Book of Common Prayer
Awit ng Pagpupuri
145 Ako ay magpupuri sa inyo, aking Dios at Hari.
Pupurihin ko kayo magpakailanman.
2 Pupurihin ko kayo araw-araw,
at itoʼy gagawin ko magpakailanman.
3 Panginoon, kayoʼy makapangyarihan at karapat-dapat na purihin.
Ang inyong kadakilaan ay hindi kayang unawain.
4 Ang bawat salinlahi ay magsasabi sa susunod na salinlahi ng tungkol sa inyong makapangyarihang gawa.
5 Pagbubulay-bulayan ko ang inyong kadakilaan at kapangyarihan, at ang inyong kahanga-hangang mga gawa.
6 Ipamamalita ng mga tao ang inyong kapangyarihan at kahanga-hangang mga gawa,
at ipamamalita ko rin ang inyong kadakilaan.
7 Ipamamalita nila ang katanyagan ng inyong kabutihan,
at aawit sila nang may kagalakan tungkol sa inyong katuwiran.
8 Panginoon, kayoʼy mahabagin at matulungin;
hindi madaling magalit at sagana sa pagmamahal.
9 Panginoon, mabuti kayo sa lahat;
nagmamalasakit kayo sa lahat ng inyong nilikha.
10 Pasasalamatan kayo, Panginoon, ng lahat ng inyong nilikha;
pupurihin kayo ng inyong mga tapat na mamamayan.
11 Ipamamalita nila ang inyong kapangyarihan at ang kadakilaan ng inyong paghahari,
12 upang malaman ng lahat ang inyong dakilang mga gawa at ang kadakilaan ng inyong paghahari.
13 Ang inyong paghahari ay magpakailanman.
Panginoon, tapat kayo sa inyong mga pangako,
at mapagmahal kayo sa lahat ng inyong nilikha.
14 Tinutulungan nʼyo ang mga dumaranas ng kahirapan,
at pinalalakas ang mga nanghihina.
15 Ang lahat ng nilalang na may buhay ay umaasa sa inyo,
at binibigyan nʼyo sila ng pagkain sa panahong kailangan nila.
16 Sapat ang inyong ibinibigay at silaʼy lubos na nasisiyahan.
17 Panginoon, matuwid kayo sa lahat ng inyong pamamaraan,
at matapat sa lahat ng inyong ginagawa.
18 Kayoʼy malapit sa lahat ng tapat na tumatawag sa inyo.
19 Ibinibigay nʼyo ang nais ng mga taong may takot sa inyo;
pinapakinggan nʼyo ang kanilang mga daing at inililigtas nʼyo sila.
20 Binabantayan nʼyo ang mga umiibig sa inyo,
ngunit ang masasama ay lilipulin ninyo.
21 Pupurihin ko kayo, Panginoon!
Ang lahat ng nilikha ay magpupuri sa inyo magpakailanman.
Papuri sa Dios na Lumikha
104 Pupurihin ko ang Panginoon!
Panginoon kong Dios, kayo ay dakila sa lahat.
Nadadamitan kayo ng kadakilaan at karangalan.
2 Nababalutan kayo ng liwanag na parang inyong damit.
At inilaladlad nʼyo na parang tolda ang langit.
3 Itinayo nʼyo ang inyong tahanan sa itaas pa ng kalawakan.
Ginawa nʼyo ang mga alapaap na inyong sasakyan,
at inililipad ng hangin habang kayoʼy nakasakay.
4 Ginagawa nʼyong tagapaghatid ng balita ang hangin,
at ang kidlat na inyong utusan.
5 Inilagay nʼyo ang mundo sa matibay na pundasyon,
kaya hindi ito matitinag magpakailanman.
6 Ang tubig ay ginawa nʼyong parang tela na ipinambalot sa mundo,
at umapaw hanggang sa kabundukan.
7 Sa inyong pagsaway na parang kulog, nahawi ang tubig,
8 at itoʼy umagos sa mga kabundukan at mga kapatagan,
hanggang sa mga lugar na inyong inilaan na dapat nitong kalagyan.
9 Nilagyan nʼyo ito ng hangganan, upang hindi umapaw ang tubig,
para hindi na muling matabunan ang mundo.
10 Lumikha ka ng mga bukal sa mga lambak,
at umagos ang tubig sa pagitan ng mga bundok.
11 Kaya lahat ng mga hayop sa gubat,
pati mga asnong-gubat ay may tubig na maiinom.
12 At malapit sa tubig, may mga pugad ang mga ibon, at sa mga sanga ng punongkahoy silaʼy nagsisiawit.
13 Mula sa langit na inyong luklukan, ang bundok ay inyong pinapaulanan.
At dahil sa inyong ginawa, tumatanggap ang mundo ng pagpapala.
