Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Book of Common Prayer

Daily Old and New Testament readings based on the Book of Common Prayer.
Duration: 861 days
Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)
Version
Mga Awit 16-17

Ang Panginoon ay bahagi ng buhay ng mangaawit at tagapagligtas sa kamatayan. Awit ni David.

16 Ingatan mo ako, Oh Dios; sapagka't sa iyo nanganganlong ako.
Oh kaluluwa ko, iyong sinabi sa Panginoon, Ikaw ay aking Panginoon:
Ako'y walang kabutihan liban sa iyo.
Tungkol sa mga banal na nangasa lupa,
Sila ang maririlag na mga kinalulugdan kong lubos.
Ang mga kalumbayan nila ay dadami, na nangaghahandog sa ibang dios:
Ang kanilang inuming handog na dugo ay hindi ko ihahandog,
Ni sasambitin man ang kanilang mga pangalan (A)sa aking mga labi.
(B)Ang Panginoon ay siyang bahagi ng aking mana at ng (C)aking saro:
Iyong inaalalayan ang aking kapalaran.
Ang pising panukat ay nangahulog sa akin sa mga maligayang dako;
Oo, ako'y may mainam na mana.
Aking pupurihin ang Panginoon na nagbibigay sa akin ng payo:
(D)Oo, tinuturuan ako sa gabi ng (E)aking puso.
(F)Aking inilagay na lagi ang Panginoon sa harap ko:
Sapagka't kung siya ay (G)nasa aking kanan, hindi ako makikilos.
Kaya't ang aking puso ay masaya, at ang aking kaluwalhatian ay nagagalak:
Ang akin namang katawan ay tatahang tiwasay.
10 (H)Sapagka't hindi mo iiwan ang aking kaluluwa sa (I)Sheol;
Ni hindi mo man titiisin ang iyong (J)banal ay makakita ng kabulukan.
11 Iyong ituturo sa akin (K)ang landas ng buhay:
Nasa iyong harapan (L)ang kapuspusan ng kagalakan;
Sa iyong kanan ay may mga (M)kasayahan magpakailan man.

Panalangin laban sa mga manlulupig. Panalangin ni David.

17 Dinggin mo ang matuwid, Oh Panginoon, pakinggan mo ang aking daing;
Ulinigin mo ang aking panalangin, na hindi lumalabas sa mga magdarayang labi.
Manggaling sa iyong harapan ang aking kahatulan;
Masdan ng iyong mga mata (N)ang karampatan.
Iyong sinubok ang aking puso; (O)iyong dinalaw ako sa kinagabihan;
(P)Iyong nilitis ako, at wala kang nasumpungan;
Ako'y nagpasiya na ang aking bibig ay hindi sasalangsang.
Tungkol sa mga gawa ng mga tao, sa pamamagitan ng salita ng iyong mga labi.
Ako'y nagingat sa mga daan ng pangdadahas.
Ang aking mga hakbang ay (Q)nagsipanatili sa iyong mga landas,
Ang aking mga paa ay hindi nangadulas.
(R)Ako'y tumawag sa iyo, sapagka't ikaw ay sasagot sa akin, Oh Dios:
Ikiling mo ang iyong pakinig sa akin, at dinggin mo ang aking pananalita.
(S)Ipakita mo ang iyong mga kagilagilalas na kagandahang-loob,
Oh ikaw na nagliligtas sa kanila na nagsisipagkanlong sa iyo.
Sa nagsisibangon laban sa kanila, sa pamamagitan ng iyong kanan.
(T)Ingatan mo ako na gaya ng itim ng mata,
(U)Ikubli mo ako sa lilim ng iyong mga pakpak,
Sa masama na sumasamsam sa akin,
Sa aking mga kaaway na nagsisipatay, na nagsisikubkub sa akin.
10 (V)Sila'y nangabalot sa kanilang sariling taba:
Sila'y nangagsasalita ng kanilang bibig na (W)may kapalaluan.
11 (X)Kanilang kinubkob nga kami sa aming mga hakbang:
Itinititig nila ang kanilang mga mata upang ibuwal kami sa lupa.
12 Sila'y parang leon na masiba sa kaniyang huli,
At parang batang leon na nanunubok sa mga lihim na dako.
13 Bumangon ka, Oh Panginoon,
Harapin mo siya, ilugmok mo siya:
Iligtas mo ang aking kaluluwa sa masama sa pamamagitan ng iyong tabak;
14 Sa mga tao, sa pamamagitan ng iyong kamay, Oh Panginoon,
Sa mga tao ng sanglibutan, (Y)na ang bahagi nila ay nasa buhay na ito,
At ang tiyan nila'y pinupuno mo ng iyong kayamanan:
Kanilang binubusog ang kanilang mga anak,
At iniiwan nila ang natira sa kanilang pagaari sa kanilang sanggol.
15 (Z)Tungkol sa akin, aking mamasdan ang iyong mukha sa katuwiran:
(AA)Ako'y masisiyahan (AB)pagka bumangon sa iyong wangis.

