Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri sa Dios
95 Halikayo, magsiawit tayo nang may kagalakan!
Sumigaw tayo sa pagpupuri sa Panginoon na ating Bato na kanlungan at tagapagligtas.
2 Lumapit tayo sa kanya nang may pasasalamat,
at masaya nating isigaw ang mga awit ng papuri sa kanya.
3 Dahil ang Panginoon ay dakilang Dios.
Makapangyarihang hari sa lahat ng mga dios.
4 Siya ang may-ari ng kailaliman ng lupa at tuktok ng mga bundok.
5 Sa kanya rin ang dagat pati ang lupain na kanyang ginawa.
6 Halikayo, lumuhod tayo at sumamba sa Panginoon na lumikha sa atin.
7 Dahil siya ang ating Dios
at tayo ang kanyang mga mamamayan na gaya ng mga tupa sa kanyang kawan na kanyang binabantayan at inaalagaan.
Kapag narinig ninyo ang tinig niya,
8 huwag ninyong patigasin ang inyong mga puso,
katulad ng ginawa noon ng inyong mga ninuno doon sa Meriba at sa ilang ng Masa.
9 Sinabi ng Dios, “Sinubok nila ako doon, kahit na nakita nila ang mga ginawa ko.
10 Sa loob ng 40 taon, lubha akong nagalit sa kanila.
At sinabi kong silaʼy mga taong naligaw ng landas at hindi sumusunod sa aking mga itinuturo.
11 Kaya sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”
Panalangin ng Nagdurusa
88 Panginoon, kayo ang Dios na aking Tagapagligtas.
Tumatawag ako sa inyo araw-gabi.
2 Dinggin nʼyo ang panalangin ko at sagutin ang aking panawagan.
3 Dahil napakaraming paghihirap na dumarating sa akin
at parang mamamatay na ako.
4 Para na akong isang taong nag-aagaw buhay na hindi na matutulungan pa.
5 Pinabayaan na ako, kasama ng mga patay.
Para akong patay na inilagay sa libingan,
kinalimutan nʼyo na at hindi tinutulungan.
6 Para nʼyo akong inilagay sa napakalalim at napakadilim na hukay.
7 Sobra ang galit nʼyo sa akin,
parang mga alon na humahampas sa akin.
8 Inilayo nʼyo sa akin ang aking mga kaibigan at ginawa nʼyo akong kasuklam-suklam sa kanila.
Nakulong ako at hindi na makatakas.
9 Dumidilim na ang paningin ko dahil sa hirap.
Panginoon, araw-araw akong tumatawag sa inyo na nakataas ang aking mga kamay.
10 Gumagawa ba kayo ng himala sa mga patay?
Bumabangon ba sila upang kayoʼy papurihan?
11 Ang katapatan nʼyo ba at pag-ibig ay pinag-uusapan sa libingan?
12 Makikita ba ang inyong mga himala at katuwiran sa madilim na lugar ng mga patay?
Doon sa lugar na iyon ang lahat ay kinakalimutan.
13 Kaya Panginoon, humihingi ako ng tulong sa inyo.
Tuwing umagaʼy nananalangin ako sa inyo.
14 Ngunit bakit nʼyo ako itinatakwil Panginoon?
Bakit nʼyo ako pinagtataguan?
15 Mula pa noong bata ay nagtitiis na ako at muntik nang mamatay.
Tiniis ko ang mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
16 Ang inyong galit ay humampas sa akin na parang malakas na hangin.
Halos mamatay ako sa mga nakakatakot na ginawa nʼyo sa akin.
17 Dumating ang mga ito sa akin na parang baha at pinalibutan ako.
18 Inilayo nʼyo sa akin ang mga mahal ko sa buhay at mga kaibigan;
wala akong naging kasama kundi kadiliman.
Panalangin ng Pagtitiwala
27 Ang Panginoon ang aking ilaw at Tagapagligtas.
Sino ang aking katatakutan?
Siya ang nagtatanggol sa akin kaya wala akong dapat katakutan.
2 Kapag sinasalakay ako ng masasamang tao o ng aking mga kaaway upang patayin,
sila ang nabubuwal at natatalo!
3 Kahit mapaligiran ako ng maraming kawal,
hindi ako matatakot.
Kahit salakayin nila ako,
magtitiwala ako sa Dios.
4 Isang bagay ang hinihiling ko sa Panginoon, ito ang tanging ninanais ko:
na akoʼy manirahan sa kanyang templo habang akoʼy nabubuhay,
upang mamasdan ang kanyang kadakilaan,
at hilingin sa kanya ang kanyang patnubay.
5 Sa oras ng kagipitan ay itatago niya ako sa kanyang templo,
at ilalagay niya ako sa ligtas na lugar.
6 Kaya mananaig ako sa mga kaaway ko na nakapaligid sa akin.
Maghahandog ako sa templo ng Panginoon habang sumisigaw sa kagalakan,
umaawit at nagpupuri.
