Book of Common Prayer
Ang Dalangin ng Taong may Sakit
41 Mapalad ang taong nagmamalasakit sa mga mahihirap.
Tutulungan siya ng Panginoon sa panahon ng kaguluhan.
2 Ipagtatanggol siya ng Panginoon, at iingatan ang kanyang buhay.
Pagpapalain din siya sa lupain natin.
At hindi siya isusuko sa kanyang mga kaaway.
3 Tutulungan siya ng Panginoon kung siya ay may sakit,
at pagagalingin siya sa kanyang karamdaman.
4 Sinabi ko,
“O Panginoon, nagkasala ako sa inyo.
Maawa kayo sa akin, at pagalingin ako.”
5 Ang aking mga kaaway ay nagsasalita laban sa akin.
Sinasabi nila,
“Kailan pa ba siya mamamatay upang makalimutan na siya?”
6 Kapag dumadalaw sila sa akin, nagkukunwari silang nangungumusta,
pero nag-iipon lang pala sila ng masasabi laban sa akin.
Kapag silaʼy lumabas na, ikinakalat nila ito.
7 Ang lahat ng galit sa akin ay masama ang iniisip tungkol sa akin,
at pinagbubulung-bulungan nila ito.
8 Sinasabi nila,
“Malala na ang karamdaman niyan,
kaya hindi na iyan makakatayo!”
9 Kahit ang pinakamatalik kong kaibigan na kasalo ko lagi sa pagkain at pinagkakatiwalaan –
nagawa akong pagtaksilan!
10 Ngunit kayo Panginoon, akoʼy inyong kahabagan.
Pagalingin nʼyo ako upang makaganti na ako sa aking mga kaaway.
11 Alam ko na kayoʼy nalulugod sa akin,
dahil hindi ako natatalo ng aking mga kaaway.
12 Dahil akoʼy taong matuwid,
tinutulungan nʼyo ako at pinapanatili sa inyong presensya magpakailanman.
13 Purihin ang Panginoon, ang Dios ng Israel, magpakailanman.
Amen! Amen!
Ang Paghatol at Habag ng Dios
52 Ikaw, taong mapagmataas,
bakit mo ipinagyayabang ang kasamaan mo?
Hindi baʼt ang Dios ay palaging mabuti sa iyo?
2 Sa pagbabalak mo ng masama laban sa iba,
kasintalim ng pang-ahit ang iyong dila,
at lagi kang nagsisinungaling.
3 Minamahal mo ang kasamaan kaysa sa kabutihan,
at mas nais mong magsinungaling kaysa magsabi ng katotohanan.
4 Taong sinungaling, ang gusto moʼy makapanakit ng iba sa pamamagitan ng iyong pananalita.
5 Ngunit dudurugin ka ng Dios nang tuluyan.
Dadakpin ka at kakaladkarin palabas ng bahay;
bubunutin ka mula rito sa mundo ng mga buhay.
6 Makikita ito ng mga matuwid at magtataka sila. Pagtatawanan ka nila at sasabihing,
7 “Tingnan ninyo ang taong hindi nanalig sa Dios bilang matibay nilang kanlungan.
Sa halip, nagtiwala lang sa kanyang masaganang kayamanan,
at patindi nang patindi ang kanyang kasamaan.”
8 Ngunit ako ay tulad ng punong olibo
na yumayabong sa loob ng inyong templo.
Nagtitiwala ako sa inyong pag-ibig magpakailanman.
9 Pasasalamatan ko kayo magpakailanman dahil sa mga ginawa ninyo.
At sa harapan ng mga matatapat sa inyo, ipapahayag ko ang kabutihan ninyo.
Dalangin para Iligtas ng Dios
44 O Dios, narinig namin mula sa aming mga ninuno
ang tungkol sa mga ginawa nʼyo sa kanila noong kanilang kapanahunan.
Matagal nang panahon ang lumipas.
2 Ang mga bansang hindi naniniwala sa inyo
ay pinalayas nʼyo sa kanilang mga lupain at pinarusahan,
samantalang ang aming mga ninuno ay itinanim nʼyo roon at pinalago.
3 Nasakop nila ang lupain,
hindi dahil sa kanilang mga armas.
Nagtagumpay sila hindi dahil sa kanilang lakas,
kundi sa pamamagitan ng inyong kapangyarihan, pagpapala at kakayahan,
dahil mahal nʼyo sila.
