Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
9 Kung makikinig ka sa akin, malalaman mo ang dapat mong gawin, ang tama, matuwid at nararapat. 10 Sapagkat lalong lalawak ang iyong karunungan at magbibigay ito sa iyo ng kaligayahan. 11 Kapag nakakaunawa ka at marunong magpasya nang tama, iingatan ka nito. 12 Ilalayo ka ng karunungan sa masamang pag-uugali at sa mga taong nagsasalita ng masama. 13 Pinili ng mga taong ito na iwanan ang magandang pag-uugali at sumunod sa pamamaraan ng mga nasa kadiliman. 14 Natutuwa sila sa paggawa ng masama at nasisiyahan sa mga kalikuan nito. 15 Masama ang pag-uugali nila at hindi matuwid ang kanilang pamumuhay.
Si Zaqueo
19 Pumasok si Jesus sa Jerico dahil doon siya dadaan papuntang Jerusalem. 2 May isang lalaki roon na ang pangalan ay Zaqueo. Siya ay mayaman at isa sa mga pinuno ng mga maniningil ng buwis. 3 Gusto niyang makita kung sino talaga si Jesus, pero dahil pandak siya at marami ang tao doon ay hindi niya ito magawa. 4 Kaya patakbo siyang nagpauna at umakyat sa isang puno ng sikomoro upang makita si Jesus na dadaan doon. 5 Pagdating ni Jesus sa lugar na iyon, tumingala siya at sinabi, “Zaqueo, bumaba ka agad, dahil kailangan kong tumuloy sa bahay mo ngayon.” 6 Kaya nagmadaling bumaba si Zaqueo at masayang tinanggap si Jesus. 7 Nang makita ng mga tao na roon siya tumuloy sa bahay ni Zaqueo, nagbulung-bulungan sila, “Tumuloy siya sa bahay ng isang masamang tao.” 8 Sa loob ng bahay niya ay tumayo si Zaqueo at sinabi, “Panginoon, ibibigay ko po sa mga mahihirap ang kalahati ng kayamanan ko. At kung may nadaya akong sinuman, babayaran ko ng apat na beses ang kinuha ko sa kanya.” 9 Sinabi sa kanya ni Jesus, “Dumating na ngayon ang kaligtasan sa sambahayang ito, dahil siya ay mula rin sa lahi ni Abraham. 10 Sapagkat ako na Anak ng Tao ay naparito upang hanapin at iligtas ang naliligaw.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®