7 Dinggin nʼyo Panginoon ang aking pagtawag.
Kahabagan nʼyo ako at sagutin ang aking dalangin.
8 Panginoon, hinipo nʼyo ang aking puso na lumapit sa inyo,
kaya narito ako, lumalapit sa inyo.
9 Huwag nʼyo po akong pagtaguan!
Ako na alipin nʼyo ay huwag nʼyong itakwil dahil sa inyong galit.
Kayo na laging tumutulong sa akin,
huwag nʼyo akong iwanan at pabayaan,
O Dios na aking Tagapagligtas.
10 Iwanan man ako ng aking mga magulang,
kayo naman, Panginoon, ang mag-aalaga sa akin.
11 Ituro nʼyo sa akin ang daang gusto nʼyong lakaran ko.
Patnubayan nʼyo ako sa tamang daan,
dahil sa mga kaaway ko na gusto akong gawan ng masama.
12 Huwag nʼyo akong ibigay sa aking mga kaaway,
dahil akoʼy kanilang pinagbibintangan ng kasinungalingan,
at nais nilang akoʼy saktan.
13 Ngunit naniniwala ako na mararanasan ko ang kabutihan nʼyo, Panginoon,
habang akoʼy nabubuhay dito sa mundo.
14 Magtiwala kayo sa Panginoon!
Magpakatatag kayo at huwag mawalan ng pag-asa.
Magtiwala lamang kayo sa Panginoon!
37 Walang anumang bagay na nangyayari na hindi pinahihintulutan ng Panginoon. 38 Ang Kataas-taasang Dios ang nagpapasya kung ang isang bagay na mabuti o masama ay mangyayari. 39 Kaya bakit tayo magrereklamo kung pinarurusahan tayo dahil sa ating kasalanan? 40 Ang dapat ay siyasatin natin ang ating pamumuhay at magbalik-loob sa Panginoon. 41 Buksan natin ang ating mga puso at itaas ang ating mga kamay sa Dios na nasa langit at sabihin: 42 “Panginoon, nagkasala po kami at naghimagsik sa inyo, at hindi nʼyo kami pinatawad. 43 Nagalit kayo sa amin at inusig kami at walang awang pinatay. 44 Tinakpan nʼyo ng mga ulap ang inyong sarili para hindi nʼyo marinig ang aming mga dalangin. 45 Ginawa nʼyo kaming parang basura sa paningin ng ibaʼt ibang bansa. 46 Kinutya kami ng lahat ng aming mga kaaway. 47 Dumanas kami ng matinding takot, panganib, pagkasira at kapahamakan.”
48 Napaluha ako dahil sa kapahamakang sinapit ng aking mga kalahi.
49 Patuloy akong iiyak 50 hanggang sa tumunghay ang Panginoon mula sa langit. 51 Labis akong nasaktan sa sinapit ng mga kababaihan ng aking lungsod.
52 Hinahabol ako ng aking mga kaaway na parang isang ibon, kahit na wala naman akong nagawang kasalanan sa kanila. 53 Sinubukan nila akong patayin sa pamamagitan ng pambabato at paghulog sa balon. 54 Halos malunod na ako at ang akala koʼy mamamatay na ako.
55 Doon sa ilalim ng balon, tumawag ako sa inyo Panginoon. 56 Pinakinggan nʼyo ang pagmamakaawa ko at paghingi ng tulong. 57 Dumating kayo nang akoʼy tumawag at sinabi nʼyong huwag akong matakot. 58 Tinulungan nʼyo ako sa problema ko Panginoon, at iniligtas nʼyo ang buhay ko.