4 O Dios, kayo ang aking Hari na nagbigay ng tagumpay sa amin na lahi ni Jacob.
5 Sa pamamagitan nʼyo pinatumbaʼt tinapak-tapakan namin ang aming mga kaaway.
6 Hindi ako nagtitiwala sa aking espada at pana upang akoʼy magtagumpay,
7 dahil kayo ang nagpapatagumpay sa amin.
Hinihiya nʼyo ang mga kumakalaban sa amin.
8 O Dios, kayo ang lagi naming ipinagmamalaki,
at pupurihin namin kayo magpakailanman.
9 Ngunit ngayoʼy itinakwil nʼyo na kami at inilagay sa kahihiyan.
Ang mga sundalo namin ay hindi nʼyo na sinasamahan.
10 Pinaatras nʼyo kami sa aming mga kaaway,
at ang aming mga ari-arian ay kanilang sinamsam.
11 Pinabayaan nʼyong kami ay lapain na parang mga tupa.
Pinangalat nʼyo kami sa mga bansa.
12 Kami na inyong mga mamamayan ay ipinagbili nʼyo sa kaunting halaga.
Parang wala kaming kwenta sa inyo.
13 Ginawa nʼyo kaming kahiya-hiya;
iniinsulto at pinagtatawanan kami ng aming mga kalapit na bansa.
14 Ginawa nʼyo kaming katawa-tawa sa mga bansa,
at pailing-iling pa sila habang nang-iinsulto.
15 Akoʼy palaging inilalagay sa kahihiyan.
Wala na akong mukhang maihaharap pa,
16 dahil sa pangungutya at insulto sa akin ng aking mga kaaway na gumaganti sa akin.
17 Ang lahat ng ito ay nangyari sa amin
kahit na kami ay hindi nakalimot sa inyo,
o lumabag man sa inyong kasunduan.
18 Hindi kami tumalikod sa inyo,
at hindi kami lumihis sa inyong pamamaraan.
19 Ngunit kami ay inilugmok nʼyo at pinabayaan sa dakong madilim na tinitirhan ng mga asong-gubat.[a]
20 O Dios, kung kayo ay nakalimutan namin,
at sa ibang dios, kami ay nanalangin,
21 hindi baʼt iyon ay malalaman nʼyo rin?
Dahil alam nʼyo kahit ang mga lihim sa isip ng tao.
22 Ngunit dahil sa aming pananampalataya sa inyo,
kami ay palaging nasa panganib ang aming buhay.
Para kaming mga tupang kakatayin.
23 Sige na po, Panginoon! Kumilos na kayo!
Huwag nʼyo kaming itakwil magpakailanman.
24 Bakit nʼyo kami binabalewala?
Bakit hindi nʼyo pinapansin ang aming pagdurusa at ang pang-aapi sa amin?
25 Nagsibagsak na kami sa lupa at hindi na makabangon.
26 Sige na po, tulungan nʼyo na kami.
Iligtas nʼyo na kami dahil sa inyong pagmamahal sa amin.
Ang Gintong Baka(A)
32 Nang mainip ang mga tao sa tagal ni Moises na bumaba ng bundok, nagtipon sila kay Aaron at sinabi, “Igawa mo kami ng dios[a] na mangunguna sa amin, dahil hindi natin alam kung ano na ang nangyari kay Moises na naglabas sa atin sa Egipto.” 2 Sumagot si Aaron, “Kunin nʼyo ang mga hikaw na ginto na suot ng mga asawaʼt anak ninyo, at dalhin ninyo sa akin.” 3 Kaya kinuha nilang lahat ang gintong mga hikaw at dinala ito kay Aaron. 4 Tinipon ni Aaron ang mga ito tinunaw, at hinugis na baka. Sinabi ng mga Israelita, “Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.”
5 Pagkakita ni Aaron na sumaya ang mga tao, nagpagawa siya ng altar sa harap ng baka at ipinaalam sa kanila, “Bukas, magdaraos tayo ng pista para sa karangalan ng Panginoon.” 6 Kaya kinaumagahan, maagang bumangon ang mga tao at nag-alay ng mga handog na sinusunog at handog para sa mabuting relasyon. Kumain sila at uminom at nilubos ang pagsasaya sa pagsamba sa dios-diosan.
