Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)
Version
Mga Awit 119:97-104

MEM.

97 O, mahal na mahal ko ang iyong kautusan!
    Ito'y siya kong binubulay-bulay sa buong araw.
98 Ginawa akong higit na marunong kaysa aking mga kaaway ng mga utos mo,
    sapagkat ito'y laging kasama ko.
99 Ako'y may higit na pang-unawa kaysa lahat ng aking mga guro,
    sapagkat aking binubulay-bulay ang iyong mga patotoo.
100 Ako'y nakakaunawa ng higit kaysa nakatatanda,
    sapagkat aking iningatan ang iyong mga salita.
101 Sa lahat ng masamang lakad ay pinigil ko ang mga paa ko,
    upang aking masunod ang salita mo.
102 Ako'y hindi lumihis sa mga batas mo,
    sapagkat tinuruan mo ako.
103 Napakatamis ang iyong mga salita sa panlasa ko;
    higit na matamis kaysa pulot sa bibig ko!
104 Sa pamamagitan ng iyong mga tuntunin ay nagkaroon ako ng kaunawaan;
    kaya't kinapopootan ko ang bawat huwad na daan.

Jeremias 26:16-24

16 At sinabi ng mga pinuno at ng buong bayan sa mga pari at sa mga propeta, “Ang taong ito ay hindi nararapat sa hatol na kamatayan, sapagkat siya'y nagsalita sa atin sa pangalan ng Panginoon nating Diyos.”

17 Ang ilan sa matatanda ng lupain ay tumindig at nagsalita sa buong kapulungan ng bayan, na nagsasabi,

18 “Si(A) Micaias na Morastita ay nagsalita ng propesiya sa mga araw ni Hezekias na hari ng Juda, at sinabi sa buong bayan ng Juda: ‘Ganito ang sabi ng Panginoon ng mga hukbo,

Ang Zion ay aararuhing parang bukid;
    ang Jerusalem ay magiging bunton ng mga guho
    at ang bundok ng bahay ay magiging mataas na dako ng isang gubat.’

19 Ipinapatay ba siya ni Hezekias na hari ng Juda at ng buong Juda? Hindi ba't natakot siya sa Panginoon at hiniling ang lingap ng Panginoon, at hindi ba't nagbago ng isip ang Panginoon tungkol sa kasamaan na kanyang ipinahayag laban sa kanila? Ngunit malapit na tayong magdala ng malaking kasamaan laban sa ating mga sarili.”

20 May isa pang lalaki na nagsalita ng propesiya sa pangalan ng Panginoon, si Urias na anak ni Shemaya na taga-Kiryat-jearim. Siya'y nagsalita ng propesiya laban sa lupaing ito sa mga salitang katulad ng kay Jeremias.

21 Nang marinig ni Haring Jehoiakim at ng lahat niyang mga mandirigma, at mga pinuno ang kanyang mga salita, pinagsikapan ng hari na ipapatay siya. Ngunit nang ito'y marinig ni Urias, siya'y natakot, tumakbo, at tumakas patungong Ehipto.

22 At si Haring Jehoiakim ay nagsugo ng mga tauhan sa Ehipto, sina Elnatan na anak ni Acbor, at ilan pang mga kasama niya.

23 Kanilang kinuha si Urias sa Ehipto, at dinala siya kay Haring Jehoiakim, na pumatay sa kanya sa pamamagitan ng tabak at itinapon ang kanyang bangkay sa mga libingan ng karaniwang tao.

24 Ngunit ang kamay ni Ahikam na anak ni Safan ay sumasa kay Jeremias, anupa't hindi siya naibigay sa mga kamay ng taong-bayan upang patayin.

2 Timoteo 2:14-26

14 Ipaalala mo sa kanila ang mga bagay na ito, na sila'y pagbilinan mo sa harapan ng Diyos[a] na sila'y huwag makipagtalo tungkol sa mga salita na hindi mapapakinabangan kundi sa ikapapahamak lamang ng mga nakikinig.

Ang Manggagawa ng Diyos

15 Pagsikapan mong humarap na subok sa Diyos, manggagawang walang anumang dapat ikahiya, na gumagamit nang wasto sa salita ng katotohanan.

16 Subalit iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan, sapagkat ito'y magtutulak sa mga tao sa higit pang kasamaan,

17 at ang kanilang salita ay kakalat na gaya ng ganggrena. Kasama sa mga ito si Himeneo at si Fileto,

18 na lumihis sa katotohanan at sinasabing ang muling pagkabuhay ay naganap na. Kanilang ginugulo ang pananampalataya ng iba.

19 Ngunit(A) ang matibay na saligan ng Diyos ay nananatiling matatag na may tatak na ganito: “Kilala ng Panginoon ang mga kanya,” at, “Lumayo sa kalikuan ang bawat tumatawag sa pangalan ng Panginoon.”

20 Sa isang malaking bahay ay hindi lamang may mga kasangkapang ginto at pilak, kundi mayroon din namang kahoy at luwad, at ang iba'y sa natatanging paggagamitan at ang iba'y para sa karaniwan.

21 Kung nililinis ng sinuman ang kanyang sarili mula sa mga bagay na ito ay magiging tanging kagamitan, itinalaga at mahalaga sa may-ari ng bahay, handa sa lahat ng mabuting gawa.

22 Ngunit layuan mo ang masasamang pagnanasa ng kabataan at sundin mo ang katuwiran, pananampalataya, pag-ibig, at kapayapaan, kasama ng mga tumatawag sa Panginoon mula sa malinis na puso.

23 Iwasan mo ang mga usapang walang kabuluhan at hangal, yamang nalalaman mo na namumunga ang mga ito ng mga away.

24 Ang alipin ng Panginoon ay hindi dapat makipag-away, kundi maamo sa lahat, mahusay magturo, matiyaga,

25 tinuturuan nang may kaamuan ang mga sumasalungat, baka sakaling pagkalooban ng Diyos ng pagsisisi tungo sa pagkakilala sa katotohanan,

26 at sila'y matauhan at makawala sa bitag ng diyablo na bumihag sa kanila upang gawin ang kanyang kalooban.[b]

Ang Biblia, 2001 (ABTAG2001)

Ang Biblia Copyright © Philippine Bible Society 2001