Book of Common Prayer
Panawagan sa Lahat para Purihin ang Panginoon
148 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga nasa langit.
2 Purihin ninyo siya, kayong lahat ng kanyang anghel na hukbo niya sa langit.
3 Purihin ninyo siya, araw, buwan at mga bituin.
4 Purihin ninyo siya, pinakamataas na langit at tubig sa kalawakan.
5 Lahat ng nilalang ay magpuri sa Panginoon!
Sa kanyang utos silang lahat ay nalikha.
6 Inilagay niya sila sa kanilang kinalalagyan,
at mananatili roon magpakailanman, ayon sa kanyang utos sa kanila.
7 Purihin ang Panginoon, kayong nasa mundo, malalaking hayop sa karagatan, at lahat ng nasa kailaliman ng dagat,
8 mga kidlat at ulan na yelo, niyebe, mga ulap, at malalakas na hangin na sumusunod sa kanyang utos,
9 mga bundok, mga burol, mga punongkahoy na namumunga o hindi[a],
10 lahat ng mga hayop, maamo o mailap, mga hayop na gumagapang at lumilipad.
11 Purihin ninyo ang Panginoon, kayong mga hari, mga pinuno, mga tagapamahala, at lahat ng tao sa mundo,
12 mga kabataan, matatanda at mga bata.
13 Lahat ay magpuri sa Panginoon, dahil siyaʼy dakila sa lahat,
at ang kanyang kapangyarihan ay higit pa sa lahat ng nasa langit at lupa.
14 Pinalalakas niya at pinararangalan ang kanyang mga tapat na mamamayan, ang Israel na kanyang pinakamamahal.
Purihin ang Panginoon!
Awit ng Pagpupuri
149 Purihin ang Panginoon!
Umawit kayo ng bagong awit sa Panginoon.
Purihin nʼyo siya sa pagtitipon ng kanyang tapat na mga mamamayan.
2 Magalak ang mga taga-Israel sa kanilang Manlilikha.
Magalak ang mga taga-Zion sa kanilang Hari.
3 Magpuri sila sa kanya sa pamamagitan ng pagsasayaw;
at tumugtog sila ng tamburin at alpa sa pagpupuri sa kanya.
4 Dahil ang Panginoon ay nalulugod sa kanyang mga mamamayan;
pinararangalan niya ang mga mapagpakumbaba sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanila ng tagumpay.
5 Magalak ang mga tapat sa Dios dahil sa kanilang tagumpay;
umawit sila sa tuwa kahit sa kanilang mga higaan.
6 Sumigaw sila ng pagpupuri sa Dios habang hawak ang matalim na espada,
7 para maghiganti at magparusa sa mamamayan ng mga bansa,
8 para ikadena ang kanilang mga hari at mga pinuno,
9 at parusahan sila ayon sa utos ng Dios.
Itoʼy para sa kapurihan ng mga tapat na mamamayan ng Dios.
Purihin ang Panginoon!
Purihin ang Panginoon
150 Purihin ang Panginoon!
Purihin ninyo ang Dios sa kanyang templo.
Purihin nʼyo siya sa langit, ang kanyang matibay na tirahan.
2 Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang dakilang mga ginagawa.
Purihin nʼyo siya dahil sa kanyang kapangyarihang walang kapantay.
3 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng pagpapatunog ng mga trumpeta!
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga alpa at lira!
4 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga tamburin at mga sayaw.
Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga instrumentong may kwerdas at mga plauta.
5 Purihin nʼyo siya sa pamamagitan ng mga matutunog na mga pompyang.
6 Ang lahat ng may buhay ay magpuri sa Panginoon.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Pagpupuri sa Kabutihan ng Dios
113 Purihin nʼyo ang Panginoon!
Kayong mga lingkod ng Panginoon, purihin nʼyo siya!
2 Purihin nʼyo ang Panginoon,
ngayon at magpakailanman.
3 Mula sa pagsikat hanggang sa paglubog ng araw,
ang pangalan ng Panginoon ay dapat papurihan.
4 Maghahari ang Panginoon sa lahat ng bansa,
ang kanyang kaluwalhatian ay hindi mapapantayan.
