Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Mga Kapanglawan ng Jerusalem
1 Kaylungkot na nakaupong nag-iisa ang lunsod
na dating punô ng mga tao!
Siya'y naging parang isang balo,
siya na dating dakila sa gitna ng mga bansa!
Siya na dating prinsesa ng mga lalawigan
ay naging alipin!
2 Siya'y umiiyak nang mapait sa gabi,
may mga luha sa kanyang mga pisngi;
sa lahat ng kanyang mangingibig
ay wala ni isa mang sa kanya'y umaliw,
lahat ng kanyang mga kaibigan sa kanya ay nagtaksil,
sila'y naging mga kaaway niya.
3 Ang Juda ay dinalang-bihag sa ilalim ng pagdadalamhati
at mabigat na paglilingkod.
Siya'y naninirahan sa gitna ng mga bansa,
ngunit walang natagpuan na mapagpapahingahan,
inabutan siya ng lahat ng humahabol sa kanya
sa gitna ng pagkabalisa.
4 Ang mga daan patungo sa Zion ay nagluluksa,
sapagkat walang dumarating sa kapistahang itinakda.
Lahat ng kanyang pintuan ay giba,
ang mga pari niya'y dumaraing;
ang kanyang mga dalaga ay pinahihirapan,
at siya'y mapait na nagdurusa.
5 Ang kanyang mga kalaban ay naging kanyang mga pinuno,
ang kanyang mga kaaway ay nagtatagumpay,
sapagkat pinagdusa siya ng Panginoon
dahil sa dami ng kanyang mga pagsuway;
ang kanyang mga munting anak ay umalis
bilang bihag sa harapan ng kaaway.
6 Mula sa anak na babae ng Zion ay naglaho
ang lahat niyang karilagan.
Ang kanyang mga pinuno ay naging parang mga usa
na hindi makatagpo ng pastulan;
sila'y tumakbong walang lakas sa harapan ng humahabol.
19 Alalahanin mo ang aking paghihirap at ang aking kapaitan,
ang katas ng mapait na halaman at ng apdo.
20 Patuloy itong naaalala ng aking kaluluwa
at yumuyuko sa loob ko.
21 Ngunit ito'y naaalala ko,
kaya't mayroon akong pag-asa:
22 Ang tapat na pag-ibig ng Panginoon ay hindi nagmamaliw,
ang kanyang mga habag ay hindi natatapos;
23 sariwa ang mga iyon tuwing umaga,
dakila ang iyong katapatan.
24 “Ang Panginoon ay aking bahagi,” sabi ng aking kaluluwa;
“kaya't ako'y aasa sa kanya.”
25 Ang Panginoon ay mabuti sa kanila na naghihintay sa kanya,
sa kaluluwa na humahanap sa kanya.
26 Mabuti nga na ang tao ay tahimik na maghintay
para sa pagliligtas ng Panginoon.
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
doon tayo'y naupo at umiyak;
nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
“Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
at sa malaking bato sila'y sasalpok.
Pagbati
1 Si Pablo, apostol ni Cristo Jesus sa pamamagitan ng kalooban ng Diyos, ayon sa pangako ng buhay na na kay Cristo Jesus,
2 Kay(A) Timoteo na aking minamahal na anak: Biyaya, kahabagan, kapayapaan nawang mula sa Diyos Ama at kay Cristo Jesus na ating Panginoon.
Pasasalamat
3 Nagpapasalamat ako sa Diyos, na aking pinaglilingkuran na may malinis na budhi gaya ng aking mga ninuno, kapag lagi kitang naaalala sa aking mga panalangin gabi't araw.
4 Kapag naaalala ko ang iyong mga pagluha, kinasasabikan kong makita ka, upang ako'y mapuno ng kagalakan.
5 Naaalala(B) ko ang iyong tapat na pananampalataya, isang pananampalataya na unang nabuhay kay Loida na iyong lola at kay Eunice na iyong ina at ngayon, ako'y nakakatiyak, ay namamalagi sa iyo.
6 Dahil dito ay ipinaaalala ko sa iyo na paningasin mo ang kaloob ng Diyos na nasa iyo sa pamamagitan ng pagpapatong ng aking mga kamay;
7 sapagkat hindi tayo binigyan ng Diyos ng espiritu ng kaduwagan kundi ng espiritu ng kapangyarihan, ng pag-ibig at ng pagpipigil sa sarili.
8 Huwag mong ikahiya ang pagpapatotoo sa ating Panginoon, ni sa akin na bilanggo niya, kundi makipagtiis ka alang-alang sa ebanghelyo ayon sa kapangyarihan ng Diyos,
9 na siyang sa atin ay nagligtas at sa atin ay tumawag ng isang banal na pagtawag, hindi ayon sa ating mga gawa, kundi ayon sa kanyang sariling layunin at biyaya. Ang biyayang ito ay ibinigay sa atin kay Cristo Jesus bago pa nagsimula ang mga panahon,
10 subalit ngayon ay nahayag sa pamamagitan ng pagpapakita ng ating Tagapagligtas na si Cristo Jesus, na siyang nag-alis ng kamatayan, at nagdala sa buhay at sa kawalan ng kamatayan tungo sa liwanag sa pamamagitan ng ebanghelyo.
11 Dito(C) ay itinalaga ako na tagapangaral, apostol at guro.[a]
12 At dahil din dito, ako'y nagdurusa ng mga bagay na ito; gayunma'y hindi ako nahihiya sapagkat kilala ko ang aking sinampalatayanan, at ako'y lubos na naniniwalang maiingatan niya ang aking ipinagkatiwala sa kanya[b] hanggang sa araw na iyon.
13 Sundan mo ang huwaran ng mga wastong salita na narinig mo sa akin, sa pananampalataya at pag-ibig na na kay Cristo Jesus.
14 Ingatan mo ang mabuting bagay na ipinagkatiwala sa iyo sa pamamagitan ng Espiritu Santo na nabubuhay sa atin.
Pananampalataya
5 Sinabi ng mga apostol sa Panginoon, “Dagdagan mo ang pananampalataya namin.”
6 Sinabi ng Panginoon, “Kung mayroon kayong pananampalataya na kasinglaki ng isang binhi ng mustasa, masasabi ninyo sa puno ng sikomorong ito, ‘Mabunot ka, at matanim ka sa dagat,’ susundin kayo nito.
Katungkulan ng Isang Lingkod
7 “Sino sa inyo, na mayroong aliping nag-aararo o nag-aalaga ng mga tupa ang magsasabi sa kanya pagkagaling sa bukid, ‘Pumarito ka agad at maupo sa hapag ng pagkain.’
8 Sa halip, hindi ba niya sasabihin sa kanya, ‘Ipaghanda mo ako ng hapunan, magbigkis ka, paglingkuran mo ako, hanggang sa ako'y makakain at makainom, pagkatapos ay kumain ka at uminom’?
9 Pinasasalamatan ba niya ang alipin, sapagkat ginawa niya ang iniutos sa kanya?
10 Gayundin naman kayo, kapag nagawa na ninyo ang lahat ng mga bagay na iniutos sa inyo, inyong sabihin, ‘Kami'y mga aliping walang kabuluhan, ginawa lamang namin ang aming katungkulan.’”
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001