Print Page Options
Previous Prev Day Next DayNext

Revised Common Lectionary (Semicontinuous)

Daily Bible readings that follow the church liturgical year, with sequential stories told across multiple weeks.
Duration: 1245 days
Magandang Balita Biblia (with Deuterocanon) (MBBTAG-DC)
Version
Mga Awit 100

Awit ng Pagpupuri

Isang Awit ng Pasasalamat.

100 Umawit sa kagalakan ang lahat ng mga bansa!
Si Yahweh ay papurihan, paglingkuran siyang kusa;
    lumapit sa presensya niya at umawit na may tuwa!

O si Yahweh ay ating Diyos! Ito'y dapat na malaman,
    tayo'y kanya, kanyang lahat, tayong lahat na nilalang;
    lahat tayo'y bayan niya, kabilang sa kanyang kawan.

Pumasok sa kanyang templo na ang puso'y nagdiriwang,
    umaawit, nagpupuri sa loob ng dakong banal;
    purihin ang ngalan niya at siya'y pasalamatan!

Napakabuti(A) ni Yahweh,
    pag-ibig niya'y walang hanggan,
    pag-ibig niya ay tunay, laging tapat kailanman!

Ezekiel 37:15-28

Ang Pahayag tungkol sa Pagkakaisa ng Juda at ng Israel

15 Sinabi sa akin ni Yahweh, 16 “Ezekiel, anak ng tao, kumuha ka ng isang putol na kahoy at sulatan mo ng, ‘Ang kaharian ng Juda.’ Pagkatapos, kumuha ka ng isa pa at sulatan mo naman ng, ‘Ang kaharian ng Israel.’ 17 Pagkaraan noon, pagdugtungin mo ito na parang iisa ang hawak mo. 18 Kapag itinanong nila kung ano ang kahulugan noon, 19 sabihin mong ipinapasabi ko na darating na ang panahon at ang kaputol na kahoy na kumakatawan sa Israel ay isasama ko sa kaputol na kahoy na kumakatawan sa Juda upang sila'y maging isa na lang. 20 Kailangang nakikita nilang hawak mo ang mga putol ng kahoy na iyong sinulatan 21 habang sinasabi mong ito ang ipinapasabi ni Yahweh: Titipunin ko ang mga Israelita mula sa mga dakong kinatapunan nila upang ibalik sila sa sarili nilang bayan. 22 Sila'y pag-iisahin ko na lamang. Isa lamang ang magiging hari nila; hindi na sila mahahati, sila'y gagawin kong isa na lamang kaharian. 23 Hindi na sila sasamba sa diyus-diyosan ni gagawa ng kasuklam-suklam na mga bagay o anumang paglabag. Hindi na sila tatalikod sa akin. Lilinisin ko sila. Sila ang aking magiging bayan at ako ang kanilang magiging Diyos. 24 Isang(A) tulad ng lingkod kong si David ang magiging hari nila. Susundin na nilang mabuti ang aking mga utos at tuntunin. 25 Sila'y doon na maninirahan sa lupaing tinirhan ng kanilang mga ninuno, sa lupaing ibinigay ko kay Jacob. Sila, at ang kanilang mga anak at mga susunod pang salinlahi ay mananatili doon habang panahon. Isang haring tulad ni David na aking lingkod ang magiging pinuno nila magpakailanman. 26 Gagawa ako ng isang tipan sa kanila. Ito ay tipan ng kapayapaan at mamamalagi magpakailanman. Pagpapalain ko sila at pararamihin. Itatayo ko sa kalagitnaan nila ang aking Templo. 27 Ako'y(B) maninirahang kasama nila magpakailanman. Ako ang magiging Diyos nila, sila'y magiging bayan ko. 28 At kung mananatili sa kalagitnaan nila ang aking Templo, malalaman ng lahat ng bansa na akong si Yahweh ang humirang sa Israel upang maging akin.”

Pahayag 15:1-4

Ang mga Panghuling Salot

15 Nakita ko rin sa langit ang isa pang kakaiba at kagila-gilalas na palatandaan: may pitong anghel na may dalang pitong salot. Ito ang mga panghuling salot sapagkat dito matatapos ang poot ng Diyos.

May nakita akong parang dagat na kristal na nagliliyab. Nakita ko rin ang mga nagtagumpay laban sa halimaw at sa larawan nito, at sa nagtataglay ng bilang na katumbas ng kanyang pangalan. Nakatayo sila sa tabi ng dagat na kristal, hawak ang mga alpang bigay sa kanila ng Diyos. Inaawit(A) nila ang awit ni Moises na lingkod ng Diyos, at ang awit ng Kordero:

“Panginoong Diyos na Makapangyarihan sa lahat,
    dakila at kahanga-hanga ang iyong mga gawa!
O Hari ng mga bansa[a],
    matuwid at totoo ang iyong mga paraan!
Sino(B) ang hindi matatakot sa iyo, Panginoon?
    Sino ang hindi magpupuri sa iyong pangalan?
    Ikaw lamang ang banal!
Lahat ng mga bansa ay lalapit
    at sasamba sa iyo,
    sapagkat nakita ng lahat ang matuwid mong mga gawa.”