Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 137

Mga kalungkutan ng mga bihag sa Babilonia.

137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
Doo'y nangaupo tayo, oo, nagiyak tayo,
Nang ating maalaala ang Sion.
Sa mga punong sauce sa gitna niyaon
Ating ibinitin ang ating mga alpa.
Sapagka't doo'y silang nagsibihag sa atin ay nagsihiling sa atin ng mga awit,
At silang magpapahamak sa atin ay nagsihiling sa atin ng kasayahan, na nangagsasabi:
Awitin ninyo sa amin ang sa mga awit ng Sion.
(A)Paanong aawitin namin ang awit sa Panginoon
Sa ibang lupain?
Kung kalimutan kita, Oh Jerusalem,
Kalimutan nawa ng aking kanan ang kaniyang kasanayan.
Dumikit nawa ang (B)aking dila sa ngalangala ng aking bibig,
Kung hindi kita alalahanin;
Kung hindi ko piliin ang Jerusalem
Ng higit sa aking pinakapangulong kagalakan.
Alalahanin mo Oh Panginoon, laban (C)sa mga anak ni Edom
Ang kaarawan ng Jerusalem;
Na nagsabi, Sirain, sirain,
Pati ng patibayan niyaon.
Oh anak na babae ng Babilonia, na (D)sira;
Magiging mapalad siya, (E)na gumaganti sa iyo
Na gaya ng iyong ginawa sa amin.
Magiging mapalad siya, na kukuha at maghahagis sa iyong mga bata
Sa malaking bato.

Mga Awit 144

Panalangin sa pagsagip. Masayang bayan ay inilahad. Awit ni David.

144 Purihin ang Panginoon na (A)aking malaking bato,
Na tinuturuan ang mga kamay ko na makipagdigma,
At ang mga daliri ko na magsilaban:
Aking kagandahang-loob, at (B)aking katibayan,
Aking matayog na moog, at aking tagapagligtas;
Aking kalasag, at siya na doon ako nanganganlong;
(C)Na siyang nagpapasuko ng aking bayan sa akin.
(D)Panginoon, ano ang tao, upang iyong kilalanin siya?
O ang anak ng tao, upang iyong pahalagahan siya?
(E)Ang tao ay parang walang kabuluhan:
Ang kaniyang mga kaarawan ay parang lilim na napaparam.
Ikiling mo ang iyong mga langit, (F)Oh Panginoon, at bumaba ka:
(G)Hipuin mo ang mga bundok, at magsisiusok.
(H)Maghagis ka ng kidlat, at pangalatin mo sila;
Suguin mo ang iyong mga pana, at lituhin mo sila,
(I)Iunat mo ang iyong kamay mula sa itaas;
(J)Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa malaking tubig,
Sa kamay ng (K)mga taga ibang lupa;
Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan,
At ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
Ako'y aawit ng bagong awit sa iyo, (L)Oh Dios:
Sa salterio na may sangpung kawad ay aawit ako ng mga pagpuri sa iyo.
10 Siya ang nagbibigay ng kaligtasan sa mga hari:
Na siyang nagligtas kay David na kaniyang lingkod sa manunugat na tabak.
11 Sagipin mo ako, at iligtas mo ako sa kamay ng mga taga ibang lupa.
Na ang bibig ay nagsasalita ng karayaan,
At ang kanilang kanang kamay ay kanang kamay ng kabulaanan.
12 Pagka ang aming mga anak na lalake ay magiging (M)parang mga pananim na lumaki sa kanilang kabataan;
At ang aming mga anak na babae ay parang mga panulok na bato na inanyuan ayon sa anyo ng isang palasio.
13 Pagka ang mga kamalig namin ay puno, na may sarisaring bagay;
At ang mga tupa namin ay nanganganak ng mga libo at mga sangpung libo sa aming mga parang;
14 Pagka ang mga baka namin ay napapasanang mabuti;
Pagka walang salot, at sakuna,
At walang panaghoy sa aming mga lansangan;
15 (N)Maginhawa ang bayan, na nasa gayong kalagayan:
(O)Maginhawa ang bayan na ang Dios ay ang Panginoon.

Mga Awit 104

Ang pagiingat ng Panginoon sa lahat niyang gawa.

