kamalian sa iyong tipan.
18 Ang aming puso ay hindi tumalikod,
    ni ang amin mang mga hakbang ay humiwalay sa iyong daan;
19 upang kami ay iyong durugin sa lugar ng mga asong-gubat,
    at tinakpan mo kami ng anino ng kamatayan.

20 Kung aming kinalimutan ang pangalan ng aming Diyos,
    o iniunat ang aming mga kamay sa ibang diyos;
21 hindi ba ito'y matutuklasan ng Diyos?
    Sapagkat nalalaman niya ang mga lihim ng puso.
22 Dahil(A) sa iyo ay pinapatay kami buong araw;
    at itinuturing na parang mga tupa para sa katayan.

23 Ikaw ay bumangon! Bakit ka natutulog, O Panginoon?
    Gumising ka! Huwag mo kaming itakuwil magpakailanman.
24 Bakit mo ikinukubli ang iyong mukha?
    Bakit mo kinalilimutan ang aming kalungkutan at kapighatian?
25 Sapagkat ang aming kaluluwa ay nakasubsob sa alabok;
    ang aming katawan ay dumidikit sa lupa.
26 Ikaw ay bumangon, tulungan mo kami!
    Iligtas mo kami alang-alang sa iyong tapat na pag-ibig!

Genesis 14

Iniligtas ni Abram si Lot

14 Nang mga araw ni Amrafel, hari ng Shinar, ni Arioc na hari ng Elasar, ni Kedorlaomer na hari ng Elam, at ni Tidal na hari ng mga Goiim,

ang mga ito ay nakipagdigma laban kay Bera na hari ng Sodoma, kay Birsha na hari ng Gomorra, kay Shinab na hari ng Adma, kay Shemeber na hari ng Zeboyin, at ng hari sa Bela na si Zoar.

Silang lahat ay nagsama-sama sa libis ng Siddim na siyang Dagat na Patay.

Labindalawang taon silang naglingkod kay Kedorlaomer, at sa ikalabintatlong taon ay naghimagsik.

Sa ikalabing-apat na taon ay dumating si Kedorlaomer at ang mga haring kasama niya, at nilupig ang mga Refaim sa Astarot-carnaim, ang mga Zuzita sa Ham, ang mga Emita sa Save-Kiryataim,

at ang mga Horeo sa kanilang kabundukan ng Seir hanggang Elparan na nasa tabi ng ilang.

Pagkatapos, sila'y bumalik at tumungo sa Enmispat (na siyang Kadesh), at kanilang nilupig ang buong lupain ng mga Amalekita at pati ng mga Amoreo na nakatira sa Hazazon-tamar.

At lumabas ang mga hari ng Sodoma, Gomorra, Adma, Zeboyin, Bela na si Zoar; at sila'y sumama sa pakikidigma sa libis ng Siddim

laban kay Kedorlaomer na hari ng Elam, kay Tidal na hari ng mga Goiim, kay Amrafel na hari ng Shinar, at kay Arioc na hari ng Elasar; apat na hari laban sa lima.

10 Ang libis ng Siddim ay punô ng hukay ng betun, at nang tumakas ang mga hari ng Sodoma at ng Gomorra, ang ilan ay nahulog doon, at ang natira ay tumakas sa kabundukan.

11 At kanilang sinamsam ang lahat ng pag-aari at pagkain ng Sodoma at Gomorra, at saka umalis.

12 Dinala nila si Lot na anak ng kapatid ni Abram, na nakatira sa Sodoma, at ang kanyang mga pag-aari at sila'y umalis.

13 At dumating ang isang nakatakas at ibinalita kay Abram na Hebreo na naninirahan sa mga puno ng ensina ni Mamre na Amoreo, kapatid nina Escol at Aner. Ang mga ito ay mga kakampi ni Abram.