5 Walang katulad ang Panginoon na ating Dios,
na nakaupo sa kanyang trono sa itaas.
6 Yumuyuko siya upang tingnan ang kalangitan at ang sanlibutan.
7 Tinutulungan niya ang mga dukha at nangangailangan sa kanilang kagipitan.
8 At silaʼy pinararangalang kasama ng mararangal na tao
mula sa kanyang mga mamamayan.
9 Pinaliligaya niya ang baog na babae sa tahanan nito,
sa pamamagitan ng pagbibigay sa kanya ng mga anak.
Purihin ninyo ang Panginoon!
Awit tungkol sa Paglabas ng mga Israelita sa Egipto
114 Nakatira noon ang mga taga-Israel na lahi ni Jacob sa Egipto,
na kung saan iba ang wika ng mga tao.
2 Nang papalabas na sila sa Egipto, ginawa ng Dios na banal na lugar ang Juda,
at ang Israel ay kanyang pinamunuan.
3 Ang Dagat na Pula ay nahawi at ang Ilog ng Jordan ay tumigil sa pag-agos.
4 Nayanig ang mga bundok at burol,
na parang mga lumulundag na kambing at mga tupa.
5 Bakit nahawi ang Dagat na Pula,
at tumigil sa kanyang pag-agos ang Ilog ng Jordan?
6 Bakit nayayanig ang mga bundok at mga burol,
na parang lumulundag na mga kambing at tupa?
7 Nayayanig ang mundo sa presensya ng Panginoong Dios ni Jacob,
8 na siyang gumawa sa matigas na bato upang maging imbakan ng tubig at naging bukal na umaagos.
Pasasalamat dahil sa Pagtatagumpay
118 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
2 Ang lahat ng mamamayan ng Israel ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
3 Ang lahat ng mga angkan ni Aaron ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
4 Ang lahat ng may takot sa Panginoon ay magsabi, “Ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.”
5 Sa aking kagipitan, dumulog ako sa Panginoon,
at akoʼy kanyang sinagot at iniligtas.
6 Kasama ko ang Panginoon, kaya hindi ako matatakot.
Ano ang magagawa ng tao sa akin?
7 Kasama ko ang Panginoon, siya ang tumutulong sa akin.
Makikita ko ang pagkatalo ng aking mga kaaway.
8 Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa tao.
9 Mas mabuting manalig sa Panginoon, sa halip na magtiwala sa mga pinuno.
10 Napaligiran ako ng maraming bansang kaaway ko,
ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
11 Totoong pinaligiran nila ako,
ngunit sa kapangyarihan ng Panginoon silaʼy tinalo ko.
12 Sinalakay nila ako na parang mga pukyutan,
ngunit silaʼy napatigil agad na parang sinusunog na dayami na madali lang mapawi ng apoy.
Dahil sa kapangyarihan ng Panginoon, silaʼy tinalo ko.
13 Puspusan nila akong sinalakay,
at halos magtagumpay na sila,
ngunit tinulungan ako ng Panginoon.
14 Ang Panginoon ang aking kalakasan
at siya ang aking awit.
Siya ang nagligtas sa akin.
15-16 Naririnig ang masayang sigawan ng mga mamamayan ng Dios sa kanilang mga tolda dahil sa kanilang tagumpay.
Ang Panginoon ang nagbigay sa kanila ng tagumpay sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan!
Ang kapangyarihan ng Panginoon ang nagbibigay ng tagumpay!
17 Hindi ako mamamatay, sa halip ay mabubuhay,
at isasaysay ko ang mga ginawa ng Panginoon.
18 Kahit napakatindi ng parusa ng Panginoon sa akin, hindi niya niloob na akoʼy mamatay.
19 Buksan ninyo ang pintuan ng templo ng Panginoon para sa akin dahil papasok ako at siyaʼy aking pasasalamatan.
20 Ito ang pintuan ng Panginoon na ang mga matuwid lang ang makakapasok.
21 Magpapasalamat ako sa inyo Panginoon, dahil sinagot nʼyo ang aking dalangin.
Kayo ang nagligtas sa akin.