104 Purihin mo ang Panginoon, (A)Oh kaluluwa ko.
Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila;
(B)Ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.
Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan;
Na siyang naguunat ng mga langit na (C)parang tabing:
(D)Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig;
(E)Na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro;
(F)Na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:
(G)Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya;
(H)Ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:
Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa,
Upang huwag makilos magpakailan man,
Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan;
Ang tubig ay tumatayo (I)sa itaas ng mga bundok.
(J)Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas;
Sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;
Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis,
(K)Sa dako mong itinatag ukol sa kanila.
Ikaw ay naglagay ng hangganan (L)upang sila'y huwag makaraan;
(M)Upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.
10 Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis;
Nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:
11 Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang;
Nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.
12 Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid,
Sila'y nagsisiawit sa mga sanga.
13 Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid:
Ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.
14 (N)Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop,
At ang gugulayin sa paglilingkod sa tao:
Upang siya'y maglabas (O)ng pagkain sa lupa:
15 (P)At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao,
At ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha,
At ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.
16 Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog;
Ang mga (Q)sedro sa Libano, (R)na kaniyang itinanim;
17 Na pinamumugaran ng mga ibon:
Tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.
18 Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing;
Ang mga malalaking bato ay kanlungan (S)ng mga coneho.
19 (T)Kaniyang itinakda ang buwan sa mga panahon:
Nalalaman ng araw ang kaniyang paglubog.
20 Iyong ginagawa ang kadiliman at nagiging gabi;
Na iginagalaw ng lahat na hayop sa gubat.
21 (U)Umuungal ang mga batang leon sa pagsunod sa mahuhuli nila,
At hinahanap sa Dios ang kanilang pagkain.
22 Ang araw ay sumisikat sila'y nagsisialis,
At nangahihiga sa kanilang mga yungib.
23 Lumalabas ang tao sa (V)kaniyang gawain,
At sa kaniyang gawa hanggang sa kinahapunan.
24 (W)Oh Panginoon, pagka sarisari ng iyong mga gawa!
Sa karunungan ay ginawa mo silang lahat:
Ang lupa ay puno ng iyong kayamanan.
25 Nandoon ang dagat, na malaki at maluwang,
Na ginagalawan ng di mabilang na mga bagay,
Ng mga munti at ng mga malaking hayop din naman.
26 Doo'y nagsisiyaon ang mga sasakyan:
Nandoon (X)ang buwaya na iyong nilikha upang maglibang doon.
27 (Y)Lahat ng ito ay nangaghihintay sa iyo,
Upang iyong mabigyan sila ng kanilang pagkain sa ukol na kapanahunan.
28 Ang iyong ibinibigay sa kanila ay pinipisan nila;
Iyong ibinubukas ang iyong kamay, sila'y nangabubusog ng kabutihan.
29 (Z)Iyong ikinukubli ang iyong mukha, sila'y nangababagabag;
(AA)Iyong inaalis ang kanilang hininga, sila'y nangamamatay,
(AB)At nagsisibalik sa kanilang pagkaalabok.
30 Iyong sinusugo ang iyong Espiritu, sila'y nangalalalang;
At iyong binabago ang balat ng lupa.
31 Manatili nawa ang kaluwalhatian ng Panginoon kailan man;
(AC)Magalak nawa ang Panginoon sa kaniyang mga gawa:
32 Na siyang tumitingin sa lupa at nayayanig:
(AD)Kaniyang hinihipo ang mga bundok at nagsisiusok.
33 (AE)Aawit ako sa Panginoon habang ako'y nabubuhay:
Ako'y aawit ng pagpuri sa aking Dios, samantalang mayroon akong kabuhayan.
34 Matamisin nawa niya ang aking pagbubulay:
Ako'y magagalak sa Panginoon.
35 (AF)Malipol nawa ang mga makasalanan sa lupa,
At mawala nawa ang masama.
Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko.
Purihin ninyo ang Panginoon.

2 Samuel 23:1-7

Mga huling awit ni David.

