Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)
Version
Salmo 6

Panalangin para Tulungan ng Dios

O Panginoon, huwag nʼyo akong parusahan kahit na kayo ay nagagalit sa akin.
Maawa po kayo sa akin at akoʼy pagalingin,
    dahil akoʼy nanghihina na.
O Panginoon, akoʼy labis na nababagabag.
    Kailan nʼyo po ako pagagalingin?
Dinggin nʼyo ako Panginoon at akoʼy palayain.
    Iligtas nʼyo ako sa kamatayan alang-alang sa pag-ibig nʼyo sa akin.
Dahil kung akoʼy patay na ay hindi na kita maaalala,
    sa lugar ng mga patay ay hindi na rin ako makakapagpuri pa.
Akoʼy pagod na sa sobrang pagdaing.
    Gabi-gabiʼy basa ng luha ang aking unan, dahil sa labis na pag-iyak.
Ang aking mga mataʼy namumugto na sa kaiiyak,
    dahil sa ginagawa ng lahat kong mga kaaway.

Lumayo kayo sa akin, kayong gumagawa ng kasamaan,
    dahil narinig ng Panginoon ang aking pag-iyak.
Narinig niya ang paghingi ko ng tulong,
    at sasagutin niya ang aking dalangin.
10 Mapapahiya at matatakot ang lahat ng aking kaaway,
    kaya bigla silang tatakas dahil sa sobrang kahihiyan.

Salmo 12

Panalangin para Tulungan ng Dios

12 Panginoon, tulungan nʼyo po kami,
    dahil wala nang makadios,
    at wala na ring may paninindigan.
Nagsisinungaling sila sa kanilang kapwa.
    Nambobola sila para makapandaya ng iba.
Panginoon, patigilin nʼyo na sana ang mga mayayabang at mambobola.
Sinasabi nila,
    “Sa pamamagitan ng aming pananalita ay magtatagumpay kami.
    Sasabihin namin ang gusto naming sabihin,
    at walang sinumang makakapigil sa amin.”

Sinabi ng Panginoon,
    “Kikilos ako! Nakikita ko ang kaapihan ng mga dukha,
    at naririnig ko ang iyakan ng mga naghihirap.
    Kayaʼt ibibigay ko sa kanila ang pinapangarap nilang kaligtasan.”
Ang pangako ng Panginoon ay purong katotohanan,
    gaya ng purong pilak na pitong ulit na nasubukan sa nagliliyab na pugon.

Panginoon, nalalaman namin na kami ay inyong iingatan,
    at ilalayo sa masamang henerasyong ito magpakailanman.
Pinalibutan nila kami,
    at pinupuri pa ng lahat ang kanilang kasuklam-suklam na gawain.

Salmo 94

Ang Dios ang Hukom ng Lahat

94 Panginoon, kayo ang Dios na nagpaparusa.
    Ipakita nʼyo na ang inyong katarungan.
Kayo ang humahatol sa lahat ng tao,
    kaya sige na po Panginoon,
    gantihan nʼyo na nang nararapat ang mayayabang.
Hanggang kailan magdiriwang ang masasama, Panginoon?
Silang lahat na gumagawa ng masama ay ubod ng yabang.
Inaapi nila ang mamamayang pag-aari ninyo, Panginoon.
Pinapatay nila ang mga biyuda at mga ulila, pati na ang mga dayuhan.[a]
Sinasabi nila, “Hindi makikita ng Panginoon ang ginagawa namin;
    ni hindi ito mapapansin ng Dios ni Jacob.”