7 Sinabi ng Panginoon kay Moises, “Bumaba ka na dahil nagpapakasama ang mga kababayan mo na inilabas mo sa Egipto. 8 Napakadali nilang tumalikod sa mga itinuro ko sa kanila. Gumawa sila ng dios-diosang baka at sinamba nila ito. Naghandog ang mga Israelita sa dios-diosang ito at sinabi, ‘Ito ang dios natin na naglabas sa atin sa Egipto.’ ”
9 At sinabi pa ng Panginoon kay Moises, “Nakita ko kung gaano katigas ang ulo ng mga taong ito. 10 Kaya pabayaan mong lipulin ko sila nang matindi kong galit. Ikaw na lang at ang mga angkan mo ang gagawin kong dakilang bansa.”
11 Pero nagmakaawa si Moises sa Panginoon na kanyang Dios, “O Panginoon, bakit po ninyo ipapalasap ang galit nʼyo sa inyong mga mamamayang inilabas ninyo sa Egipto sa pamamagitan ng dakila nʼyong kapangyarihan? 12 Ano na lang po ang sasabihin ng mga Egipcio? Na kinuha po ninyo ang inyong mga mamamayan sa Egipto para patayin sa kabundukan at mawala sila sa mundo? O, Panginoon, huwag po ninyong ituloy ang matinding galit ninyo sa kanila, huwag ninyo silang papatayin. 13 Alalahanin po ninyo ang ipinangako nʼyo sa inyong lingkod na sina Abraham, Isaac, at Jacob[b] na pararamihin ninyo ang lahi nila na kasindami ng bituin sa langit, at ibibigay ninyo sa lahi nila ang lahat ng lupaing ipinangako ninyo sa kanila, at magiging kanila ito magpakailanman.” 14 Kaya hindi na itinuloy ng Panginoon ang plano niyang pagpatay sa kanyang mga mamamayan.
15 Bumaba si Moises ng bundok na dala ang dalawang malalapad na batong sinulatan ng mga utos ng Dios. Nakasulat ang mga utos sa harap at likod ng bato. 16 Ang Dios mismo ang gumawa at sumulat nito.
17 Nang marinig ni Josue ang kaguluhan ng mga tao, sinabi niya kay Moises, “Parang may ingay ng digmaan sa kampo.” 18 Sumagot si Moises, “Hindi ingay ng digmaan ang naririnig ko kundi ingay ng mga awitan.”
19 Nang malapit na si Moises sa kampo, nakita niya ang dios-diosang baka at ang pagsasayaw ng mga tao, kaya nagalit siya nang matindi. Inihagis niya sa paanan ng bundok ang malalapad na bato na dala niya, at nabiyak ang mga ito. 20 Pagkatapos, kinuha niya ang dios-diosang baka na ginawa nila, at sinunog ito. Dinurog niya ito nang pinong-pino at inihalo sa tubig, at ipinainom sa mga mamamayan ng Israel.
Ang Mabuting Relasyon sa Kapwa
18 Mga babae, magpasakop kayo sa asawa nʼyo, dahil iyan ang nararapat gawin bilang mananampalataya sa Panginoon.
19 Mga lalaki, mahalin ninyo ang inyong asawa at huwag ninyo silang pagmamalupitan.
20 Mga anak, sundin ninyo ang mga magulang nʼyo sa lahat ng bagay, dahil kalugod-lugod ito sa Panginoon.
21 Mga magulang,[a] huwag kayong gumawa ng anumang bagay na ikasasama ng loob ng mga anak nʼyo para hindi sila panghinaan ng loob.
22 Mga alipin, sundin nʼyo sa lahat ng bagay ang mga amo nʼyo rito sa lupa. Hindi lang dahil nakatingin sila at nais ninyong malugod sila sa inyo, kundi gawin ninyo ito nang buong puso at may takot sa Panginoon. 23 Anuman ang gawin nʼyo, gawin nʼyo ito nang buong katapatan na parang ang Panginoon ang pinaglilingkuran nʼyo at hindi ang tao. 24 Alam naman ninyong may gantimpala kayong matatanggap sa Panginoon, dahil si Cristo na Panginoon natin ang siyang pinaglilingkuran ninyo. 25 Ang sinumang gumagawa ng masama ay parurusahan ayon sa kasalanan niya, dahil ang Dios ay walang pinapaboran.
4 Mga amo, maging mabuti at makatarungan kayo sa mga alipin ninyo. Alalahanin ninyong kayo rin ay mayroong amo sa langit.
