Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
137 Sa tabi ng mga ilog ng Babilonia,
doon tayo'y naupo at umiyak;
nang ang Zion ay ating maalala;
2 sa mga punong sauce sa gitna nito,
ating ibinitin ang mga alpa natin doon.
3 Sapagkat doo'y ang mga bumihag sa atin
ay humingi sa atin ng mga awitin,
at tayo'y hiningan ng katuwaan ng mga nagpahirap sa atin doon:
“Awitin ninyo sa amin ang isa sa mga awit ng Zion.”
4 Paano namin aawitin ang awit ng Panginoon
sa isang lupaing banyaga?
5 O Jerusalem, kung kita'y kalimutan,
makalimot nawa ang aking kanang kamay!
6 Dumikit nawa ang aking dila sa aking ngalangala,
kung hindi kita maalala,
kung ang Jerusalem ay hindi ko ilagay
sa ibabaw ng aking pinakamataas na kagalakan!
7 Alalahanin mo, O Panginoon, laban sa mga anak ni Edom
ang araw ng Jerusalem,
kung paanong sinabi nila, “Ibuwal, ibuwal!”
Hanggang sa kanyang saligan!
8 O(A) anak na babae ng Babilonia, ikaw na mangwawasak!
Magiging mapalad siya na gumaganti sa iyo
ng kabayaran na siyang ibinayad mo sa amin!
9 Magiging mapalad siya na kukuha sa iyong mga musmos,
at sa malaking bato sila'y sasalpok.
13 Ano ang aking maipapangaral sa iyo? sa ano kita ihahambing,
O anak na babae ng Jerusalem?
Sa ano kita itutulad, upang kita'y maaliw?
O anak na dalaga ng Zion?
Sapagkat kasinlawak ng dagat ang iyong pagkagiba;
sinong makapagpapagaling sa iyo?
14 Ang iyong mga propeta ay nakakita para sa iyo
ng mga huwad at mapandayang pangitain;
hindi nila inilitaw ang iyong kasamaan
upang ibalik ka mula sa pagkabihag,
kundi nakakita para sa iyo ng mga hulang
huwad at nakaliligaw.
15 Lahat ng nagdaraan
ay ipinapalakpak ang kanilang kamay sa iyo;
sila'y nanunuya at iniiling ang kanilang ulo
sa anak na babae ng Jerusalem;
“Ito ba ang lunsod na tinatawag
na kasakdalan ng kagandahan,
ang kagalakan ng buong lupa?”
16 Maluwang na ibinuka ng lahat mong mga kaaway ang kanilang bibig:
sila'y nanunuya at nagngangalit ang ngipin;
kanilang sinasabi, “Nilamon na namin siya!
Tunay na ito ang araw na aming hinihintay;
ngayo'y natamo na namin ito; nakita na namin.”
17 Ginawa ng Panginoon ang kanyang ipinasiya;
na isinagawa ang kanyang banta
na kanyang iniutos nang una;
kanyang ibinagsak, at hindi naawa:
hinayaan niyang pagkatuwaan ka ng iyong mga kaaway,
at itinaas ang kapangyarihan ng iyong mga kalaban.
18 Ang kanilang puso ay dumaraing sa Panginoon!
O pader ng anak na babae ng Zion!
Padaluyin mo ang mga luha na parang ilog
araw at gabi!
Huwag kang magpahinga;
huwag papagpahingahin ang iyong mga mata.
19 Bumangon ka, sumigaw ka sa gabi,
sa pasimula ng mga pagbabantay!
Ibuhos mo ang iyong puso na parang tubig
sa harapan ng mukha ng Panginoon!
Itaas mo ang iyong mga kamay sa kanya
dahil sa buhay ng iyong mga anak
na nanghihina sa gutom
sa dulo ng bawat lansangan.
20 Tingnan mo, O Panginoon, at masdan mo!
Kanino mo ginawa ang ganito!
Kakainin ba ng mga babae ang kanilang anak,
ang mga batang ipinanganak na malusog?
Papatayin ba ang pari at propeta
sa santuwaryo ng Panginoon?
21 Ang bata at ang matanda ay nakahiga
sa alabok ng mga lansangan.
Ang aking mga dalaga at mga binata
ay nabuwal sa pamamagitan ng tabak;
pinatay mo sila sa araw ng iyong galit;
pinatay mo nang walang awa.
22 Nag-anyaya ka
na gaya ng sa araw ng takdang kapistahan,
ang aking mga kakilabutan ay nasa bawat panig;
at sa araw ng galit ng Panginoon
ay walang nakatakas o nakaligtas;
yaong aking mga kinalong at pinalaki ay nilipol ng aking kaaway.
Ang Ating Tagumpay sa Sanlibutan
5 Ang sinumang sumasampalataya na si Jesus ay siyang Cristo ay ipinanganak ng Diyos, at ang bawat umiibig sa magulang[a] ay umiibig din naman sa anak.
2 Dito'y ating nakikilala na iniibig natin ang mga anak ng Diyos, kapag iniibig natin ang Diyos at tinutupad natin ang kanyang mga utos.
3 Sapagkat(A) ito ang pag-ibig sa Diyos, na ating tuparin ang kanyang mga utos at ang kanyang mga utos ay hindi pabigat.
4 Sapagkat ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay dumadaig sa sanlibutan at ito ang tagumpay na dumadaig sa sanlibutan, ang ating pananampalataya.
5 Sino ang dumadaig sa sanlibutan, kundi ang sumasampalatayang si Jesus ang Anak ng Diyos?
Ang Buhay na Walang Hanggan
13 Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo upang inyong malaman na kayo'y mayroong buhay na walang hanggan sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Diyos.
14 Ito ang ating kapanatagan sa kanya, na kung tayo'y humingi ng anumang bagay na ayon sa kanyang kalooban, tayo'y pinapakinggan niya.
15 At kung ating nalalaman na tayo'y pinapakinggan niya sa anumang ating hingin, nalalaman natin na natanggap natin ang mga kahilingang hinihingi natin sa kanya.
16 Kung makita ng sinuman ang kanyang kapatid na nagkakasala ng kasalanang hindi tungo sa kamatayan, ay idalangin siya at bibigyan siya ng Diyos ng buhay, na ukol sa mga nagkakasala ng hindi tungo sa kamatayan. May kasalanang tungo sa kamatayan, hindi tungkol dito ang sinasabi ko na idalangin ninyo.
17 Lahat ng kalikuan ay kasalanan, at may kasalanang hindi tungo sa kamatayan.
18 Alam natin na ang sinumang ipinanganak ng Diyos ay hindi patuloy na nagkakasala; subalit ang ipinanganak ng Diyos ay nag-iingat sa kanyang sarili, at hindi siya ginagalaw ng masama.
19 Alam natin na tayo'y sa Diyos at ang buong sanlibutan ay nasa ilalim ng kapangyarihan ng masama.
20 At alam natin na naparito ang Anak ng Diyos at binigyan niya tayo ng pagkaunawa upang ating makilala siya na totoo; at tayo'y nasa kanya na totoo, sa kanyang Anak na si Jesu-Cristo. Ito ang tunay na Diyos, at buhay na walang hanggan.
21 Mga munting anak, lumayo kayo sa mga diyus-diyosan.[a]
Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001