23 Ito nga ang mga huling salita ni David.
Sinabi ni (A)David na anak ni Isai,
At sinabi ng (B)lalake na pinapangibabaw,
Na (C)pinahiran ng langis ng Dios ni Jacob,
At kalugodlugod na mangaawit sa Israel:
(D)Ang Espiritu ng Panginoon ay nagsalita sa pamamagitan ko,
At ang kaniyang salita ay suma aking dila.
Sinabi ng Dios ng Israel,
Ang (E)malaking bato ng Israel ay nagsalita sa akin:
Ang naghahari (F)sa mga tao na may katuwiran,
Na mamamahala sa katakutan sa Dios,
Siya'y magiging gaya ng liwanag sa kinaumagahan pagka ang araw ay sumisikat,
Sa isang umagang walang mga alapaap;
Pagka ang malambot na damo ay sumisibol sa lupa,
Sa maliwanag na sikat pagkatapos ng ulan.
Katotohanang ang aking sangbahayan ay hindi gayon sa Dios;
Gayon ma'y (G)nakipagtipan siya sa akin ng isang tipang walang hanggan,
Maayos sa lahat ng mga bagay, at maasahan:
Sapagka't siyang aking buong kaligtasan, at buong nasa.
Bagaman hindi niya pinatubo.
Nguni't ang mga di banal ay ipaghahagis na gaya ng mga tinik,
Sapagka't hindi nila matatangnan ng kamay:
Kundi ang lalake na humipo sa kanila,
Marapat magsakbat ng bakal at ng puluhan ng sibat;
At sila'y lubos na susunugin ng apoy sa kanilang kinaroroonan.

2 Samuel 23:13-17

13 At (A)tatlo sa tatlong pung pinuno ay nagsilusong at nagsiparoon kay David sa pagaani sa (B)yungib ng Adullam; at ang pulutong ng mga Filisteo ay nagsihantong sa (C)libis ng Rephaim.

14 At si David nga'y nasa (D)katibayan, at ang (E)pulutong nga ng mga Filisteo ay nasa Beth-lehem.

15 At nagnais si David, at nagsabi, Oh may magbigay sana sa akin ng tubig sa balon ng Beth-lehem, na nasa tabi ng pintuang-bayan!

16 At ang tatlong malalakas na lalake ay nagsisagasa sa hukbo ng mga Filisteo, at nagsiigib ng tubig sa balon ng Beth-lehem, na nasa siping ng pintuang bayan, at kinuha, at dinala kay David: nguni't hindi niya ininom yaon, kundi kaniyang ibinuhos na handog sa Panginoon.

17 At kaniyang sinabi, Malayo sa akin, Oh Panginoon, na aking gawin ito: (F)iinumin ko ba ang dugo ng mga lalake na nagsiparoon na ipinain ang kanilang buhay? kaya't hindi niya ininom. Ang mga bagay na ito ay ginawa ng tatlong malalakas na lalake.

Mga Gawa 25:13-27

13 Nang makaraan nga ang ilang mga araw, si Agripa na hari at si Bernice ay nangagsidating sa Cesarea, at nagsibati kay Festo.

14 At nang sila'y magsitira roong maraming araw, ay isinaysay ni Festo sa hari ang usapin ni Pablo, na sinasabi, (A)May isang taong bilanggo na iniwan ni Felix:

15 (B)Tungkol sa kaniya nang ako'y nasa Jerusalem, ang mga pangulong saserdote at ang mga matanda sa mga Judio ay nangagbigay-alam sa akin, na hinihinging ako'y humatol laban sa kaniya.

16 Sa kanila'y aking isinagot, na hindi kaugalian ng mga taga Roma na ibigay ang sinomang tao, hanggang hindi nahaharap (C)ang isinasakdal sa mga nagsisipagsakdal, at siya'y magkaroon ng pagkakataong makagawa ng kaniyang pagsasanggalang tungkol sa sakdal laban sa kaniya.

17 Nang sila nga'y mangagkatipon dito, ay hindi ako nagpaliban, kundi nang sumunod na araw ay lumuklok ako sa hukuman, at ipinaharap ko ang tao.

18 Tungkol sa kaniya, nang magsitindig ang mga nagsisipagsakdal, ay walang anomang sakdal na masamang bagay na maiharap sila na gaya ng aking sinapantaha;

19 Kundi (D)may ilang mga suliranin laban sa kaniya tungkol sa kanilang sariling (E)relihion, at sa isang Jesus, na namatay, na pinatutunayan ni Pablo na ito'y buhay.

20 At ako, palibhasa'y naguguluhan tungkol sa kung paano kayang mapagsisiyasat ang mga bagay na ito, ay itinanong ko kung ibig niyang pumaroon sa Jerusalem at doon siya hatulan tungkol sa mga bagay na ito.