22 Ang batong itinakwil ng mga tagapagtayo ay siyang naging batong pundasyon.
23 Ang Panginoon ang may gawa nito at tunay na kahanga-hanga sa ating paningin.
24 Ito ang araw na ginawa ng Panginoon, kaya tayoʼy magalak at magdiwang.
25 Panginoon, patuloy nʼyo kaming iligtas.
Pagtagumpayin nʼyo kami sa lahat ng aming ginagawa.
26 Pinagpapala ang dumarating sa ngalan ng Panginoon.
Pagpalain sana kayo ng Panginoon mula sa kanyang templo.
27 Ang Panginoon ay Dios at napakabuti niya sa atin.
Magdala tayo ng mga sanga ng punongkahoy para sa pagdiriwang ng pista, at pumarada paikot sa altar.
28 Panginoon, kayo ang aking Dios;
nagpapasalamat ako at nagpupuri sa inyo.
29 Pasalamatan ang Panginoon, dahil siyaʼy mabuti;
ang kanyang tapat na pag-ibig ay walang hanggan.
Ang Paglampas ng Anghel
12 Sinabi ng Panginoon kina Moises at Aaron doon sa Egipto, 2 “Mula ngayon, ang buwan na ito ang magiging unang buwan ng taon para sa inyo. 3 Ipaalam ninyo sa buong kapulungan ng Israel na sa ikasampung araw ng buwan na ito, maghahanda ang bawat pamilya ng isang tupa o kambing. 4 Kung maliit lang ang isang pamilya at hindi makakaubos ng isang tupa, maghati sila ng kapitbahay niya. Hatiin nila ito ayon sa dami nila at ayon sa makakain ng bawat tao. 5 Kailangang piliin ninyo ang lalaking kambing o tupa na isang taon pa lang at walang kapintasan. 6 Alagaan ninyo ito hanggang sa dapit-hapon nang ika-14 na araw ng buwan. Ito ang panahon na kakatayin ng buong kapulungan ng Israel ang mga hayop. 7 Pagkatapos, kunin ninyo ang dugo nito at ipahid sa ibabaw at sa gilid ng hamba ng mga pintuan ng mga bahay na kakainan ninyo ng mga tupa. 8 Sa gabing iyon, ang kakainin ninyoʼy ang nilitsong tupa, mapapait na gulay at tinapay na walang pampaalsa. 9 Huwag ninyong kakainin nang hilaw o nilaga ang karne kundi litsunin ninyo ito nang buo kasama ang ulo, paa at mga lamang-loob. 10 Ubusin ninyo ito, at kung may matira kinaumagahan, sunugin ninyo. 11 Habang kumakain kayo, handa na dapat kayo sa pag-alis. Isuot ninyo ang inyong mga sandalyas at hawakan ang inyong mga baston, at magmadali kayong kumain. Ito ang Pista ng Paglampas ng Anghel na ipagdiriwang ninyo bilang pagpaparangal sa akin.
12 “Sa gabing iyon, dadaan ako sa Egipto at papatayin ko ang lahat ng panganay na lalaki ng mga Egipcio pati na ang panganay ng kanilang mga hayop. Parurusahan ko ang lahat ng dios ng Egipto. Ako ang Panginoon. 13 Ang dugong ipinahid ninyo sa hamba ng pintuan ninyo ang magiging tanda na nakatira kayo roon. Kapag nakita ko ang dugo, lalampasan ko ang bahay ninyo, at walang salot na sasapit sa inyo kapag pinarusahan ko ang Egipto.
14 “Dapat ninyong tandaan ang araw na ito magpakailanman. Ipagdiwang ninyo ito taun-taon bilang pista ng pagpaparangal sa akin. Ang tuntuning itoʼy dapat ninyong sundin hanggang sa mga susunod pang henerasyon.
9 Sige na, Panginoon, tulungan nʼyo na po kami. Gamitin nʼyo na ang inyong kapangyarihan sa pagliligtas sa amin. Tulungan nʼyo kami katulad ng ginawa nʼyo noon. Hindi baʼt kayo ang tumadtad sa dragon na si Rahab?[a] 10 Hindi baʼt kayo rin po ang nagpatuyo ng dagat, gumawa ng daan sa gitna nito para makatawid ang inyong mga mamamayan na iniligtas nʼyo sa Egipto? 11 Ang inyong mga tinubos ay babalik sa Zion na nag-aawitan at may kagalakan magpawalang hanggan. Mawawala na ang kanilang mga kalungkutan, at mag-uumapaw ang kanilang kaligayahan.