14 Nang marinig ni Abram na nabihag ang kanyang kamag-anak, pinangunahan niya ang kanyang tatlong daan at labingwalong mga sanay na tauhan na ipinanganak sa kanyang bahay, at kanilang hinabol sila hanggang sa Dan.

15 Kinagabihan, sila'y nagpangkat-pangkat laban sa kaaway, siya at ang kanyang mga alipin, at sila'y kanilang ginapi at hinabol sila hanggang sa Hoba na nasa hilaga ng Damasco.

16 At iniuwi niya ang lahat ng pag-aari, gayundin si Lot na kanyang kamag-anak at ang kanyang mga pag-aari, at ang mga kababaihan at ang taong-bayan.

Binasbasan ni Melquizedek si Abram

17 Siya'y sinalubong ng hari ng Sodoma pagkatapos na siya'y bumalik mula sa pagkatalo ni Kedorlaomer, at sa mga haring kasama niya sa libis ng Shave (na siyang libis ng hari).

18 At(A) si Melquizedek, hari ng Salem na pari ng Kataas-taasang Diyos,[a] ay naglabas ng tinapay at alak.

19 Siya'y kanyang binasbasan na sinabi, “Pagpalain si Abram ng Kataas-taasang Diyos, na lumikha ng langit at ng lupa;

20 at purihin ang Kataas-taasang Diyos, na nagbigay ng iyong mga kaaway sa iyong kamay.” At binigyan siya ni Abram ng ikasampung bahagi ng lahat.

21 Sinabi ng hari ng Sodoma kay Abram, “Ibigay mo sa akin ang mga tao at kunin mo ang mga ari-arian para sa iyong sarili.”

22 Sinabi ni Abram sa hari ng Sodoma, “Ako'y sumumpa sa Panginoong Diyos na Kataas-taasan, na lumikha ng langit at ng lupa,

23 na hindi ako kukuha kahit isang sinulid, o isang panali ng sandalyas, o ng anumang para sa iyo, baka iyong sabihin, ‘Pinayaman ko si Abram.’

24 Wala akong kukunin, maliban sa kinain ng mga kabataang lalaki at ang bahagi ng mga lalaking sumama sa akin—sina Aner, Escol, at Mamre. Ibigay mo sa kanila ang kanilang bahagi.”

Mga Hebreo 8

Ang Tagapamagitan ng Mas Mabuting Tipan

Ngayon,(A) ang pangunahing bagay na aming sinasabi ay ito: Mayroon tayong gayong Pinakapunong Pari na nakaupo sa kanan ng trono ng Kamahalan sa kalangitan,

isang ministro sa santuwaryo at sa tunay na tabernakulo na itinayo ng Panginoon, hindi ng tao.

Sapagkat itinalaga ang bawat pinakapunong pari upang maghandog ng mga kaloob at ng mga alay. Kaya't kailangan din namang siya'y magkaroon ng kanyang ihahandog.

Kaya't kung siya'y nasa lupa, hindi siya maaaring maging pari, sapagkat mayroon nang mga paring naghandog ng mga kaloob ayon sa kautusan.

Sila'y(B) naglilingkod sa anyo at anino ng makalangit na santuwaryo; sapagkat si Moises ay binalaan ng Diyos nang malapit na niyang itayo ang tabernakulo, “Tiyakin mo na iyong gagawin ang lahat ng mga bagay ayon sa huwarang ipinakita sa iyo sa bundok.”

Subalit ngayo'y nagtamo si Cristo[a] ng ministeryong higit na marangal, yamang siya'y tagapamagitan sa isang higit na mabuting tipan na pinagtibay sa higit na mabubuting pangako.

Sapagkat kung ang unang tipang iyon ay walang kapintasan, hindi na sana kailangang humanap pa ng pangalawa.

