Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
36 Sa Joppa naman ay may isang alagad na babae na ang pangalan ay Tabita. Sa wikang Griego, ang kanyang pangalan ay Dorcas[a]. Ginugol niya ang kanyang panahon sa paggawa ng kabutihan at pagkakawanggawa. 37 Nang mga araw na iyon, nagkasakit siya at namatay. Nilinis ang kanyang bangkay at ibinurol ito sa silid sa itaas. 38 Malapit lang sa Joppa ang Lida. Kaya't nang mabalitaan ng mga alagad na si Pedro ay nasa Lida, nagsugo sila ng dalawang lalaki upang siya'y pakiusapang pumunta agad sa Joppa. 39 Sumama naman sa kanila si Pedro, at pagdating doon, dinala siya sa silid sa itaas. Kaagad lumapit sa kanya ang lahat ng mga biyuda; umiiyak sila at ipinapakita ang mga damit at mga balabal na ginawa ni Dorcas para sa kanila noong ito'y nabubuhay pa. 40 Pinalabas ni Pedro ang lahat at siya'y lumuhod at nanalangin. Pagkatapos, humarap siya sa bangkay at sinabi, “Tabita, bumangon ka!” Dumilat si Tabita at naupo nang makita nito si Pedro. 41 Hinawakan ni Pedro ang kanyang kamay at tinulungang bumangon. Pagkatapos, tinawag niya ang mga hinirang ng Panginoon at ang mga biyuda, at iniharap sa kanila si Dorcas na buháy na. 42 Ang pangyayaring ito'y nabalita sa buong Joppa kaya't marami ang sumampalataya sa Panginoon. 43 Maraming araw ding nanatili si Pedro sa Joppa, sa bahay ng isang tagapagbilad ng balat ng hayop na nagngangalang Simon.
Si Yahweh ang Ating Pastol
Awit ni David.
23 Si Yahweh ang aking pastol, hindi ako magkukulang;
2 pinapahimlay(A) niya ako sa luntiang pastulan,
at inaakay niya sa tahimik na batisan.
3 Pinapanumbalik ang aking kalakasan,
at pinapatnubayan niya sa tamang daan,
upang aking parangalan ang kanyang pangalan.
4 Dumaan man ako sa madilim na libis ng kamatayan,
wala akong katatakutan, pagkat ika'y aking kaagapay.
Ang tungkod mo at pamalo, aking gabay at sanggalang.
5 Ipinaghahanda mo ako ng salu-salo,
na nakikita pa nitong mga kalaban ko;
sa aking ulo langis ay ibinubuhos,
sa aking saro, pagpapala'y lubus-lubos.
6 Kabutiha't pag-ibig mo sa aki'y di magkukulang, siyang makakasama ko habang ako'y nabubuhay;
at magpakailanma'y sa bahay ni Yahweh mananahan.
Ang mga Nagtagumpay Mula sa Lahat ng Bansa
9 Pagkatapos nito'y nakita ko ang napakaraming tao na di kayang bilangin ninuman! Sila'y mula sa bawat bansa, lipi, bayan, at wika. Nakatayo sila sa harap ng trono at ng Kordero, nakadamit ng puti at may hawak na mga palaspas. 10 Isinisigaw nila, “Ang kaligtasan ay nagmumula sa ating Diyos na nakaluklok sa trono, at sa Kordero!” 11 Tumayo ang lahat ng anghel sa palibot ng trono, ng matatandang pinuno, at ng apat na nilalang na buháy. Sila'y nagpatirapa sa harap ng trono at sumamba sa Diyos 12 na nagsasabi, “Amen! Sa ating Diyos ang papuri, kaluwalhatian, karunungan, pasasalamat, karangalan, kapangyarihan, at kalakasan magpakailanman! Amen.”
13 Tinanong ako ng isa sa matatandang pinuno, “Sino ang mga taong nakadamit ng puti, at saan sila nanggaling?”
14 “Ginoo,(A) kayo po ang nakakaalam,” ang sagot ko.
At sinabi niya sa akin, “Sila ang mga nanggaling sa matinding kapighatian. Nilinis nila at pinaputi ang kanilang damit sa dugo ng Kordero. 15 Iyan ang dahilan kung bakit sila ay nasa harap ng trono ng Diyos at naglilingkod sa kanya sa templo araw at gabi. At ang nakaupo sa trono ang siyang kukupkop sa kanila. 16 Hindi(B) na sila magugutom ni mauuhaw man; hindi na rin sila mabibilad sa araw ni mapapaso ng anumang matinding init, 17 sapagkat(C) ang Korderong nasa gitna ng trono ang magiging pastol nila. Siya ang gagabay sa kanila sa mga bukal ng tubig na nagbibigay-buhay, at papahirin ng Diyos ang bawat luha sa kanilang mga mata.”
Itinakwil ng mga Judio si Jesus
22 Taglamig(A) na noon at kasalukuyang ipinagdiriwang sa Jerusalem ang Pista ng Pagtatalaga ng Templo. 23 Habang naglalakad si Jesus sa Templo, sa Portiko ni Solomon, 24 pinaligiran siya ng mga Judio at sinabi sa kanya, “Hanggang kailan mo kami paghihintayin? Kung ikaw nga ang Cristo, sabihin mo na nang maliwanag.”
25 Sumagot si Jesus, “Sinabi ko na sa inyo, ngunit ayaw ninyong maniwala. Ang mga ginagawa ko sa pangalan ng aking Ama ang nagpapatotoo tungkol sa akin. 26 Ngunit ayaw ninyong maniwala sapagkat hindi kayo kabilang sa aking mga tupa. 27 Nakikinig sa akin ang aking mga tupa; nakikilala ko sila, at sumusunod sila sa akin. 28 Binibigyan ko sila ng buhay na walang hanggan. Kailanma'y hindi sila mapapahamak at hindi sila maaagaw sa akin ninuman. 29 Ang(B) aking Ama na siyang nagbigay sa kanila sa akin ay lalong dakila sa lahat,[a] at hindi sila maaagaw ninuman sa aking Ama. 30 Ako at ang Ama ay iisa.”
by