Ang Salitang Nakapagbibigay ng Buhay na Walang Hanggan
1 Nang pasimula, naroon na ang tinatawag na Salita. Ang Salita ay kasama ng Dios at ang Salita ay Dios. 2 Sa simula paʼy kasama na siya ng Dios. 3 Nilikha ang lahat ng bagay sa pamamagitan niya, at walang anumang nalikha nang hindi sa pamamagitan niya. 4 Ang Salita ang pinagmumulan ng buhay, at ang buhay na itoʼy ilaw, dahil ito ang nagbibigay-liwanag sa mga tao. 5 Ang ilaw na itoʼy nagliliwanag sa kadiliman,[a] at hindi ito nadaig ng kadiliman.[b]
6 Isinugo ng Dios ang isang tao na ang pangalan ay Juan. 7 Isinugo siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw, upang sa pamamagitan ng kanyang patotoo ay sumampalataya ang lahat ng tao. 8 Hindi si Juan ang mismong ilaw, kundi naparito siya upang magpatotoo kung sino ang ilaw. 9 Ang tunay na ilaw na nagbibigay-liwanag sa lahat ng tao ay dumating na sa mundo. 10 Naparito siya sa mundo. At kahit na nilikha ang mundo sa pamamagitan niya, hindi siya kinilala ng mundo. 11 Pumunta siya sa sarili niyang mga kababayan, pero tinanggihan siya ng karamihan. 12 Ngunit ang lahat ng tumanggap at sumampalataya sa kanya ay binigyan niya ng karapatang maging anak ng Dios. 13 Naging anak sila ng Dios hindi sa pamamagitan ng pisikal na pagkasilang o dahil sa kagustuhan ng tao kundi dahil sa kalooban ng Dios.
14 Nagkatawang-tao ang Salita at namuhay na kasama natin. Nakita namin ang kadakilaan niya bilang kaisa-isang Anak ng Ama. Puspos siya ng biyaya at pawang katotohanan ang mga sinasabi niya.
15 Nagpatotoo si Juan tungkol sa kanya at ito ang kanyang sinabi: “Siya ang tinutukoy ko nang sabihin kong, ‘May isang darating na kasunod ko, mas dakila siya kaysa sa akin, dahil nariyan na siya bago pa ako ipanganak.’ ”
16 Sa kasaganaan ng kanyang biyaya[c] ay tumanggap tayong lahat ng sunud-sunod na pagpapala. 17 Ibinigay sa atin ng Dios ang Kautusan sa pamamagitan ni Moises, ngunit ang biyaya at katotohanan ay napasaatin sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. 18 Wala pang nakakita sa Dios Ama kahit kailan, ngunit ipinakilala siya sa atin ng kanyang Bugtong na Anak,[d] na Dios din nga at kapiling ng Ama.[e]
Ang Nangyari sa Daan na Patungong Emaus(A)
13 Nang araw ding iyon, may dalawang tagasunod si Jesus na naglalakad papuntang Emaus. Ang nayong ito ay mga 11 kilometro ang layo mula sa Jerusalem. 14 Pinag-uusapan ng dalawa ang mga pangyayaring naganap kamakailan lang. 15 Habang nag-uusap sila at nagtatalo tungkol sa mga bagay na iyon, lumapit sa kanila si Jesus at nakisabay sa paglalakad. 16 Hindi nila siya nakilala dahil itinago ito sa kanilang paningin. 17 Tinanong sila ni Jesus, “Ano ang pinag-uusapan ninyo habang naglalakad kayo?” Tumigil sandali ang dalawa na malungkot ang mga mukha. 18 Sumagot ang isa na ang pangalan ay Cleopas, “Siguro, sa lahat ng dumadayo sa Jerusalem, kayo lang ang hindi nakabalita tungkol sa mga nangyari roon kamakailan.” 19 Nagtanong si Jesus sa kanila, “Bakit, ano ang mga nangyari?” At sumagot sila, “Ang nangyari kay Jesus na taga-Nazaret. Isa siyang propetang makapangyarihan sa paningin ng Dios at ng mga tao. At pinatunayan ito ng mga gawa at aral niya. 20 Inakusahan siya ng mga pinuno namin at ng mga namamahalang pari upang mahatulang mamatay. At ipinako siya sa krus. 21 Umasa pa naman kami na siya ang magpapalaya sa Israel mula sa kamay ng mga taga-Roma. Pero ikatlong araw na ngayon mula nang pinatay siya. 22-23 Pero nagulat kami sa ibinalita sa amin ng ilang babaeng kasamahan namin na maagang pumunta kanina sa libingan. Hindi nila nakita ang bangkay ni Jesus, pero nakakita raw sila ng mga anghel na nagsabing buhay si Jesus. 24 Pumunta rin sa libingan ang ilan sa mga kasama naming lalaki at nakita nila na wala nga roon ang bangkay, gaya ng sinabi ng mga babae.”