Sapagkat(C) nang makakita ang Diyos[b] ng kapintasan sa kanila, ay sinabi niya,

“Ang mga araw ay tiyak na darating, sabi ng Panginoon,
    na ako'y gagawa ng isang bagong tipan sa sambahayan ni Israel
    at sa sambahayan ni Juda,
hindi ayon sa tipang aking ginawa sa kanilang mga ninuno,
    nang araw na hawakan ko sila sa kamay, upang sila'y ihatid papalabas sa lupain ng Ehipto,
sapagkat sila'y hindi nagpatuloy sa aking tipan,
    kaya't ako'y hindi nagmalasakit sa kanila, sabi ng Panginoon.
10 Ito ang tipang aking gagawin sa sambahayan ni Israel
    pagkatapos ng mga araw na iyon, sabi ng Panginoon:
ilalagay ko ang aking mga kautusan sa kanilang pag-iisip,
    at isusulat ko ang mga iyon sa kanilang mga puso,
at ako'y magiging Diyos nila,
    at sila'y magiging bayan ko.
11 At hindi magtuturo ang bawat isa sa kanila sa kanyang kababayan,
    o magsasabi ang bawat isa sa kanyang kapatid, ‘Kilalanin mo ang Panginoon,’
sapagkat ako'y makikilala nilang lahat,
    mula sa pinakahamak hanggang sa pinakadakila sa kanila.
12 Sapagkat ako'y magiging mahabagin sa kanilang mga kasamaan,
    at ang kanilang mga kasalanan ay hindi ko na aalalahanin pa.”

13 Sa pagsasalita tungkol sa “bagong tipan,” ginawa niyang lipas na ang una. At ang ginawang lipas na at tumatanda ay malapit nang maglaho.

Juan 4:43-54

Pinagaling ni Jesus ang Anak ng Isang Pinuno

43 Pagkaraan ng dalawang araw ay umalis siya roon at nagtungo sa Galilea,

44 sapagkat(A) si Jesus din ang nagpatotoo na ang isang propeta ay walang karangalan sa kanyang sariling lupain.

45 Kaya't(B) nang siya'y dumating sa Galilea ay tinanggap siya ng mga taga-Galilea, nang kanilang makita ang lahat ng mga bagay na kanyang ginawa sa Jerusalem sa kapistahan, sapagkat sila ay pumunta rin sa kapistahan.

46 Pagkatapos(C) ay pumunta siyang muli sa Cana ng Galilea na doo'y kanyang ginawang alak ang tubig. At sa Capernaum ay naroroon ang isang pinuno ng pamahalaan na ang anak na lalaki ay maysakit.

47 Nang mabalitaan niya na si Jesus ay dumating sa Galilea mula sa Judea, pumunta siya roon at nakiusap sa kanya na siya'y pumunta at pagalingin ang kanyang anak na lalaki sapagkat siya'y malapit nang mamatay.

48 Kaya't sinabi sa kanya ni Jesus, “Malibang makakita kayo ng mga tanda at mga kababalaghan ay hindi kayo mananampalataya.”

49 Sinabi ng pinuno sa kanya, “Ginoo, pumunta ka na bago mamatay ang aking anak.”

50 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka na, ang anak mo ay mabubuhay.” Pinaniwalaan ng lalaki ang salitang sinabi sa kanya ni Jesus, at siya'y humayo sa kanyang lakad.

51 Habang siya'y papunta, sinalubong siya ng kanyang mga alipin na nagsasabing ang kanyang anak ay ligtas na.[a]

52 Kaya't itinanong niya sa kanila ang oras nang siya'y nagsimulang gumaling. At sinabi nila sa kanya, “Kahapon, nang ika-isa ng hapon, nawalan siya ng lagnat.”

53 Kaya't nalaman ng ama na sa oras na iyon ay sinabi sa kanya ni Jesus, “Ang anak mo ay mabubuhay.” Kaya't siya'y sumampalataya, at ang kanyang buong sambahayan.

54 Ito ang ikalawang tanda na ginawa ni Jesus pagkatapos na siya'y pumunta sa Galilea mula sa Judea.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001