Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Sina Pablo at Silas sa Bilangguan
16 Isang araw, habang papunta kami sa lugar na pinagtitipunan para manalangin, sinalubong kami ng isang dalagitang alipin. Ang dalagitang iyon ay sinasaniban ng masamang espiritu na nagbibigay sa kanya ng kakayahang manghula. Malaki ang kinikita ng kanyang mga amo dahil sa kanyang panghuhula. 17 Palagi kaming sinusundan ng babaeng ito at ganito ang kanyang isinisigaw, “Ang mga taong ito ay mga lingkod ng Kataas-taasang Dios! Ipinangangaral nila sa inyo kung paano kayo maliligtas!”
18 Araw-araw, iyon ang ginagawa niya hanggang sa nainis na si Pablo. Kaya hinarap niya ang babae at sinabi sa masamang espiritung nasa kanya, “Sa pangalan ni Jesu-Cristo, inuutusan kitang lumabas sa kanya!” At agad namang lumabas ang masamang espiritu. 19 Nang makita ng kanyang mga amo na nawalan sila ng pagkakakitaan, hinuli nila sina Pablo at Silas at kinaladkad sa plasa para iharap sa mga opisyal ng lungsod. 20 Sinabi nila sa mga opisyal, “Ang mga taong ito ay mga Judio at nanggugulo sa ating lungsod. 21 Nagtuturo sila ng mga kaugaliang labag sa kautusan nating mga Romano. Hindi natin pwedeng sundin ang mga itinuturo nila.” 22 Nakiisa ang mga tao sa pag-uusig[a] kina Pablo. Pinahubaran sila ng mga opisyal at ipinahagupit. 23 At nang mahagupit na sila nang husto, ikinulong sila. At inutusan ang guwardya na bantayan silang mabuti. 24 Kaya ipinasok sila ng guwardya sa kaloob-looban ng selda at itinali ang kanilang mga paa.
25 Nang maghahatinggabi na, nananalangin sina Pablo at Silas at umaawit ng mga papuri sa Dios. Nakikinig naman sa kanila ang ibang mga bilanggo. 26 Walang anu-anoʼy biglang lumindol nang malakas at nayanig ang bilangguan. Nabuksan ang lahat ng pintuan ng bilangguan at natanggal ang mga kadena ng lahat ng bilanggo. 27 Nagising ang guwardya at nakita niyang bukas ang mga pintuan. Akala niyaʼy tumakas na ang mga bilanggo, kaya hinugot niya ang kanyang espada at magpapakamatay na sana. 28 Pero sumigaw si Pablo, “Huwag kang magpakamatay! Narito kaming lahat!” 29 Nagpakuha ng ilaw ang guwardya at dali-daling pumasok sa loob at nanginginig na lumuhod sa harapan nina Pablo at Silas. 30 Pagkatapos, dinala niya sina Pablo sa labas at tinanong, “Ano ang dapat kong gawin para maligtas?” 31 Sumagot sila, “Sumampalataya ka sa Panginoong Jesus at maliligtas ka at ang iyong pamilya.” 32 At ipinangaral nina Pablo ang salita ng Dios sa kanya at sa lahat ng miyembro ng kanyang pamilya. 33 Nang gabing iyon, hinugasan ng guwardya ang kanilang mga sugat at nagpabautismo siya at ang kanyang buong pamilya. 34 Pagkatapos, isinama niya sina Pablo sa kanyang bahay at pinakain. Natuwa ang guwardya at ang kanyang buong pamilya na silaʼy sumasampalataya na sa Dios.
Ang Dios ay Higit sa Lahat ng Pinuno
97 Ang Panginoon ay naghahari!
Kaya magalak ang mundo, pati na ang mga isla.
2 Napapalibutan siya ng makakapal na ulap
at naghahari nang may katuwiran at katarungan.
3 May apoy sa unahan niya at sinusunog nito ang mga kaaway niyang nakapalibot sa kanya.
4 Ang kanyang mga kidlat ay lumiliwanag sa mundo.
Nakita ito ng mga tao at nanginig sila sa takot.