25 Sinabi sa kanila ni Jesus, “Mga mangmang kayo! Ang hirap ninyong papaniwalain sa lahat ng sinabi ng mga propeta sa Kasulatan. 26 Hindi baʼt ang Cristo ay kailangang magtiis ng lahat ng ito bago siya parangalan ng Dios?” 27 At ipinaliwanag sa kanila ni Jesus ang lahat ng nakasulat sa Kasulatan tungkol sa kanya, mula sa mga isinulat ni Moises hanggang sa mga isinulat ng mga propeta.
28 Nang malapit na sila sa Emaus na pupuntahan nila, nagkunwari si Jesus na magpapatuloy sa kanyang paglalakbay. 29 Pero pinigil nila siya, at sinabi, “Dito na muna kayo tumuloy sa amin, dahil palubog na ang araw at dumidilim na.” Kaya sumama siya sa kanila. 30 Nang kakain na sila, kinuha ni Jesus ang tinapay at nagpasalamat sa Dios. Pagkatapos, pinaghati-hati niya ito at ibinigay sa kanila. 31 Nabuksan ang kanilang mga paningin at nakilala nila si Jesus. Pero bigla siyang nawala sa kanilang paningin. 32 Sinabi nila, “Kaya pala ang ganda ng pakiramdam natin habang kinakausap niya tayo sa daan at ipinapaliwanag sa atin ang Kasulatan.”
33 Noon din ay bumalik sila sa Jerusalem. Nadatnan nilang nagtitipon ang 11 apostol at ang iba pa nilang kasamahan. 34 Pinag-uusapan nilang, “Muli ngang nabuhay ang Panginoon! Nagpakita siya kay Pedro.” 35 Ikinuwento naman ng dalawang galing Emaus ang nangyari sa kanila sa daan, at kung paano nila nakilala si Jesus nang paghahati-hatiin niya ang tinapay.
Nagpakita si Jesus sa mga Tagasunod Niya(A)
19 Nang takip-silim na ng araw na iyon, nagsama-sama ang mga tagasunod ni Jesus. Ikinandado nila ang mga pinto dahil sa takot sa mga pinuno ng mga Judio. Dumating si Jesus at tumayo sa gitna nila, at sinabi, “Sumainyo ang kapayapaan.” 20 Pagkasabi niya nito, ipinakita niya ang sugat sa mga kamay at tagiliran niya. Labis na natuwa ang mga tagasunod nang makita ang Panginoon. 21 Muling sinabi ni Jesus sa kanila, “Sumainyo ang kapayapaan. Kung paanong sinugo ako ng Ama, kayo ay isinusugo ko rin.” 22 Pagkasabi niya nito, hiningahan niya sila at sinabi, “Tanggapin nʼyo ang Banal na Espiritu. 23 Kung patatawarin nʼyo ang kasalanan ng isang tao, pinatawad na siya ng Dios. At kung hindi nʼyo patatawarin ang kanyang kasalanan, hindi rin siya pinatawad ng Dios.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®