14 Pinatutubo nʼyo ang mga damo para sa mga hayop,
at ang mga tanim ay para sa mga tao
upang silaʼy may maani at makain –
15 may alak na maiinom na magpapasaya sa kanila,
may langis na pampakinis ng mukha,
at may tinapay na makapagpapalakas sa kanila.
16 Nadidiligang mabuti ang inyong mga punongkahoy,
ang puno ng sedro sa Lebanon na kayo rin ang nagtanim.
17 Doon nagpupugad ang mga ibon,
at ang mga tagak ay tumatahan sa mga puno ng abeto.
18 Ang kambing-gubat ay nakatira sa matataas na kabundukan.
Ang mga hayop na badyer[a] ay naninirahan sa mababatong lugar.
19 Nilikha nʼyo ang buwan bilang tanda ng panahon;
at ang araw namaʼy lumulubog sa oras na inyong itinakda.
20 Nilikha nʼyo ang kadiliman na tinawag na gabi;
at kung gabiʼy gumagala ang maraming hayop sa kagubatan.
21 Umaatungal ang mga leon habang naghahanap ng kanilang makakain na sa inyo nagmumula.
22 At pagsapit ng umaga, bumabalik sila sa kanilang mga lungga,
at doon nagpapahinga.
23 Ang mga tao naman ay lumalabas papunta sa kanilang gawain, at nagtatrabaho hanggang takip-silim.
24 Kay dami ng inyong mga ginawa, Panginoon.
Nilikha nʼyo ang lahat ayon sa inyong karunungan.
Ang buong mundo ay puno ng inyong nilikha.
25 Ang dagat ay napakalawak,
at hindi mabilang ang inyong mga nilalang dito, may malalaki at maliliit.
26 Ang mga barko ay parooʼt parito sa karagatan,
at doon din lumalangoy-langoy ang nilikha nʼyong dragon na Leviatan.
27 Lahat ng inyong nilikha ay umaasa sa inyo ng kanilang pagkain, sa oras na kanilang kailanganin.
28 Binibigyan nʼyo sila ng pagkain at kinakain nila ito,
at silaʼy nabubusog.
29 Ngunit kung pababayaan nʼyo sila, matatakot sila;
at kapag binawi nʼyo ang kanilang buhay, silaʼy mamamatay at babalik sa lupa.
30 Nalilikha sila kapag binigyan mo ng hininga,
at sa ganoong paraan, binibigyan nʼyo ng bagong nilalang ang mundo.
31 Panginoon, sana ay magpatuloy ang inyong kaluwalhatian magpakailanman.
Sanaʼy magalak kayo sa lahat ng inyong nilikha.
32 Nayayanig ang mundo kapag inyong tinitingnan.
Kapag hinipo nʼyo ang bundok, itoʼy umuusok.
33 Aawit ako sa Panginoon habang nabubuhay.
Aawit ako ng papuri sa aking Dios habang may hininga.
34 Sanaʼy matuwa siya sa aking pagbubulay-bulay.
Akoʼy magagalak sa Panginoon.
35 Lipulin sana ang masasama, at ang mga makasalanan sa mundo ay tuluyan nang mawala.
Pupurihin ko ang Panginoon.
Purihin ang Panginoon!
Ang Pagtawid ng mga Israelita sa Dagat na Pula
17 Nang pinaalis na ng Faraon ang mga Israelita, hindi sila pinadaan ng Dios sa daang papunta sa lupain ng mga Filisteo kahit na iyon ang pinakamalapit na daan. Sapagkat sinabi ng Dios, “Kung may labanang haharapin ang mga Israelita, baka magbago ang isip nila at bumalik sila sa Egipto.” 18 Kaya pinaliko sila ng Dios sa disyerto papunta sa Dagat na Pula.[a] Armado ang mga Israelita para sa labanan nang lisanin nila ang Egipto.
19 Dinala ni Moises ang mga buto ni Jose, ayon sa ipinanumpa noon ni Jose na gagawin ng mga Israelita. Sinabi noon ni Jose, “Siguradong palalayain kayo ng Dios. Kapag nangyari na iyon, dalhin ninyo ang mga buto ko sa pag-alis ninyo sa lugar na ito.”
20 Pag-alis nila sa Sucot, nagkampo sila sa Etam, sa dulo ng disyerto. 21 Kapag araw, ginagabayan sila ng Panginoon sa pamamagitan ng makapal na ulap, at kapag gabi ay ginagabayan sila sa pamamagitan ng naglalagablab na haliging apoy na nagbibigay sa kanila ng liwanag, para makapaglakbay sila araw man o gabi. 22 Nangunguna sa kanila ang makapal na ulap kapag araw at ang naglalagablab na haliging apoy kapag gabi.
