Revised Common Lectionary (Semicontinuous)
Ang Zion ang Bayan ng Dios
48 Dakila ang Panginoon na ating Dios,
at karapat-dapat na papurihan sa kanyang bayan,
ang kanyang banal na bundok.
2 Itoʼy mataas at maganda,
at nagbibigay kagalakan sa buong mundo.
Ang banal na bundok ng Zion ay ang bayan ng Makapangyarihang Hari.
3 Ang Dios ay nasa mga muog ng Jerusalem,
at ipinakita niyang siya ang Tagapagligtas ng mga taga-Jerusalem.
4 Nagtipon-tipon ang mga hari upang sumalakay sa Jerusalem.
5 Ngunit noong nakita ng mga hari ang bayan,
nagulat, natakot at nagsitakas sila.
6 Dahil sa takot, nanginig sila
gaya ng babaeng nanganganak na namimilipit sa sakit.
7 Winasak sila ng Dios tulad ng mga barkong panglayag[a]
na sinisira ng hanging amihan.
8 Noon, nabalitaan natin ang ginawa ng ating Dios,
pero ngayon, tayo mismo ang nakakita sa ginawa niya sa kanyang bayan.
Siya ang Panginoon ng hukbo ng kalangitan,
at patatatagin niya ang kanyang bayan magpakailanman.
9 Sa loob ng inyong templo, O Dios,
iniisip namin ang pag-ibig nʼyong matapat.
10 O Dios, dakila ang pangalan nʼyo,
at pinupuri kayo ng mga tao sa buong mundo.
Ang kapangyarihan nʼyo ay laging makatarungan.
11 Nagagalak ang mga mamamayan ng Zion,[b]
at ng mga bayan ng Juda,
dahil sa inyong makatarungang paghatol.
12 Mga mamamayan ng Dios,
libutin ninyo ang Zion at bilangin ninyo ang mga tore nito.
13 Tingnan ninyong mabuti ang mga pader at ang mga tanggulan ng bayan na ito,
upang masabi ninyo sa susunod na salinlahi,
14 “Siya ang Dios, ang Dios natin magpakailanman.
Siya ang gagabay sa atin habang buhay.”
Pagpapalain ng Panginoon ang Juda
18 Nagmamalasakit ang Panginoon sa kanyang bayan at naaawa siya sa kanyang mga mamamayan. 19 At bilang sagot sa kanilang dalangin sasabihin niya sa kanila, “Bibigyan ko kayo ng mga butil, bagong katas ng ubas, at langis, at mabubusog kayo. Hindi ko papayagang hiyain kayo ng ibang bansa. 20 Palalayasin ko ang mga sasalakay sa inyo mula sa hilaga at itataboy ko sila sa disyerto. Itataboy ko ang unang pulutong nila sa Dagat na Patay[a] at ang huling pulutong ay itataboy ko sa Dagat ng Mediteraneo.[b] At babaho ang kanilang mga bangkay.”
Tunay na kamangha-mangha ang ginawa ng Panginoon. 21 Hindi dapat matakot ang lupain ng Juda, sa halip dapat itong magalak dahil sa kamangha-manghang ginawa ng Panginoon. 22 Huwag matakot ang mga hayop, dahil luntian na ang mga pastulan at namumunga na ang mga punongkahoy, pati na ang mga igos, gayon din ang mga ubas.
23 Kayong mga taga-Zion, magalak kayo sa ginawa sa inyo ng Panginoon na inyong Dios. Sapagkat binigyan niya kayo ng unang ulan at nasundan pa ito gaya ng dati para ipakita na matuwid siya. 24 Mapupuno ng butil ang mga giikan, at aapaw ang bagong katas ng ubas at langis sa mga pisaan nito. 25 Sapagkat sinasabi ng Panginoon, “Ibabalik ko ang lahat ng nawala sa inyo noong mga panahon na sinalakay ang inyong mga pananim ng sunud-sunod na pulutong ng mga balang na iyon. Ako ang nagpadala sa inyo ng napakalaking pulutong ng mga balang. 26 Magkakaroon na kayo ngayon ng saganang pagkain at lubusang mabubusog. At dahil dito, pupurihin ninyo ako na inyong Dios, na gumawa ng mga kamangha-manghang bagay na iyon. At kayo na aking mga mamamayan ay hindi na mapapahiya kailanman. 27 Malalaman ninyo na akoʼy sumasainyo na mga taga-Israel, at ako lamang ang Panginoon na inyong Dios at wala nang iba pa. Kayo na aking mga mamamayan ay hindi na nga mapapahiya kailanman.
Ang mga Pagpapalang Espiritwal
28 “At pagkatapos, ibibigay ko ang aking Espiritu sa lahat ng tao. Ang inyong mga anak na lalaki at babae ay magpapahayag ng aking mga salita. Ang inyong matatandang lalaki ay mananaginip, at ang inyong mga binata ay makakakita ng mga pangitain. 29 Sa mga araw na iyon, ibibigay ko rin ang aking Espiritu sa mga utusang lalaki at babae.
Ang Kamatayan ni Cristo sa Krus
2 Mga kapatid, nang pumunta ako riyan upang ipahayag ang lihim na plano ng Dios, hindi ako gumamit ng malalalim na pananalita o karunungan. 2 Sapagkat ipinasya ko na wala akong ipangangaral sa inyo kundi si Jesu-Cristo lang at ang kanyang pagkapako sa krus. 3 Pumunta ako riyan na may kahinaan, at nanginginig pa sa takot. 4 At nang mangaral ako sa inyo, hindi ako gumamit ng matatamis na pananalita batay sa karunungan ng tao upang kumbinsihin kayo. Sa halip, pinatunayan ng Banal na Espiritu ang aking pangangaral sa pamamagitan ng kanyang kapangyarihan, 5 nang sa ganoon, hindi nakasalalay sa karunungan ng tao ang inyong pananampalataya kundi sa kapangyarihan ng Dios.
6 Kung sabagay, nagtuturo rin kami ng malalalim na karunungan sa mga matatag na sa pananampalataya, ngunit ang karunungang itoʼy hindi mula sa karunungan ng mundong ito, o sa mga namumuno sa mundong ito na nakatakda nang malipol. 7 Ang karunungang sinasabi ko ay ang karunungan ng Dios na kanyang inilihim noon. Itoʼy itinalaga niya para sa ating karangalan bago pa man niya likhain ang mundo. 8 Ang karunungang ito ay hindi naunawaan ng mga namumuno sa mundong ito. Sapagkat kung naunawaan nila, hindi sana nila ipinako sa krus ang dakilang Panginoon. 9 Ganito nga ang sinasabi ng Kasulatan,
“Wala pang taong nakakita, nakarinig, o nakaisip sa mga bagay na inihanda ng Dios para sa mga nagmamahal sa kanya.”[a]
10 Ngunit ang mga bagay na itoʼy ipinahayag na sa atin ng Dios sa pamamagitan ng kanyang Espiritu. Sapagkat ang lahat ng bagay ay nalalaman ng Espiritu, maging ang mga malalalim na kaisipan ng Dios. 11 Hindi baʼt walang nakakaalam sa iniisip ng isang tao maliban sa kanyang sariling espiritu? Ganoon din naman, walang nakakaalam sa iniisip ng Dios maliban sa kanyang Espiritu.
Ang Salita ng Dios (Tagalog Contemporary Bible) Copyright © 2009, 2011, 2014, 2015 by Biblica, Inc. ®