21 Datapuwa't nang makapaghabol na si Pablo na siya'y ingatan upang hatulan ng emperador, ay ipinagutos kong ingatan siya hanggang sa siya'y maipadala ko kay Cesar.

22 At sinabi ni Agripa kay Festo, Ibig ko rin sanang mapakinggan ang tao. Bukas, sinasabi niya, siya'y mapapakinggan mo.

23 Kaya't nang kinabukasan, nang dumating si Agripa, at si Bernice, na may malaking karilagan, at nang mangakapasok na sila sa hukuman na kasama ang mga pangulong kapitan at ang mga maginoo sa bayan, sa utos ni Festo ay ipinasok si Pablo.

24 At sinabi ni Festo, Haring Agripa, at lahat ng mga lalaking nangariritong kasama namin, nakikita ninyo ang taong ito, na tungkol sa kaniya'y nagsasakdal sa akin sa Jerusalem at dito naman ang buong karamihan ng mga Judio, na nangagsisigawang (F)hindi marapat na siya'y mabuhay pa.

25 Datapuwa't aking nasumpungang siya'y (G)walang anomang ginawang marapat sa kamatayan: at sapagka't (H)siya rin ay naghabol sa emperador ay ipinasiya kong siya'y ipadala.

26 Tungkol sa kaniya'y wala akong alam na tiyak na bagay na maisusulat sa aking panginoon. Kaya dinala ko siya sa harapan ninyo, at lalong-lalo na sa harapan mo, haring Agripa, upang, pagkatapos ng pagsisiyasat, ay magkaroon ng sukat na maisulat.

27 Sapagka't inaakala kong di katuwiran, na sa pagpapadala ng isang bilanggo, ay hindi magpahiwatig naman ng mga sakdal laban sa kaniya.

Marcos 13:1-13

13 At paglabas niya sa templo, ay sinabi (A)sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Guro, masdan mo, pagkaiinam ng mga bato, at pagkaiinam na mga gusali!

At sinabi ni Jesus sa kaniya, Nakikita mo baga ang malalaking gusaling ito? walang matitira ditong isang bato sa ibabaw ng kapuwa bato na di ibabagsak.

At samantalang siya'y nakaupo sa bundok ng mga Olivo sa tapat ng templo, ay tinanong siya ng lihim (B)ni Pedro at ni Santiago at ni Juan at ni Andres,

Sabihin mo sa amin, kailan mangyayari ang mga bagay na ito? at ano ang magiging tanda pagka malapit ng maganap ang lahat ng mga bagay na ito?

At si Jesus ay nagpasimulang magsabi sa kanila, Mangagingat kayo na huwag kayong paligaw kanino mang tao.

Maraming paririto sa aking pangalan, na magsisipagsabi, Ako ang Cristo; at maliligaw ang marami.

At kung mangakarinig kayo ng mga digma at ng mga alingawngaw ng mga digma, ay huwag kayong mangagulumihanan: ang mga bagay na ito'y dapat na mangyari: datapuwa't hindi pa ang wakas.

Sapagka't magtitindig ang bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at lilindol sa iba't ibang dako; magkakagutom: ang mga bagay na ito'y pasimula ng kahirapan.

Datapuwa't mangagingat kayo sa inyong sarili: (C)sapagka't kayo'y ibibigay nila sa mga Sanedrin; at kayo'y hahampasin sa mga sinagoga; at kayo'y magsisitindig sa harap ng mga gobernador at ng mga hari dahil sa akin, na bilang patotoo sa kanila.

10 At (D)sa lahat ng mga bansa ay kinakailangan munang maipangaral ang evangelio.

11 At pagka kayo'y dinala sa harap ng mga kapulungan, at kayo'y ibigay, ay (E)huwag kayong mangabalisa kung ano ang inyong sasabihin: datapuwa't ang ipagkaloob sa inyo sa oras na yaon, ay siya ninyong sabihin; sapagka't hindi kayo ang magsasalita, kundi ang Espiritu Santo.

12 At ibibigay ng kapatid sa kamatayan ang kapatid, at ng ama ang kaniyang anak; at magsisipaghimagsik ang mga anak laban sa mga magulang, at sila'y ipapapatay.

13 At kayo'y kapopootan ng lahat ng mga tao dahil sa aking pangalan: datapuwa't (F)ang magtitiis hanggang sa wakas, ay siyang maliligtas.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978