Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Awit ng Pasasalamat
67 O Dios, kaawaan nʼyo kami at pagpalain.
Ipakita nʼyo sa amin ang inyong kabutihan,
2 upang malaman ng lahat ng bansa ang inyong mga pamamaraan at pagliligtas.
3 Purihin ka sana ng lahat ng tao, O Dios.
4 Magalak sana ang lahat ng tao at umawit ng papuri sa inyo,
dahil sa makatarungan nʼyong paghahatol at pagpapatnubay sa lahat ng bansa.
5 O Dios, purihin sana kayo ng lahat ng bansa.
6-7 Mag-ani sana ng sagana ang mga lupain.
Nawaʼy pagpalain nʼyo kami, O Dios, na aming Dios.
At magkaroon sana ng takot sa inyo ang lahat ng tao sa buong mundo.
6 Sapagkat ang Panginoon ang nagbibigay ng karunungan, kaalaman, at ng pang-unawa. 7-8 Iniingatan niya ang namumuhay nang matuwid, matapat, at walang kapintasan. Binibigyan din niya sila ng katagumpayan.[a]
Ang Pangalawang Paglalakbay ni Pablo Bilang Misyonero
16 Nagpatuloy sina Pablo sa paglalakbay sa Derbe at Lystra. May tagasunod ni Jesus doon sa Lystra na ang pangalan ay Timoteo. Ang kanyang ina ay Judio at mananampalataya rin, pero ang kanyang ama ay Griego. 2 Ayon sa mga kapatid doon sa Lystra at sa Iconium, si Timoteo ay mabuting tao. 3 Gusto ni Pablo na isama si Timoteo, kaya tinuli niya ito para walang masabi ang mga Judio laban kay Timoteo, dahil ang lahat ng Judio na nakatira sa lugar na iyon ay nakakaalam na Griego ang ama nito. 4 Pagkatapos, pinuntahan nila ang mga bayan at ipinaalam nila sa mga mananampalataya ang mga patakarang napagkasunduan ng mga apostol at ng mga namumuno sa iglesya sa Jerusalem. Sinabihan nila ang mga mananampalataya na sundin ang mga patakarang ito. 5 Kaya lalong tumibay ang pananampalataya ng mga iglesya, at araw-araw ay nadadagdagan pa ang bilang ng mga mananampalataya.
Ang Pangitain ni Pablo tungkol sa Lalaking Taga-Macedonia
6 Pumunta sina Pablo sa mga lugar na sakop ng Frigia at Galacia, dahil hindi sila pinahintulutan ng Banal na Espiritu na mangaral ng salita ng Dios sa lalawigan ng Asia. 7 Pagdating nila sa hangganan ng Mysia, gusto sana nilang pumunta sa Bitinia, pero hindi sila pinahintulutan ng Espiritu ni Jesus. 8 Kaya dumaan na lang sila sa Mysia at pumunta sa Troas.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®