Kayong mga hangal at matitigas ang ulo, kailan ba kayo makakaunawa?
    Unawain ninyo ito:
Ang Dios na gumawa ng ating mga tainga at mata, hindi ba nakakarinig o nakakakita?
10 Siya na nagpaparusa sa mga bansang hindi kumikilala sa kanya ay hindi ba magpaparusa sa inyo?
    Siya na nagtuturo sa mga tao, wala bang nalalaman?
11 Alam ng Panginoon na ang iniisip ng mga tao ay walang kabuluhan.
12 O Panginoon, mapalad ang taong pinangangaralan nʼyo sa pamamagitan ng pagtuturo sa kanya ng inyong mga kautusan.
13 Tinuturuan nʼyo siya upang magkaroon siya ng kapayapaan sa oras ng kaguluhan hanggang sa oras na ang masasama ay inyong parusahan.
14 Dahil hindi nʼyo itatakwil, Panginoon, ang mamamayang pag-aari ninyo.
15 Darating ang araw na ang paghatol ay muling magiging makatarungan
    at itoʼy susundin ng lahat ng namumuhay nang matuwid.
16 Walang tumutulong sa akin laban sa mga taong gumagawa ng kasamaan kundi kayo lang, Panginoon.
17 Kung hindi nʼyo ako tinulungan Panginoon, maaaring patay na ako ngayon.
18 Nang sabihin kong parang mamamatay na ako, ang inyong pag-ibig at awa Panginoon ang tumulong sa akin.
19 Kapag gulong-gulo ang isip ko, inaaliw nʼyo ako at akoʼy sumasaya.
20 Hindi kayo maaaring pumanig sa masasamang hukom[b] na gumagawa ng kasamaan sa pamamagitan ng[c] kautusan.
21 Sama-sama silang kumakalaban sa matutuwid at hinahatulan nila ng kamatayan ang walang kasalanan.
22 Ngunit kayo, Panginoon na aking Dios ay aking tagapagtanggol at batong kanlungan.
23 Parurusahan nʼyo sila dahil sa kanilang mga kasalanan.
    Tiyak na lilipulin nʼyo sila, O Panginoon naming Dios.

Panaghoy 1:17-22

17 Humingi ng tulong ang Jerusalem pero walang tumulong sa kanya. Sapagkat niloob ng Panginoon na makaaway ng lahi ni Jacob ang mga bansa sa palibot niya. Itinuring nilang napakarumi ng Jerusalem sa paningin nila.

18 Sinabi ng Jerusalem, “Matuwid ang Panginoon, pero hindi ko sinunod ang kanyang mga utos. Kaya lahat kayo, pakinggan ninyo ako at tingnan ang aking paghihirap. Ang mga kabataan kong babae at lalaki ay binihag. 19 Humingi ako ng tulong sa aking mga kakampi pero pinagtaksilan nila ako. Namatay ang aking mga pari at ang mga tagapamahala ng lungsod habang naghahanap ng pagkain para mabuhay.

20 Panginoon, masdan nʼyo po ang aking kagipitan! Nababagabag at parang pinipiga ang puso ko, dahil naghihimagsik ako sa inyo. Kabi-kabila ang patayan sa aking mga lansangan pati na sa loob ng bahay ko. 21 Narinig ng mga tao ang pagdaing ko ngunit wala kahit isang umaalo sa akin. Nalaman ng lahat ng kaaway ko ang aking mga paghihirap at natuwa sila sa ginawa nʼyong ito sa akin. Dumating na sana ang araw na ipinangako nʼyong pagpaparusa sa kanila, para maging katulad ko rin sila. 22 Masdan nʼyo ang lahat ng kasamaang ginagawa nila; parusahan nʼyo sila tulad ng pagpaparusa nʼyo sa akin dahil sa lahat ng aking kasalanan. Paulit-ulit akong dumadaing at parang mawawalan na ako ng malay.”

2 Corinto 1:8-22

Mga kapatid, gusto naming malaman ninyo ang mga paghihirap na dinanas namin sa lalawigan ng Asia. Napakabigat ng mga dinanas namin doon, halos hindi na namin nakayanan at nawalan na kami ng pag-asang mabuhay pa. Ang akala namin noon ay katapusan na namin. Ngunit nangyari ang lahat ng iyon para matuto kami na huwag magtiwala sa aming sarili kundi sa Dios na siyang bumubuhay ng mga patay. 10 Iniligtas niya kami sa malagim na kamatayan, at patuloy niya kaming ililigtas. At umaasa kami na patuloy niyang gagawin ito 11 sa tulong ng inyong mga panalangin. Sa ganoon, marami ang magpapasalamat sa Dios dahil sa mga pagpapalang tatanggapin namin mula sa kanya bilang sagot sa mga panalangin ng marami.