Mga Awit 22

Iyak sa pagkahapis at Awit sa pagluwalhati. Sa Pangulong Manunugtog; itinugma sa Aijeleth-hash-Shahar. Awit ni David.

22 Dios ko, Dios ko, (A)bakit mo ako pinabayaan?
Bakit ka napaka layo sa pagtulong sa akin, at sa mga salita ng (B)aking pagangal?
Oh Dios ko, ako'y humihiyaw sa araw, nguni't hindi ka sumasagot:
At sa gabi, at hindi ako tahimik.
Nguni't ikaw ay banal, Oh ikaw na tumatahan sa mga (C)pagpuri ng Israel.
Ang aming mga magulang ay nagsitiwala sa iyo:
Sila'y nagsitiwala, at iyong iniligtas sila.
Sila'y nagsidaing sa iyo at nangaligtas:
(D)Sila'y nagsitiwala sa iyo, at hindi nangapahiya.
Nguni't (E)ako'y uod at hindi tao; Duwahagi sa mga tao, at (F)hinamak ng bayan.
(G)Silang lahat na nangakakita sa akin ay tinatawanang mainam ako:
Inilalawit nila ang labi, iginagalaw nila ang ulo, na sinasabi,
(H)Magpakatiwala ka sa Panginoon; iligtas niya siya:
Iligtas niya siya yamang kinaluluguran niya siya:
(I)Nguni't ikaw ang naglabas sa akin sa bahay-bata:
Pinatiwala mo ako nang ako'y nasa mga suso ng aking ina.
10 Ako'y nahagis sa iyo mula sa bahay-bata:
Ikaw ay aking Dios (J)mulang dalhin ako sa tiyan ng aking ina.
11 Huwag mo akong layuan; sapagka't kabagabagan ay malapit;
Sapagka't walang tumulong.
12 (K)Niligid ako ng maraming toro;
Mga malakas na toro ng Basan ay kumulong sa akin.
13 (L)Sila'y magbubuka sa akin ng kanilang bibig,
Na gaya ng sumasakmal at umuungal na leon.
14 Ako'y nabuhos na parang tubig, At lahat ng aking mga buto ay nangapapalinsad:
(M)Ang aking puso ay parang pagkit;
Natutunaw ito sa loob ko.
15 Ang aking kalakasan ay natuyo na parang bibinga;
(N)At ang aking dila ay dumidikit sa aking ngalangala;
At dinala mo ako sa alabok ng kamatayan.
16 Sapagka't niligid ako ng mga aso:
Kinulong ako ng pulutong ng mga manggagawa ng masama;
(O)Binutasan nila ang aking mga kamay at ang aking mga paa.
17 Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto;
Kanilang minamasdan, at pinapansin ako:
18 (P)Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila,
At kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.
19 Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon:
Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.
20 Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak;
Ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.
21 (Q)Iligtas mo ako sa bibig ng leon;
Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.
22 (R)Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid:
Sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.
23 (S)Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya:
Kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya;
At magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.
24 Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati;
Ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya;
Kundi (T)nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.
25 (U)Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan:
Aking tutuparin ang (V)aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.
26 (W)Ang maamo ay kakain at mabubusog:
Kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya;
Mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.
27 Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at (X)magsisipanumbalik sa Panginoon:
At lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.
28 (Y)Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon:
At siya ang puno sa mga bansa.
29 Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba:
Silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya,
Sa makatuwid baga'y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.
30 Isang binhi ay maglilingkod sa kaniya,
Sasaysayin ang Panginoon sa susunod na salin ng lahi,
31 (Z)Sila'y magsisiparoon at mangaghahayag ng kaniyang katuwiran,
Sa bayan na ipanganganak ay ibabalita, yaong kaniyang ginawa.

