Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:97-104

MEM.

97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
    Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
    sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
    sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
    sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
    upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
    sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
    higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
    kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.

Jeremias 31:15-26

Ang Habag ng Panginoon sa Israel

15 Ganito(A) ang sabi ng Panginoon,
“Isang tinig ang naririnig sa Rama,
    panaghoy at mapait na pag-iyak.
Iniiyakan ni Raquel ang kanyang mga anak;
    siya'y tumatangging maaliw dahil sa kanyang mga anak,
    sapagkat sila'y wala na.”
16 Ganito ang sabi ng Panginoon:
“Itigil mo ang iyong tinig sa pag-iyak,
    at ang iyong mga mata sa pagluha;
sapagkat gagantimpalaan ang iyong mga gawa, sabi ng Panginoon;
    at sila'y babalik mula sa lupain ng kaaway.
17 May pag-asa para sa iyong hinaharap, sabi ng Panginoon;
    at ang iyong mga anak ay babalik sa kanilang sariling lupain.

18 Tunay na aking narinig ang Efraim na tumataghoy,
‘Pinarusahan mo ako, at ako'y naparusahan
    na parang guya na hindi pa naturuan;
ibalik mo ako upang ako'y mapanumbalik,
    sapagkat ikaw ang Panginoon kong Diyos.
19 Sapagkat pagkatapos kong tumalikod ay nagsisi ako;
    at pagkatapos na ako'y maturuan ay sinugatan ko ang aking hita;
ako'y napahiya, at ako'y nalito,
    sapagkat dinala ko ang kahihiyan ng aking kabataan!’
20 Si Efraim ba'y aking minamahal na anak?
    Siya ba ang giliw kong anak?
Sapagkat kung gaano ako kadalas nagsasalita laban sa kanya,
    ay gayon ko siya naaalala.
Kaya't nasasabik ang aking puso sa kanya;
    ako'y tiyak na maaawa sa kanya, sabi ng Panginoon.

Ang Darating na Kasaganaan sa Bayan ng Diyos

21 “Maglagay ka ng mga pananda sa daan para sa iyo,
    gumawa ka ng mga posteng tanda:
ituwid mo ang iyong pag-iisip sa lansangan,
    ang daan na iyong dinadaanan.
Bumalik ka, O birhen ng Israel,
    bumalik ka rito sa iyong mga lunsod.
22 Hanggang kailan ka magpapabalik-balik,
    O ikaw na di-tapat na anak na babae?
Sapagkat ang Panginoon ay lumikha ng isang bagong bagay sa lupa:
    ang isang lalaki ay palilibutan ng isang babae.”

23 Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo, ng Diyos ng Israel: “Minsan pa ay gagamitin nila ang mga salitang ito sa lupain ng Juda at sa mga bayan nito, kapag ibinalik ko ang kanilang mga kayamanan:

‘Pagpalain ka ng Panginoon, O tahanan ng katuwiran,
    O banal na burol!’

24 Ang Juda at ang lahat ng bayan niya ay magkasamang titira doon, ang mga magbubukid at ang mga gumagala na may mga kawan.

25 Sapagkat aking bibigyang kasiyahan ang pagod na kaluluwa,
    at bawat nanlulupaypay ay aking pasisiglahin.”

26 Mula roo'y nagising ako at tumingin, at ang aking pagkakatulog ay kasiya-siya sa akin.

Marcos 10:46-52

Muling Nakakita ang Bulag na si Bartimeo(A)

46 At dumating sila sa Jerico. Habang nililisan niya ang Jerico, kasama ang kanyang mga alagad at ng napakaraming tao, isang pulubing bulag, si Bartimeo na anak ni Timeo, ay nakaupo sa tabi ng daan.

47 Nang marinig niya na iyon ay si Jesus na taga-Nazaret, nagsimula siyang magsisigaw at magsabi, “Jesus, Anak ni David, mahabag ka sa akin!”

48 At sinaway siya ng marami na siya'y tumahimik, ngunit siya'y lalong nagsisigaw, “Anak ni David, mahabag ka sa akin!”

49 Tumigil si Jesus at sinabi, “Tawagin ninyo siya.” Tinawag nila ang lalaking bulag na sinasabi sa kanya, “Matuwa ka. Tumayo ka; tinatawag ka niya.”

50 Pagkahagis sa kanyang balabal, nagmamadali siyang tumayo at lumapit kay Jesus.

51 Pagkatapos sinabi sa kanya ni Jesus, “Ano ang ibig mong gawin ko para sa iyo?” Sinabi ng lalaking bulag, “Rabboni,[a] ibig kong muling makakita.”

52 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Humayo ka, pinagaling ka ng iyong pananampalataya.” Agad na nagbalik ang kanyang paningin at siya'y sumunod sa kanya sa daan.

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001