Ang Ilan pang mga Bilin
2 Magpakasigasig kayo sa pananalangin nang may pasasalamat, at habang nananalangin kayo ingatan ninyo ang pag-iisip ninyo. 3 Ipanalangin nʼyo rin na bigyan kami ng Dios ng pagkakataon na maihayag ang mensahe tungkol kay Cristo na inilihim noon. Ang pangangaral ko tungkol dito ang dahilan ng pagkabilanggo ko. 4 Ipanalangin nʼyo na maipangaral ko ito nang mabuti, gaya nang nararapat.
5 Maging matalino kayo sa pakikitungo sa mga hindi mananampalataya, at samantalahin nʼyo ang lahat ng pagkakataon na maibahagi ang pananampalataya nʼyo. 6 Kung nakikipag-usap kayo sa kanila, gumamit kayo ng mga kawili-wiling salita para makinig sila sa inyo, at dapat alam nʼyo kung paano sumagot sa tanong ng bawat isa.
Mga Pangangamusta
7 Kung tungkol naman sa kalagayan ko rito, ang minamahal naming si Tykicus ang magbabalita sa inyo. Isa siyang tapat na manggagawa at kapwa ko lingkod ng Panginoon. 8 Pinapunta ko siya riyan para malaman nʼyo ang kalagayan namin, nang lumakas naman ang loob ninyo. 9 Kasama niya sa pagpunta riyan si Onesimus, ang tapat at minamahal nating kapatid na kababayan ninyo. Sila ang magbabalita sa inyo tungkol sa lahat ng nangyayari rito.
10 Kinukumusta kayo nina Aristarcus na kapwa ko bilanggo at Marcos na pinsan ni Bernabe. (Gaya ng ibinilin ko sa inyo, malugod ninyong tanggapin si Marcos pagdating niya riyan.) 11 Kinukumusta rin kayo ni Jesus na tinatawag na Justus. Sila lang ang mga Judio na kasama ko ritong naglilingkod para sa kaharian ng Dios, at pinapalakas nila ang loob ko.
12 Kinukumusta rin kayo ng kababayan ninyong si Epafras na isa ring lingkod ni Cristo Jesus. Lagi siyang nananalangin nang taimtim na manatili kayong matatag, maging ganap, at may buong katiyakan sa kalooban ng Dios. 13 Saksi ako sa mga pagsisikap ni Epafras para sa inyo at para sa mga nasa Laodicea at Hierapolis. 14 Kinukumusta rin kayo ni Lucas, ang minamahal nating doktor, at ni Demas.
15 Ikumusta nʼyo ako sa mga kapatid sa Laodicea, ganoon din kay Nymfa at sa mga mananampalataya[b] na nagtitipon sa bahay niya. 16 Pagkabasa nʼyo ng sulat na ito, ipabasa nʼyo rin sa iglesya sa Laodicea at basahin nʼyo rin ang sulat mula sa kanila. 17 Pakisabi kay Arkipus na ipagpatuloy niya ang gawaing tinanggap niya sa Panginoon.
18 Ako, si Pablo, ang mismong sumulat ng pagbating ito.
Alalahanin nʼyo ako rito sa bilangguan.
Pagpalain nawa kayo ng Dios.
Ang mga Mapalad
5 Nang makita ni Jesus ang napakaraming tao, umakyat siya sa bundok at naupo roon. Lumapit sa kanya ang mga tagasunod niya, 2 at nagsimula siyang mangaral. Sinabi niya,
3 “Mapalad ang mga taong inaaming nagkulang sila sa Dios,
dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
4 Mapalad ang mga naghihinagpis,
dahil aaliwin sila ng Dios.
5 Mapalad ang mga mapagpakumbaba,
dahil mamanahin nila ang mundo.[a]
6 Mapalad ang mga taong ang hangad ay matupad ang kalooban ng Dios,
dahil tutulungan sila ng Dios na matupad iyon.
7 Mapalad ang mga maawain,
dahil kaaawaan din sila ng Dios,
8 Mapalad ang mga taong may malinis na puso,
dahil makikita nila ang Dios.
9 Mapalad ang mga taong nagtataguyod ng kapayapaan,
dahil tatawagin silang mga anak ng Dios.
10 Mapalad ang mga dumaranas ng pag-uusig dahil sa pagsunod nila sa kalooban ng Dios,
dahil makakasama sila sa kaharian ng Dios.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®