1 Mga Hari 5:1-6

Ang pakikipagtalastasan sa haring Hiram bagay sa pagpapatayo ng templo.

At si Hiram na (A)hari sa Tiro ay nagsugo ng kaniyang mga lingkod kay Salomon; dahil sa kaniyang nabalitaan na siya'y kanilang pinahiran ng langis na maging hari na kahalili ng kaniyang ama, sapagka't si Hiram ay naging laging maibigin (B)kay David.

(C)At si Salomon ay nagsugo kay Hiram, na kaniyang sinasabi,

Talastas mo na kung paanong si David na aking ama ay hindi nakapagtayo ng bahay sa pangalan ng Panginoon niyang Dios dahil sa mga pagdidigmaan sa palibot niya sa bawa't dako, (D)hanggang sa inilagay sila ng Panginoon sa ilalim ng mga talampakan ng kaniyang mga paa.

Nguni't ngayo'y binigyan ako ng Panginoon kong Dios ng katiwasayan sa bawa't dako; (E)wala kahit kaaway, o masamang pangyayari man.

At, narito, ako'y tumalagang ipagtayo ng bahay ang pangalan ng Panginoon kong Dios, gaya ng sinalita ng Panginoon kay David na aking ama, na nagsasabi, Ang iyong anak na aking iuupo sa iyong luklukan na kahalili mo, siya ang (F)magtatayo ng bahay para sa aking pangalan.

Ngayon nga'y ipagutos mo na iputol nila ako ng mga puno ng sedro sa Libano; (G)at ang aking mga bataan ay makakasama ng iyong mga bataan: at aking bibigyan ka ng kaupahan sa iyong mga bataan ayon sa lahat na iyong sasabihin: sapagka't iyong talastas na wala sinoman sa amin na makapagdadaras ng mga kahoy ng gaya ng mga Sidonio.

At nangyari nang mabalitaan ni Hiram ang mga salita ni Salomon, na siya'y nagalak na mainam, at nagsabi, (H)Purihin ang Panginoon sa araw na ito, na nagbigay kay David ng isang pantas na anak, sa malaking bayang ito.

At si Hiram ay nagsugo kay Salomon, na nagsasabi, Aking narinig ang pasugo na iyong ipinasugo sa akin: aking gagawin ang iyong buong nasa tungkol sa kahoy na sedro, at tungkol sa kahoy na (I)abeto.

Ang aking mga bataan ay magsisipagbaba mula sa Libano hanggang sa dagat: at aking gagawing mga balsa upang dumaan sa dagat hanggang sa dakong iyong pagtuturuan sa akin, at aking ipakakalag doon, at iyong tatanggapin: at iyong tutuparin ang aking nasa, sa pagbibigay ng pagkain (J)sa aking sangbahayan.

10 Sa gayo'y binigyan ni Hiram si Salomon ng kahoy na sedro, at kahoy na abeto ayon sa kaniyang buong nasa.

11 At binigyan ni Salomon si Hiram ng dalawang pung libong takal na trigo na pinaka pagkain ng kaniyang sangbahayan, at dalawang pung takal na taganas na langis; (K)ganito binigyan ni Salomon si Hiram sa taon-taon.

