Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 93

Ang Diyos ang Hari

93 Si Yahweh ay naghahari, na ang suot sa katawan
    ay damit na maharlika at puspos ng kalakasan.
Matatag na itinayo ang sandigan ng daigdig,
    kahit ano ang gawin pa'y hindi ito mayayanig.
Ang trono mo ay matatag simula pa noong una,
    bago pa ang kasaysayan, ika'y likas na naro'n na.

Tumataas nga, O Yahweh, ang tubig ng mga ilog,
    lumalakas ang lagaslas habang sila'y umaagos;
    maingay na mga alon katulad ay pagkalabog.
Parang tubig na marami, ang buhos ay parang kulog,
    malakas pa kaysa alon ng dagat na mayro'ng unos;
    higit pa sa mga ito si Yahweh na dakilang Diyos.

Walang hanggan, O Yahweh, ang lahat ng tuntunin mo,
    sadyang banal at matatag ang sambahang iyong templo.

2 Cronica 15:1-15

Ang mga Repormang Isinagawa ni Asa

15 Si Azarias na anak ni Oded ay nilukuban ng Espiritu[a] ng Diyos. Pinuntahan niya si Asa at sinabi, “Pakinggan mo ako, Asa, at kayong mga taga-Juda at Benjamin: Nasa panig ninyo si Yahweh habang kayo'y nasa panig niya. Matatagpuan ninyo siya kung siya'y inyong hahanapin, ngunit kung itatakwil ninyo siya, itatakwil din niya kayo. Matagal nang hindi sumasamba sa tunay na Diyos ang Israel, walang paring nagtuturo at wala ring kautusan. Ngunit nang dumating sila sa kagipitan, humingi sila ng tulong kay Yahweh, ang Diyos ng Israel. Siya'y kanilang hinanap at kanilang natagpuan. Mapanganib noon ang maglakbay at mangalakal sapagkat magulo kahit saang lugar. Naglalaban-laban ang mga bansa, at ang mga lunsod sa kapwa lunsod, sapagkat ginugulo at pinahihirapan sila ng Diyos. Ngunit magpakatatag kayo at huwag masiraan ng loob. Gagantimpalaan kayo dahil sa inyong mga ginagawa.”

Nang marinig ni Asa ang pahayag na ito ni Azarias na anak ni Oded, lumakas ang kanyang loob. Inalis ni Asa ang lahat ng kasuklam-suklam na diyus-diyosan sa buong Juda, sa Benjamin at sa lahat ng bayang nasakop niya sa Kaburulan ng Efraim. Ipinaayos niya ang altar ni Yahweh na nasa harap ng bulwagan ng Templo. Pagkatapos, tinipon niya ang mga taga-Juda at Benjamin at ang mga nanggaling sa Efraim, Manases at Simeon na nakikipanirahan sa kanila. Maraming taga-Israel ang sumama kay Asa nang malaman nilang kasama niya ang Diyos niyang si Yahweh. 10 Naganap ang pagtitipong ito sa Jerusalem noong ikatlong buwan ng ikalabing limang taon ng paghahari ni Asa. 11 Nang araw na iyon, naghandog sila kay Yahweh ng pitong daang toro at pitong libong tupa buhat sa mga nasamsam nila. 12 Gumawa sila ng kasunduan na buong puso at kaluluwa nilang sasambahin si Yahweh, ang Diyos ng kanilang mga ninuno, 13 at papatayin ang sinumang hindi sasamba sa kanya, maging lalaki o babae, matanda o bata. 14 Pasigaw na nanumpa sila kay Yahweh. Nagsigawan sila kasabay ng pag-ihip sa mga trumpeta at tambuli. 15 Masayang-masaya ang buong Juda sa kanilang pagkakaisa sapagkat buong puso silang nangakong sasamba kay Yahweh. At ang kanilang masayang pagsamba ay tinanggap ni Yahweh; nalugod siya sa kanila kaya binigyan sila ni Yahweh ng kapayapaan sa lahat ng panig.

Pahayag 21:15-22

15 Ang(A) anghel na nagsalita sa akin ay may hawak na gintong panukat upang sukatin ang lungsod, gayundin ang mga pinto at ang pader nito. 16 Parisukat ang ayos ng lungsod, kung ano ang haba, ganoon din ang luwang. Sinukat ng anghel ang lungsod, at ang lumabas na sukat ng lungsod ay dalawang libo apatnaraang (2,400) kilometro ang haba at ang luwang, gayundin ang taas. 17 Sinukat din niya ang pader at animnapu't limang (65) metro naman ang taas nito, ayon sa panukat na dala ng anghel. 18 Batong(B)(C) jasper ang pader, at ang lungsod ay lantay na gintong kumikinang na parang kristal. 19 Ang saligan ng pader ay punô ng lahat ng uri ng mamahaling bato. Jasper ang una, safiro ang ikalawa, kalsedonia ang ikatlo, esmeralda ang ikaapat, 20 onise ang ikalima, kornalina ang ikaanim, krisolito ang ikapito, berilo ang ikawalo, topaz ang ikasiyam, krisopraso ang ikasampu, hasinto ang ikalabing-isa, at amatista ang ikalabindalawa. 21 Perlas ang labindalawang (12) pinto, bawat pinto ay yari sa iisang perlas. Purong ginto ang lansangan ng lungsod at kumikinang na parang kristal.

22 Wala akong nakitang templo sa lungsod sapagkat ang nagsisilbing templo roon ay ang Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat at ang Kordero.