4 Ngunit kahit na ganoon ang nangyari sa kanila, nanatili pa rin ang pangako ng Dios na makakamtan natin ang kapahingahang mula sa kanya. Kaya mag-ingat tayo at baka mayroon sa atin na hindi magkakamit ng pangakong ito. 2 Sapagkat nakarinig din tayo ng Magandang Balita katulad nila, pero naging walang saysay ang narinig nila dahil hindi sila sumampalataya. 3 Tayong mga sumasampalataya ang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios. Ngunit hindi ito makakamit ng hindi sumasampalataya, dahil sinabi ng Dios,
“Sa galit ko, isinumpa kong hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.”[a]
Hindi ibig sabihin na wala pa ang kapahingahan. Ang totoo, nariyan na ito mula pa nang likhain ang mundo. 4 Sapagkat sinasabi ng Kasulatan tungkol sa ikapitong araw,
“Sa ikapitong araw, nagpahinga ang Dios sa kanyang paglikha.”[b]
5 At sinabi rin sa Kasulatan, “Hinding-hindi nila makakamtan ang kapahingahang galing sa akin.” 6 Malinaw na niloob ng Dios na may magkakamit ng kapahingahang ito, pero ang mga nakarinig noon ng Magandang Balita ay hindi ito nakamtan dahil sa pagsuway nila sa kanya. 7 Kaya muling nagtakda ang Dios ng isa pang pagkakataon, na walang iba kundi ngayon. Dahil pagkalipas ng matagal na panahon sinabi ng Dios sa pamamagitan ni David,
“Kung marinig nʼyo ngayon ang tinig ng Dios, huwag ninyong patigasin ang puso ninyo.”[c]
8 Dahil kung tunay na nadala ni Josue sa kapahingahan ang mga tao noong una, hindi na sana nagsalita ang Dios tungkol sa isa pang kapahingahan. 9 Kaya may kapahingahan pang nakalaan sa mga taong sakop ng Dios. At ang kapahingahang itoʼy katulad ng pagpapahinga ng Dios sa ikapitong araw. 10 Sapagkat ang sinumang magkakamit ng kapahingahang mula sa Dios ay makapagpapahinga rin sa mga gawain niya, tulad ng pamamahinga ng Dios matapos niyang likhain ang lahat. 11 Kaya sikapin nating makamit ang kapahingahang ito. Huwag nating tularan ang mga tao noong una na sumuway sa Dios, at baka hindi natin ito makamtan. 12 Sapagkat buhay at mabisa ang salita ng Dios, at higit na matalas kaysa sa alinmang espadang magkabila ang talim. Tumatagos ito hanggang kaluluwaʼt espiritu, at hanggang sa kasu-kasuan at kaloob-looban ng buto. Nalalaman nito ang pinakamalalim na iniisip at hinahangad ng tao. 13 Walang makapagtatago sa Dios. Nakikita niya at lantad sa paningin niya ang lahat, at sa kanya tayo mananagot.
Si Cristo ang Ating Punong Pari
14 Kaya panghawakan nating mabuti ang pinaniniwalaan natin dahil mayroon tayong dakilang punong pari na pumasok sa kalangitan, na walang iba kundi si Jesus na Anak ng Dios. 15 Nadarama rin ng ating punong pari ang lahat ng kahinaan natin, dahil naranasan din niya ang lahat ng pagsubok na dumarating sa atin, pero hindi siya nagkasala. 16 Kaya huwag tayong mag-atubiling lumapit sa trono ng maawaing Dios para matanggap natin ang awa at biyayang makakatulong sa atin sa panahon ng pangangailangan.
Pamumuhay na Ayon sa Banal na Espiritu
8 Kaya ngayon, hindi na hahatulan ng kaparusahan ang mga nakay Cristo Jesus. 2 Sapagkat sa pakikipag-isa natin kay Cristo Jesus, pinalaya na tayo sa kapangyarihan[a] ng kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Banal na Espiritu na nagbibigay-buhay. 3 Ang Kautusan ay hindi makapag-aalis ng kapangyarihan ng kasalanan sa ating buhay dahil sa kahinaan ng ating makasalanang pagkatao. Ang Dios ang nag-alis nito nang isinugo niya ang sarili niyang Anak sa anyo ng isang taong makasalanan upang handog para sa ating mga kasalanan. At sa kanyang pagiging tao, tinapos na ng Dios ang kapangyarihan ng kasalanan. 4 Ginawa ito ng Dios para ang ipinatutupad ng Kautusan ay matupad nating mga namumuhay sa patnubay ng Banal na Espiritu at hindi ayon sa ating makasalanang pagkatao. 5 Sapagkat ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng kanilang pagkatao. Pero ang tao namang namumuhay ayon sa Banal na Espiritu ay walang ibang iniisip kundi ang nais ng Banal na Espiritu. 6 Ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng makasalanang pagkatao ay kamatayan, pero ang kahihinatnan ng pagsunod sa nais ng Banal na Espiritu ay kapayapaan at buhay na walang hanggan. 7 Kalaban ng Dios ang sinumang sumusunod sa nais ng makasalanan niyang pagkatao, dahil ayaw niyang sumunod sa Kautusan ng Dios, at talagang hindi niya magagawang sumunod. 8 Kaya ang mga taong nabubuhay ayon sa kanilang makasalanang pagkatao ay hindi maaaring kalugdan ng Dios.
9 Pero hindi na kayo nabubuhay ayon sa makasalanang pagkatao kundi ayon sa patnubay ng Espiritu, kung totoong nasa inyo na nga ang Espiritu ng Dios. Kung wala sa isang tao ang Espiritu ni Cristo, siyaʼy hindi kay Cristo. 10 Pero dahil nasa inyo na si Cristo, mamatay man ang katawan nʼyo dahil sa kasalanan, buhay naman ang inyong espiritu dahil itinuring na kayong matuwid ng Dios. 11 At dahil nasa inyo na ang Espiritu ng Dios na muling bumuhay kay Jesu-Cristo, siya rin ang magbibigay ng buhay sa inyong mga katawang may kamatayan. Gagawin niya ito sa pamamagitan ng kanyang Espiritung nananahan sa inyo.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®