12 At binigyan ng Panginoon si Salomon ng karunungan, gaya ng kaniyang ipinangako sa kaniya; (L)at may kapayapaan si Hiram at si Salomon; at silang dalawa'y gumawa ng kasunduan.

13 At ang haring Salomon ay humingi ng mga mang-aatag sa buong Israel; at ang mga mang-aatag ay tatlong pung libong lalake.

14 At kaniyang sinusugo sila sa Libano na sangpu-sangpung libo bawa't buwan na halinhinan: isang buwan ay nasa Libano, at dalawang buwan ay sa bahay: at si (M)Adoniram ay tagapamahala sa mga mang-aatag.

15 At si Salomon ay may pitong pung libong nagsisipagdala ng mga pasan (N)at walong pung libong mangdadaras sa bundukin:

16 Bukod pa ang mga (O)kapatas ni Salomon na nasa gawain, na tatlong libo at tatlong daan, na nagpupuno (P)sa mga taong nagsisigawa ng gawain.

17 At ang hari ay nagutos, at nagsitibag sila ng malalaking bato, ng mga mahahalagang bato, upang ilagay ang tatagang-baon ng bahay (Q)na gumagamit ng mga batong tabas.

18 At tinabas ng mga tagapagtayo ni Salomon, at ng mga tagapagtayo ni Hiram at ng mga (R)Gebalita, at inihanda ang mga kahoy, at ang mga bato upang itayo ang bahay.

Ang pagtatayo ng templo.

At nangyari (S)nang ikaapat na raan at walong pung taon pagkatapos na ang mga anak ni Israel ay nangakalabas sa lupain ng Egipto, nang ikaapat na taon ng paghahari ni Salomon sa Israel, nang buwan ng Ziph, na ikalawang (T)buwan, na kaniyang pinasimulang itinayo ang bahay ng Panginoon.

1 Mga Hari 6:7

At ang bahay, nang ginagawa, ay ginawa na mga bato na inihanda sa tibagan ng bato: (A)at wala kahit pamukpok o palakol man, o anomang kasangkapang bakal na narinig sa bahay, samantalang itinatayo.

Mga Gawa 28:1-16

28 At nang kami'y mangakatakas na, (A)nang magkagayo'y napagtalastas namin na ang pulo'y tinatawag na Melita.

(B)At pinagpakitaan kami ng hindi karaniwang kagandahang-loob ng mga barbaro: sapagka't sila'y nagsiga, at tinanggap kaming lahat, dahil sa ulan niyaon, at dahil sa ginaw.

Datapuwa't pagkapagtipon ni Pablo ng isang bigkis na kahoy at mailagay sa apoy, ay lumabas ang isang ulupong dahil sa init, at kumapit sa kaniyang kamay.

At nang makita ng mga barbaro ang makamandag na hayop na nakabitin sa kaniyang kamay, ay nagsabi ang isa sa iba, (C)Walang salang mamamatay-tao ang taong ito, na, bagama't siya'y nakatakas sa dagat, gayon ma'y hindi siya pinabayaang mabuhay ng Katarungan.

Gayon ma'y ipinagpag niya ang hayop sa apoy, at siya'y (D)hindi nasaktan.

Nguni't kanilang hinihintay na siya'y mamaga, o biglang mabuwal na patay: datapuwa't nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyari sa kaniyang anoman, ay nangagbago sila ng akala, at (E)nangagsabing siya'y isang dios.

At sa mga kalapit ng dakong yao'y may mga lupain ang pangulo sa pulong yaon, na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob.

At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may-sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at (F)nanalangin, at nang maipatong (G)sa kaniya ang kaniyang mga kamay ay siya'y pinagaling.