5 Natutunaw na parang kandila ang mga kabundukan sa presensya ng Panginoon, ang Panginoon na naghahari sa buong mundo.
6 Ipinapahayag ng langit na matuwid siya
at nakikita ng lahat ng tao ang kanyang kaluwalhatian.
7 Mapapahiya ang lahat ng sumasamba sa mga dios-diosan at ang mga nagmamalaki sa mga ito.
Ang lahat ng mga dios ay lumuhod at sambahin ang Dios.
8 Panginoon, narinig ng mga taga-Zion[a] at ng mga taga-Juda ang tungkol sa inyong wastong pamamaraan ng pamamahala,
kaya tuwang-tuwa sila.
9 Dahil kayo, Panginoon, ang Kataas-taasang Dios ay naghahari sa buong mundo.
Higit kayong dakila kaysa sa lahat ng mga dios.
10 Kayong mga umiibig sa Panginoon ay dapat mamuhi sa kasamaan.
Dahil iniingatan ng Panginoon ang buhay ng kanyang mga tapat na mamamayan
at inililigtas niya sila sa masasama.
11 Ang kabutihan ng Dios ay parang araw na sumisinag sa matutuwid
at nagbibigay ito ng kagalakan sa kanila.
12 Kayong matutuwid, magalak kayo sa Panginoon.
Pasalamatan siya at purihin ang kanyang pangalan!
12 Sinabi ng Panginoong Jesus, “Makinig kayo! Malapit na akong dumating! Dala ko ang aking gantimpala para sa bawat isa ayon sa mga ginawa niya. 13 Ako ang Alpha at ang Omega, na ang ibig sabihin, ang una at ang huli, o ang simula at ang katapusan ng lahat.
14 “Mapalad ang naglilinis ng mga damit nila,[a] dahil papayagan silang makapasok sa lungsod at kumain ng bunga ng punongkahoy na nagbibigay-buhay.
16 “Akong si Jesus ang nagsugo sa aking anghel upang sabihin sa iyo ang mga bagay na ito para sa mga iglesya. Galing ako sa angkan ni David at ako rin ang maningning na bituin sa umaga.”
17 Nag-iimbita ang Banal na Espiritu at ang babaeng ikakasal, “Halikayo!” Ang lahat ng nakarinig nito ay magsabi rin, “Halikayo!” Lumapit ang sinumang nauuhaw at gustong uminom ng tubig na nagbibigay-buhay. Wala itong bayad.
20 Si Jesus ang nagpapatunay sa lahat ng nakasulat dito. At sinabi pa niya, “Talagang malapit na akong dumating!” Sinabi ko naman, “Sana nga po![a] Pumarito na po kayo, Panginoong Jesus.”
21 Pagpalain kayong lahat ng Panginoong Jesus.
20 “Ang panalangin koʼy hindi lang para sa kanila na sumasampalataya sa akin, kundi pati na rin sa mga sasampalataya pa sa akin sa pamamagitan ng pangangaral nila. 21 Idinadalangin ko sa iyo, Ama, na silang lahat ay maging isa gaya natin. Kung paanong ikaw ay nasa akin at akoʼy nasa iyo, nawaʼy sila man ay sumaatin, para maniwala ang mga tao sa mundo na ikaw ang nagsugo sa akin. 22 Binigyan ko sila ng karangalan tulad ng ibinigay mo sa akin, upang silaʼy maging isa katulad natin. 23 Nasa kanila ako at ikaw ay nasa akin, para silaʼy lubos na maging isa. Sa ganoon ay malalaman ng mga tao sa mundo na isinugo mo ako, at malalaman din nilang minamahal mo ang mga mananampalataya tulad ng pagmamahal mo sa akin.
24 “Ama, gusto ko sanang makasama sa pupuntahan ko ang mga taong ibinigay mo sa akin, para makita rin nila ang kapangyarihang ibinigay mo sa akin, dahil minahal mo na ako bago pa man nilikha ang mundo. 25 Amang Makatarungan,[a] kahit hindi ka nakikilala ng mga taong makamundo, nakikilala naman kita, at alam ng mga mananampalataya na ikaw ang nagsugo sa akin. 26 Ipinakilala kita sa kanila, at patuloy kitang ipapakilala upang ang pagmamahal mo sa akin ay mapasakanila at ako man ay mapasakanila.”
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®