Nagbago ng Plano si Pablo

12 Isang bagay ang maipagmamalaki namin: Namumuhay kaming matuwid at tapat sa harap ng lahat ng tao, lalung-lalo na sa inyo. Nagawa namin ito hindi sa pamamagitan ng karunungan ng mundo kundi dahil sa biyaya ng Dios. At pinatutunayan ng aming konsensya na talagang totoo itong aming ipinagmamalaki. 13-14 Sapagkat wala kaming isinusulat sa inyo na hindi ninyo mabasa o maintindihan. Kahit na hindi nʼyo pa kami kilalang mabuti, umaasa akong darating ang araw na makikilala nʼyo kami nang lubusan, para maipagmalaki ninyo kami sa araw ng pagdating ng Panginoong Jesus, at maipagmamalaki rin namin kayo.

15 Dahil sa tiwalang ito, binalak kong bisitahin kayo noong una, para makatanggap kayo ng dobleng pagpapala[a] sa pagbisita ko sa inyo ng dalawang beses. 16 Binalak kong dumaan muna sa inyo pagpunta ko sa Macedonia, at sa aking pagbalik mula roon, muli akong dadaan diyan para matulungan ninyo ako sa aking paglalakbay papuntang Judea. 17 Iyon sana ang plano ko noon. Ngunit dahil hindi ito natuloy, masasabi ba ninyong pabago-bago ang aking isip? Katulad din ba ako ng mga taong makamundo na “Oo” nang “Oo,” pero “Hindi” naman pala ang ibig sabihin? 18 Aba, hindi! Kung paanong tapat ang Dios, ganoon din naman kami sa aming mga sinasabi. 19 Kami nina Silas at Timoteo ay nangaral sa inyo tungkol kay Jesu-Cristo na Anak ng Dios. At alam ninyong si Cristoʼy tapat sa kanyang mga salita. Talagang tutuparin niya ang kanyang mga pangako. 20 Sapagkat kahit gaano man karami ang pangako ng Dios, tutuparin niyang lahat ito sa pamamagitan ni Cristo. Kaya nga masasabi natin na tapat ang Dios,[b] at itoʼy nakapagbibigay ng kapurihan sa kanya. 21 Ang Dios ang nagpapatibay sa atin, at sa ating pakikipag-isa kay Cristo. Pinili niya tayo para maglingkod sa kanya. 22 Tinatakan niya tayo bilang tanda na tayoʼy nasa kanya na. Ginawa niya ito sa pamamagitan ng paglalagay ng kanyang Banal na Espiritu sa ating mga puso. Ang Banal na Espiritu ang nagsisilbing garantiya na matatanggap natin ang kanyang mga ipinangako.

Marcos 11:27-33

Ang Tanong tungkol sa Awtoridad ni Jesus(A)

27 Pagdating nila sa Jerusalem, bumalik si Jesus sa templo. At habang naglalakad siya roon, lumapit sa kanya ang mga namamahalang pari, mga tagapagturo ng Kautusan, at mga pinuno ng mga Judio. 28 Tinanong nila si Jesus, “Ano ang awtoridad mo na gumawa ng mga bagay na ito?[a] Sino ang nagbigay sa iyo ng awtoridad na iyan?” 29 Sinagot sila ni Jesus, “Tatanungin ko rin kayo. At kapag sinagot ninyo, sasabihin ko kung ano ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito. 30 Kanino galing ang awtoridad ni Juan para magbautismo, sa Dios[b] o sa tao? Sagutin ninyo ako!” 31 Nag-usap-usap sila, “Kung sasabihin nating mula sa Dios, sasabihin niya, ‘Bakit hindi kayo naniwala kay Juan?’ 32 Pero kung sasabihin nating mula sa tao, magagalit sa atin ang mga tao.” (Takot sila sa mga tao dahil naniniwala ang mga tao na si Juan ay propeta ng Dios.) 33 Kaya sumagot sila, “Hindi namin alam.” Sinabi ni Jesus sa kanila, “Kung ganoon, hindi ko rin sasabihin sa inyo kung saan nagmula ang awtoridad ko na gumawa ng mga bagay na ito.”

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) (ASND)

Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®