At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling:

10 Kami nama'y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin.

11 At nang makaraan ang tatlong buwan ay nagsilayag kami sa (H)isang daong Alejandria na tumigil ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.

12 At nang dumaong kami sa Siracusa, ay nagsitigil kami roong tatlong araw.

13 At mula doo'y nagsiligid kami, at nagsirating sa Regio: at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang timugan, at nang ikalawang araw ay nagsirating kami sa Puteoli;

14 Na doo'y nakasumpong kami (I)ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapang matira sa kanilang pitong araw: at sa gayo'y nagsirating kami sa Roma.

15 At buhat doo'y pagkabalita ng mga kapatid, ay sinalubong kami sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan; na nang sila'y makita ni Pablo, ay nagpasalamat sa Dios, at lumakas ang loob.

16 At nang mangakapasok kami sa Roma, (J)si Pablo ay pinahintulutang mamahay na magisa na kasama ng kawal na sa kaniya'y nagbabantay.

Marcos 14:27-42

27 At sinabi sa kanila ni Jesus, Kayong lahat ay mangatitisod: sapagka't nasusulat, (A)Sasaktan ko ang pastor, at mangangalat ang mga tupa.

28 Gayon ma'y pagkapagbangon ko, ay mauuna ako sa inyo sa Galilea.

29 Datapuwa't sinabi sa kaniya ni Pedro, Bagama't mangatitisod (B)ang lahat, nguni't ako'y hindi.

30 At sinabi sa kaniya ni Jesus, Katotohanang sinasabi ko sa iyo, na ngayon, sa gabi ring ito, bago tumilaok ang manok (C)ng makalawa, ay ikakaila mo akong makaitlo.

31 Datapuwa't lalo nang nagmatigas siya na sinabi, Kahima't kailangang mamatay akong kasama mo, ay hindi kita ikakaila. At sinabi rin naman ng lahat ang gayon din.

32 At (D)nagsirating sila sa isang dako na tinatawag na Getsemani: at sinabi niya sa kaniyang mga alagad, Magsiupo kayo rito, samantalang ako'y nananalangin.

33 At kaniyang isinama si Pedro at si Santiago at si Juan, at nagpasimulang nagtakang totoo, at namanglaw na mainam.

34 At sinabi niya sa kanila, Namamanglaw na lubha ang aking kaluluwa, hanggang sa kamatayan: mangatira kayo rito, at mangagpuyat.

35 At lumakad siya sa dako pa roon, at nagpatirapa sa lupa, at idinalangin na, kung mangyayari, ay (E)makalampas sa kaniya ang oras.

36 At kaniyang sinabi, (F)Abba, Ama, may pangyayari sa iyo ang lahat ng mga bagay; ilayo mo sa akin ang sarong ito: gayon ma'y hindi ang ayon sa ibig ko, kundi ang ayon sa ibig mo.

37 At siya'y lumapit, at naratnang sila'y nangatutulog, at sinabi kay Pedro, Simon, natutulog ka baga? hindi ka makapagpuyat ng isang oras?

38 Kayo'y mangagpuyat at magsipanalangin, upang huwag kayong magsipasok sa tukso: ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa't mahina ang laman.

39 At muli siyang umalis, at nanalangin, na sinabi (G)ang gayon ding mga salita.

40 At muli siyang nagbalik, at naratnang sila'y nangatutulog, sapagka't nangabibigatang totoo ang kanilang mga mata; at (H)wala silang maalamang sa kaniya'y isagot.

41 At lumapit siyang bilang ikatlo, at sinabi sa kanila, Mangatulog na kayo, at mangagpahinga: sukat na; dumating na ang (I)oras; narito, ang Anak ng tao ay ipagkakanulo sa mga kamay ng mga makasalanan.

42 Magsitindig kayo, hayo na tayo: narito, malapit na ang nagkakanulo sa akin.

Ang Biblia (1978) (ABTAG1978)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 1905, 1915, 1933, 1978