14 Sinabi ng Panginoon kay Moises, 2 “Sabihin mo sa mga Israelita na bumalik sila malapit sa Pi Hahirot, sa gitna ng Migdol at Dagat na Pula, at magkampo sila roon sa tabi ng dagat, sa harap ng Baal Zefon. 3 Iisipin ng Faraon na nagkaligaw-ligaw kayo at hindi na makalabas ng disyerto. 4 At patitigasin ko ang kanyang puso at hahabulin niya kayo. Pero papatayin ko siya at ang kanyang mga sundalo. Sa pamamagitan nitoʼy mapaparangalan ako, at malalaman ng mga Egipcio na ako ang Panginoon.” Kaya ginawa ito ng mga Israelita.
16 Iyan ang dahilan kung bakit hindi kami pinanghihinaan ng loob. Kahit na unti-unting humihina ang aming katawan, patuloy namang lumalakas ang aming espiritu. 17 Sapagkat ang mga paghihirap na dinaranas namin sa mundong ito ay panandalian lamang at hindi naman gaanong mabigat. At dahil sa aming mga paghihirap, may inihahandang gantimpala ang Dios para sa amin na mananatili magpakailanman at hinding-hindi mapapantayan. 18 Kaya hindi namin pinapahalagahan ang mga bagay na nakikita sa mundong ito kundi ang mga bagay na hindi nakikita. Sapagkat ang mga bagay na nakikita ay panandalian lamang, pero ang mga bagay na hindi nakikita ay walang hanggan.
Ang Bagong Katawan
5 Alam natin na ang ating katawang panlupa ay parang bahay na ating tinutuluyan habang nasa mundo pa tayo, at itoʼy masisira. Ngunit alam din natin na may inihandang katawang panlangit ang Dios para sa atin na hindi mamamatay kailanman. Ang katawang ito ay ginawa ng Dios at hindi ng tao. 2 Dumaraing tayo sa ngayon, dahil pinananabikan nating maisuot na ang katawang panlangit. 3 At kapag nangyari ito, hindi matatagpuang hubad ang ating kaluluwa. 4 Habang nandito pa tayo sa ating katawan, dumadaing tayo dahil sa mga paghihirap. Hindi dahil sa gusto na nating mamatay, kundi dahil sa gusto na nating magkaroon ng bagong katawan, para mapalitan na ang katawang may kamatayan ng katawang walang kamatayan. 5 Ang Dios na rin ang siyang naghanda sa atin para tanggapin natin ang bagong katawan, at bilang katiyakan, ibinigay niya sa atin ang kanyang Banal na Espiritu.
6 Kaya panatag ang aming kalooban, kahit na alam namin na habang nabubuhay pa tayo sa ating katawan ay wala pa tayo sa tahanan ng Panginoon. 7 Sapagkat namumuhay tayo sa pananampalataya at hindi ayon sa mga bagay na nakikita. 8 Hindi kami pinanghihinaan ng loob, kahit na mas gusto naming iwanan ang aming katawan at makapiling na ang Panginoon. 9 Kaya naman, sinisikap naming malugod ang Dios sa amin, maging dito man o sa piling na niya. 10 Sapagkat haharap tayong lahat kay Cristo para hatulan. Tatanggapin ng bawat isa ang nararapat na kabayaran sa kanyang mga ginawa, mabuti man o masama, nang nabubuhay pa siya sa mundong ito.
Ang Tanong tungkol sa Muling Pagkabuhay(A)
18 May mga Saduceo na lumapit kay Jesus at nagtanong. (Ang mga taong ito ay hindi naniniwala sa muling pagkabuhay.) 19 Sinabi nila, “Guro, ayon po sa batas na isinulat ni Moises, kapag ang isang lalaki ay namatay na walang anak sa kanyang asawa, dapat ay pakasalan ng kapatid niyang lalaki ang naiwan niyang asawa, para magkaanak sila para sa kanya.[a] 20 Ngayon, may pitong magkakapatid na lalaki. Nag-asawa ang panganay, at namatay na walang anak. 21 Kaya ang biyuda ay napangasawa ng ikalawang kapatid. Pero namatay din siya nang wala silang anak. Ganoon din ang nangyari sa ikatlo 22 hanggang sa ikapitong kapatid. Namatay silang lahat nang walang anak sa babae. At sa huli, namatay din ang babae. 23 Ngayon, sa araw ng muling pagkabuhay ng mga patay, sino po sa pito ang magiging asawa ng babaeng iyon dahil napangasawa niya silang lahat?”
24 Sumagot si Jesus, “Maling-mali kayo, dahil hindi ninyo nauunawaan ang Kasulatan at ang kapangyarihan ng Dios. 25 Sapagkat sa muling pagkabuhay ay wala nang pag-aasawa. Magiging tulad sila ng mga anghel sa langit. 26 Tungkol naman sa muling pagkabuhay, hindi nʼyo ba nabasa ang isinulat ni Moises? Noong naroon siya sa may nagliliyab na mababang punongkahoy, sinabi sa kanya ng Dios, ‘Ako ang Dios nila Abraham, Isaac, at Jacob.’ 27 Hindi siya Dios ng mga patay kundi ng mga buhay. Kaya maling-mali kayo!”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®